Miyerkules, Agosto 5, 2009

Liwanag sa Karimlan (Karanasan sa Edsa 1)

LIWANAG SA KARIMLAN
(Karanasan sa Edsa 1)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ako'y aktibista noon magpahanggang ngayon
na namulat nang magprotesta kay Marcos noon

di pa dahil sa kagagawan ng diktadurya
na inapi't pinagsamantalahan ang masa

bata kaming masasaya'y biglang natigagal
nang Mazinger Z't Voltes V ay kanyang tinanggal

iyon ang umpisa ng aking pagrerebelde
sa pangulong kasiyahan namin ang dinale

hanggang dumating ang panahong itong si Ninoy
binaril sa tarmak kaya maraming nanaghoy

ako'y nagtataka pa nang aking kabataan
kung bakit ba kayraming protesta sa lansangan

ani ama, bawal daw iyong pag-usapan pa
dahil panahon pa raw iyon ng diktadurya

ilang taon pa ang nagdaan at sina ama
pati na barkada niya'y nagtungo sa Edsa

upang sa mga tao'y magbigay ng pagkain
pati rin sa sundalo't mga nananalangin

ayaw pa akong isama noon nina ama
at delikado raw ang patutunguhan nila

ngunit sa kalaunan ako ri'y nakasama
sa pang-apat na araw na pagpunta sa Edsa

saksi ako sa kasiyahan ng buong bayan
nang umalis si Marcos doon sa Malacañang

saksi ako sa ligaya ng bayang may luha
pagkat nakamit na ang demokrasyang may tuwa

pumailanlang din ang tinig ni Mona Lisa
kasama'y APO sa pag-awit ng "Magkaisa"

ilan lamang ito sa aking natatandaan
na natatangi't makasaysayang karanasan

pagkat dito'y naramdaman ko'y pagkakaisa
ng Pilipino, kasama'y karaniwang masa

salamat, salamat sa pagkakaisang ito
na nagmulat sa akin ng magiging papel ko

hanggang ngayon dala ko ang karanasang ito
upang tunay na pagbabago'y pangarapin ko

tinanggap ang hamong mulatin ang mga dukha
at pagkaisahin din ang uring manggagawa

aktibista akong ang adhika'y pagbabago
tungo sa lipunang maunlad at makatao

Walang komento: