PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.
Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.
Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.
Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Naroon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.
Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.
Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan.
Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.
Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.
Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.
Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng Caloocan. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla.
Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.
Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong sa mga pinuno ng Katipunan na ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio ang ginanap sa Pasig, na idinaos sa bahay ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na "Asamblea Magna" na isa marahil sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).
Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.
Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.
Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.
Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasasayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - and 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.
ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG
isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon
pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil
nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna
sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan
ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi
02.07.2026
















Walang komento:
Mag-post ng isang Komento