Miyerkules, Agosto 27, 2008

Nauto ang Magsasaka

NAUTO ANG MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Isang ginoo’t isang magsasaka
Yaong napaligaw sa isang isla
Tao doo’y sila lamang dalawa
Doon na sila ngayon napatira.

“Ako itong bumubuhay sa iyo!”
Sabi sa magsasaka ng ginoo
Na tinugon ng “O, panginoon ko,
Salamat po at naririyan kayo!”

Ang magsasaka’y nanilbihan naman
Sa ginoo ng buong katapatan
Tila kalabaw doon sa sakahan
Habang ginoo’y nagpapasarap lang.

Laging alay ng magsasakang ungas
Sa kanyang panginoong balasubas
Yaong mga naani niyang prutas
Tulad ng saging, pinya, mangga’t ubas.

Araw-araw ay palaging ganoon
Tila siya inalipin ng maton
Hanggang sa mamatay ang panginoon
Magsasaka’y mag-isa na lang ngayon.

Nang mapag-isa na ang magsasaka
Ay labis naman siyang nagtataka
Mas kumakain siya ng sagana
At hindi siya gaanong hirap pa.

Napagtanto niyang siya’y nabuhay
Dahil sa pagpapawis niyang tunay
Ang kanya palang mapagpalang kamay
Ang nagpataba sa among namatay.

Nasuri niya ngayon ang nangyari
Ang amo niya’y wala palang silbi
Kaya’t nasambit niya sa sarili:
“Nagpauto pala ako’t naapi!”

Walang komento: