Huwebes, Hunyo 28, 2012

Ang Araw at ang Buwan


ANG ARAW AT ANG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may araw at buwan sa kalendaryo't kalawakan
magkaparehong tawag sa magkaibang dahilan
una'y pawang mga bagay doon sa kalangitan
na sa gabi't araw siyang tanglaw ng sambayanan
ang ikalawa'y petsang batayan ng kasaysayan
pagsilang, kaarawan, kung kailan ang tipanan

naunang tiyak ang kalawakan sa kalendaryo
kaya buwan at araw ipinangalan lang dito
malaki ang araw kaysa buwan, di ba't totoo
at bawat isang buwan, tatlumpu ang araw nito
ngunit ang mahalaga sa mga salitang ito
ay kung paano ginamit sa wikang Filipino

Miyerkules, Hunyo 27, 2012

Itigil ang Tortyur!

ITIGIL ANG TORTYUR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1.) TORTURE - (tor' chur) n.- pahirap; pagkaturete ng utak; v.- pahirapan; palipitin; giyagisin;  pigipitin; pahirapan ang isi, TORTURER n.

itigil ang sistematikong pananakit
sa mga biktimang kanilang ginigipit
binubugbog ang katawan, pinipilipit
kaya mistulang nasisiraan ng bait

bakit hinuhuli ang nakikipaglaban
mga nakikibaka'y bakit dapat saktan
gayong inilalaban nila'y karapatan
ng bawat tao at ng buong sambayanan

bakit pinahihirapan ang aktibista
ng mga alagad ng ahas na pasista
dahil ba pinababagsak ang diktadurya
dahil ba pinag-aalsa nila ang masa

mga aktibista'y maganda ang layunin
na sambayanan ay tulungang palayain
ngayon ay tinotortyur at pinaaamin
pinalo't tinatanggalan ng kuko't ngipin

tortyur na ginawa'y iba-ibang diskarte
yaong ari ng lalaki'y kinukuryente
ginagahasa naman daw yaong babae
ganitong pahirap ay nakatuturete

hinuhubaran, may piring ang mga mata
pinaso ng sigarilyo ang dibdib nila
rebelde ang turing sa mga aktibista
pagpapahirap sa kanila'y sobra-sobra

sa mga biktima ng tortyur ang epekto
ay takot at galit sa pasistang gobyerno
itigil ang tortyur, ang tao'y irespeto
magkaiba man sila ng mga prinsipyo

kung ganitong tortyur ay pinaiiral pa
ng gobyernong pasista't mapagsamantala
aba'y dapat lamang baguhin ang sistema
inuuod na ito't kawawa ang masa

Martes, Hunyo 26, 2012

Kaysakit ng ngipin ko

KAYSAKIT NG NGIPIN KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di mapakali sa sakit ng ngipin
hanap ko agad mefenamic acid
buong katawan ko'y apektado rin
hinihiwa yaring ulo ko't litid

kirot ay nais kong agad mawalâ
kaya dalawang tableta'y ininom
bakasakaling agad magkabisâ
yaong gamot kahit pa ako'y gutom

ayoko ng ganitong pakiramdam
para bang tinotortyur akong todo
ayokong ganito ang pakiramdam
pagkat nakakatuliro nga ito

kaya kong tiisin ang mga bugbog
ngunit hindi pag ngipin ang sumakit
para bang ang ulo ko'y sumasabog
parang buhay ko'y naroon sa bingit

higit isang oras bago nawalâ
ang kirot na itong nakasusugat
sa bungo ko't nakapagpatulalâ
sa akin, mabuti't ito'y naampat

sa hapding ito, ako'y nauupos
apektado ang lahat ng gawain
nawa ramdam ko'y gumaan nang lubos
nang matapos ang anumang nabinbin

Lunes, Hunyo 25, 2012

May kaldero'y wala namang bigas

MAY KALDERO'Y WALA NAMANG BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may kaldero'y wala namang bigas
may gasul pero walang lamang gas
may telebisyon, walang palabas
may radyong dinig mo'y pulos anas

at yung gripo'y wala na ring tagas
kaya plato'y walang hugas-hugas
ang palanggana't lababo'y butas
mag-ingat sa kubeta't madulas

pag ganito na ang iyong danas
di ba't ikaw'y sadyang mababanas
para kang walang magandang bukas
gayong sa mundo ikaw'y parehas

habang suot ang maong na kupas
at buhay na ito'y namamalas
payak na ngiti'y di na mabakas
gayong ito rin nama'y lilipas

ano nga ba yaong tamang landas
di ba't yung sa kapwa'y maging patas
kahit meron sa kanilang hudas
pumarehas ka't huwag mandahas

may kaldero'y wala namang bigas
may gasul pero walang lamang gas
gutom nga ba ang magiging bukas
nang abang nais lang pumarehas

Linggo, Hunyo 24, 2012

Sa Birhen ng Haraya


SA BIRHEN NG HARAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nariyan ka lang, alam ko 
ngunit hinahanap kita
kahit wala ka man dito
puso ko'y nakadarama

nariyan ka lang sa tabi
ang hinahabi'y haraya
ng pagsintang walang subi
kundi atas ng paglaya

bagamat tayo'y nagkita
hanap kita sa puso ko
kinakapa-kapa kita
nakaukit ka na rito

ikaw ang aking pag-ibig
nais kitang makaniig

(Jen, dagdag na naman ito sa mga tula ko sa iyo. minsan lang iyan)

Sabado, Hunyo 23, 2012

50 buhay para sa kalikasan

50 BUHAY PARA SA KALIKASAN
14 pantig bawat taludtod

(Hinggil sa balitang "Killings of environmentalists on the rise; 50 killed in Philippines" ng Associated Press, June 21st 2012, mula sa http://globalnation.inquirer.net/40833/killings-of-environmentalists-on-the-rise-50-killed-in-philippines)

Sa pagkamatay nila para sa kalikasan,
Di tayo patitinag, tuloy ang ating laban!
Kung sa pagkilos natin, dulot ay kamatayan
Mabuti pa ito kaysa tumunganga lamang!
- gregbituinjr, 062312


Biyernes, Hunyo 22, 2012

Natutulog akong dilat ang isang mata

NATUTULOG AKONG DILAT ANG ISANG MATA
ni Gregorio v. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

natutulog akong dilat ang isang mata
di dapat himbing na himbing, payo ni ama
dapat alerto lagi ang iyong pandama
kahit nananaginip, amoy mo ang bunga

payo ni ama'y malimit kong matandaan
lalo na't tulad ko'y parang nasa digmaan
lalo't madalas akong laman ng lansangan
kasama ang masa sa parang ng labanan

maraming nahimbing, di alam ang nangyari
magigising silang palibot na'y asupre
kung alerto lamang, di sila magsisisi
mga tulog-manok ay labuyo sa liksi

kahit ako'y alumpihit sa bungang-tulog
iidlip akong walang kibo't di uusog
isang mata'y dilat, isip ay umiinog
sino kayang dilag ang sa aki'y pupupog?

kaytitindi ng tunggalian sa lipunan
kaya di dapat himbing na himbing sa unan
sa lumalargang oras baka maiwanan
dapat sumabay sa daloy ng kasaysayan

dilat ang isang matang iidlip na naman
nang makapahinga ang payat kong katawan
ngunit kung oras ko na't biglang natuldukan
pipikit nang kusa, hihimbing nang tuluyan

Martes, Hunyo 19, 2012

Si Rizal, ang Matapang


SI RIZAL, ANG MATAPANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Jose Rizal, matapang na tao
sa putok ng baril, di tatakbo
tulad ng tapang ni Bonifacio
sa punglo ng dayo, di tumakbo

pinaglaban ang paninindigan
at mga prinsipyo niyang tangan
lalo ang pagmamahal sa bayan
kahit sa harap ng kamatayan

kinalaban ng bayaning ito
ang mga prayleng asal-demonyo
at ang maraming Padre Damaso
na mapang-api sa mga Indyo

layon niyang bayan ay lumaya
kaya sa nobela'y tinuligsa
yaong mananakop na Kastila
lalo ang mga prayleng kuhila

ginagawa ng Kastila't prayle
lalo't ang kanilang pang-aapi
ay inilantad sa Noli't Fili
kaya kay Rizal, sila'y gumanti

si Rizal, bayaning Pilipino
hinarap kahit punglo ng dayo
sa huling hininga'y usal nito:
"ang mamatay nang dahil sa iyo"

- Hunyo 19, 2012

Sabado, Hunyo 16, 2012

Ang Pantalon Kong Kupas


ANG PANTALON KONG KUPAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i.

larawan ng lumbay, dusa't pagdaralita
ang pantalon kong isang kahig, isang tuka

butas-butas na ito't pinagtitiisan
nag-iisang pantalon ng karalitaan

ii.

minsan nga, may suot nito'y naturingang Boss
ng isang pangulo sa masang binusabos

na hanggang ngayon maysuot nito'y mahirap
tila di maabot ang asam na pangarap

iii.

sa pantalong kupas ko ako'y nalulugod
pagkat sandekadang higit itong naglingkod

kasama pa ring nakikibaka, kasama
handang maglingkod sa maysuot at sa masa

Biyernes, Hunyo 15, 2012

Ang Bulsa Kong Butas

ANG BULSA KONG BUTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano ba tahiin ang butas na bulsa
ng luma kong pantalong laging walang pera

anong klaseng panulsi ang dapat magamit
upang masolusyunan ang bulsa kong gipit

may magagamit bang espesyal na karayom
sa butas na bulsa ng tiyang nagugutom

gayundin naman, may espesyal bang sinulid
na naimbento ang kapitalistang ganid

mayroon kayang nararapat na makina
na susulsi sa bulsang nabuhay sa dusa

bakit butas ang bulsa ng aking pantalon
baka kailangan ko nang magrebolusyon

hindi kailangan ang anumang espesyal
upang masulsi ang bulsang butas at pagal

kung ang pagsulsi'y sistemang pahirapan pa
ang pantalong luma'y dapat lang palitan na

Huwebes, Hunyo 14, 2012

Lulutang-Lutang ang mga Plastik sa Dagat

LULUTANG-LUTANG ANG MGA PLASTIK SA DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lulutang-lutang ang mga plastik sa dagat
sa Manila Bay pa lang, kita ito agad
kaylawak nitong basurahang tubig-alat
paano kung dagat na'y mapuno't masagad

lulutang-lutang ang mga balat ng kendi
kasamang lumulutang ang balot ng tae
gobyerno'y anong ginagawa't sinasabi
sa plastik sa dagat na iba't ibang klase

sa dagat ng basura'y nakaligo ka ba
tulad ng isang trapong kung umasta'y dukhâ
kayrami ng plastik sa dagat ng basura
plastik na lumulutang akala mo'y dikyâ

tila ba ang mundo'y wala nang pakiramdam
isda, pagong, pating, kinakain na'y plastik
sa nangyari'y meron ba tayong pakialam
dagat ng plastik nga'y sa atin din babalik

araw-gabi'y nadaragdagan ang basura
kaya paisa-isang linis, di solusyon
paggamit ng plastik dapat ipagbawal na
buong bayan dapat ay gawin ito ngayon

susunod na salinlahi'y isalba natin
kaya ating sagipin itong karagatan
basura nito'y dapat lang nating tanggalin
at bawat buhay dito'y ating alagaan

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Merkado na ba ang pamahalaan?


MERKADO NA BA ANG PAMAHALAAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming isyu, tutunganga ka na lang ba
tumaas bigla ang presyo ng gasolina
kaya ibang bilihin naapektuhan na
bihira na yatang makabili ng mura

kaymamahal na ng bilihin sa palengke
doble na kilo ng talong, kamatis, gabe
at ibang gulay, damay na rin pati karne
may petisyon pang taasan ang pamasahe

sa ganitong lagay, saan tayo patungo
lalo't mamamayan ay natutuliro
manggagawa'y kayod-kalabaw, nahahapo
parang hinahaluan ang pawis ng dugo

ang merkado'y ginagawa tayong alila
dahil akala nila tayo'y tutunganga
magtitiis sa buhay na kasumpa-sumpa
pinaiikot nila sa palad ang madla

anang merkado, "taasan natin ang presyo
tindihan na ang kumpetisyon nating ito
bahala na kung lalong maghirap ang tao
importante'y tutubo ng tutubo tayo!"

sa ganito, ang madla'y di napapakali
dahil para silang tinamaan ng peste
di nila mawawaang ganito karami
ang mabibiktima ng mga negosyante

kung sa sarili nagsisilbi ang merkado
mag-alsa na ang mamamayang apektado
bayan ay pinagharian na ng negosyo
tinatakda na nito ang buhay sa mundo 

ang merkado na nga ba ang pamahalaan
sila na ba ang nagpapaikot sa bayan
gobyerno ba'y wala nang papel sa lipunan
kaibigan, lipunang ito'y pag-aralan

Linggo, Hunyo 10, 2012

Ilog ka muna bago naging dagat

ILOG KA MUNA BAGO NAGING DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ilog ka muna bago naging dagat
katotohanang iyan ba'y di sapat
di ba't ikaw'y dati ring nagsasalat
bakit ngayong kabayo ka nang bundat
nagmamayabang na't parang di mulat

bago naging dagat, ikaw ay ilog
dahilan kami bakit ka malusog
nang nagtagumpay ka, ulo'y bumilog
nag-iba nang marating ang tugatog
kelan ka magigising, mauuntog

iyong tanawin ang pinanggalingan
nang marating ang tamang pupuntahan
nang ang tagumpay ay iyong nakamtan
nilait na ang mga kasamahan
bakit kailangan mo nang magyabang

balang araw, babalik ka sa ilog
itatakwil ng dagat na inirog
babagsak ka sa iyong pagkatayog
ngunit kaming iyo nang binubugbog
di ka pa rin hahayaang malasog

Sabado, Hunyo 9, 2012

Ang nais makaniig

ANG NAIS MAKANIIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kahig ng kahig ang dumalagang manok sa lupa
Alipala'y uod ang hinahanap kapagdaka
Kakayod bakasakaling may uod na matuka

Ang inahing manok nama'y kasama ang inakay
Nang mangitlog ito sa tabi ng kaban ng palay
Tumilaok naman ang tandang na di mapalagay

Umastang mandaragit ang lawin sa kalangitan
Tandang naman ay umastang handa sa sagupaan
Inisip marahil na pamilya'y protektahan

Naroon naman ang dilag na nais makaniig
Kusa kayang dumadaloy sa ugat ang pag-ibig?
Ito na ba ang panahong puso'y dapat makinig?

Tatangkain kong angkinin ang puso ng dalaga
At hihilinging habambuhay siyang makasama

Huwebes, Hunyo 7, 2012

Kapanatagan sa Banlik ng Panatag

KAPANATAGAN SA BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon

Scarborough shoal sa wikang Ingles ang dito'y tawag
Bajo de Masinloc naman yaong Kastilang bansag
sa wikang Filipino ito'y Banlik ng Panatag
at ang banlik na ito ang usaping nakalatag

sa lapit nitong banlik sa bansa ito nga'y atin
dahil sa interes ng dayo, tayo’y didigmain
ah, mabuti pang banlik na ito'y walang mag-angkin
tulad niyang ilog, karagatan, araw at hangin

imbes na digmaan, dapat pag-usapan ang isyu
paano ba dapat linangin ang banlik na ito
ngunit naririyan na ang Tsino't Amerikano
tila naggigirian ang pandigma nilang barko

nang mapatalsik base militar ng Amerika
hanap nila'y paanong pupwestong muli sa Asya
sa isyu ng Panatag, tila isip nila'y gera
tila gusto na nilang digmain ang bansang Tsina

at sa isyu ng Panatag, tila ba piyon tayo
dalawang higante'y nagpapayabangan na dito
ngunit bakit digmaan ang magreresolba nito
gayong pwedeng pag-usapan ang mga isyu rito

banlik ba'y sa Tsina, sa Pilipinas, o panlahat
di tayo piyon ng mga kapitalistang bundat
di tayo dapat padala sa mga pang-uupat
ng mga bansang tanging tubo ang adhikang tapat

nais ko'y kapanatagan sa Banlik ng Panatag
imbes na diwa ng digma ang dito'y nakalatag
dugo't kanyon ay di tugon sa usaping kaydawag
kundi diwang payapa ang unang dapat ihapag

linangin ang banlik para makinabang ang lahat
dahil walang dapat mag-angkin ng banlik at dagat
mahinahong pag-usapan ng madla't diwang mulat
ang lutang at tagong isyu rito, balita't ulat

dapat makinabang lahat sa Banlik ng Panatag
sa prinsipyong ito, walang bansang dapat lumabag
anumang tambol ng digmaan ay dapat mabasag
sa anumang pang-uupat, di tayo patitinag

kapanatagan ang una, di tubo't panghahamig
walang dugong dapat tumagas, ito'y aming tindig
kapayapaan sa banlik yaong dapat marinig
na ipagsisigawan natin sa buong daigdig

* Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal

Martes, Hunyo 5, 2012

Kontraktwal ka lang?

KONTRAKTWAL KA LANG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag nakatapos ka sa kolehiyo
tagatinda ka na lang ni Henry Sy
isa ka lang kontraktwal na obrero
tagabantay lang ng iskaparate

ah, ganito ba ang pinangarap mo?
ganito ba ang nais mong mangyari?
kolehiyo'y tinapos, nagtrabaho
kontraktwal ka lang, anong masasabi?

kulang, kung di man walang benepisyo
sweldo'y kaybaba, kontraktwal lang kasi
di ka maregular ng iyong amo
tao ka ba o makinang may silbi?

mag-organisa kayo, o kontraktwal
sinasamba ng amo nyo’y kapital
na sa puso'y tubò ang dinarasal
"kontraktwal lang kayo!" ang laging usal

Lunes, Hunyo 4, 2012

Sa karapatang pantao tayo pumanig


SA KARAPATANG PANTAO TAYO PUMANIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

upang patunayan kong ako'y isang kabig
naririto ako't ayoko ng ligalig
respeto sa karapatan ang aking tindig
at sa anumang tiwali'y di padadaig

sa karapatang pantao tayo pumanig
di sa anumang gawaing nakatutulig
kayganda ngang dinuduyan tayo ng himig
nito kaya't sa iba'y huwag palulupig

karapatang pantao'y tanda ng pag-ibig
tulad ng dalagang ang puso'y nananalig
na bawat pasiya'y sa karapatan sandig
kaya mundo'y di na sa dahas manginginig

ang karapatang pantao'y kaygandang himig
puso'y dinuduyan ng malamyos na tinig
kaya marapat lang tayo'y magsumigasig
upang palaganapin ito sa daigdig

Makatang Birador


MAKATANG BIRADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako'y birador, isang makatang birador
pilit naniningil, kapara ng konduktor
kung problema mo'y sakit, gaya ko'y doktor
subalit kung patay ka na'y embalsamador

makatang birador akong bira ng bira
mga tiwali sa tula ko'y pinupuna
sakaling marinig nila ito't mabasa
mensahe ko'y sadyang tagos sa kaluluwa

uupakang todo ang sinumang tiwali
elitista't burgesyang nag-aastang hari
at gahamang may malalaking pag-aari
silang mapangmata't mapanira ng puri

pupurihin kita pag ikaw ay kaybait
lalo na't totoong lingkod sa maliliit
papuring tagos sa puso't abot sa langit
dahil makata'y kakampi ng nagigipit

Sabado, Hunyo 2, 2012

Kung alam lang nila (Talambuhay ng isang makata)


KUNG ALAM LANG NILA
(Talambuhay ng isang Makata)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ang tingin sa makata'y walang ginagawa
dahil sa kawalan laging nakatunganga
kung alam lang nila
makata'y kayrami nang natapos na katha

makata'y nakatingala lang sa kisame
tahimik ngunit ano kayang sinasabi
kung alam lang nila
natahi na sa isip ang nasa kukote

makata ba'y ilang poste na ang nabilang
ilan na ang nasagupang sangganong halang
kung alam lang nila
tangan na ng makata ang tulang may sundang

makatang yao'y pinagtatawanan nila
pagkat laging wala sa sarili, sabi pa
kung alam lang nila
ang musa ng panitik ay kaniig niya

makata'y tahimik, tila may dinaramdam
balewala sa masa, anong pakialam
kung alam lang nila
makata pala'y malubha ang pakiramdam

tulad ng isang nauupos na kandila
hawak pa rin ang pluma'y pumikit na bigla
kung alam lang nila
kinatha ng makata'y pinal niyang tula

Ang napiling gawi

ANG NAPILING GAWI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

i
makatang payak, sa lumbay sakbibi
sukat at tugma ang napiling gawi
ang kinakatha'y paksang sari-sari
saya, tigang, kawalan, pusong sawi
di lumuluhod sa sinumang hari
tanging ang bayan ang hari ng lipi

ii
kumikilala sa obrerong uri
na siyang tagapagtanggol ng lahi
wawakas sa pribadong pag-aari
lalo sa sistemang mapang-aglahi
nagbubuklod, ayaw sa mapanghati
upang bayan ay di maging lugami

Biyernes, Hunyo 1, 2012

Di dapat magsawa sa pakikibaka

DI DAPAT MAGSAWA SA PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Prinsipyo ito ng walang sawang pakikibaka
Laban sa balakyot na kapitalistang sistema
Dugo, pawis, talino ang alay ng aktibista
Upang wakasan ang anumang pagsasamantala

Tuloy lang ang laban, huwag tayong manghihinawa
Tuloy ang pakikibaka at huwag manghihina
Patuloy na organisahin yaong manggagawa
Ang masa, at lahat ng dukha tungo sa paglaya

Pag-aralan at angkinin ang diwang sosyalismo
Parating ipagtanggol ang karapatang pantao
Di dapat magsawa sa pangarap na pagbabago
Wakasan ang sistemang bulok, rasismo, pasismo

Manggagawa, magkaisa, ang sistema'y baguhin
Daigdig na walang pang-aapi'y itayo natin!

Huwebes, Mayo 31, 2012

Di tayo naging tao upang maging alipin


DI TAYO NAGING TAO UPANG MAGING ALIPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kasuklam-suklam sa uring mapagsamantala
ang anumang diwang magpapalaya sa masa
ayaw nila sa diwang nagbibigay pag-asa
at baka masa'y mag-alsa laban sa kanila

ngunit wasto nga ba't dapat may inaalipin
na kayod ng kayod upang iba'y makakain
ang magsasaka'y walang sariling lupang angkin
ang manggagawa sa pabrika'y alipin na rin

di ka ba nagtatakang yaong kayod ng kayod
ay kawawa't sila pang sa hirap lumuluhod
kaysisipag magtanim, mag-araro't magsuyod
ang iba'y kaybaba ng natatanggap na sahod

pag-aralan ang lipunan, sadya bang ganito
yaong masisipag ang naghihirap ng todo
kay-aagang magsibangon upang mag-araro
binabarat ang lakas-paggawa ng obrero

merkado na ba ang nagpapatakbo sa bayan
sila na bang umuugit sa pamahalaan
kung ganito ang unawa natin sa lipunan
di tayo lalaya kung tatanggapin ang ganyan

pilit sinubo sa atin ng kapitalismo
na balewala ang karapatan sa negosyo
di raw tayo bubuhayin ng pulos serbisyo
nagtatakda ng buhay natin ay ang merkado

ganito'y sadyang mali kung pakakaisipin
ituwid natin ang baluktot nilang pagtingin
di tayo naging tao upang maging alipin
mga kaapihang ito'y dapat nang tapusin

sa ating isipan ang simula ng labanan
unawain natin ang takbo ng kasaysayan
halina't ating pag-aralan itong lipunan
at kumilos tungong paglaya ng sambayanan

Miyerkules, Mayo 30, 2012

Nasaan ka, babaeng makata?

NASAAN KA, BABAENG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nasaan ka kaya, O, babaeng makata
nais kong masilayan ang ganda mo't laya
aalayan kita ng malambing kong tula
ikaw'y matagal ko nang sa puso'y kinapa

maari bang sa araw-araw maging musa kita
dahil gabi-gabi na lang nasa panaginip ka
pareho kitang lumilikha ng tula sa masa
tila ba tayo'y magkapareho't magkapareha

nais kitang makasama sa hirap at ginhawa
ngunit nasaan ka't sino ka, babaeng makata
lagi mo na lang nililigalig ang aking diwa
naroon ka kaya sa gitna ng ligaya't luha

naroroon ka kaya sa mata ng bawat masa
o sa nanlilipak na kamay nitong magsasaka
nasa dibdib ng pinagsamantalahang dalaga
o nasa tuhod ng hinahabol na manininda

hinahanap-hanap kita sa panahong payapa
anino mo'y hinahanap ko sa parang ng digma
marahil nasa bisig ka ng bawat manggagawa
o nasa bituka ng ginutom na maralita

ano't pasasaan din, magkikita kita
marahil ilang beses na tayong nagkita
bagamat di nakilala ang isa't isa
sa puso'y matagal na tayong magkasama

Martes, Mayo 29, 2012

Ang Hapon at ang Pulubing Pilipino

ANG HAPON AT ANG PULUBING PILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(mula sa komento at kwento ng isang Hapon na tinulungan ng isang pulubi nang maholdap ito, sa balitang "Filipinos urged to observe Philippine Flag Day on May 28" sa yahoo.com, mula sa kawing na http://ph.news.yahoo.com/filipinos-urged-observe-philippine-flag-day-may-28-035615124.html)

minsan sa yahoo ay nagkomento ang isang Hapon
na naninirahan na sa bansa ng sampung taon

dalawang Pinoy umano ang nangholdap sa kanya
bugbog-sarado siya't nilimas pa ang pitaka

tanging naiwan sa kanya'y ang kanyang kasuotan
humingi ng saklolo ngunit walang masulingan

nagpapahatid sa ospital sa tsuper ng taksi
singil ay dalawang libong piso, siya'y tumanggi

dahil wala nang maibigay na ganoong pera
kaya siya'y iniwan nito't bahala na siya

nadismaya ang Hapon na siya pa'y naparito
nang may lumapit na pulubing nais sumaklolo

marungis ang pulubi't sira-sira yaong suot
nakayapak, tila taong grasa't siya'y natakot

lumayo ang Hapon, akala'y muling nanakawan
sinundan siya ng pulubi't siya'y tinulungan

nagtungo sila sa ospital, pati sa pulisya
ngunit pangalan ng pulubi'y di niya nakuha

nang makapahinga ng dalawang araw ang Hapon
kasama'y igan at hinanap ang pulubing iyon

upang pasalamatan at bigyan ng gantimpala
ngunit ito'y tinanggihan ng pulubing kawawa

"paumanhin sa ginawa ng aking kababayan
subalit hindi po lahat ng Pilipino'y ganyan"

"tanging hiling ko lamang, sana'y iyong maikwento
na dukha man, may mabuting puso ang Pilipino"

matapos ito'y lumisan ang pulubing kawawa
hinabol ng Hapon, giniit niya ang pabuya

ngunit muling tumanggi ang pulubing kababayan
umalis na ang Hapon, bumalik ito sa Japan

isang buwan lang, balik-Pilipinas yaong Hapon
pulubi'y hanap, bibigyan daw ng trabaho iyon

ngunit nanlumo ang Hapon sa balitang natanggap
patay na't sinalpok ng bus yaong pulubing hanap

di nalilimutan ng Hapon ang magandang gawa
ng pulubing Pilipino na buhay ay kawawa

kaya ang tanging kahilingan ng pulubing ito
ay kanyang tinupad sa kanyang puso't pagkatao

at sa buong mundo'y kanyang ipinagmamalaki
na sa Pilipinas, kayraming pusong mabubuti



Lunes, Mayo 28, 2012

Sinong Nagmamay-ari ng Ginto?


SINONG NAG-AARI NG GINTO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino bang lumusong sa ilalim ng lupa
upang ginto'y hanapin, kanilang kinapa
hindi ba't sila'y yaong mga manggagawa
di mga kapitalistang nakatunganga

minero'y nagsitungo sa kailaliman
upang mahagilap ang ginto sa putikan
kanila ngang nilusong ang kapanganiban
na maaring humantong sa kapahamakan

bawat ginto'y may kumikilatis ng uri
na tiyak na kakampi niyong naghahari
minero ang nagmina, iba ang nag-ari
minerong binabarat sa dapat na salapi

mga may-ari ng ginto'y di nagmimina
proseso mula sa lupa hanggang makina
paggiling, pagkiskis, pagkono at iba pa
tanging manggagawa ang gumawang talaga

ngunit ang pinagtatakhan ng mga tao
nagmamay-ari ng ginto'y di ang minero
walang karapatan ang sinumang obrero
pagkat may-ari'y ang elitistang barbaro

iba ang nagmina, iba ang nagmay-ari
sa sistemang ganito'y obrero ang lugi
manggagawa'y dapat mag-alsa bilang uri
sa pinagpagura'y sila'ng dapat maghati

Ang Silent Spring ni Rachel Carson

ANG SILENT SPRING NI RACHEL CARSON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tahimik ang tagsibol, pestisidyo'y laganap
sinisira ang pananim at nagpapahirap
si Rachel Carson sa kanyang aklat ay nangusap
sa Silent Spring, dulot ng pestisidyo'y saklap

mula noon, agad namulat ang sambayanan
na dapat pangalagaan ang kapaligiran
umpisa na ng kilusang makakalikasan
sa Amerika'y nagsikilos ang taumbayan

natamaang kaytindi ang mga korporasyon
ng industriyang kemikal sa kanilang hamon
inspirasyon ng taumbayan si Rachel Carson
sa usaping kalikasan ay nagrebolusyon

at malawak na kilusan nag-umpisa rito
hanggang lumaganap sa kamalayan ng tao
na dapat kalikasan ay alagaan ninyo
para sa bukas at buhay ng kayraming tao

27 Mayo 2012, kasabay ng ika-105 kaarawan ni Rachel Carson

Linggo, Mayo 27, 2012

Ang buhay nga ba'y isang tula?



ANG BUHAY NGA BA'Y ISANG TULA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may nagsabing ang buhay daw ay isang tula
at ako naman ay di agad naniwala
nais kong suriin kung buhay nga ba'y katha
sa ating buhay ba'y tadhana ang lumikha?

paano ba naging tula ang isang buhay?
saknong at taludtod ba'y sino ang naglagay?
sinong kumatha ng kaygagandang tayutay?
sa mga likhang tula'y sino ang nagsikhay?

may isang bathala bang sa tula'y nagsulat?
sa bilang ng pantig, tadhana ba'y nagsukat?
nanaisin ng tutulang mayaman lahat
kung buhay ay tula, bakit may nagsasalat?

ang mismong maykatawan ba yaong kumatha
ng kanilang buhay na isang talinghaga?
di nga nila masulat ang wakas ng tula
iyon pa kayang buhay, kanilang malikha?

depende kung sinong sa buhay ay titingin
kung masalimuot, buhay ay matulain
kung isang hampaslupa, may  tula bang angkin?
at kung mayaman, may tula bang aanihin?

may nabuhay sa mundong siya'y sinusumpa
may bayaning ang buhay ay dinadakila
sadyang ang buhay sa mundo'y matalinghaga
kaya tiyak may buhay na maitutula

Biyernes, Mayo 25, 2012

Ayuno ng mga Pultaym

AYUNO NG MGA PULTAYM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ayuno kahit di Mahal na Araw o Ramadan
at kakain na lang tuwing gabi, walang agahan
dahil walang alawans, wala na ring tanghalian
kumakain ng altanghap, kahit konti'y hapunan

ang masang maralitang aming inoorganisa
ay hindi namin talaga hinihingan ng pera
lalo na't kulang pa iyon sa panghapunan nila
dapat pa nga'y kami ang magbigay sa dukhang masa

ganito ang nangyayari sa tulad naming pultaym
na ayaw gumawa ng anumang katiwalian
nang dahil sa prinsipyo'y ayaw naming magpayaman
pagkat anumang anumalya'y kami ang kalaban

tanong ng ilan, lider nyo ba'y di nireresolba
at di inaalam ang anumang inyong problema
wala kaming itugon, marahil pabaya sila
walang paki sa kalagayan ng mga kasama

sabi nga ng iba, di makakain ang prinsipyo
ngunit mas mahirap kumain kung wala ka nito
kaya patuloy kaming kumikilos para rito
kahit madalas na itong aming pag-aayuno

di ba't kilusang gutom ay pilit naming niyakap
para sa mga pagbabagong ating pinangarap
kaya di kami kakalas gaano man kahirap
mga problema'y maaayos din sa hinaharap

kung may palpak na lider, mapapalitan din sila
ng totoong may pakialam sa mga kasama
pag nangyari ito'y paiiralin ang hustisya
walang lamangan, mababa man o mataas siya

bagamat nag-aayuno ngayon ang mga pultaym
patuloy kaming kikilos sa rali sa lansangan
didiskarte kaming ligal para makakilos lang
at sa aming kapwa'y di pa rin kami manlalamang

Mga Trapo'y Nakakahiya

MGA TRAPO'Y NAKAKAHIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa bansa'y mga trapo ang namamayagpag
na sariling interes ang inaatupag
gagawa ng batas, silang unang lalabag
kaya pagdating ng krisis, bayan ay hungkag
pagkat mga pinuno'y walang kasing sipag

kaya mga trapong ito'y nakakahiya
kaysisipag na tiwali'y nasisikmura
binubulsa pa nila ang pondo ng bansa
pondong mula dugo't pawis ng manggagawa
ang kapakanan ng bayan ay balewala

kaya dapat lang ibagsak ang mga trapo
at baguhin ang sistema ng bansang ito
ilagay sa pedestal ang dukha't obrero
sweldo'y pantayin sa obrero't pulitiko
hanggang bagong sistema'y tanggapin ng mundo

Martes, Mayo 22, 2012

Thief Justice o Cheap Justice?

THIEF JUSTICE O CHEAP JUSTICE?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

talagang kawawa ang hustisyang pambayan
kung yaong dapat maggawad ng katarungan

ang siya pang unang dito'y magbabaluktot
pag matinding tinamaan, nagpapalusot

siya yaong punong naroon sa mataas
kabisadong paikot-ikutin ang batas

ngunit nagbigay siya ng maling halimbawa
nang umalis bigla matapos magsalita

marangal daw ngunit nagdadangal-dangalan
pilit lulusot kung merong malulusutan

harapin niyang dapat ang nasa ng masa
kung di'y alis na bilang puno ng hustisya