Miyerkules, Agosto 27, 2008

Nabigo sa Estilong Bulok

NABIGO SA ESTILONG BULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Ako’y dinalaw nitong kaibigan
Napili niya akong pagsabihan
Nitong kanyang mga problemang tangan
At ito ang sa aki’y kanyang turan:

“Paano kaya ako iibigin
Ng babaeng sadyang mahal sa akin
Estilo ko ba’y aking babaguhin
Upang lumapat sa kanyang naisin?”

“May sinabi siyang di ko maarok
Na sa pag-ibig ako raw ay bugok
Pagkat ito raw estilo ko’y bulok
Paratang na ito’y di ko malunok.”

“Mabuti pa yatang ako’y mamatay
Nang itong aking pag-ibig na taglay
Ay kasama kong mabaon sa hukay.
Iibig na lang sa kabilang buhay.”

Ito ang tangi kong payo sa kanya:
Ang dapat sumaya’y kayong dalawa
Ngunit kung isa lang itong masaya
Mabuti pang humanap na ng iba.

Itong pag-ibig ay pagbibigayan
Ng dalawang pusong nagsusuyuan
Ngunit kung magbibigay ay isa lang
Di ito tunay na pagmamahalan.

Walang komento: