YANGA AT SAPLAD
napakaliit na bagay lang ito sa marami
subalit para sa akin ito'y sadyang malaki
di madali ang itaguyod ang wikang sarili
upang pagbuhusan ko ng panahong sinasabi
tulad na lang sa nasagutan kong palaisipan
ang PASO pala ay YANGA, ang SAPLAD naman ay DAM
salita bang lalawiganin o may kalaliman
kahit sa munti mang tula'y maging tulay sa bayan
bakit ba pinag-aaksayahan ko ng panahon
ang ganitong salitang animo'y sagradong misyon
sa gawaing ito ba sa hirap makakaahon?
o gawain ng makata'y sa ganyan nakakahon?
tungkulin ng makatang tulad ko ang itaguyod
ang mga ganitong salitang nakita sa krosword
tungkuling pinagsisikapan at kayod ng kayod
at pinagtitiyagaan wala man ditong sahod
marahil, sadyang ganito ang buhay ng makata
hinahawi ang alapaap ng mga kataga
nakikipagbuno sa alon ng mga salita
hagilap ang ginto sa gitna ng putik at sigwa
- gregoriovbituinjr.
07.30.2024
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 29, 2024, pahina 10
* 17 Pababa - Saplad - DAM
* 20 Pababa - Paso - YANGA
Martes, Hulyo 30, 2024
Lunes, Hulyo 29, 2024
Hagkis at Kilatis: Isang Pagpupugay
HAGKIS AT KILATIS: ISANG PAGPUPUGAY
taospusong pagpupugay sa dalawang makata
kina Lamberto E. Antonio at Marne Kilates
akda nila sa panitikan ay kahanga-hanga
tulad ng kay Antonio na pinamagatang Hagkis
ng Talahib, na koleksyon ng kanyang mga tula
habang kay Kilates, pananaludtod ay kaykinis
nitong buwan ng Hulyo nang sila'y kapwa namatay
habang kapwa rin sila isinilang ng Nobyembre
magandang ipagdiwang paano sila nabuhay
lalo't mga tula nila'y may magandang mensahe
silang sa karaniwang tao'y laging nakaugnay
tulad ng tula ni Antonio sa mga pesante
habang si Marne ay tagasalin ng mga akda
tulad ng salin ng mga tula ni Rio Alma
muli, pagpupugay sa mahuhusay na makata
ang kanilang katha'y nspirasyon sa bansa't masa
- gregoriovbituinjr.
07.29.2024
* Lamberto E. Antonio (Nobyembre 9, 1946 – Hulyo 6, 2024)
* Mariano "Marne" Losantas Kilates (Nobyembre 5, 1952 - Hulyo 20, 2024)
* litrato mula sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) fb page
Kalat at dumi
KALAT AT DUMI
animo ang kalsada'y luminis
ang nasabi sa akin ni misis
bagyong Carina na ang nagwalis
gabok, basura't dumi'y inalis
baka iyan ang kasiya-siya
sa ginawa ng bagyong Carina
subalit kayraming nasalanta
na dapat nating tulungan sila
ngunit bakit ba may mga kalat
na basura't plastik, anong ulat
nagbara ba sa kanal ang lekat
ganyan ba'y ating nadadalumat
kahit sa laot ang mga isda
microplastic na ang nginunguya
kaya tiyan nila'y nasisira
pagkat basura'y di mailuwa
ano ngayon ang ating tungkulin
pagkalat ng basura'y di gawin
binabahang lugar ay ayusin
ah, ito'y pag-isipan pa natin
- gregoriovbituinjr.
07.29.2024
* litrato mula sa app game na Word Connect
Linggo, Hulyo 28, 2024
Pag-idlip
PAG-IDLIP
ngayong hapon ay naalimpungatan ako
nakita si alaga, tulog din tulad ko
animo'y nananaginip, aba'y tingnan mo
paa't buntot gumalaw nang kunan ng bidyo
pag tulog ba ako'y pagmamasdan din niya?
ano kayang ginagawa't aking itsura?
pansin ba niyang nagmuta ang aking mata?
o mas uunahin niya'y dagang puntirya?
paumanhin kung siya ang paksa na naman
siya kasi'y isang tapat na kaibigan
sa pag-uwi ko'y nagbibigay kasiyahan
kung may bigat ng loob ay biglang gagaan
sige, alaga, balik tayo sa pagtulog
abutin natin ang pangarap na kaytayog
at bakasakaling makapitas ng niyog
nakainom na, tayo pa ay mabubusog
- gregoriovbituinjr.
07.28.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/882316533741238
Sakay sa traysikel
SAKAY SA TRAYSIKEL
sakay kami ni misis sa traysikel
nakaupo roon, siya'y siniil
ko ng halik sa pisngi, di napigil
ang damdaming tila walang hilahil
kami'y nagtungo noon sa palengke
at mga kailangan ay binili
noodles, sardinas, okra, talbos, kape,
bigas, buti't di inabot ng gabi
bumili rin ng binhing itatanim
nang umulan, nagpahinga sa lilim
habang naiisip ko nang taimtim
ang nasalanta ng bahang kaylalim
ah, dapat mayroong laman ang bahay
kung umulan man, may kukuning tunay
lalo ngayong di tayo mapalagay
baka may bagyong muling masisilay
sa traysikel sumakay kaming muli
nang sa aming bahay ay makauwi
pahinga muna, sa lakas babawi
bukas itatanim ang bagong binhi
- gregoriovbituinjr.
07.28.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/411971717942142
Pananaliksik
PANANALIKSIK
patuloy akong magsasaliksik
ng anumang paksang natititik
o sa lansangan ay isyu't hibik
o usaping dapat isatitik
marahil iyan ang magagawa
ng tulad kong abang mangangatha
magsaliksik, maghanap, mangapa
ng paksang dapat batid ng madla
anong isyu ng dukha't obrero
bakit dapat itaas ang sweldo
bakit dapat labanan ang trapo
at ibagsak kasama ng amo
bakit maralita'y naghihirap
dahil ba sa trapong mapagpanggap
anong sistemang dapat magagap
ng maralitang di nililingap
patuloy kong gagawin ang misyon
sa kauri't gampanan ang layon
sasaliksikin ko ang kahapon
upang iugit sa bagong ngayon
- gregoriovbituinjr.
07.28.2024
Sabado, Hulyo 27, 2024
Si alaga
SI ALAGA
nakatunganga sa pinto, tila gustong lumabas
nang binuksan ko ang pinto, ayaw namang lumabas
gabi na, di umuulan, di siya kumaripas
bumalik sa loob, dito na siya nagpalipas
ganyan si alaga, mayroong higaang sarili
di hinahayaan, baka ako'y di mapakali
aba'y ilang bubuwit na ba ang kanyang nahuli
lalabas siya sa araw, bumabalik sa gabi
kahit paano'y natutuwa kami't may alaga
na animo'y mandaragit, nag-aabang ng daga
kaya nga madalas ang inuulam ko na'y isda
tirang ulo, hasang, buntot, ay sa alagang pusa
tara, alaga ko, sa banig, tayo nang umidlip
naroon ang musa ng panitik sa panaginip
sa pagtulog makata'y patuloy na nag-iisip
sana, nasalanta ng bagyo'y tuluyang masagip
- gregoriovbituinjr.
07.27.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/1043137127245996
Lumaki akong nagbabaha sa Sampaloc, Maynila pag may bagyo
LUMAKI AKONG NAGBABAHA SA SAMPALOC, MAYNILA PAG MAY BAGYO
asahan mo nang baha sa Sampaloc pag nagbagyo
kaya bata pa lang ako, pagbaha'y nagisnan ko
pinapasok ang loob ng bahay ng tubig-sigwa
bibili nga ng pandesal ay lulusong sa baha
ilang beses palutang-lutang ang tanim ni Ina
kinakapa ko sa baha tanim niyang orkidya
pag may bibilhin sa tindahan, ako ang lulusong
dapat alam mo saan may butas nang di mahulog
nasa kinder pa lamang ako'y akin nang nagisnan
na isang malaking ilog ang highway ng Nagtahan
bababa kami noon ng dyip galing sa Bustillos
pakiwari ko'y kahoy pa ang tulay doong lubos
matapos naman masunog ang likod-bahay namin
sinemento na ang Nagtahan nang ito't tawirin
upang pumasok sa eskwela, maputik ang landas
kaya suot kong sapatos ay may putik madalas
subalit laging nagbabaha pa rin sa Sampaloc
kaya nagbobota pag sa eskwela na'y papasok
pinataasan na ni Ama ang sahig ng bahay
ngunit ang lugar ng Sampaloc ay mababang tunay
sa nakaraang bagyong Carina, muling lumubog
ang aming bahay nang pumasok ang baha sa loob
nagbabalik ang alaala noong ako'y bata
na ako nga pala'y lumaki sa bagyo't pagbaha
- gregoriovbituinjr.
07.27.2024
* litrato ay screenshot sa selpon, mula sa GMA News, Hulyo 24, 2024
asahan mo nang baha sa Sampaloc pag nagbagyo
kaya bata pa lang ako, pagbaha'y nagisnan ko
pinapasok ang loob ng bahay ng tubig-sigwa
bibili nga ng pandesal ay lulusong sa baha
ilang beses palutang-lutang ang tanim ni Ina
kinakapa ko sa baha tanim niyang orkidya
pag may bibilhin sa tindahan, ako ang lulusong
dapat alam mo saan may butas nang di mahulog
nasa kinder pa lamang ako'y akin nang nagisnan
na isang malaking ilog ang highway ng Nagtahan
bababa kami noon ng dyip galing sa Bustillos
pakiwari ko'y kahoy pa ang tulay doong lubos
matapos naman masunog ang likod-bahay namin
sinemento na ang Nagtahan nang ito't tawirin
upang pumasok sa eskwela, maputik ang landas
kaya suot kong sapatos ay may putik madalas
subalit laging nagbabaha pa rin sa Sampaloc
kaya nagbobota pag sa eskwela na'y papasok
pinataasan na ni Ama ang sahig ng bahay
ngunit ang lugar ng Sampaloc ay mababang tunay
sa nakaraang bagyong Carina, muling lumubog
ang aming bahay nang pumasok ang baha sa loob
nagbabalik ang alaala noong ako'y bata
na ako nga pala'y lumaki sa bagyo't pagbaha
- gregoriovbituinjr.
07.27.2024
* litrato ay screenshot sa selpon, mula sa GMA News, Hulyo 24, 2024
Biyernes, Hulyo 26, 2024
Palaisipan
PALAISIPAN
bata pa'y nagsasagot na ako
ng krosword sa samutsaring dyaryo
umaga pa dyaryo'y bibilhin ko
upang krosword ay sagutan dito
sa palaisipan nahahasa
ang aking bokabularyo't diwa
nababatid ang mga salita
sa kasalukuyan, bago't luma
krosword ay malaking naitulong
nang wikang Filipino'y isulong
ang wikang mamahalin mong bugtong
tulad kong nagmamakata ngayon
nakaupo man sa gilid-gilid
sa krosword may tulang malulubid
salitang tinahi ng sinulid
tiyak sa dibdib may sayang hatid
- gregoriovbituinjr.
07.26.2024
* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024, p.10
21 patay kay 'Carina'
21 PATAY KAY 'CARINA'
inulat ng dalawang pahayagan
namatay ay dalawampu't isa na
kaya ingat-ingat, mga kabayan
dahil kaytindi ng bagyong 'Carina'
apat ang namatay sa Central Luzon
sa Calabarzon, sampu ang namatay
pito sa National Capital Region
dahil sa bagyo'y nawalan ng buhay
nasugatan ay labinlimang tao
habang lima yaong pinaghahanap
ayaw mang dinggin ang ulat na ito
ngunit mahalagang ito'y magagap
bakasakaling may maitutulong
paano kung tayo ang nasalanta
lalo't namatay ay walang kabaong
na tinangay ng baha, ni Carina
baka mayroon tayong kamag-anak
na walang kuryente't di na mabatid
ligtas ba o natabunan ng lusak
sana'y nasagip, ang mensaheng hatid
- gregoriovbituinjr.
07.26.2024
* ulat mula sa headline ng pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024
Si Pacquiao ang Asian Athlete of the Century
SI PACQUAIO ANG ASIAN ATHLETE OF THE CENTURY
taasnoong pagpupugay sa Pambansang Kamao
sa natatanging pagkilala pang natanggap nito
aba'y Asian Athlete of the Century na si Pacman
sa bansa'y isa na namang malaking karangalan
sa Top Twenty Five Asian Athlete siya ang nanguna
sa boksing ay walang kaparis ang nakamit niya
si Pacquiao ang natatanging boksingerong nagkampyon
sa walo, oo, walong magkakaibang dibisyon
sa tatlong dekadang karera'y nakitang magaling
limang beses na Fighter of the Year ng Ring Magazine
na pag humabol ng suntok ay PacMan, namamakyaw
kaya karangalan ay nakamit ni Manny Pacquiao
maraming salamat, Manny, mabuhay ka! Mabuhay!
sa iyo, buong bansa'y taasnoong nagpupugay!
at sa nagbigay ng karangalan, ang E.S.P.N.
pasasalamat sa inyo'y mula sa puso namin!
- gregoriovbituinjr.
07.26.2024
* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024, pahina 12
* ESPN - Entertainment and Sports Programming Network
* talaan ng 25 Asian Athlete of the Century mula sa kawing na: https://www.espn.ph/espn/story/_/id/40632727/top-25-asian-athletes-21st-century
Huwebes, Hulyo 25, 2024
Meryendang abukado
MERYENDANG ABUKADO
bigay lang sa amin ang abukado
na nang bata pa'y aking paborito
sa gitna abukado'y hinati ko
binukod muna ang naroong buto
ang laman ay kinayod kong talaga
saka ko nilagay sa aking tasa
kaunting asukal ay nilagay pa
saka aking hinalo ng kutsara
subalit si misis ay di mahilig
sa prutas, kaya ako ang kumahig
ng abukadong kaytamis, malamig
sa dila't animo'y nakakakilig
marami pong salamat sa nagbigay
at maganda ito sa pagninilay
tila ba tula ko'y nagiging tulay
upang daigdig ay maging makulay
- gregoriovbituinjr.
07.25.2024
Balitang Carina
BALITANG CARINA
tinunghayan ko ang pahayagan
ngayong araw, kaytitinding ulat
ng unos na naganap kahapon
nagbaha ang buong kalunsuran
nilampasan na ang bagyong Ondoy
sa buong pagluha ni Carina
baha sa maraming kabayanan
mga pamilya'y sinaklolohan
dahil nagsilubog ang tahanan
nilikha iyon ng kalikasan
ipinakita ang buong ngitngit
nagngangalit ang klima at langit
climate action na nga'y kailangan
upang matugunan ang naganap
subalit anong gagawing aksyon
makipag-usap sa P.M.C.J.,
K.P.M.L., Sanlakas, B.M.P.,
S.M. ZOTO, CEED, A.P.M.D.D
samahan natin sila sa rali
panawagan: climate emergency
mag-shift sa renewable energy
climate adaptation, mitigation
ipagbawal na ang mga coal plant
pati ang liquified natural gas
kontakin ang Bulig Pilipinas
para sa ating maitutulong
sa mga biktima ni Carina
kailangan ng kongkretong aksyon
para sa sunod na henerasyon
na may ginawa rin tayo ngayon
- gregoriovbituinjr.
07.25.2024
* litrato ay mga headline ng pahayagang Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 25, 2024
* PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice)
* KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod)
* BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino)
* SM-ZOTO (Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization)
* CEED (Center for Energy, Ecology, and Development)
* APMDD (Asian People's Movement on Debt and Development)
Palikero
PALIKERO
bata pa nang salitang palikero'y batid
dahil sa kapitbahay, tatak iyon ng dyip
ang "Palikerong Banal" agad ang naisip
na namamasada noon sa Balic-Balic
salita iyong sagot sa palaisipan
noong una'y di ko agad mawari naman
Babaero: Tatlumpu't Dalawa Pahalang
aba'y Palikero pala ang kasagutan
halos ilang dekada na, gayon katagal
batid ko na ngayon ang Palikerong Banal
salitang magkataliwas, di magkatambal
na kahulugan pala'y Babaerong Banal
salamat sa krosword at tayo'y natututo
ng lumang salita tulad ng Palikero
di ko na nasangguni pa ang diksyunaryo
sapat nang batid, Palikero'y Babaero
- gregoriovbituinjr.
07.25.2024
* krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 25, 2024, p.7
Miyerkules, Hulyo 24, 2024
Pitaya (dragon fruit)
PITAYA (DRAGON FRUIT)
mabuti't may dragon fruit o Pitaya
na siya namin ngayong mineryenda
aayaw-ayaw pa ako nang una
subalit kaysarap pala ng lasa
salamat sa dragon fruit, may pagkain
habang bagyo't humaginit ang hangin
dito sa Cubao ay meryenda namin
na buti't mataas, hindi bahain
si Bruce Lee nga'y nagunita ko ngayon
habang dragon fruit itong nilalamon
bida si Bruce Lee sa Enter the Dragon
at bida rin sa The Way of the Dragon
ang Pitaya ay binigay kay misis
na nang tikman ko ay manamis-namis
panlaban daw ito sa diabetes,
sa kanser, maging sa Parkinson's disease
laban din sa Alzhaimer o kalimot
prutas pala itong mabisang gamot
na sa atin pala'y may buting dulot
salamat sa Pitaya o dragon fruit
- gregoriovbituinjr.
07.24.2024
* ilang pinaghalawan ng datos:
Halaman
HALAMAN
nagtatabaan ang mga halaman
pagkat binubusog sila ng ulan
natighaw ang uhaw ng lupang tigang
sa bahaging ito ng kalunsuran
tag-araw pa'y lagi nang nagdidilig
ng halaman, iyon ang aking hilig
ngayon, sipol ng bagyo'y umaantig
sa puso't tila musika'y narinig
mga gulay sa paso, talong, sili
petsay, alugbati, kangkong, kamote
may gamot din sa kanser: ang mulberry
upang sa botika'y di na mawili
salamat sa mga tanim ni misis
habang tinanim ko'y okra't kamatis
mayroon din namang tanim na atis
na sana'y magsitubo nang mabilis
- gregoriovbituinjr.
07.24.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1083181226565202
Tagas sa loob ng bahay
TAGAS SA LOOB NG BAHAY
yerong bubong namin ay butas na
panay ang tagas ngayong may bagyo
apat na timba'y nilagay ko pa
upang tulo'y sahuring totoo
tila may waterfalls na sa bahay
unos at patak nga'y maririnig
patak ay minamasdan kong tunay
habang katawa'y nangangaligkig
tinapalan naman ito noon
tila di umubra ang bulkasil
patak na tila patalon-talon
na sa diwa ko'y umuukilkil
inipon ko ang naroong timba
na agad itinapat sa butas
habang lansangan na'y binabaha
subalit nais kong makalabas
nais kong bumili ng pang-ulam
ngunit bagyo'y kaylakas sumipol
tila ako'y tatangayin naman
ng bagyong animo'y nagmamaktol
- gregoriovbituinjr.
07.24.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/twgyPWor2R/
Do or Door
DO OR DOOR
pumasok ka sa pinto o lumabas
subalit huwag lamang sa bintana
ika nga, DO OR DOOR, aba'y ang angas
di DO OR DIE ang nalikhang salita
pariralang nabuo sa Word Connect
na paborito ko laging laruin
upang makapahinga yaring isip
sa paglipad doon sa papawirin
gagawin ko ang pinto, pintong kahoy
at lalagyan ng bisagra sa gilid
gagawin ko kahit na kinakapoy
natutunan sa Wood Work na'y magamit
bumabagyo, may pantabing sa lamig
bukod sa balabal, kurtina't kumot
pinto'y pantabing sa nangangaligkig
na ang ginaw sa balat nanunuot
mas mabuting may pinto kaysa wala
upang di mapasok ng magnanakaw
lalo na't tulog sa gabing payapa
o kahit tirik pa ang haring araw
- gregoriovbituinjr.
07.24.2024
Magbasá
MAGBASÁ
magbasa-basá habang bumabagyo
magbasá talaga ang aking bisyo
di ang magbasâ sa ulan o bagyo
kundi magbasá ng lathala't libro
ayoko namang magbasâ sa ulan
baka magkasakit yaring katawan
magbasá na lang sa munting aklatan
may nobela pa't may kwentong wakasan
kaylakas ng tikatik, bumabahâ
sa lansangan, kasama ko'y palanggâ
sa aming tahanang kayraming timbâ
upang saluhin ang patak ng sigwâ
tumatanda na ang iyong kapatid
buti't may aklat at may nababatid
upang pag buhay na ito'y mapatid
sa ulap ay may tulang ihahatid
- gregoriovbituinjr.
07.24.2024
Martes, Hulyo 23, 2024
Bagyo
BAGYO
dinig ko ang tikatik sa atip
bumabagyo, agad kong nalirip
sa harap ng bahay nag-iisip
na kung anu-ano'y nahahagip
nadarama ko'y matinding unos
ang rumaragasa't umuulos
malalaking patak ay natalos
kong gumuhit sa daan nang lubos
isa'y nag-abang ng masasakyan
kahit batid ang lakas ng ulan
baka papuntang pinapasukan
upang makapagtrabaho naman
at natighaw ang uhaw ng lupa
napawi ang katigangang sadya
sa ulap ako'y napatingala
sa bawat unos ay may paghupa
- gregoriovbituinjr.
07.23.2024
* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/514070264296902
Pagpupugay sa pagwawagayway
PAGPUPUGAY SA PAGWAWAGAYWAY
isang karangalang mabidyuhan
ang pagwawagayway ng bandila
ng samutsaring mga samahan,
ng guro, obrero, masa, dukha
na ginawan ko ng pagpupugay
at tulang makabagbag-damdamin
sumusuot sa kalamnang taglay
at yaring puso'y papag-alabin
binanggit ng tagapagsalita
sa rali yaong mga pangalan
ng mga samahang ang adhika
itayo'y makataong lipunan
sa kanila, mabuhay! MABUHAY!
iyan ang tangi kong masasabi
taaskamao pong pagpupugay
sapagkat sa masa'y nagsisilbi
mabuhay kayo, mga kasama!
kayong tunay naming inspirasyon
para sa karapatan, hustisya
at lipunan nating nilalayon
- gregoriovbituinjr.
07.23.2024
* bidyong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.22.2024
^ ang bidyo ay mapapanood sa: https://www.facebook.com/reel/1143756510213675
Nang umulan sa SONA
NANG UMULAN SA SONA
Sa SONA ay kaylakas ng ulan
Kaya raliyista'y naulanan
Mga pulis ba'y takot sa ulan?
At nauna sa masisilungan?
O ito lang ay napaghandaan?
Serve and protect ba'y talagang ganyan?
Sarili'y unang poprotektahan?
Pinrotektahan laban sa ulan...
- gregoriovbituinjr.
07.23.2024
* litratong kuha ng makatang gala sa Commonwealth sa rali sa ikatlong SONA ni BBM, Hulyo 22, 2024
Lunes, Hulyo 22, 2024
Said ang utak ng makata
SAID ANG UTAK NG MAKATA
nasasaid din ang utak ko
kaya wala pang maitula
pakamot-kamot lang ng ulo
tila baga natutulala
di mapiga-piga ang utak
kahit rinig mong lumagitik
nais nang gumapang sa lusak
bakasakaling may pumitik
nakatanga lang sa kisame
animo'y nais kong magbigti
walang lumabas na mensahe
ako ba'y talagang may silbi
isang tula sa isang araw
ang puntirya ng aking pluma
nang may tumarak na balaraw
sa likod ko'y nakikinita
ipahinga muna nang saglit
ang pagod kong puso't katawan
at baka ako pa'y masagip
mula sa dulo ng kawalan
- gregoriovbituinjr.
07.22.2024
Linggo, Hulyo 21, 2024
Makahiya
MAKAHIYA
hinipo ko ang damong Makahiya
tumiklop agad, parang nahihiya
di ko dalumat ang aking nagawa
nasiyahan ba sila o namutla
ako'y napadaan sa kasukalan
at ang Makahiya'y nahipo lamang
subalit sila'y agad nagtiklupan
na para bang dalagang matimtiman
at napaisip ako ng pabula
kung bakit sila'y tila nahihiya
dahil alaga sila ng diwata
at ang hipo ko'y hipo ng binata
naligaw lang ako sa kagubatan
ang diwata'y di naman liligawan
sapagkat ako'y may-asawang hirang
dahil sa hipo ko'y nagkahiyaan
marahil ganyan lang ang Makahiya
ramdam nila'y dalagang minumutya
na tila pagdating ko'y nagbabadya
na irog akong magtatalusira
- gregoriovbituinjr.
07.21.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tEnsTcp-Gq/
Isda sa kanal
ISDA SA KANAL
naglalanguyan ang makukulay
na isda sa malawak na kanal
pinanood ko na lamang sila
pagkat nakakatuwa talaga
nakunan iyon sa lalawigan
kaya sinubukan kong bidyuhan
yaong mga isdang kaytataba
marahil ay talagang alaga
sinasambit ko sa aking isip
kumuha kaya akong pamingwit
kaytataba, kaysarap ihawin
mamaya'y tiyak may uulamin
ay, di ko nga lang nagawa iyon
pagkat may ibang lakad at layon
- gregoriovbituinjr.
07.21.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tEEG5kxX7V/
Sabado, Hulyo 20, 2024
Munting suporta
MUNTING SUPORTA
suporta na sa kapwa manunulat
ang pagbili ko ng kanilang aklat
upang mabasa kahit di pa sikat
at malasahan tamis nito't alat
talaga namang pinag-iipunan
ang librong ilalagay sa aklatan
sa ganyan ko lang nasusuportahan
ang kahalagahan ng panitikan
minsan, tinitingala ko ang langit
kung ano ang literaturang bitbit
nobela, pabula, tanaga, dalit
o alamat, dagli, kwento ng paslit
minsan, nakakunot ang aking noo
animo'y seryoso, o nagtatampo
ay, nagbabasa lang pala ng kwento
ng hustisya't karapatang pantao
may kwento ng digma't estratehiya
may nobela rin sa chess at taktika
may libro sa klima't aklat pangmasa
masarap ang may aklatan talaga
- gregoriovbituinjr.
07.20.2024
Biyernes, Hulyo 19, 2024
Sunog
SUNOG
bata pa ako'y nagisnan ko nang masunog
ang likod bahay naming talagang natutong
nasa kinder pa ako nang panahong iyon
talagang uling pag mapupunta ka roon
bata pa lang, batid ko na ang kasabihang:
"mabuting manakawan kaysa masunugan"
bilin bago lumisan ng ating tahanan
tiyaking gamit ay tanggalin sa saksakan
tinititigan ko ang apoy sa kandila
kapag blakawt habang nakapangalumbaba
nagsasayawang apoy ang mahahalata
habang pinagpapawisan akong malubha
noon nga, bilin sa mga batang tulad ko:
"huwag maglaro ng kandila at posporo"
ngayon, huwag maglaro ng apoy, tanda ko
kaya sa asawa't pamilya'y tapat ako
aba'y may nakita na rin akong effigy
na sadyang pinaghirapan ang anyo't arte
sinunog bilang tanda ng pangulong imbi
na sa burgesya't di sa masa nagsisilbi
ah, kayrami ko nang nakitang mga sunog
lalo na sa lugar kong Quiapo't Sampaloc
ako'y tutulong pag may sunog sa kanugnog
ingat lang baka may kalan doong sasabog
- gregoriovbituinjr.
07.19.2024
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 16, 2024, pahina 8 at 9
Huwebes, Hulyo 18, 2024
Wala mang pera sa tula
WALA MANG PERA SA TULA
oo, walang pera sa tula
ang marami'y lumbay at luha
ang marami'y kawawang dukha
na inilalarawan ko nga
huwag mong hanapin sa akin
na sa pagtula'y yayaman din
wala ako sa toreng garing
kundi nasa kumunoy pa rin
na sinusubukang umahon
kaysa naman malunod doon
kayraming danas ng kahapon
na turing sa dukha'y patapon
ngunit ang dukha'y may dignidad
tulad ng makatang naglahad
na bagamat dukha'y masikap
buhay nila'y di umuunlad
kung sa pagtula'y walang kita
itong makatang aktibista
pagsisilbi ang mahalaga
sa bayan, sa uri, sa masa
tinutula ang adhikain
ng manggagawang magigiting
ng maralitang kaysipag din
upang ginhawa'y ating kamtin
- gregoriovbituinjr.
07.18.2024
Miyerkules, Hulyo 17, 2024
Ang mag-Ingles, ayon kay Marian Rivera
ANG MAG-INGLES, AYON KAY MARIAN RIVERA
anong ganda ng sinabi ni Marian Rivera
aba'y sadya namang sa kanya'y mapapahanga ka
ang kanyang sinabi: "Aanhin ko ang kagalingan
sa pag-i-Ingles kung hindi naman ako marunong
dumeskarte, at hindi mapagmahal sa magulang
o nakalimutan ko ang mga kaibigan ko.
Kung ang depinisyon ng pagiging matalino ay
mag-Ingles lang, 'wag na lang akong maging matalino."
di man siya makata o isang panitikero
ay nauunawa niya ang wika ng ninuno
ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit
pa sa amoy ng isang mabaho't malansang isda
maraming nag-i-Ingles dahil doon nanghihiram
ng tapang upang sila'y magmukhang kagalang-galang
kahit na pagkatao't ugali'y kagulang-gulang
tusong nag-i-Ingles upang sa iba'y makalamang
nakita nila sa wikang Ingles ang instrumento
ng pang-aapi at pagsasamantala sa tao
iniisahan ang katutubong di Inglesero
nilalamangan ang maliliit, dukha't obrero
O, Marian Rivera, salamat sa prinsipyo mo
ako'y lubos na nagpupugay, saludong totoo
paninindigang makamasa't sadyang makatao
dapat sinabi mo'y tumimo sa isip ng tao
- gregoriovbituinjr.
07.17.2024
* litrato mula sa Marian Rivera Fans fb page
Martes, Hulyo 16, 2024
Tulang binigkas sa SOHRA 2024
TULANG BINIGKAS SA SOHRA 2024
(State of Human Rights Address)
bilang sekretaryo heneral nitong organisasyong
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod,
tinalakay ko sa SOHRA ang mga isyu ng dukha
sa pagtatapos ng presentasyon, binigkas ko'y tula:
"for homeless and underprivilege" batay sa Konstitusyon
ang pabahay ngunit 4PH ay kaiba ang layon
ang 4PH ay pabahay di para sa walang bahay
kundi sa may Pag-ibig at kayang magbayad ng tunay
ang presyo pa ng pabahay ay batay sa market value
kaya tubo o profit ang pangunahing layon nito
dapat batay sa CAPACITY TO PAY ng maralita
at di sa tutubuin ng kapitalistang kuhila
parang sapilitan sa dukha ang 4PH na iyan
na sa ayaw mo't gusto, tatanggalin ka sa tahanan
etsapwera na ang maralita sa lipunang ito
ay nagagamit pa upang pagtubuan ng gobyerno
ang market value ay sagka sa karapatan ng dukha
na dapat gobyerno ang sa kanila'y kumakalinga
sa mga kasama sa SOHRA, kung kayo'y may mungkahi
pagtulungan natin upang dukha’y di naduduhagi
- gregoriovbituinjr.
07.16.2024
* litratong kuha ng makatang gala, 07.16.2024
* ang SOHRA ay pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA)
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)































