ayokong buhay ko'y gugulin sa pagbabayad lang
ng noong kabataan ko'y kung anu-anong utang
kaya pinanindigan ko nang huwag mangungutang
kung di tiyak na sa takdang oras ay mabayaran
dahil nakasalang sa utang ay mismong dignidad
at ang iyong salita kung di ka makapagbayad
tiyak na sa kahihiyan, sarili'y malalantad
higit pa sa katawang katanghalian binilad
talagang kayod kalabaw, trabaho ng trabaho
sa pagbabayad ng utang nakatuon ang ulo
pinapatay ang katawan mabayaran lang ito
di na madama ang esensya ng buhay sa mundo
limang taon, sampung taon, di pa bayad ang utang
pakiramdam niya, buhay niya'y palutang-lutang
nabubuhay lang siya sa pagbabayad ng utang
pulos pagtitipid hanggang bumigay ang katawan
sino na ngayong magbabayad ng kanyang inutang?
ang kanyang asawa't anak bang walang kinalaman?
paano sila kung kunin siya ni Kamatayan?
ang ganitong trahedya'y paano maiiwasan?
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento