Miyerkules, Agosto 27, 2008
Nauto ang Magsasaka
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig
Isang ginoo’t isang magsasaka
Yaong napaligaw sa isang isla
Tao doo’y sila lamang dalawa
Doon na sila ngayon napatira.
“Ako itong bumubuhay sa iyo!”
Sabi sa magsasaka ng ginoo
Na tinugon ng “O, panginoon ko,
Salamat po at naririyan kayo!”
Ang magsasaka’y nanilbihan naman
Sa ginoo ng buong katapatan
Tila kalabaw doon sa sakahan
Habang ginoo’y nagpapasarap lang.
Laging alay ng magsasakang ungas
Sa kanyang panginoong balasubas
Yaong mga naani niyang prutas
Tulad ng saging, pinya, mangga’t ubas.
Araw-araw ay palaging ganoon
Tila siya inalipin ng maton
Hanggang sa mamatay ang panginoon
Magsasaka’y mag-isa na lang ngayon.
Nang mapag-isa na ang magsasaka
Ay labis naman siyang nagtataka
Mas kumakain siya ng sagana
At hindi siya gaanong hirap pa.
Napagtanto niyang siya’y nabuhay
Dahil sa pagpapawis niyang tunay
Ang kanya palang mapagpalang kamay
Ang nagpataba sa among namatay.
Nasuri niya ngayon ang nangyari
Ang amo niya’y wala palang silbi
Kaya’t nasambit niya sa sarili:
“Nagpauto pala ako’t naapi!”
Dignidad ng Pulubi
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig
Maraming pulubi sa mga lansangan
Na ang hinihingi’y kaunting barya lang
Ngunit yaong iba, sila’y aasikan
Para bang di tao ang nasa harapan.
Maraming pulubi pagkat naghihirap
Nabiktima ng sistemang mapagpanggap
Maging pulubi’y di nila pinangarap
At dignidad nila bilang tao’y hanap.
Katiting man yaong dignidad na tangan
Ipagtatanggol nila iyon saanman
Kaya kapag namalimos sa lansangan
Itong pulubi’y huwag mong aasikan.
Sila’y igalang pagkat tao rin sila
Kung wala kang barya, ngiti ay okey na.
Tanggalin ang E-VAT sa Langis
(expanded value added tax)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig
O, bayan, kaya pa ba nating bumungisngis
Sa tuwinang pagtaas ng presyo ng langis
Ang tulad ko’y hindi na’t sadyang naiinis
Pagkat tayo’y laging kinukupitang labis
Nitong mga gahamang kumpanyang kaybangis.
Sa buong mundo ngayo’y laganap ang krisis
Pagkat presyo ng langis ay humahagibis
Sa pagtaas kaya’t bayan ay naaamis
Lagi nang nagmamahal ang bawat bariles
Ito’y kapansin-pansin pagdating ng Byernes.
Ang gobyerno ba nati’y sadyang walang boses
Upang bayan nati’y makaalpas sa krisis
O baya’y sadyang kanilang pinalilingkis
Sa kapitalista’t kanilang alipores
Pagkat parehong tubo ang kanilang nais.
O, bayan, di tayo dapat laging magtiis
May paraan pa upang maibsan ang krisis
Halina’t magsama-sama’t magbigkis-bigkis
Ating ipanawagan sa gobyernong burgis:
“Tanggalin nyo na ang dose-porsyentong buwis!”
Puso Ma'y Di Na Pumintig
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig
Saan nga ba ako nagkukulang
Hindi naman ako salawahan
Ang pagmamahal ko’y tunay lamang
Ngunit binatbat ng kasawian.
Gusto kong makaulayaw kita
Nais kitang laging makasama
Hangad kong ikaw’y mapaligaya
Ibig kong lagi tayong masaya.
Ano naman ang nais mo, sinta
Upang kita nama’y lumigaya?
O sa pag-ibig ko’y ayaw mo na
At ako’y pinahihirapan pa?
Ang puso ko ma’y di na pumintig
Ikaw pa ri’y aking iniibig.
Nabigo sa Estilong Bulok
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig
Ako’y dinalaw nitong kaibigan
Napili niya akong pagsabihan
Nitong kanyang mga problemang tangan
At ito ang sa aki’y kanyang turan:
“Paano kaya ako iibigin
Ng babaeng sadyang mahal sa akin
Estilo ko ba’y aking babaguhin
Upang lumapat sa kanyang naisin?”
“May sinabi siyang di ko maarok
Na sa pag-ibig ako raw ay bugok
Pagkat ito raw estilo ko’y bulok
Paratang na ito’y di ko malunok.”
“Mabuti pa yatang ako’y mamatay
Nang itong aking pag-ibig na taglay
Ay kasama kong mabaon sa hukay.
Iibig na lang sa kabilang buhay.”
Ito ang tangi kong payo sa kanya:
Ang dapat sumaya’y kayong dalawa
Ngunit kung isa lang itong masaya
Mabuti pang humanap na ng iba.
Itong pag-ibig ay pagbibigayan
Ng dalawang pusong nagsusuyuan
Ngunit kung magbibigay ay isa lang
Di ito tunay na pagmamahalan.
Lunes, Agosto 25, 2008
Sa Aking Magiging Kabiyak
SA AKING MAGIGING KABIYAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
Disyerto ang puso ko dahil wala ka pa
Ngunit saang pabrika kita makikita
Ikaw ba ang diwata sa lupang pantasya
Ngunit pantasya'y di ko kailangan, sinta
Kailangan ko'y ikaw, ang totoong ikaw
Ang ganda mo'y lagi sa aking balintataw
Gandang Ara Mina ang aking natatanaw
Na sa pangarap ko'y laging sasayaw-sayaw
Ngunit, sinta, saan kita matatagpuan
Marahil ikaw yaong ginto sa putikan
At ako ang iyong minero sa latian
Nagpapakahirap matagpuan ka lamang
Di ka lang dapat hanggang sa aking pangarap
Ikaw, sinta ko'y akin ding mahahagilap.
Miyerkules, Agosto 20, 2008
Talambuhay ng Buryong at ng Praning
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig
1
Minsan sa kulungan ng Presinto Kwatro
Malapit sa riles at daang Prudencio
Ay napiit itong dalawang sanggano
Sila’y magkasabay na nakalaboso.
2
Ang isa’y naburyong dahil sa problema
Wala nang makain ang kanyang pamilya
Nagpasyang magnakaw upang magkapera
At isang sanglaan ang hinoldap niya.
3
Ang isa’y napraning nang dahil sa droga
Laging nasa langit ang ramdam tuwina
Pag walang pandroga’y nababato siya
Hanggang sa manloob ng bahay ng iba.
4
Ang naburyong nama’y agad nasakote
Parak na butete itong nakadale
Mga tanod naman yaong nakahuli
Sa praning na ngayon ay natuturete.
5
At doon sa hoyo’y nagkaharap sila
Tila kapwa bangag sa kanilang selda
Di ubos-maisip ang mga problema
At tanging nagawa’y magbuntong-hininga.
6
Sila’y kapwa agad na idinemanda
Ng kani-kanilang mga biniktima
Bagamat nabawi yaong ari nila
Kaso’y tuloy naman doon sa dalawa.
7
Sila’y napatungan ng iba pang kaso
Na ikinabigla ng dalawang ito
Pagkat marami pa palang nagreklamo
Sila pala’y pawang kayraming atraso.
8
Dumaan ang araw at maraming linggo
Nanatili silang nasa kalaboso
Laya’y hinihintay, nag-isip magbago
Kayhirap daw pala ng buhay ng preso.
9
Naisip ng buryong, “Paano na ako
Paano na kaya yaong pamilya ko
Di ako tatagal sa kulungang ito
Kaya kailangang tumakas na rito!”
10
Naisip ng praning, “Nanginginig ako
At di ako bagay sa piitang ito
Kailangan ko nang tumikim ng bato
Dapat nang pumuga sa impyernong ito!”
11
Ang dalawang preso’y nag-usap pagdaka
Nagsabihan sila ng mga problema
Nagkumustahan na ng pami-pamilya
Hanggang ang dalawa’y naging magkakosa
12
Naliligalig na ang kanilang diwa
Naalala pati inang lumuluha
Naisipan nilang sila na’y pumuga
Kahit mga parak ay makasagupa.
13
Ano bang gagawin nila pagkalabas
Kapag nagtagumpay silang makatakas
Sila bang dalawa’y handang pumarehas
Sapagkat ayaw nang humimas ng rehas
14
Ngunit ang pagpuga'y dagdag na sentensya
Pag muling natiklo sila ng pulisya
At ang mas matindi’y pag upakan sila
Tuluyang madedo itong magkakosa.
15
May pagkakataon para ba magbago
Itong mga presong nasa kalaboso?
O sila’y biktima ng lipunang ito
Na ang una’y tubo kaysa kapwa tao?
16
Bakit mga dukha’y nakakalaboso?
At malaya itong mga pulitiko
Na nangungurakot doon sa gobyerno.
Bakit malalaki’y hindi maipreso?
17
Gayunman, sa aking kalooba’y tanong
Bakit ba sa mundo’y may praning at buryong
Bakit ba sa droga’y maraming nalulong?
At bakit may kasong nagkapatung-patong?
18
Merong mga buryong dahil dinadaan
Sa init ng ulo ang mga paraan
Nandarahas kahit wala sa katwiran
Upang maibsan lang ang kalam ng tiyan.
19
Praning nama’y nais na makalimutan
Ang hirap at gutom na nararanasan
Solusyon ay bato’t nagtutulak naman
Nais lagi nilang nasa kalangitan.
20
Itong kaburyungan at ang kapraningan
Ay tiyak namang di nila kagustuhan
Sadya nga epekto nitong kahirapan
Na laganap naman sa ating lipunan.
21
Ano bang dahilan ng buhay sa mundo
Kung dahil sa hirap nakakalaboso
Paano ba itong pagpapakatao
Sa lipunang ito, sa baya’t gobyerno.
22
Hangga’t dumarami itong naghihirap
Ang krimen ay baka lalong lumaganap
Dapat bawat isa’y tapunan ng lingap
Hustisya sa lahat ang dapat malasap.
"Ama" Raw ng Demokrasya
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig
1
Sina George Washington at Thomas Jefferson
Ang tinuring na “ama” ng demokrasya
Dahil tinatag nila ang mga Unyon
Ng mga estado nitong Amerika.
2
Ginawa nilang iyon ay naging huwaran
Ng demokrasya sa iba’t ibang bansa
Ngunit marami ang nagtataka naman
Dahil ito’y hindi ganap na paglaya
3
Bakit kaya di nila idineklara
Yaong kalayaan ng aliping Itim
Kasabay ng kasarinlan sa Britanya
Sila ba’ng pumalit sa pang-aalipin.
4
Sila’y nagdeklara ng pagkakapantay
Ng tao sa lipunang may kasarinlan
Demokrasya pala nila’y hindi lantay
Mga Itim ay alipin pa rin naman.
5
Kaya di sila “ama” ng demokrasya
Kundi sila’y ama lamang ng iilan
Sila’y ama lamang nitong Amerika
At di ng mga demokratikong bayan.
6
Dumaan pa ang ilang dekada’t taon
Bago mapawi itong pang-aalipin
Kinakailangan pa ng isang Lincoln
Upang lumayang ganap ang mga Itim.
7
Kung demokrasya’y totoong umiiral
Dapat walang taong kinakaligtaan
Di inaalipin ng sinumang hangal
At may paggalang sa bawat karapatan.
Sampaloc, Maynila
Agosto 19, 2008
Pagninilay ng Isang Bruskong Haragan
BRUSKONG HARAGAN
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig
1
Siya’y di makabasag-pinggan
Sa kanyang gawi’t kahinhinan
Dapat ko ba siyang ligawan
Kahit ako’y bruskong haragan.
2
Kung pag-ibig ko’y iginiit
Baka naman siya’y magalit
Sasabihang ako’y makulit
Hinhin niya’y mawalang pilit.
Basagin ko kaya ang pinggan
Upang siya’y makatuluyan
Ngunit pag-ibig ay di ganyan
At pagsinta’y di sapilitan.
4
Haharap akong taas-noo
Nang wala nitong pagkabrusko
Sasabihing siya’y mahal ko
Mamula man ang mukhang ito.
5
Pag tinanggap ang iwing puso
Ng minamahal ko’t kasuyo
Ay aking ipinapangako
Puso niya’y di magdurugo.
6
Sakaling mang ako’y nabigo
At puso’y tuluyang nagdugo
Itututok ko na ang punglo
Na tatagos sa aking bungo.
7
Ngunit pag sinagot ng dilag
Puso ko’y magiging panatag
Kaya’t ako na’y magsisipag
Para sa aking nililiyag.
8
Kaya’t nakitang aral dito
Na napagnilayan ng brusko:
Pag-ibig pala’y bumabago
Ng buhay nati’t pagkatao.
Sampaloc, Maynila
Agosto 17, 2008
Ang Nais Kong Makaniig
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig
Mahal na mahal kita, aking liyag
Ikaw na sa aki’y nagpapatatag
At dahilan ng puso kong panatag.
Iniibig kita, o aking sinta
Pinangarap kong maging katuwang ka
At ikaw ay aking maging asawa.
Sinasamba kita, o aking mahal
Pag di tinanggap ang puso kong hangal
Itarak sa puso ko itong punyal.
Ikaw lang ang nais kong makaniig
Tanggapin mo na ang aking pag-ibig.
Sampaloc, Maynila
Agosto 17, 2008
Sabado, Agosto 16, 2008
Kamatayan ng Ama at Anak, ayon kay Croesus
Mina
Hikbi
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig
1
Paano nga ba tayo magmamalasakit
Na nangaglilipana sa mga lansangan.
2
Sa mga mata ba mismo nati’y kaysakit
Na makitang ang kapwa natin ay tuliro
Sila’y naghihirap din at walang pambili
Ng pangunahin nilang pangangailangan.
3
Sa kalagayang ito tayo ba’y pipikit
Sa mga ginagawa ng ating gobyerno
Hanggang ngayon ba tayo’y mag-aatubili
Sa pagkilos tungo sa ating kalayaan.
4
Naririnig baga natin ang mga impit
Ng mamamayang nais na ng pagbabago
O ginagawa nati’y pawang paninisi
At iaasa sa iba ang katayuan.
5
Ngunit bakit ganito ang ating sinapit
Bigas, langis, biglang nagtaasan ang presyo
Pati na ang tubig, kuryente’t pamasahe
Tila nagpabaya na ang pamahalaan.
6
Sistema natin ngayo’y walang malasakit
Sa mamamayan, sa ating kapwa’t obrero
Sa tubo, kapitalista’y laging madali
Mayaman na nga’y lalo pang nagpapayaman.
7
Kaya’t ito ang aking nasasambit-sambit
Halina’t baguhin na ang sistemang ito
Pagkat kung laging ganito ang nangyayari
Dapat na ngang mag-aklas sa ating bayan.
8
Palitan na ang kapitalismong kaylupit
At tahakin na ang landas ng sosyalismo
Wasakin na ang pribadong pagmamay-ari
Upang makinabang lahat, at di iilan.
Kay Sophia - tula ni Joaquin Bordado
Kay Sophia
Sophia, O, aking Sophia
Narito ang ating anak na si Jimboy
Lagi kang hinahanap-hanap
Habang kaulayaw mo si Miguel
Na sa katotohana’y
Siya ang kapatid kong si Jerome.
Mahal kita, Sophia, mahal na mahal
Kahit pa nagpalit ka na ng pangalan
Kahit ikaw na ngayon si Carol
Si Carol na walang nakaraan
Habang si Sophia naman
Ay walang kasalukuyan.
Kahit nandyan ang magandang si Diane
Ikaw lamang ang nasa puso ko’t isipan
Alam kong darating din ang araw
Magkakasama-sama tayong muli
Mabubuo ang pamilyang nagkawalay
Dahil sa salimuot ng Silvaria.
- greg bituin jr.
Mayo 7, 2008
(Ang Joaquin Bordado ay palabas sa telebisyon na pinagbibidahan nina Robin Padilla at Iza Calsado.)
Biyernes, Agosto 15, 2008
Dear Alwina
Tubo ang Itinatahol
TUBO ANG ITINATAHOL
ni Greg Bituin Jr.
(lalabing-isahing pantig bawat taludtod)
Tubo lagi itong itinatahol
Ng mga taong tila nauulol
Pag tubo’y lumiit ay nagmamaktol
At manggagawa itong hinahabol
Ang oras natin ay lubhang ginagahol
Nitong gobyernong sadya yatang bopol
Halinang kumilos, tayo’y tumutol
At ang sambayanan ay ipagtanggol
Laban sa sistemang dapat madedbol.
Pandesal
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Berdugo
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Sa Kuko ng Lawin
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Linggo, Agosto 10, 2008
Si Lou, si Fides
SI LOU, SI FIDES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig
dalawa silang crush ko noong elementarya
para silang diwata noong ako' y bata pa
ang isang palangiti at makulit ang isa
sa amin ngang batch noon, sila ang mga bida
parehong matalino, hanggang titig lang ako
sa reses maglalaro, sila'y susulyapan ko
wala lang di ko alam ang gagawin ko'y ano
basta't crush ko sila at pareho kong gusto
nakita nilang ako'y napingot ni Miss Josue
kaya nahiya ako't tila ako napipi
ngunit nang maghayskul na, nagkahiwalay kami
natira sila doon, pawang mga babae
mga lalaki kasi'y sa elementarya lang
sila'y pansamantala ko nang nakalimutan
nauna kong naging crush si Lou na crush ng bayan
si Fides nang paalis ako ng paaralan
sila'y naging bahagi ng aking pagkabata
kaya nasa puso ko ang kanilang gunita
minahal ko rin sila sa aking pusong bata
ka-batch na lang ang turing ngayong kami'y tumanda
Sabado, Agosto 9, 2008
Bawat Karapatan ay Butil ng Ginto
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
mamamayan tayong di dapat matanso
ng sinumang taong may utak na liko
bawat karapatan ay butil ng ginto
sinumang aagaw ay dapat masugpo
karapatan nati'y kasabay pagsilang
at dapat magamit hanggang kamatayan
kaya karapatan ay dapat igalang
ng sinumang tao, gobyerno't lipunan
karapatan natin ang makapagpahayag
ito'y karapatang di dapat malabag
isang moog itong di dapat matibag
tanganan ito't di tayo patitinag
karapatan natin ang mag-organisa
ng manggagawa at karaniwang masa
sa mga samahan, unyon at iba pa
ng may isang layon at pagkakaisa
karapatan natin ang tayo'y mabuhay
may trabahong sapat at nakabubuhay
ng ating pamilya, meron ding pabahay
at tatlong beses ding kakain ng sabay
karapatan nating maging malulusog
di nagkakasakit, sa buhay pa'y busog
asikasong pantay-pantay di man irog
tinatanggap kahit ospital ma'y bantog
nakatala itong mga karapatan
sa mga deklarasyong pandaigdigan
na dapat basahin at maunawaan
ng lahat ng bansa at pamahalaan
pag sinaling itong karapatang buo
ipagtatanggol diligin man ng dugo
pagkat karapatan ay butil ng ginto
di tayo papayag na tayo'y matanso
Aklat
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig, soneto
Dahil sa ilang aklat, lumaya tayo
At pinalaya tayo ng ilang libro
Unang basahin ang mabubuting libro
Baka pagkakataong basahin ito
Ay mawala na pagkat tayo'y natuliro.
Ang aklat na turing nati'y kaibigan
Ay piling-pili at kakaunti lamang
Yaong taong ayaw talagang magbasa
Ng mabubuting libro'y walang sinabi
Sa talagang di nakapagbasa nito.
Marami tayong librong mabubulatlat
Ngunit piliin lang ang mabuting aklat
Pagkat matututo tayo't mamumulat
Sa mga aral doong madadalumat.
Lunes, Agosto 4, 2008
Gawing Bilog ang Tatsulok
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
1
Kung itutulad itong bayan sa tatsulok
Elitista’t mayayaman ang nasa tuktok
Makikitang ito’y isang sistemang bulok
Pagkat dalita’y sa ilalim nakalugmok.
2
Ang tatsulok ay dapat nating baligtarin
Ito’y panawagan ng marami sa atin
Ako’y umaayon pagkat pangarap ko rin
Na mabago na itong kalagayan natin.
3
Halina’t ating baligtarin ang tatsulok
Upang uri’y mawala sa lipunang bulok
Nang mawala rin ang mga pinunong bugok
Na sa bayan natin ay nakapagpalugmok.
4
Tatsulok itong ginawang paglalarawan
Nitong uri ng tao sa ating lipunan
Lalo’t sa malaking agwat ng kalagayan
Ng mga mahihirap at ng mayayaman.
5
Balisunsong ang binaligtad na tatsulok
Na anyo’y imbudo o konong nasa sulok
Ang tatsulok ba’y dapat gawing balisunsong
O ito ba’y mas dapat gawin nating bilog?
6
Subukan ngang tatsulok ay baligtarin mo
At pabayaan kung makakatayo ito
Tiyak na babagsak ang isang gilid nito
At ang hahalili’y tatsulok namang bago.
7
Nais natin na ang pribadong pag-aari
Ng kagamitan sa produksyon ay mapawi
Pagkaapi’t kahirapa’y ito ang sanhi
At lumikha nitong lipunang makauri.
8
Ang tatsulok ay dapat nating gawing bilog
Upang makauring lipunan ay malasog
At itong pribadong pag-aari’y madurog
At pantay na sistema ang ating mahubog.
9
Sa sistemang bilog, wala nang mga uri
Wala na ring kapitalistang maghahari
Wala na ring elitistang mang-aaglahi
Pagkat pantay-pantay na ang lahat ng lahi.
10
Gawing bilog ang tatsulok na kalagayan
Nang wala nang naghihirap sa ating bayan
Itong sistema’y baguhin nating tuluyan
At itayo na ang panibagong lipunan.
11
Itatag natin ang isang bagong sistema
Isang lipunang walang pagsasamantala
Isang sistemang mapagkalinga sa kapwa
At lipunang makatao para sa masa.
12
Dito’y igagalang lahat ng karapatan
Ng bawat sektor sa bago nating lipunan.
Dito’y iisipin ang bawat kapakanan
At pagkakapantay-pantay ng kalagayan.
13
Magbabago rin ang takbo ng kasaysayan
Pagkat pribadong pag-aari’y wawakasan
Kaya pagkagahama’y wala nang batayan
Pag-ibig ang iiral sa sangkatauhan.
14
Mga kaugalian din ay magbabago
Sa maitatatag na bagong sosyalismo
Pagpapakatao’t makipagkapwa-tao
Ang siyang gawi ng bawat isa sa mundo.
Sampaloc, Maynila
Agosto 4, 2008
Sa Sisne ng Panginay (Alay kay Francisco Balagtas)
Hanggang Kailan Magtitiis
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(13 pantig bawat taludtod)
1
Pag-aring pribado ng mga kagamitan
Sa produksyon ng kalakal sa mga bayan
Ang siyang dahilan ng ating kahirapan
Kaya’t dapat itong mawala nang tuluyan.
2
Hangga’t pribadong pag-aari ng iilan
Ang mga lupain at pabrika sa bayan
Hangga’t lakas-paggawa’y pinagtutubuan
Hangga’t may agwat ang mahirap at mayaman
3
Hangga’t nagpapatuloy pa ang kurakutan
Hangga’t di binabago ang pamahalaan
Hangga’t marami sa ati’y ayaw lumaban
Hangga’t marami ri’y nagmamaang-maangan.
4
Mananatili pa rin itong pagkaapi
Hangga’t nagbubulag-bulagan ang marami
Hangga’t sa panawagan sila’y mga bingi
Sa pagbabagong atin ngayong minimithi
5
Ang mga panawaga’y kailan diringgin?
Aping kalagaya’y kailan babaguhin?
Kapag marami na ang namatay sa atin?
Ang tatsulok ba’y ating pananatilihin?
6
Hindi na panahon ng patunga-tunganga
Organisahin na ang uring manggagawa
At ipatimo ang misyong mapagpalaya
Tungo sa pagbabago ng lipuna’t bansa.
7
Dapat mawala ang pribadong pag-aari
Upang wala nang sa atin ay mang-aglahi
Sa susunod na yugto ito’y mapapawi
At dignidad ng paggawa’y mananatili.
8
Ibagsak na natin itong kapitalismo
At sumulong tayo sa yugtong panibago
Ating itatayo ang bagong sosyalismo
Para sa pakinabang ng lahat sa mundo.
Sampaloc, Maynila
Agosto 2, 2008
Sabado, Agosto 2, 2008
Numero
NUMERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(13 pantig bawat taludtod)
1
Bata pa ako’y nahilig na sa numero
Nahiligang magkwenta ng kung anu-ano
Mula pamasahe, sukli, anumang presyo
Matematika’y sadyang kinagiliwan ko.
2
Sa mataas na paarala’y kita ito
Sa ibang aralin ay sadyang kaybaba ko
Ngunit nakuha ko’y matataas na grado
Pag ang paksa’y may kaugnayan sa numero.
3
Kaya naman ang mga kinuha kong kurso
Sa mga bukasyunal at sa kolehiyo
Ay may kaugnayan sa pag-iinhinyero
Sa pagkokompyuter at sa elektroniko.
4
Ang iba’y natatakot kapag may numero
Tila tingin dito’y pawang mga simbolo
Ng halimaw o ng kung sinumang demonyo
Na dapat pangilagan pagkat hindi santo.
5
Numero’y bahagi na ng buhay ng tao
Mula sa pagsilang hanggang kamatayan mo
Sa bawat pagbaba’t pagtaas ng numero
Lahat tayong mamamayan ay apektado.
6
Gaano kalayo ang Mars sa ating mundo?
Ang sukat ng araw ba’y ilang diyametro?
Gaano kalalim ang dagat-Pasipiko?
Ilang dipa ba ang taas ng bundok-Apo?
7
Ilan na ngayon ang populasyon ng tao?
Ilan ang namatay sa digmaan sa Gulpo?
Ilan na ang nagugutom na Pilipino?
Ilan ang isinilang sa bawat minuto?
8
Ilan bang manggagawa ang naging minero?
At ilan naman ang nakasakay ng barko?
Ilang obrero ang nawalan ng trabaho?
Ilang manggagawa ang may mababang sweldo?
9
Ilang bahay ba ang dinemolis sa Tondo?
At ilang pamilya naman ang apektado?
Ilang manininda ang wala nang negosyo?
Ilang aktibista ang napukpok sa ulo?
10
Ang bigas ngayon, magkano ang bawat kilo?
Pamasahe sa dyip at bus ngayo’y magkano?
At sa binayaran, tama ba ang sukli mo?
Badyet mo ba’y kasya para sa buong linggo?
11
Sa halalan, tama ba iskor ng pangulo?
Nagdagdag-bawas ba ang mga pulitiko?
Magkano ang pambayad-utang ng gobyerno?
Magkano naman ang nakurakot sa pondo?
12
Pag bigas at langis nga’y tumaas ang presyo
Tayo’y nagagalit at nag-aalburuto!
Saan na ba natin kukunin ang panggasto?
Gayong di na magkasya itong ating sweldo.
13
Ramdam daw ang kaunlaran ng Pilipino
Gayong umunlad lang ay yaong nasa pwesto!
Progreso nama’y di ramdam ng mga tao!
Tila minadyik ba ang batayang numero?
14
Ang pandaraya bang ito’y sumisimbolo
Sa uri ng lipunang di para sa tao
Ganito ba sadya itong kapitalismo
Na patuloy na niyayakap ng pangulo?
15
Kaya minsan ay napapag-isip-isip ko
Maari kaya akong maging pulitiko?
O kaya ay maging kawani ng gobyerno?
At maging madyikero ng mga numero?
16
Sa numero’y dapat ding maging makatao
At sa pagbibilang ay maging tapat tayo
Huwag katakutan itong mga numero
Pagkat bahagi na ng buhay natin ito.
17
Kung nais natin ng tunay na pagbabago
Sa ating mundo, sa lipunan at gobyerno
Tungo sa isang daigdig na makatao
Itong numero’y gamitin natin ng wasto.
18
Kung sakaling may ibibigay na trabaho
Sa inyong abang lingkod hinggil sa numero
Kung kaya’y tatanggapin, munti man ang sweldo
Huwag lang tagabilang ng poste sa kanto.
Sampaloc, Maynila
Agosto 1, 2008