Linggo, Agosto 30, 2009

Ako Man ay Busabos

AKO MAN AY BUSABOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ako man sa mundo'y isang busabos
Kahit hirap man ay nakakaraos
Dahil nagtatrabaho akong lubos
At kapwa tao'y di ko binabastos.

Ako'y busabos na inaalipin
Ng mga dayuhang nais umangkin
Sa likhang yaman nitong bansa natin
Na hangad nilang tuluyang ariin.

Ngunit pagkabusabos ay di dapat
Pagkat ito nga'y ugnayang may lamat
Dangal at pagkatao'y sinisikwat
Kung pagkabusabos ay magluluwat.

Ngunit kung busabos man ang tulad ko
Sa paglaban ay maagang natuto
Kaya dumidiskarte akong todo
Kaysa gutom ang aabuting ito.

Busabos man ako'y pumaparehas
Ngunit minsan ako ang nang-uungas
Pag kaharap si Hudas at Satanas
Na pawa namang mga balasubas

Busabos akong nagpapakatao
Nang di masabit sa anumang gulo
Ngunit kung dangal ko'y yuyurakan mo
Tatamaan ka ng aking kamao.

Nakabibingi ang Katahimikan ng Kaibigan

NAKABIBINGI ANG KATAHIMIKAN NG KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

(In the end, we will remember not the words of our enemies, but the silence of our friends. - Martin Luther King, Jr.)

Madalas nga'y ating natatandaan
At di maalis sa ating isipan
Yaong mga sinabi ng kalaban
Na pawa namang mga kasiraan
At sadyang ating pinanggigigilan

Pakiramdam natin, tayo'y inapi
At pati dangal natin ay winaksi
Gayong may kaibigang siyang saksi
Ngunit pipi sa mga pangyayari
Isa mang kataga'y walang masabi

Sadyang nakalulungkot ngang isipin
May kaibigan nga'y parang alipin
Ni isang salita'y walang sabihin
Upang tayo'y maipagtanggol man din
Laban sa paninira na sa atin

Kaaway ma'y mapapagpasensyahan
Ngunit ang lalong matindi pa riyan
Nakabibingi ang katahimikan
Nitong atin pang mga kaibigan
Di tayo maipagtanggol man lang

Kaya kung may kaibigang ganito
At di maipagtanggol ang tulad mo
Bulag at pipi sa harap ng gulo
Hangga't maaga layuan mo ito
Ang tulad nila'y walang kwentang tao

Katamtaman Lamang

KATAMTAMAN LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

pag may nakitang mali, dapat lang itama
ito ang marapat nating gawin ng kusa
itatama rin ang mga pagkakasala
upang daigdig na ito'y maging payapa

pag may nakitang kulang, dapat lang punuan
pag may nakitang labis, dapat lang bawasan
pag naramdaman ay gutom, kumain lamang
ngunit huwag maging sobra sa kabusugan

sabi nga, ang anumang labis ay masama
at sa anumang kulang tayo'y namumutla
sa ganito'y dapat lang tayong may magawa
upang sa lipunan ay di maging kawawa

pag nakita nating may kulang sa kasama
anong meron tayo'y ibahagi sa kanya
pag nakita nating tayo pala'y may sobra
aba'y ibahagi naman natin sa iba

sa mundo nga'y dapat mawala ang inggitan
pati pagkaganid nitong mga gahaman
dapat isipin din ang kapwa kababayan
at mamuhay lamang tayo ng katamtaman

kung ano ang meron ay ating pagkasyahin
kung ano man ang wala'y huwag daramdamin
ngunit magsikap tayo upang ating kamtin
kung anuman yaong pinapangarap natin

Sabado, Agosto 29, 2009

Silang Walang Bukas

SILANG WALANG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

kayraming batang walang kinabukasan
lagi nang namamalimos sa lansangan
lagi nang namumulot sa basurahan
pawang gutom, nakatingin sa kawalan

kayrami rin ng babaeng may nakaraan
ngunit tila wala ring kinabukasan
ang katawan nila'y pinaglalaruan
bilasa na ang kanilang kagandahan

kayrami ng dukhang wala nang tahanan
tinanggal pati pag-aaring anuman
pati lukbutan nila'y wala ring laman
ito'y dahil wala silang kabuhayan

kayrami ng magsasakang inagawan
nitong mga lupang pinagsasakahan
at sila ngayon ay wala nang pagtamnan
ng kanilang mga palay at gulayan

kayrami ng manggagawang tinanggalan
ng trabaho sa pabrikang pinasukan
gayong lakas paggawa'y pinagtubuan
ng kanilang kapitalistang gahaman

kayraming mga kawawang mamamayan
sa buhay sila'y walang kasiguruhan
pagkat biktima ng sistemang gahaman
kaya sistemang ito'y dapat palitan

Bahaw at Mumo

BAHAW AT MUMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa umaga'y bahaw ang kinakain ko
Pagkat sayang naman ang bahaw na ito

Na kahapon lang o kagabi naluto
Pwede pang isangag at ulam ay tuyo

Ngunit iba'y ayaw kumain ng bahaw
Iba nama’y nais na ito’y isapaw

At sa iniinin, ito’y ipapatong
Habang iba nama'y mahilig sa tutong

Merong pag kumain sa kanilang plato
Ay naglalaglagan sa mesa ang mumo

Sa gilid ng plato'y may laglag na kanin
Na di maalalang kanilang pulutin

Marumi na kasi, yaong sabi nila,
Yung laglag na mumo sa kanilang mesa

Kaytagal na nilang nanahan sa bansa
Ngunit kung kumain pa rin ay burara

Tama lang ubusin ang lahat ng kanin
Sa plato at ito’y huwag sasayangin

Pagkat ang naghirap dito’y magsasaka
Kaya pasalamat, may kanin sa mesa.


Talasalitaan:
bahaw - kaning lamig o natirang kanin kahapon o kagabi pa
mumo - mga natapong kanin sa mesa

Biyernes, Agosto 28, 2009

Di Dapat Masayang ang Ating Pangarap

DI DAPAT MASAYANG ANG ATING PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa ngayon ay nalalambungan ng ulap
Ang buhay dito kaya aandap-andap
Ang maraming tila ang mga hinagap
Ay di na maabot yaong alapaap.

Dusa't kahirapan itong nalalanghap
Tila ba sariwang dugo'y lumaganap
Sa lipunang wari'y di na nililingap
Pagkat naglipana'y pawang mapagpanggap.

Ngunit dapat patuloy tayong magsikap
Upang maibsan ang mga paghihirap
Nitong mamamayang puno ng pangarap
Tungo sa hustisya't pagbabagong ganap.

Karapatan natin ay may mga sangkap
Upang makamtan ang katarungang hanap
Makatao, kolektibo, nag-uusap
Mga anomalya'y di katanggap-tanggap.

Tayo'y dapat magtulungan at magsikap
Na lipunang ito'y mabago nang ganap
Sa pagkilos di tayo dapat kukurap
Upang di masayang ang ating pangarap.

Huwag Nyong Dustain ang Aking Tula

HUWAG NYONG DUSTAIN ANG AKING TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Minsan sa akin ay may nagparinig
Sa tula'y bakit laging nang-uusig
Hindi ba pwedeng tigilan ang hilig
Sagot ko'y hindi, ito'ng aking tindig.

Huwag nyong dustain ang aking tula
Pagkat mga ito'y buhay ko't diwa
Na kaakibat ay luha ko't tuwa
Para sa inyo ang aking kinatha.

Pawang paksa ng mga tulang angkin:
Itaas itong kamalayan natin
Diwang alipin ay ating basagin
At sistemang bulok ay ating durugin.

Mga ito'y dapat maunawaan
Ng marami sa ating mamamayan
Nakasasawa na ang kahirapan
Kaya dapat baguhin ang lipunan.

Meron ding paksa tungkol sa pag-ibig
Sa kalikasan, sa araw at tubig
Sa sambayanan, kalaban at kabig
Sa mapagpalayang prinsipyo't tindig.

Ating mulatin ang lahat ng dukha
Pati na manggagawa't maralita
Armas nila'y mapagpalayang diwa
Armas ko naman itong aking tula.

Kaya tula'y huwag namang dustain
Pagkat ito'y armas din nating angkin
Laban sa anumang diwang alipin
Na nakayuyurak sa dangal natin.

Pamasahe at Langis

PAMASAHE AT LANGIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Sagot ba'y taasan ang pamasahe
Pag tumaas din itong presyo ng langis
Tugon na lang ba lagi'y magbalanse
Pagtaas ay sasabayang mabilis

Pag presyo ng isa'y biglang tumaas
Tugong kagyat presyo'y habulin agad
Habulan ng presyo ang nilalandas
At naging ganito na ang palakad

Sagot sa problema'y bakit kukunin
Sa masa gayong isa pang pahirap
Sa kanila ang dagdag na gastusin
Parang di natin sila nililingap

(tatapusin)

Huwebes, Agosto 27, 2009

Pabahay, Pagkain, Trabaho

PABAHAY, PAGKAIN, TRABAHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Hiling ng dukha'y pabahay, pagkain, trabaho
Hindi Con Ass, hindi trapo, at hindi martial law
Hiling pa ng dukha'y isang matinong gobyerno
Na hindi pinamumunuan ng mga trapo.

Hiling ng pamilyang maralita ang pabahay
Upang sa gabi'y maayos silang makahimlay
Sa isang tahanang pag-aari nilang tunay
Na makapagpapaalwan sa kanilang buhay.

Hiling ng pamilyang maralita ang pagkain
Sa bawat mesa't di sila gugutumin
Nang maging malusog ang anak na palakihin
At buong pamilyang may pangarap na tutupdin.

Hiling ng pamilyang maralita ang trabaho
Upang may panggastos sa pang-araw-araw dito
At kung may trabaho'y dapat may sapat na sweldo
Na makabubuhay sa bawat pamilyang ito.

Pabahay, pagkain, trabaho para sa dukha
Ito ang panawagan ng mga maralita
Nang maibsan naman yaong dusa nila't luha
Upang sa kahirapan ay tuluyang lumaya.

Prinsipyo'y Sintigas ng Bakal

PRINSIPYO'Y SINTIGAS NG BAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sintigas ng bakal ang aming prinsipyo
Di kami patitinag kahit kanino
Mabasag man itong bungo nami't buto
Di kami susuko hanggang sa manalo.

Inalay na namin itong iwing buhay
Nang matupad yaong pangarap na tunay
Ang prinsipyo't tangang hanggang sa humimlay
Doon sa hantungang mapapaghingalay.

Tangan ang prinsipyong sintigas ng bakal
Na sa aming puso'y sadyang bumubukal
Pagkat kaakibat nito'y aming dangal
Nang masayang bukas itong maitanghal.

Dapat lahat ng plano'y matupad natin
At sa pagkilos ay magtuluy-tuloy din
Sa iwing prinsipyo'y di kalawangin
Nang maisagawa ang ating tungkulin.

Martes, Agosto 25, 2009

Mapagbalatkayong Trapo

MAPAGBALATKAYONG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Balatkayo pala itong mga trapo
Mga pangako sa tao'y di totoo
Kaytamis magsalita para iboto
Ng taumbayan silang mga bolero.

Itong mga trapo'y mapagbalatkayo
Na nais lagi'y kapitalistang tubo
Imbes magserbisyo'y panay sila luho
Akala taumbayan ay uto-uto

Balatkayong sadya itong mga trapo
Ang tingin nila sa serbisyo'y negosyo
Iniisip pagtubuan ang gobyerno
At pagkaperahan din ang mga tao

Pangako nila'y lagi nang napapako
Pagkat sila'y trapong mapagbalatkayo

Sa Pag-awit ng mga Anghel

SA PAG-AWIT NG MGA ANGHEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Tila sanlibong anghel ang nasa tabi
Pag nakikita kita, O, binibini
Ikaw na sa puso ko'y nakabighani
Kaysaya ko na pag ikaw'y naging kasi

Tila pakiramdam ko'y magsisikanta
Ng buong tamis, tagos sa kaluluwa
Itong mga anghel sa tuwi-tuwina
Pag ako na'y sinagot mo, aking sinta

Mahal na mahal kita, magandang dilag
Mula sa puso ang ipinahahayag
Ipaglalaban kita, O, aking liyag
Ako na'y sagutin, ikaw na'y pumayag

Pagkat ikaw lang ang aking tinatangi
Sana'y umoo ka't huwag nang humindi
Pangako ko'y iingatan kita lagi
At magbubuo tayo ng bagong lahi

Tiim-Bagang sa Paglirip


TIIM-BAGANG SA PAGLIRIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Tiim-bagang akong sa dagat nakatitig
nililirip ang lipunang di ko malirip
bakit kayraming mga dukha sa daigdig
pag-asenso lang yata'y nasa panaginip

Tiim-bagang akong sa salamin napatda
inaarok-arok kung anong klaseng sistema
ang marapat para sa mga manggagawa
upang di sila naloloko sa tuwina

Tiim-bagang akong minasdan ang babae
na napunan daw ng makasalanang binhi
niluray siyang dinaluhong ng kaydami
pawang luha nga't walang sumibol na ngiti

Tiim-bagang akong masid ang kabataan
pinag-aaral ay ayaw namang mag-aral
anong kahihinatnan ng kinabukasan
pulos lakwatsa na'y magaro pa ang asal

Tiim-bagang akong nakatitig sa lipak
na siyang tanda ng sipag ng magsasaka
walang sariling lupa'y binukid ang lusak
nang may maani't mapakain sa pamilya

Tiim-bagang akong kita'y kalunos-lunos
na kalagayan ng ating bayang sinawi
patuloy sa pagyaman ang mga iilan
habang hirap ng dukha'y di mapawi-pawi

Tiim-bagang akong may galit sa sistema
kung sinong gumagawa'y sila pa ang hirap
mga nagsisipag ay di dapat magdusa
dapat nang pawiin ang naglambong na ulap

Di sapat ang galit ni ang pagtiim-bagang
ang lipunang ito'y kailangang suriin
pag-unlad ninuma'y di dapat maharang
ng sinumang ganid at sa sistema'y sakim

Lunes, Agosto 24, 2009

Isang Tagay sa Kasamang Nag-Bertdey

ISANG TAGAY SA KASAMANG NAG-BERTDEY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kahit mag-isa lang ay uminom ako
para ipagdiwang ang kaarawan mo
kahit wala ka'y para na ring narito
dahil nasa gunita ang larawan mo

sa iyo, binibini, dilag, kasangga
pagbati nami'y hapi bertdey, kasama
lagi ka namin ditong inaalala
lalo na akong tumatagay mag-isa

ang sabi mo nga'y wala dapat iwanan
lalo't tayo'y nasa gitna ng labanan
at tutuparin ko ang hiling mong iyan
hanggang rebo'y umabot na ng sukdulan

kaya nga pinili kong tumagay ngayon
kahit solo sa lungga ng mga leyon
habang ginugunita ang rali noon
at iniisip ang mabuti mong layon

kaytayog nitong ating pinapangarap
na halos nilampasan ang alapaap
tuloy ang laban kahit na panay ulap
nawa pagkabigo'y aking di malasap

hapi bertdey, kasama, ako ma'y lasing
ngunit isa kang aktibistang magaling
tena't tagayan ako sa munting piging
na alay sa iyo, kasama't kabig din

may mga kasiyahang walang pagsidlan
may mga sandaling pawang kalungkutan
may tuwa at lungkot, meron ding kawalan
ngunit ang mahalaga'y walang iwanan

halina't tuparin natin ang pangarap
na bagong mundo para sa naghihirap
karapatang pantao'y gagawing ganap
upang kamtin ang sosyalismong kay-ilap

- Agosto 24, 2009, sa Lunsod Quezon

Maligayang Kaarawan sa Isang Lider-Kababaihan

MALIGAYANG KAARAWAN SA ISANG LIDER-KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Pagbati ng maligayang kaarawan
Sa kasamang lider ng kababaihan
Nawa'y nasa mabuti kang kalagayan
Walang sakit o anumang karamdaman.

Isa ka sa lider kong hinahangaan
Dahil sa iyong talino't katatagan
Magpatuloy ka sa iyong sinimulan
Narito lang kami sa iyong likuran.

Kaya mithi ko sa iyong kaarawan
Nawa'y matamo mo ang kaligayahan
Lagi kang may maayos na kalusugan
Ingat ka lagi kahit ikaw'y nasaan.

Isa't isa'y di natin pababayaan
Lalaban tayo hanggang sa kamatayan
Magkasama tayong makikipaglaban
Upang sistema'y mabago nang tuluyan.

- Agosto 24, 2009, sa Lungsod Quezon

Sariling Wika'y Kakabit ng Pagkatao

SARILING WIKA'Y KAKABIT NG PAGKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kakabit na ng ating pagkatao
ng diwa natin, dugo at prinsipyo
itong sariling wikang Filipino
kaya dapat ipagmalaki ito

gamitin natin ang sariling wika
pagkat ito'y wika ng manggagawa
ito rin ang wika ng maralita
at lahat na ng narito sa bansa

kung alam mo'y wika ng ilustrado
at ayaw mong gamitin ang wika mo
aba'y nag-aasta ka palang dayo
sa sariling bansa't di Pilipino

ikinahiya mo'y iyong sarili
di ka namin dapat ipagmalaki
parang isang hunyangong atubili
na pati puri'y ipinagbibili

kung di mo winiwika ang wika mo
di sinasalita ang salita mo
ay kaybaba ng iyong pagkatao
na para bang ngumingiyaw na aso

ilandaang taon ngang inalila
ang bayang ito ng mga Kastila
kultura nati'y kanilang sinira
at pati pagkatao pa'y giniba

nang sa wikang sarili na'y magsulat
ang mga kababayan nating dilat
maraming tao'y agad na namulat
laban sa Kastilang pawa ngang bundat

pinagkaisa nila'y buong bayan
laban sa mga dayuhang gahaman
at sa iilang mga kababayan
na nagtaksil sa bayang sinilangan

ikaw'y alipin kung wala kang wika
pagkat ang pagkatao mo'y ibinaba
mapalad ka't may sarili kang wika
at di ka alipin ng ibang bansa

sariling wika'y ating pagkatao
at di mo mapapaghiwalay ito
pagkat ito'y nasa dugo na't buto
ng bawat isang mamamayan dito

Linggo, Agosto 23, 2009

Tubig at Biskwit

TUBIG AT BISKWIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tubig at biskwit sa buong maghapon
di na makakain ng kanin doon
lagi nang naghihigpit ng sinturon
ang noodles pa'y kaymahal na rin ngayon

tubig at biskwit na sa araw-araw
tila ba ang daigdig na'y nalusaw
tila rin nakatarak ang balaraw
sa bituka kaya't di makagalaw

paano ba tayo makatutugon
sa kinakaharap na bagong hamon
bakit sa gutom laging nagugumon
ang masa'y kailan makakaahon

nagugutom na'y ayaw pang magalit
at sa sistemang bulok pa'y kaybait
nagtitiis pa sa tubig at biskwit
di nag-alalang baka magkasakit

sapat pa ba ang mga pagtitiis
lalo't ang sistema'y nagmamalabis
sapat pa bang lagi na lang tumangis
at magpaapi sa mga mabangis

kakayanin pa ba ng mga tao
kung sa buhay niya'y laging ganito
o matutulog muling gulo ang ulo
at iniisip bukas na'y paano

laging bulok na sistema ang sanhi
kaya tayo'y nagbabaka-sakali
kakayanin pa ba nating magwagi
kung tubig at biskwit na lang palagi

kaya pa iyan, pampalakas-loob
kahit laging mga plato ay taob
kakayanin pa, muli'y lakas-loob
kahit sa Malakanyang pa'y lumusob

kahit paano'y kaya pa rin naman
kaya't patuloy pa ring lumalaban
nang mabago ang bulok na lipunan
at mapag-alsa na ang taumbayan

masa't obrero'y di dapat magtiis
sa sistemang itong mapagmalabis
pagkat di sapat ang pusong malinis
ang dapat ay diwa't planong makinis

Durugin ang Trapo

DURUGIN ANG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

akala mo'y katropa mo
iyon pala'y isang trapo
serbisyo'y ninenegosyo
binobola lagi'y tao

ay, kawawa naman tayo
pag pinuno'y isang trapo
buhay nati'y magugulo
kurakot doon at dito

hay naku, bakit ganito
ang buhay natin sa mundo
di matinong pulitiko
wala na bang pagbabago

mabait tayong masyado
kaya namayagpag ito
daya doon, tubo dito
walang budhi itong trapo

may magagawa pa tayo
upang mawala ang trapo
ito'y kung di iboboto
at walang dayaan dito

dapat sama-sama tayo
at ang bawat Pilipino
trapo'y durugin ng todo
patungo sa pagbabago

Sabado, Agosto 22, 2009

Larawang Hungkag

LARAWANG HUNGKAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Doon sa aking lungga
Ako nga'y napalinga
Sa larawan at mukha
Ng dalagang tulala.

Kayganda niyang sadya
At kay amo ng mukha
Ngunit anang balita
Ang sarili'y nawala.

Ang buhay nitong dilag
Ay agad naging hungkag
Magmula nang binihag
Ng mga sigang bangag.

Di siya nakapalag
Nang ang puri'y nilaspag
Ngayon nga'y di matinag
Tulala't parang bulag.

Sayang na kagandahan
Ng aking paraluman
Na nais kong ligawan
At maging kasintahan.

Pinangarap ko siya
Pagkat isang diyosa
Na sa diwa'y halina
At sa puso ko'y sinta.

Sana'y kanyang makaya
Ang dinaanang dusa
Nang makabangon siya
Sa pagkadapa niya.

Nawa'y di na maulit
Ang nangyaring kaylupit
Dahil nakagagalit
Yaong kanyang sinapit.

Laiban Dam, Tutulan

LAIBAN DAM, TUTULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(binasa ang dalawang saknong ng tulang ito sa environment forum noong Agosto 21, 2009 ng tanghali sa Kamayan Edsa, na ang paksa'y ang balak na pagtatayo ng Laiban Dam na makakaapekto sa mamamayan ng lalawigan ng Rizal at Quezon at ang pagtutol ng marami sa proyektong ito, kinagabihan pagharap sa kompyuter ay nadagdagan ang buong tula)

Itong Laiban Dam ay para lang
Sa pagpapayaman ng iilan
Ito'y di para sa kalahatan
Kundi sa tubo ng kalakalan.

Ang nais lang nila'y tutubuin
Kaya dapat lang silang biguin
Matindi ang panganib sa atin
Sa kabuhayan, paligid natin

Maraming bahay ang magigiba
Maraming mawawalan ng lupa
Ang mga katutubo'y luluha
At kalikasan pa'y masisira

Laiban Dam ay dapat tutulan
Pagtayo nito'y ating labanan
Ang kalikasan ay alagaan
Pati katutubong mamamayan.

Ito'y hindi lang lokal na isyu
Kaya huwag tumahimik dito
Pagkat lahat tayo'y apektado
Di lang ang nasa paligid nito.

Ang tubig ay ating karapatan
Hindi lang ng nasa kalunsuran
O narito sa Kamaynilaan
Higit pa'y sa tagalalawigan.

Laiban Dam ay di kailangan
Ito'y dapat nating mapigilan
Para sa bawat kinabukasan
Ng tao, bayan at kalikasan.

Sa labang ngang ito'y inaasam
Na ang bawat isa'y makiramdam
Dapat tayo rito'y makialam
Nang di matuloy ang Laiban Dam.

Biyernes, Agosto 21, 2009

Huwag Mong Pahintuin ang Tibok ng Puso Ko

HUWAG MONG PAHINTUIN ANG TIBOK NG PUSO KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig

ang tibok ng puso ko'y huwag mong pahintuin
kundi'y kamatayan ang aking kakaharapin
tunay sa puso kong ikaw'y aking pangarapin
kaya sana naman ako'y iyo ring mahalin

huwag mong pahintuin ang tibok niring puso
dahil tiyak ang iwing puso ko'y magdurugo
huwag pahintulutang ang buhay ko'y maglaho
kaya sana'y ibigin mo akong buong-buo

huwag mong pabayaang ako'y magpatiwakal
pagkat ikaw lang ang sa mundo'y aking minahal
kaya pagdating sa iyo'y tila ako hangal
pagkat nais kitang mailagay sa pedestal

pagdating sa kagandahan isa kang diyosa
kaya mga binata'y ikaw ang sinasamba
at ikaw lang, diyosa, ang aking sinisinta
tiyak mamamatay ako kung mawawala ka

kung sakaling pahihintuin mo ang puso ko
sana kahit sa huling sandali'y hagkan ako
sa aking labi, sa pisngi, sa ilong at noo
tandaang inukit na kita sa pusong ito

Kawalan ng Peraý Di Kawalan

KAWALAN NG PERA'Y DI KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

kawalan ng pera'y di kawalan
pagkat makakakilos pa naman
maliban na lang kung kagutuman
ang makakasalubong sa daan

kawalan ng pera'y di kawalan
kung ikaw ay nasa lalawigan
pagkat meron namang kabukiran
na doon ay mapagtataniman

iba na kung nasa kalunsuran
pagkat lahat ay may kabayaran
tiyak ikaw ay may paglalagyan
pagkat kaytindi ng kahirapan

kawalan ng pera'y di kawalan
pagkat tao'y di nabubuhay lang
sa pera pagkat marami namang
pagkukunan ng panlamang-tiyan

nariyan ang mga kagubatan
pati na gulayan at palayan
basta't ikaw ay magsipag lamang
at may maaani sa taniman

kawalan ng pera'y di kawalan
kung iyo lang namang nalalaman
yaong mga diskarte saanman
upang mabuhay ka ng tuluyan

kawalan ng pera'y di kawalan
dapat ay magtiwala ka lamang
at marami kang malalagpasan
na anumang mga kahirapan

diskarte'y dapat mong matutunan
sa lunsod man o sa lalawigan
kaya kung pera yaong usapan
ang kawalan nito'y di kawalan

Huwebes, Agosto 20, 2009

Mutyang Dilag

MUTYANG DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

O, mutya kong dilag
ang buhay ko'y dinala mo sa liwanag
Ang bawat ngiti mo
yaong sa diwa't puso ko'y nagpapitlag

O, dilag kong mutya
hinugot mo ako doon sa karimlan
Ang bawat titig mo
ay nakapagpapalambot ng kalamnan

Mutyang kinakasi
ikukulong kita sa dibdib ko't labi
Ang bawat tawa mo
ang halina sa puso kong humihikbi

Sadya mong kaylambing
na noon sa kawalan ko'y nanggigising
Kahit sa paghimbing
liwanag ka niring buhay, di lang ningning

Ikaw ang ligaya
lalo't narinig ko'y kaylambing mong tinig
Ikaw'y aking mutyang
sa bawat sandali'y nais makaniig

Miyerkules, Agosto 19, 2009

Pulubing Tibak

PULUBING TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

pahingi-hingi ng pera
sa kanyang mga kasama
kumikilos walang kwarta
at sa "sub" lang umaasa

nanghihingi sa kasama
ngunit pulubi ba siya

pinaglalaban ang dukha
pati mga manggagawa
lalo yaong walang-wala
tungo sa nasang paglaya

siya'y naging aktibista
pinaglalaban ang masa

tangan lagi ang prinsipyo
na maglilingkod sa tao
at ang pasya niyang ito
ay dapat lang irespeto

kumikilos pa rin siya
kahit laging walang pera

kaya nga ako'y saludo
sa ganitong mga tao
sadyang may mga prinsipyo
na para sa pagbabago

sige lang, magpatuloy ka
hanggang lumaya ang masa

Martes, Agosto 18, 2009

Sa Frat at Gang Nanghiram ng Tapang

SA FRAT AT GANG NANGHIRAM NG TAPANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Marami'y matapang dahil sila'y may frat
Ang iba'y tumapang dahil sila'y may gang
Naghahanap ng kakampi kaya nag-frat
Sa frat at gang sila nanghiram ng tapang.

Dahil may frat kaya ang asta'y mayabang
Dahil may gang kaya sila'y nanggugulang
Doon natuto ng mga kalokohan
Natutong maging ang kaluluwa'y halang.

Maganda raw ang kanilang nilalayon
Pagkakapatiran yaong laging tugon
Ngunit daming namatay sa inisasyon
Dahil nag-akalang may mabuting misyon.

Sa ganitong samahan sumapi sila
Upang sa gulo'y agad may makasangga
May takot silang mamatay ng maaga
Kaya kailangan nila ng katropa

Ngunit ang iba naman ay nayaya lang
Nitong mga kaeskwela't kaibigan
Tulad ko noon ng nasa hayskul pa lang
Pagkat uso noon ang mga samahan.

Maangas ka kasi kapag may kagrupo
Walang sinuman ang gagalaw sa iyo
May masusumbungan at merong padrino
Pag isa sa kanila'y inagrabyado.

Pero kapag aking away, away ko lang
Samahan ko'y ayokong makikialam
Pagkat ayokong ako'y napupulaan
Na matapang lamang dahil may samahan.

Ngunit nang ako'y maging isa nang tibak
Rebolusyon na ang nasa aking utak
Unti-unti'y natanggal ko yaong tatak
Ng frat at gang na minsang naging kabatak.


Dapat Tayo, Hindi Trapo

DAPAT TAYO, HINDI TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

dapat tayo, hindi trapo
ang guguhit sa kapalaran ng bansa
hindi trapo, kundi tayo
ang kikilos upang tayo ay lumaya

kaya tayo, hindi trapo
ang mag-oorganisa sa manggagawa
hindi trapo, kundi tayo
ang tutulong sa mga inapi't dukha

dapat tao, hindi trapo
ang pangunahin nating inaadhika
hindi trapo, kundi tao
sistemang ito'y babaguhin ng madla

walang aasahan sa mga trapo
ang buong sambayanang Pilipino

1.75 Milyong Pisong Lamon

1.75 MILYONG PISONG LAMON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Inuubos sa luho ang pera ng bayan
Sa ibang bansa ng mga trapong gahaman
Higit isang milyon sa dalawang kainan
Nagpakabusog, tila di na nahirinan.

Sa una, halaga sa piso'y isang milyon
At halaga ng kasunod nilang nilamon
Pitong daan limampung libong piso iyon
Habang sa bansa'y maghigpit daw ng sinturon.

Kayluluho ng trapo sa lupang banyaga
Habang maraming gutom sa sariling bansa
Habang kaybaba ng sahod ng manggagawa
Habang naghihirap ang marami sa madla

Dapat ngang isigaw sa mga gagong trapo:
Galit na itong bayan, babagsak din kayo!

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.

Linggo, Agosto 16, 2009

Sabi ng Mananakop: Pumikit at Magdasal

SABI NG MANANAKOP: PUMIKIT AT MAGDASAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sabi ng Kastila, pumikit at magdasal
pagkat ito ang adhika ng haring hangal
nang magmulat ng mata, tayo na'y kolonyal
sinakop tayo ng mga kunwari'y banal

sabi ng Kastila, magdasal at pumikit
habang nakapikit, ang bansa'y ginigipit
sa mga kababayan, Kastila'y kaylupit
at kultura nila ang sa bansa'y inukit

sa pagmulat ng mata, bansa na'y kolonyal
ating mga ninuno'y agad nang nagimbal
sa sariling bansa'y ginawa silang hangal
kaya ang pilipino'y nawalan ng dangal

sabi ng Kastila, magdasal at pumikit
upang pag namatay, tayo'y diretsong langit
habang mga lupa'y unti-unting inumit
at mga katutubo'y nilalait-lait

sabi ng Kastila, magdasal ng taimtim
habang bansa'y dinadala nila sa dilim
at mga dalaga'y kanilang sinisimsim
tulad ni Padre Damasong may pusong itim

at pagmulat uli ng ating mga mata
aba, mga lupa natin ay natangay na
sila na raw ang may-ari, wala nang iba
habang nagdarasal, ginamit ang espada

ang lupa'y inagaw sa mga katutubo
ninakaw nitong mga gahaman sa tubo
inalipin tayo ng mga paring sugo
ng mga mananakop na uhaw sa dugo

ginamit si Kristo upang sakupin tayo
ginamit ang krus upang alipinin tayo
ginamit ang espada't pinaluhod tayo
ginamit ang kultura't hinubaran tayo

lupa't dangal natin, paano ibabalik
dapat ba tayong patuloy na maghimagsik
babaguhin ba ang anumang natititik
anong nasa puso ng bayang humihibik

maraming bayaning buhay ay ibinuwis
sila'y nagsakripisyo'y kanilang tiniis
ang anumang paghihirap, dusa't hinagpis
upang sa mananakop tayo'y makaalis

bahagi na iyan ng ating kasaysayan
na dapat lamang nating pagbalik-aralan
ngayon, ang mahalaga'y ang kasalukuyan
at kung paano babaguhin ang lipunan

magkaisa tayong baguhin ang gobyerno
magkaisa rin tayong tanggalin ang trapo
nasa kamay natin anumang pagbabago
nang makinabang rito ang lahat ng tao

Bansa'y Sinakop, At Di Kinupkop

BANSA'Y SINAKOP, AT DI KINUPKOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
sonetong 7 pantig bawat taludtod

nang dumatal sa bayan
itong mga dayuhan
akala'y kaibigan
iyon pala'y kalaban

nang dumatal sa bansa
itong mga banyaga
sila pala'y masiba
pagkat kinuha'y lupa

nang sa bansa'y dumatal
ang mga dayong hangal
sila pala'y garapal
sa tubo at kapital

itong bansa'y sinakop
at di pala kinupkop

Alay ng Bayani

ALAY NG BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

kayrami ng bayaning nagbuwis ng buhay
mga buhay nila'y di nawalan ng saysay
may saysay lahat ng bayaning nangamatay
namatay silang sarili ang inialay

inialay nila'y para sa sambayanan
sambayanang nagnanais ng kalayaan
kalayaan mula sa kuko ng gahaman
gahamang karapat-dapat lang parusahan

parusahan silang mga nagsamantala
nagsamantala sa kahinaan ng masa
masang ang nais ay kalayaan ng kapwa
kapwang hangad ay tunay na pagkakaisa

pagkakaisa itong susi ng tagumpay
tagumpay na nasa ng nagbuwis ng buhay

Kami ay mga Blogero

KAMI AY MGA BLOGERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

kami ay mga blogero
sulat doon, sulat dito

tipa ng tipa sa keyboard
upang kami'y hindi ma-bored

sa blog namin nilalagak
ang laman ng aming utak

blog ngayon ang aming libro
blog din ang aming kwaderno

hawak ang mouse ay magki-klik
ng anumang natititik

noon, nang wala pa ang blog
kami'y lagi nang lagalag

napapagdikitahan pa
ay pulos alak at droga

noon, sulat lang sa papel
dahil wala pang kompyuter

anumang ilalathala
sa makinilya'y titipa

ngayon ay naitatabi
kahit na walang USB

ang aming mga sulatin
sa blog na nilikha namin

kaya pag kinailangan
computer shop pupuntahan

upang mai-download namin
yaong kakailanganin

kami ay mga blogero
nitong mundong makabago

internet na ang library
na kaylaki na ng silbi

kung ikaw'y mananaliksik
aba'y google yaong i-klik

at lalabas na ang nais
sinaliksik mo'y kaybilis

halina't mag-blog na tayo
sama na't maging blogero

Barbarismo o Sosyalismo?


BARBARISMO O SOSYALISMO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Produkto ng kapitalismo'y barbarismo
At ng sosyalismo'y karapatang pantao
Sa kapitalismo nga'y kayraming barbaro
Na nilalamangan lagi'y masa't obrero

Karapatang pantao'y siyang pangunahin
Sa sistemang sosyalismong ating layunin
Kaya kumilos tayo't dapat nating kamtin
Ang sosyalistang lipunan para sa atin

Sa kapitalismo'y tubo ang moralidad
Sa obrero'y walang paki, que barbaridad!
Kagaguhang ito'y dapat nating ilantad
Bago pa tayo saang kangkungan mapadpad

Una't Ikalawang Daigdigang Digmaan
Gera ng mga bansang makapangyarihan
Sa teritoryo ng mga bansa'y agawan
Sinakop na bansa'y uubusin ang yaman

Milyun-milyon ang namatay dito sa gera
Sa laban ng mga bansang kapitalista
Upang mabuhay ang kanilang ekonomya
Buhay ng masa'y isinakripisyo nila

Produkto ng kapitalismo pati trapo
Na namamayagpag sa lipuna't gobyerno
Ang pulitika't ekonomya'y kontrolado
Kinokontrol na rin pati galit ng tao

Ilang milyon ba ang gutom na mamamayan?
Ilang milyon na ba yaong walang tahanan?
Ilan ba ang kawatan sa pamahalaan?
Bilang sa daliri ang mayamang iilan

Nais ba nating magpatuloy ang ganito?
O hahangarin na natin ang sosyalismo?
Gamit sa produksyon ba'y dapat na pribado?
O palitan ito't gawing sosyalisado?

Nahaharap tayo sa matagal nang hamon
Para tayong nasa lungga ng mga leyon
Naghihintay na tayo'y kanilang malamon
Kaya huwag tumunganga’t tayo’y bumangon

Ganyan ang buhay sa mundo ng barbarismo
Ganyan din sa ilalim ng kapitalismo
Sa tanong na: Barbarismo o Sosyalismo?
Ang kasagutan ay nasa mga kamay mo!

Ah, dapat na nating baguhin ang lipunan
At likhain ang sosyalistang kaayusan
Pangarap na ito'y tunay nating sandigan
Tungo sa pantay-pantay nating kalagayan

Di tayo dapat mabuhay sa barbarismo
Dito'y karapatan ay di nirerespeto
Dapat tayo na'y mabuhay sa sosyalismo
Na ginagalang ang karapatan ng tao

Sabado, Agosto 15, 2009

Makibaka Para Sa Bilyong Tao

MAKIBAKA PARA SA BILYONG TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

nagdurusa itong sangkatauhan
mamamaya'y laging nahihirapan
kaya't nararapat tayong kumilos
bago tayo unti-unting maubos

kaytindi ng krisis ng bawat bansa
dahil ang mga gobyerno'y pabaya
ngunit ang kanila pang sasagipin
ay ang mga kapitalista pa rin

kapitalista ang pinagpapala
imbes sagipi'y mga manggagawa
kapitalista'y una sa gobyerno
imbes na naghihirap na obrero

dapat ba tayong tumahimik na lang
sa nangyayari't ayaw makiramdam
ang mundong ito'y di kanila lamang
kaya dapat lang tayong makialam

bilyon ang mamamayan ng daigdig
magtulung-tulong bawat kapanalig
makibaka para sa bilyong tao
hindi para sa mga bilyonaryo

tayo'y kikilos di para sa ilan
kundi para sa bilyong mamamayan
tayo'y makikibakang taas-noo
at lalaban tayong taas-kamao

halina't sumama sa pagbabago
palayain na natin ang mundong ito
mula sa kuko ng mga kawatan
at mga kapitalistang gahaman

kasaysayan na itong naghahamon
halina't tayo'y kumilos na ngayon
makibaka para sa bilyong tao
hindi para sa mga bilyonaryo

Biyernes, Agosto 14, 2009

Sulyap sa Kalikasan

SULYAP SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Nang magkapulmonya ang daigdig
Dama natin ang kanyang kaligkig
Apektado tayo't nanginginig
Dahil climate change ay lumalawig

Kahit tag-araw ay umuulan
Nagbabaha lagi sa lansangan
Basura'y nagkalat kahit saan
Puno'y unti na sa kagubatan

Tumaas ng ilang sentimetro
Ang tubig dagat sa buong mundo
At natutunaw na raw ang yelo
Ah, mabuti't di pa metro-metro

Ang tag-init ay naging taglamig
Kayrumi pa rin ng Ilog Pasig
Dito'y ano ba ang ating tindig
Sa pagkasira'y sinong uusig

Bakit naghihingalo ang lupa
Sa kaunting ulan bumabaha
Dahil ba tayo'y naging pabaya
Sa mundo'y di na mapagkalinga

Ang tao pa ba'y nakababatid
O sa atin pa ba'y nalilingid
Na panay usok ang himpapawid
Na kagagawan natin, kapatid

Paano tayo nito kikilos
Kung sa isyung ito'y tayo'y kapos
Dapat nating unawaing lubos
Ang iba't ibang isyu ng signos

Ang ganitong problema'y di biro
Kaya kilos na't huwag susuko
Nang lupa'y di tuluyang gumuho
At mundo'y di ganap na maglaho

Mundo'y nagkasugat ng tuluyan
Ngunit maghilom ma'y balantukan
Dapat kumilos ang taumbayan
Upang magamot ang kalikasan

Pagkat walang mag-aayos nito
Kundi tayong nakatira rito
Kaya halina't kumilos tayo
Para sa iisa nating mundo

Huwebes, Agosto 13, 2009

Por Kilong Puta

POR KILONG PUTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

masama nga ba ang babaeng nagputa
o mas dapat pa ngang purihin pa siya
sa sakripisyo't katawang ibinenta
para may makain ang kanyang pamilya

katawang sarili'y isinakripisyo
ibinebenta sa mga parokyano
na kaymura tulad ng karneng por kilo
nang may maipag-agdong buhay sa mundo

kayhirap mabuhay sa sistemang bulok
parang mundo'y pasan, sadyang dumadagok
di na makaraos kaya laging lugmok
nagpuputa para sa mga dayukdok

kailangang kumilos, magpakaputa
ibebenta pati puso't kaluluwa
basta't kumita lang ng kaunting barya
at mairaos lang ang hirap at dusa

naisip niya'y wala nang magbabago
dahil ang buhay ay sadya raw ganito
puso niya't tumigas na parang bato
dahil sa kahirapang sagad sa buto

paano ba tayo tutulong sa puta
at sa araw-araw makaraos siya
bibilhin ba natin ang por kilong tinda
at tatanggapin ito ng pikit-mata

titigan natin ang puta't kilalanin
ginagawa ba niya'y kayang lunukin
di ba't siya'y dapat lang tulungan natin
upang pagbabago'y kanya ring hangarin

mas bayani siya kaysa mga pari
mas marangal siya kaysa mga hari
na isinakripisyo'y sariling puri
upang mabuhay ang pamilyang kandili

Nang Tayo'y May Mapala

NANG TAYO'Y MAY MAPALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
sonetong may 9 pantig bawat taludtod

di sapat ang mga kataga
di sapat ang bawat salita
dapat lamang tayong kumilos
nang tayo nama'y may mapala

di dapat lagi nang tulala
di dapat na nakatunganga
dapat lamang tayong kumilos
nang masa nama'y may mapala

di sapat ang mga luha
di sapat na dugo'y bumaha
dapat lamang tayong kumilos
nang mundo nama'y may mapala

halina't kumilos na tayo
upang lipunan ay mabago

Ang Buod ng Sosyalismo

ANG BUOD NG SOSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Sosyalisado, hindi pribado
dapat ang pag-aari sa mundo
ng pabrika't mga instrumento
ng paggawa ng mga produkto
ito ang buod ng sosyalismo
na dapat itatag ng obrero

Pagkat dahilan ng kahirapan
dusa't gutom ng maraming bayan
ay pag-aari lang ng iilan
ang sa produksyon ay kagamitan
kaya tubo'y laging kabig lamang
nitong kapitalistang gahaman

Dapat nang gamitin yaong maso
at durugin ang pagkapribado
ng mga inaring instrumento
ng paggawa ng mga produkto
at gawin itong sosyalisado
para sa kapakanan ng tao

Dapat ang tao ang makinabang
sa kanilang pinaghihirapan
kaya dapat lang nating palitan
gawing sosyalisadong tuluyan
ang sistemang bulok ng lipunan
upang ang lahat ay makinabang

Puso Ko'y Binighani ni Ms. M.

PUSO KO'Y BINIGHANI NI MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Di siya ang artistang si Ara Mina
na pagkadiyosa'y aking sinasamba

At di rin siya si Ms. Aiko Melendez
Iwa Moto't Sabrina M. na nagburles

Ngunit Miss Maganda ang sa kanya'y turing
ng marami pagkat kayganda't kaylambing

Puso ko'y binihag nitong binibini
kaya nga ako sa kanya'y nabighani

Sadyang kaakit-akit ang kanyang mukha
na pag titigan di ako magsasawa

Salubungan lang niya ako ng ngiti
ang pagkapagod ko'y agad napapawi

O, kaysarap mahalin ng isang Ms. M.
na sa puso ko'y inibig kong taimtim

O, Ms. M. sana'y mahalin mo rin ako
pagkat ako'y patay na patay sa iyo

Sa mundong ito, ikaw ang aking buhay
at sa puso'y inukit na kitang tunay

Nawa'y matupad na itong pinangarap
nang iwing puso ko'y di na naghihirap

Miyerkules, Agosto 12, 2009

Ang Tibak

ANG TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
malayang taludturan (free verse)

internasyunalista
sosyalista

di lang para sa bayan
para rin sa pandaigdigan

nakikibaka
sa lansangan

sa Mendiola
at saan pa man

laban sa kawalan
ng hustisyang panlipunan

hangad ay pagbabago
ng tiwaling gobyerno

hangad ay mapalitan
ang palpak na lipunan

tuloy ang laban
para sa karapatan

ng lahat ng inaapi
at pinagsasamantalahan

hindi kapitalista
at mga elitista

ang dapat mamuno
at dapat tumubo

kundi ang buong bayan
na lumikha ng lipunan

hustisya
sa masa

maralita
manggagawa

magsasaka
mangingisda

kababaihan
kabataan

nakikibaka
aktibista

habang tangan
at nginangata

ang mga teorya
marxista-leninista

nagsusuri
nag-iisip

nangangarap
sumusulyap

pagkat di dapat tumunganga
sa mga usaping nagbabaga

bagkus dapat makialam
ang mga may pakiramdam

tuloy ang laban
para sa kinabukasan

ng bayan
ng lipunan

taas-kamao
aktibista

Minsan, Isang Gabi

MINSAN, ISANG GABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaysaya ng gabi
habang umiinom mag-isa

Kaysaya ng pag-iisa
habang nagmumuni't may nagugunita

Kaysarap ng paggunita
habang sa papel nakatunganga

Kaysarap tumunganga
habang lumilikha ng tula

Kaysaya ng paglikha
habang iniisip ang sinta

Kaysarap ng pagsinta
habang naririyan siya

Ngunit nang siya'y mawala
ang gabi'y di na masaya

Di na masaya ang gabi
ngunit umiinom pa ring mag-isa

Martes, Agosto 11, 2009

Busog na Pangulo, Gutom na Pilipino


BUSOG NA PANGULO, GUTOM NA PILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

gutom na pilipino, busog na pangulo
ganito ang kalagayan sa bansang ito
kayrami ng dukha't gutom na pilipino
habang nagpapakabundat itong pangulo

sa New York ang pangulo'y masayang masaya
dahil nakaharap na niya si Obama
tila ang ngiti ng pangulo'y abot-tainga
puso'y tumatalon sa tuwa kay Obama

kaya nang maghapunan ang pekeng pangulo
kasama'y mga alipores niya't trapo
aba'y kaylaking gastos sa hapunang ito
tumataginting halos isang milyong piso

aba, aba, aba, bakit ba sila ganyan
ginastos sa luho nila'y pera ng bayan
nagpakasaya sila doon sa hapunan
busog ang pangulo't mga trapong gahaman

gutom ang pilipino, busog ang pangulo
maralita'y gutom, busog ang mga trapo
laging busog ang namumuno sa gobyerno
habang kayrami ng gutom sa bansang ito

ang rehimeng ito'y muling pinatunayan
na sila'y sadyang di totoong lingkod bayan
una lagi'y sarili nilang kapakanan
at interes ng bayan ay kulelat naman

di na tama ang gawain ng mga ito
sila'y busog habang gutom ang pilipino
di na sila dapat tumagal pa sa pwesto
kailangan na ng tunay na pagbabago

busog ang pangulo, gutom ang pilipino
ito ang kalagayan dito sa bansa ko
kaya kung ayaw mo ng kalagayang ito
aba'y mag-aklas na sa tiwaling gobyerno

Lunes, Agosto 10, 2009

Sinamba ko na noon pa man si Ara Mina


SINAMBA KO NA NOON PA MAN SI ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig

Noon pa ma'y sinamba ko na si Ara Mina
Mula pa nang siya'y magsimulang mag-artista
Siya nga'y isang diyosang ang mukha'y kayganda
Kahit sa panaginip ko'y dumadalaw siya.

Hanggang ngayon ganda niya'y aking sinasamba
Di ako nagsasawang pakatitigan siya
Inipon ko nga pati mga larawan niya
Upang kahit sa pangarap madalaw ko siya

"Isinisigaw ng aking puso, mahal kita
Hiyaw rin ng aking utak, iniibig kita
Ngunit sigaw ng bulsa, Ara, bakit ikaw pa
Langit at lupa itong agwat nating dalawa"

"Ikaw sa puso ko't diwa'y nakahahalina
Kahit buhay ko'y iaalay sa iyo, sinta
O, mahal kong Ara, tanging hiling ko lang sana
Ay huwag mong ipagdamot ang ngiti mo, sinta"

Sa paglikha ng tula'y inspirasyon si Ara
Mga hinabi kong salita'y handog sa kanya
Ngunit sa aking pagtula'y mabubuhay ko ba
Ang maladiyosa sa gandang si Ara Mina

Itong makatang tulad ko'y may magagawa ba
Upang ako'y ibigin din ng aking diyosa
Panaginip lang ito't di ko makakasama
Sa iwi kong buhay ang diyosa kong si Ara

Tatalon ang puso ko pag nakaharap siya
Puso ko'y nagdurugo pag di siya nakita
Pangarap ko'y habambuhay siyang makasama
Ngunit ang masakit, hanggang pangarap lang pala

Buhay Noon at Ngayon

BUHAY NOON AT NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Noon, gumigising ang tao
pag tandang na ay tumilaok
Ngayon, gumigising ang tao
pag umalarma na ang cellphone

Noon, may sinangag at tuyo
sabay kumain ang pamilya
Ngayon, mag-Jollibee o McDo
kumain ka kahit mag-isa

Noon, lumabas ka ng bahay
langhap mo ang hanging sariwa
Ngayon, pag-alis mo ng bahay
sa usok na'y natutulala

Noon, kapag madaling araw
kay-aga ng taong gumising
Ngayon, sumikat na ang araw
tanghali na'y himbing na himbing

Buhay nga noon ay simple lang
ngunit tao'y pawang masaya
Kahit buhay noo'y mabagal
ngunit nakakaraos sila

Buhay ngayon ay mabilisan
walang pakialaman sila
Pag di sumabay maiiwan
sa bilis ng teknolohiya

Linggo, Agosto 9, 2009

Mataas na Bakod Man ang Pagitan

MATAAS NA BAKOD MAN ANG PAGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

mataas na bakod ang nakapagitan
sa ating dalawa
anuman ang taas ng bakod na iyan
nais kong sumampa
nang makita kita't muli'y masilayan
ang angkin mong ganda
ang nais ko'y ikaw ang makatuluyan
at makasama ka
sa buong buhay ko pagkat naramdaman
ko sa yo'y pagsinta
o, magandang dilag nitong panagimpan
minamahal kita

Di ka man si Ara Mina

DI KA MAN SI ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

hindi ka isang diyosa
ngunit ikaw'y aking sinasamba
hindi ka isang diwata
sa panaginip ko'y tumatawa
hindi ka si Ara Mina
na sa damdamin ko'y nagpakaba
ngunit sa puso'y reyna ka
ng aking panimdim at paghanga
ng ligaya, luha't tuwa
kaya ang puso ko'y nagbabagà
sa pagmamahal mo, kayâ
kahit di ikaw si Ara Mina
pinakaiibig kita
hanggang kamatayan, aking sinta

Pag-aklasin ang aping uri

PAG-AKLASIN ANG APING URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

bayan ay di dapat naaaping lagi
ng mga palalo't pulitikong imbi
at ng namumunong akala mo'y hari
na ang bawat utos ay di nababali

upang pagdurusa'y tuluyang mapawi
tayo'y magkaisa't magbakasakali
pag-aklasin natin yaong aping uri
baka sa pagkilos tayo na'y magwagi

Pag Baboy ang Nagpapatakbo ng Bansa

PAG BABOY ANG NAGPAPATAKBO NG BANSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

"In a nation run by swine, all pigs are upward-mobile and the rest of us are fucked until we can put our acts together: Not necessarily to Win, but mainly to keep from Losing Completely" - Hunter S. Thompson, regarded by many as the author of the "greatest book on the dope decade" (The New York Times)

pag baboy ang nagpapatakbo ng bansa
tayong lahat dito'y mapapariwara
pagkat namumuno'y pawang masisiba
sa kapangyarihan pa'y sadyang sugapa

pamahalaan nga'y tila naging kural
namamahala pa'y tila isang hangal
bansa'y pinatakbong para bang kalakal
at sariling bulsa ang pinakakapal

pag sa bansa'y baboy ang namamahala
ang buong bayan na'y walang mapapala
kaya tayo'y dapat magkaisang lubha
upang mapatalsik ang baboy sa bansa

karapatan natin ang sinampal-sampal
at niyurakan pa pati ating dangal
kaya marapat lang katayin sa kural
ang baboy na itong naupong kaytagal

Hindi Ginto ang Katahimikan

HINDI GINTO ANG KATAHIMIKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

pag sinagasa ang karapatan
hindi ginto ang katahimikan
karapatan nati'y ipaglaban
upang makamit ang katarungan

di dapat sa sulok ay lumuha
di tayo dapat lang tumunganga
dapat lumaban at magsalita
pag karapatan na'y ginigiba

pag karapatan nati'y nilabag
aba'y di tayo dapat pumayag
di dapat sa takot ay mabahag
pananahimik dapat mabasag

hindi ginto ang katahimikan
ang kapara nito'y karuwagan
pagkat gintong dapat ipaglaban
ang karapatan ng mamamayan

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 1, Taon 2009, p. 8.

Biyernes, Agosto 7, 2009

Munting Hiling sa mga Edukador

MUNTING HILING SA MGA EDUKADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Ang labanan ngayon ay diwa sa diwa
Puso sa puso't iba't ibang adhika
Kaya edukador na mapagkalinga
Kailangan ka ng masa't manggagawa.

Pagkat kapitalismo'y sagad-sagaran
Kung palaganapin sa ating harapan
Sa telebisyon, radyo at pahayagan
Sa batasan, eskwela't kung saan-saan.

Sa lipunang ito'y marami nang galit
Dahil nararanasan nila'y kaypait
Kaya marami'y nais matutong pilit
Sistema'y palitan ang kanilang giit.

Hiling namin sana'y dalas-dalasan nyo
Ang inyong pagtuturo ng sosyalismo
Kung hindi araw-araw ay linggo-linggo
Nang maraming tao itong matututo.

Sa Mga Nais Maging Sosyalistang Guro

SA MGA NAIS MAGING SOSYALISTANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Sa mga aktibistang nais magturo
Unawain nyo ang inyong mga guro
Sa linya't diwa upang di maging liko
Mag-aral ng maigi't huwag hihinto.

Mag-aral kayo't huwag magbubulakbol
Nang kayo'y di naman magkabuhol-buhol
Sa inyong guro'y humingi na ng modyul
At ayusin na rin ang inyong iskedyul.

Guro'y pakinggan sa mga turo niya
Buklatin din ang libro't magbasa-basa
Unawaing maigi ang mga tyorya
Lalo na't akdang Marxista-Leninista.

Pag naging guro'y magpakahusay kayo
Pagtuturo sa masa'y galingan ninyo
Iturong mabuti itong sosyalismo
Sa mga taong kayang maabot ninyo.

Sa Mga Sosyalistang Edukador

SA MGA SOSYALISTANG EDUKADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

O, kahanga-hanga kayong mga guro
Sadyang sa isip namin ay tumitimo
Ang pagsusuri ninyo't kaygandang turo
Na tagos sa aming kaluluwa't bungo.

Kayo'y kaysisipag sa pageeduka
Sa bayan ng kaisipang sosyalista
Patuloy pa kayong magbigay pag-asa
Patuloy pa kayong magturo sa masa.

Mga edukador, magpatuloy kayo
Sa adhikang mulatin ang mga tao
Sa pagtuturo ng diwang sosyalismo
At pagdurog na rin sa kapitalismo.

Sadyang mahalaga itong edukasyon
Sa mga api ng mahabang panahon
Upang manggagawa'y tuluyang bumangon
At lumang sistema'y tuluyang mabaon.

Sa Alitaptap


SA ALITAPTAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Mapagpalayang gabi, Alitaptap
Nawa'y magpatuloy ka pang magsikap
Upang matupad ang iyong pangarap
Na maibsan ang mga paghihirap.

Hangad ko ring sa iyong paglalakbay
Ay magkaroon ng mahabang buhay
Lalo't sa iyong liwanag na taglay
Ay isa kang ilaw na gumagabay.

Bakit ba sa lungsod ikaw ay wala
Bihira kang magpakita sa dukha
Di ka na kilala ng mga bata
Tila limot na rin ng matatanda.

Buti pang mga taga-lalawigan
Pagkat di ka nila nalilimutan
Ngunit sa lungsod ikaw'y napalitan
Ng mga ilaw na nagkikinangan.

Huwebes, Agosto 6, 2009

Wala Tayong Mapapala sa Simpleng Tingin

WALA TAYONG MAPAPALA SA SIMPLENG TINGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Wala tayong mapapala sa simpleng tingin
Kaya dapat lipunan ay ating suriin
Upang iba't ibang isyu'y malaman natin
At kung paano bang problema'y babakahin

Wala tayong mapapala sa pagtunganga
Mga isyu'y di dapat binabalewala
Di dapat masa'y pulos sakripisyo't luha
Dapat dama rin nila ang ligaya't tuwa

Wala tayong mapapala sa katititig
Pagkat mga problema'y di natitigatig
Ating suriin ang lahat ng isyu't panig
Upang ang solusyon ay dito nakasandig

Walang mapapala sa pagbilang ng poste
Pagkat ang ganito'y di dapat maging siste
Suriin ang isyu kung gaano katindi
Ngunit ingat at baka tayo makuryente

May mapapala tayo kung tayo'y kikilos
Upang mga problema'y suriin ng lubos
Nang makalikha rin ng solusyong di kapos
At mga isyu'y matugunan at matapos

Gamitin ang ulo, katawan, paa't kamay
Pati diwang tuliro't pusong nalulumbay
Ngunit iayos itong problema't ihanay
Nang matugunan ito't tayo'y magtagumpay

Salamat at Paalam, Ina

SALAMAT AT PAALAM, INA
(pagpupugay sa namayapang pangulong Cory)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Payapa nang humimlay ang ina
sa kanyang huling hantungan
Ina ng demokrasya'y wala na
ngunit tuloy pa ang laban

Tuloy ang laban ng sambayanan
laban sa mga tiwali
Na ayaw umalis sa upuan
at nais pang manatili

Kaming anak nitong demokrasya
sa ina po'y nagpupugay
Paalam na, mahal naming ina
sadyang kami'y nalulumbay

Nalulumbay man ay tuloy pa rin
ang adhikang pagbabago
Sadyang kayo'y inspirasyon namin
pagkat kayo'y makatao

Makataong lipunan ang nais
nitong sambayanang giliw
Lipunang walang nagmamalabis
adhikang di magmamaliw

Ina, kami sa inyo'y saludo
kaya tuloy po ang laban
Salamat, salamat po sa inyo
bayani ka nga ng bayan

Nakapagtitimpi Pa Ang Taumbayan

NAKAPAGTITIMPI PA ANG TAUMBAYAN
(Hinggil sa epekto ng shame campaign laban sa Con Ass)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa galit nitong pulitikong gahaman
siya'y gumawa ng panukalang batas
bawal na ang mga rali sa tahanan
at tanggapan ng mga trapong nag-Con Ass

pinaglaruan ng mga kongresista
itong kinabukasan ng sambayanan
kaya tama lamang na ralihan sila
sa kanilang mga bahay at tanggapan

mabait pa nga ang militanteng grupo
at rali lang sa bahay at opisina
ang siyang ginagawa ng mga ito
upang ilabas ang mga galit nila

buti nga't sila'y nakakapagtimpi pa
at di pa sila nagpunta ng Batasan
upang kunin itong mga kongresista
na dapat lang kaladkarin ng tuluyan

baka nais yata ng mga nag-Con Ass
makaladkad pang palabas ng Kongreso
buti nga't rali lang at di nandarahas
ang kanilang nilolokong mga tao

mga kongresista'y dapat lang magtino
at huwag nilang paglaruan ang bukas
nitong mamamayang kanilang binigo
dahil sa kanilang paglagda sa Con Ass

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.

Miyerkules, Agosto 5, 2009

Liwanag sa Karimlan (Karanasan sa Edsa 1)

LIWANAG SA KARIMLAN
(Karanasan sa Edsa 1)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ako'y aktibista noon magpahanggang ngayon
na namulat nang magprotesta kay Marcos noon

di pa dahil sa kagagawan ng diktadurya
na inapi't pinagsamantalahan ang masa

bata kaming masasaya'y biglang natigagal
nang Mazinger Z't Voltes V ay kanyang tinanggal

iyon ang umpisa ng aking pagrerebelde
sa pangulong kasiyahan namin ang dinale

hanggang dumating ang panahong itong si Ninoy
binaril sa tarmak kaya maraming nanaghoy

ako'y nagtataka pa nang aking kabataan
kung bakit ba kayraming protesta sa lansangan

ani ama, bawal daw iyong pag-usapan pa
dahil panahon pa raw iyon ng diktadurya

ilang taon pa ang nagdaan at sina ama
pati na barkada niya'y nagtungo sa Edsa

upang sa mga tao'y magbigay ng pagkain
pati rin sa sundalo't mga nananalangin

ayaw pa akong isama noon nina ama
at delikado raw ang patutunguhan nila

ngunit sa kalaunan ako ri'y nakasama
sa pang-apat na araw na pagpunta sa Edsa

saksi ako sa kasiyahan ng buong bayan
nang umalis si Marcos doon sa Malacañang

saksi ako sa ligaya ng bayang may luha
pagkat nakamit na ang demokrasyang may tuwa

pumailanlang din ang tinig ni Mona Lisa
kasama'y APO sa pag-awit ng "Magkaisa"

ilan lamang ito sa aking natatandaan
na natatangi't makasaysayang karanasan

pagkat dito'y naramdaman ko'y pagkakaisa
ng Pilipino, kasama'y karaniwang masa

salamat, salamat sa pagkakaisang ito
na nagmulat sa akin ng magiging papel ko

hanggang ngayon dala ko ang karanasang ito
upang tunay na pagbabago'y pangarapin ko

tinanggap ang hamong mulatin ang mga dukha
at pagkaisahin din ang uring manggagawa

aktibista akong ang adhika'y pagbabago
tungo sa lipunang maunlad at makatao

Martes, Agosto 4, 2009

Gamitin ng Tama ang Pondo ng Bayan

GAMITIN NG TAMA ANG PONDO NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Gamitin ang pondo nitong bansa
Di sa mga sandatang pandigma
Kundi sa mapayapang adhika
Nang buhay ng tao'y di mawala.

Kabangbayan ay para sa bayan
Di para sa pulitikong ilan
Pagkat ang pondo'y nagmula naman
Doon sa buwis ng taumbayan.

Higit sa kalahating porsyento
Sa nilaang badyet ng gobyerno
Ang pambayad-utang lamang nito
Imbes ito'y gamitin sa tao.

Kahirapan ang pagkagastusan
Upang maibsan ang kagutuman
Itigil din ang katiwalian
Pati na rin mga kurakutan.

Itong hiling natin sa gobyerno
Gamitin nyo ng tama ang pondo
Para sa kapakanan ng tao
At di para sa inyong kapritso.

Patakbo-Takbo

PATAKBO-TAKBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

I

Kayrami ng dukha ay patakbo-takbo
Dinedemolis na ang kanilang kubo
Winawasak na ang kanilang tirahan
Tinatanggalan na ng matutuluyan.

Pati mga bendor ay patakbo-takbo
At baka hulihin ng mga berdugo
Bawal daw magtinda sa mga lansangan
Bawal nang mabuhay ng may karangalan.

Maraming mahirap ang patakbo-takbo
Hinuhuli sila't umano'y panggulo
Mayayaman lang daw ang may karapatan
Pagkat sila raw ang may pinag-aralan.

II

Bataan ng pangulo'y patakbo-takbo
Itinakbo ang sa magsasaka'y pondo
Nawalang parang bula'y fertilizer fund
At milyones yaong naglahong tuluyan.

Ang mga kriminal ay patakbo-takbo
Pagkat natatakot makalaboso
Dahil sa ginawa nilang kasalanan
Sa pamahalaan at sa taumbayan.

Itong mga trapo ay patakbo-takbo
Sa eleksyon upang mamuno raw dito
Ngunit madalas mga trapo'y kawatan
Na pinupuntirya'y ang kaban ng bayan.

Linggo, Agosto 2, 2009

Huwag Matakot Makibaka

HUWAG MATAKOT MAKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

I

makibaka, huwag matakot
durugin ang mga kurakot
sa bayang pinaikut-ikot
nitong mga trapong baluktot

huwag matakot makibaka
di na tayo dapat magdusa
ipagtanggol natin ang masa
hanggang makamit ang hustisya

makibaka, huwag matakot
labanan natin yaong salot
na mga trapong nanghuhuthot
sa kabang bayang dinadaklot

huwag matakot makibaka
ngunit di dapat bara-bara
ang upak natin sa kanila
dahil binabangga'y may pwersa

II

makibaka, huwag matakot
di dapat mabahag ang buntot
at huwag ding lalambot-lambot
pagkat walang puwang ang takot

huwag matakot makibaka
ang mapang-api'y usigin na
huwag hayaang makatabla
ang mga mapagsamantala

makibaka, huwag matakot
huwag pumayag mapaikot
ng mga trapong mapag-imbot
na sa bayan natin ay salot

huwag matakot makibaka
halina't tayo'y magkaisa
durugin ang mga buwaya
at baguhin na ang sistema

Di Naman Talaga

DI NAMAN TALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

di naman talaga naaksaya
ang mga oras mong inaksaya
kung ikaw'y nama'y naging masaya
sa ginawa mong kasiya-siya

di naman talaga laging tama
kapag malakas ang iyong tama
maigi pang ikaw ay tumama
sa paripa bago ka tumoma

di naman talaga mga dyosa
ang mga dalagang magaganda
diwata ang turing sa kanila
ng tulad kong sila'y sinasamba

di naman talaga nambobola
ang naglalaro ng karambola
kumakain lang ng bolabola
habang hawak ang bilog na bola

di naman talaga magagaling
ang mga sa Amerika galing
tayo lang minsan ay napupuwing
sa kanilang marami'y balimbing

di naman talaga makamasa
ang mga trapong binabalasa
pagkat masa’y laging nasa dusa
na parang pandesal kung imasa

di naman talaga katropa mo
silang mga trapo sa gobyerno
pagkat binobola ka lang nito
at boto lang ang gusto sa iyo

di naman talaga mga hudas
ang mga pulitikong nag-Con Ass
pagkat tawag sa kanila'y ahas
ng masa nilang binalasubas

Sa Hustisya'y May Tunggalian Din ng Uri

SA HUSTISYA'Y MAY TUNGGALIAN DIN NG URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

napakaraming katanungan ang umuukilkil sa isipan
kapag may naaagrabyado sa sistema ng katarungan

bakit si Erap na guilty sa plunder ay nakalaya agad
ngunit yaong political prisoners sa piitan pa'y babad

bakit si Jalosjos na guilty sa rape ay agad nakalaya
ngunit si Echegaray ay agad nabitay sa Muntinlupa

bakit pati ang mga vendors na nagtitinda ng marangal
ay hinuhuli't sinusunog ang kanilang mga kalakal

ngunit ang pribadong sektor na sa masa'y kaytaas maningil
pinayagan kahit buhay nati'y unti-unting kinikitil

bakit ang nahuhuling mag-jumper ay agad ipinipiit
ngunit malaya ang sumisingil ng kuryenteng di ginamit

a, sadyang napakarami pang bakit ang ating masasabi
lalo't sa sistema ng hustisya sa bansa'y di mapakali

sa mga tanong na ganito'y sumulpot ang katotohanan
may tunggalian din ng uri sa sistema ng katarungan

di pantay ang hustisya kaya nga kaydami ng sumusulpot
na mga katanungang sadyang naghahanap ng mga sagot

di ang mayayaman lang ang dapat makadama ng hustisya
kundi dapat lahat, may hustisya dapat lalo na ang masa

masasagot lang ang mga tanong kung ating pag-aaralan
ang kasalukuyang kalagayan at sistema ng lipunan

pag-aralan nati't kumilos tayo tungo sa pagbabago
ng sistema ng lipunan upang makinabang lahat tayo

Sabado, Agosto 1, 2009

Pagsampalataya sa Manggagawa

PAGSAMPALATAYA SA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tayo'y dapat sumampalataya
sa kakayahan ng manggagawa
na tatanganan nila ang diwa
ng sosyalismong inaadhika

una tayong dapat maniwala
na manggagawa'y may magagawa
sa pagbago ng lipuna't bansa
pagkat sila ang mapagpalaya

kung di tayo sasampalataya
sa ating hukbong mapagpalaya
tayo na ang unang sumisira
sa prinsipyong ating pinanata

o, kayo nga, uring manggagawa
ang siyang hukbong mapagpalaya
kami sa inyo'y naniniwala
sa kayrami ninyong magagawa

kami nga'y sumasampalataya
na kikilos kayo't naghahanda
para tuluyan ninyong malikha
ang isang daigdig na malaya

Bawat Kasama'y Kapuso't Kapamilya

BAWAT KASAMA'Y KAPUSO'T KAPAMILYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bawat kasama'y kapuso't kapamilya
nagkakaisa sa diwang sosyalista
tayo'y sabay-sabay na nakikibaka
upang baguhin ang bulok na sistema

sa kilusan, bawat kasama'y kapuso
pagkat nakataya'y buhay nati't dugo
hinaharap natin kahit mga punglo
naninindigan mabasag man ang bungo

ating kapamilya ang bawat kasama
pagkat iisa ang likaw ng bituka
sama-samang nangangampanya sa masa
sama-sama rin sa pag-oorganisa

halina, kasama't humayo na tayo
sa pagsulong ng adhikang sosyalismo
puno man ito ng mga sakripisyo
sa pagkakaisa tayo'y mananalo

Pag Tao'y Nagigipit

PAG TAO'Y NAGIGIPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang tao raw na nagigipit
ay pulos dusa, luha't impit
pagkat kapalarang kaylupit
yaong sa kanya na'y sumapit

ang lupain nila'y inilit
at sa krimen pa'y idinawit
parang wala na siyang bait
sa mga problemang lumapit

hanggang saan kaya sasapit
ang buhay niyang pulos sakit
anong paraang magagamit
upang maibsan yaong pait

ang tanong sa sarili'y bakit
nangyayari'y ganitong pilit
sa swerte ba'y makakahirit
ang mga tulad niyang gipit

sa isip lagi'y umuugit
bakit kapalara'y kaypait
kailan kaya makakamit
ang kaalwanang pinagkait

paano iibsan ang galit
sa dibdib niyang nagngingitngit
hanggang sa utak na'y gumuhit
na sa patalim na'y kakapit

Gamitin Mo'y Wika ng Masa

GAMITIN MO'Y WIKA NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung organisador ka't nagpunta ng Sebu
aba'y pag-aralan ang wikang Sebuwano
salitain mo ang kanilang diyalekto
lalo na kung kampanyador ka't hindi loko

kung napunta ka naman sa lupang Iloko
pag-aralan mo rin ang wikang Ilokano
di dapat mangibabaw ang wika ng dayo
kundi gamitin ang sariling wika dito

kung nasa Pampanga ka'y iyong pag-aralan
ang kultura doon at wikang Kapampangan
kung ikaw naman ay napadpad sa Bulacan
wika doon ang gamitin sa talakayan

bawat organisador, mapadpad saan man
ang una nilang dapat sunding patakaran
ay ang pag-aralan kaagad ng mataman
ang diyalekto doon, pati kalinangan

ang wika ng masa ang gamitin sa masa
ito'y batas ng magaling mag-organisa
gamitin mo ang sariling salita nila
upang maging epektibo pati kampanya

kaya dapat nating pag-aralang maigi
ang wika natin at diyalektong sarili
gamitin natin ito sa ating katabi
sa kausap, kasama't pinipintakasi

kung kampanyador ka't naririto sa bansa
o organisador kang pagbabago'y pita
aba'y wika ng masa'y dapat winiwika
at huwag kang umastang isa kang banyaga

ang asong ngumingiyaw ay huwag gayahin
na sa masa'y ibang wika ang gagamitin
dahil mukha ka lang palalo't palamunin
wala kang silbi sa masa't di ka diringgin

Hoy, Inglesero

HOY, INGLESERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hoy, inglesero, nandidiri ka ba rito
kaya ingles lagi ang sinasalita mo
nandidiri ka ba sa mga Pilipino
nakakainis na ang mga pa-Ingles mo

aba'y lumayas ka na nga sa bansang ito
magpunta na kay Tiyo Sam na idolo mo
halikan mo ang kanyang tumbong, Inglesero
kung nandidiri ka sa wikang Filipino

may pobya kunyari sa wikang gamit dito
hoy, ulol, bolahin mo ang mga lelang mo
di namin kakagatin ang pain mong ito
para lang makaisa ka't igalang dito

sa ingles ka ba nanghihiram ng respeto
aba'y kawawa ka naman, kababayan ko
akala'y igagalang kahit ikaw'y gago
kaya sa ingles nanghihiram ng respeto

sabagay iba nga pala sa bansang ito
sinasaluduhan ang mga Inglesero
ngunit kung nais mo talaga ng respeto
aba, salitain mo'y wikang Filipino

magkapilipit-pilipit man ang dila mo
sa pagtityaga, ikaw rin ay matututo
kung di mo gagamitin, aba'y tangina mo
kung ayaw mo pa rin, umalis ka na rito