Sabado, Agosto 29, 2009

Silang Walang Bukas

SILANG WALANG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

kayraming batang walang kinabukasan
lagi nang namamalimos sa lansangan
lagi nang namumulot sa basurahan
pawang gutom, nakatingin sa kawalan

kayrami rin ng babaeng may nakaraan
ngunit tila wala ring kinabukasan
ang katawan nila'y pinaglalaruan
bilasa na ang kanilang kagandahan

kayrami ng dukhang wala nang tahanan
tinanggal pati pag-aaring anuman
pati lukbutan nila'y wala ring laman
ito'y dahil wala silang kabuhayan

kayrami ng magsasakang inagawan
nitong mga lupang pinagsasakahan
at sila ngayon ay wala nang pagtamnan
ng kanilang mga palay at gulayan

kayrami ng manggagawang tinanggalan
ng trabaho sa pabrikang pinasukan
gayong lakas paggawa'y pinagtubuan
ng kanilang kapitalistang gahaman

kayraming mga kawawang mamamayan
sa buhay sila'y walang kasiguruhan
pagkat biktima ng sistemang gahaman
kaya sistemang ito'y dapat palitan

Walang komento: