ako'y ermitanyong nanahan sa malayong yungib
kaysarap mamuhay roon pagkat payapa't liblib
magtatanim, mangangaso, basta't kaya ng dibdib
ngunit dapat alam umiwas sa mga panganib
pakuya-kuyakoy man, nag-iisip, nagninilay
malayo sa kalunsurang punong-puno ng ingay
o, kaylamig ng hangin habang nagpapahingalay
habang nasa duyang sinabit sa punong malabay
pinagmamasdan ko ang mga bituin sa gabi
pag nakahiga na sa munting dampa't nagmumuni
kumusta kaya ang lipunan ng tuso't salbahe?
mapagsamantala pa rin ba sila't walang paki?
lumayo man ako sa lungsod nang makapag-isip
nais ko pa ring tumulong upang dukha'y masagip
ngunit kung ermitanyo na't iba nang nalilirip
di ko pa batid, buti pang ako muna'y umidlip
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento