Linggo, Marso 22, 2020

Hibik sa World Water Day

Hibik sa World Water Day

Hibik sa World Water Day nitong manggagawa't dukha:
Ibaba ang presyo ng tubig! Ibaba! Ibaba!
Bakit pinagtubuan ang likas-yaman ng bansa?
Ito'y serbisyo, di negosyo ng tuso't kuhila!
Karapatan ito ng tao, ng lahat, ng madla!

Subalit inaangkin ito ng ilang maykaya
Ang tubig na'y ninenegosyo ng kapitalista
Waring ito'y likas-yamang inari ng burgesya
Oo, pag-aaring nagpapayaman sa kanila
Raket ng mga kuhila't dusa naman sa masa!

Lahat may karapatan sa tubig. Inyo bang dinig?
Dapat sinumang umangkin nito'y ating mausig!
Winaglit na ba ang ating karapatan sa tubig?
At dahil ito sa kapitalismong bumibikig?
Teka muna, ang bayan ay sa tubig nakasandig!

Espesyal ang tubig sa ating bawat mamamayan
Ramdam nilang pag nagmahal ito'y dagok sa tanan
Di ito dapat magmahal, tao'y pahihirapan!
Ang tubig ay para sa lahat, sa dukha't mayaman
Yamang tubig na di dapat inaari ninuman!

- gregbituinjr.
03.22.2020

Walang komento: