ITIGIL ANG TORTYUR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
1.) TORTURE - (tor' chur) n.- pahirap; pagkaturete ng utak; v.- pahirapan; palipitin; giyagisin; pigipitin; pahirapan ang isi, TORTURER n.
itigil ang sistematikong pananakit
sa mga biktimang kanilang ginigipit
binubugbog ang katawan, pinipilipit
kaya mistulang nasisiraan ng bait
bakit hinuhuli ang nakikipaglaban
mga nakikibaka'y bakit dapat saktan
gayong inilalaban nila'y karapatan
ng bawat tao at ng buong sambayanan
bakit pinahihirapan ang aktibista
ng mga alagad ng ahas na pasista
dahil ba pinababagsak ang diktadurya
dahil ba pinag-aalsa nila ang masa
mga aktibista'y maganda ang layunin
na sambayanan ay tulungang palayain
ngayon ay tinotortyur at pinaaamin
pinalo't tinatanggalan ng kuko't ngipin
tortyur na ginawa'y iba-ibang diskarte
yaong ari ng lalaki'y kinukuryente
ginagahasa naman daw yaong babae
ganitong pahirap ay nakatuturete
hinuhubaran, may piring ang mga mata
pinaso ng sigarilyo ang dibdib nila
rebelde ang turing sa mga aktibista
pagpapahirap sa kanila'y sobra-sobra
sa mga biktima ng tortyur ang epekto
ay takot at galit sa pasistang gobyerno
itigil ang tortyur, ang tao'y irespeto
magkaiba man sila ng mga prinsipyo
kung ganitong tortyur ay pinaiiral pa
ng gobyernong pasista't mapagsamantala
aba'y dapat lamang baguhin ang sistema
inuuod na ito't kawawa ang masa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento