Miyerkules, Agosto 27, 2008

Tanggalin ang E-VAT sa Langis

TANGGALIN ANG E-VAT SA LANGIS
(expanded value added tax)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

O, bayan, kaya pa ba nating bumungisngis
Sa tuwinang pagtaas ng presyo ng langis
Ang tulad ko’y hindi na’t sadyang naiinis
Pagkat tayo’y laging kinukupitang labis
Nitong mga gahamang kumpanyang kaybangis.

Sa buong mundo ngayo’y laganap ang krisis
Pagkat presyo ng langis ay humahagibis
Sa pagtaas kaya’t bayan ay naaamis
Lagi nang nagmamahal ang bawat bariles
Ito’y kapansin-pansin pagdating ng Byernes.

Ang gobyerno ba nati’y sadyang walang boses
Upang bayan nati’y makaalpas sa krisis
O baya’y sadyang kanilang pinalilingkis
Sa kapitalista’t kanilang alipores
Pagkat parehong tubo ang kanilang nais.

O, bayan, di tayo dapat laging magtiis
May paraan pa upang maibsan ang krisis
Halina’t magsama-sama’t magbigkis-bigkis
Ating ipanawagan sa gobyernong burgis:
“Tanggalin nyo na ang dose-porsyentong buwis!”

Walang komento: