Miyerkules, Agosto 20, 2008

Talambuhay ng Buryong at ng Praning

TALAMBUHAY NG BURYONG AT NG PRANING
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig

1
Minsan sa kulungan ng Presinto Kwatro
Malapit sa riles at daang Prudencio
Ay napiit itong dalawang sanggano
Sila’y magkasabay na nakalaboso.
2
Ang isa’y naburyong dahil sa problema
Wala nang makain ang kanyang pamilya
Nagpasyang magnakaw upang magkapera
At isang sanglaan ang hinoldap niya.
3
Ang isa’y napraning nang dahil sa droga
Laging nasa langit ang ramdam tuwina
Pag walang pandroga’y nababato siya
Hanggang sa manloob ng bahay ng iba.
4
Ang naburyong nama’y agad nasakote
Parak na butete itong nakadale
Mga tanod naman yaong nakahuli
Sa praning na ngayon ay natuturete.
5
At doon sa hoyo’y nagkaharap sila
Tila kapwa bangag sa kanilang selda
Di ubos-maisip ang mga problema
At tanging nagawa’y magbuntong-hininga.
6
Sila’y kapwa agad na idinemanda
Ng kani-kanilang mga biniktima
Bagamat nabawi yaong ari nila
Kaso’y tuloy naman doon sa dalawa.
7
Sila’y napatungan ng iba pang kaso
Na ikinabigla ng dalawang ito
Pagkat marami pa palang nagreklamo
Sila pala’y pawang kayraming atraso.
8
Dumaan ang araw at maraming linggo
Nanatili silang nasa kalaboso
Laya’y hinihintay, nag-isip magbago
Kayhirap daw pala ng buhay ng preso.
9
Naisip ng buryong, “Paano na ako
Paano na kaya yaong pamilya ko
Di ako tatagal sa kulungang ito
Kaya kailangang tumakas na rito!”
10
Naisip ng praning, “Nanginginig ako
At di ako bagay sa piitang ito
Kailangan ko nang tumikim ng bato
Dapat nang pumuga sa impyernong ito!”
11
Ang dalawang preso’y nag-usap pagdaka
Nagsabihan sila ng mga problema
Nagkumustahan na ng pami-pamilya
Hanggang ang dalawa’y naging magkakosa
12
Naliligalig na ang kanilang diwa
Naalala pati inang lumuluha
Naisipan nilang sila na’y pumuga
Kahit mga parak ay makasagupa.
13
Ano bang gagawin nila pagkalabas
Kapag nagtagumpay silang makatakas
Sila bang dalawa’y handang pumarehas
Sapagkat ayaw nang humimas ng rehas
14
Ngunit ang pagpuga'y dagdag na sentensya
Pag muling natiklo sila ng pulisya
At ang mas matindi’y pag upakan sila
Tuluyang madedo itong magkakosa.
15
May pagkakataon para ba magbago
Itong mga presong nasa kalaboso?
O sila’y biktima ng lipunang ito
Na ang una’y tubo kaysa kapwa tao?
16
Bakit mga dukha’y nakakalaboso?
At malaya itong mga pulitiko
Na nangungurakot doon sa gobyerno.
Bakit malalaki’y hindi maipreso?
17
Gayunman, sa aking kalooba’y tanong
Bakit ba sa mundo’y may praning at buryong
Bakit ba sa droga’y maraming nalulong?
At bakit may kasong nagkapatung-patong?
18
Merong mga buryong dahil dinadaan
Sa init ng ulo ang mga paraan
Nandarahas kahit wala sa katwiran
Upang maibsan lang ang kalam ng tiyan.
19
Praning nama’y nais na makalimutan
Ang hirap at gutom na nararanasan
Solusyon ay bato’t nagtutulak naman
Nais lagi nilang nasa kalangitan.
20
Itong kaburyungan at ang kapraningan
Ay tiyak namang di nila kagustuhan
Sadya nga epekto nitong kahirapan
Na laganap naman sa ating lipunan.
21
Ano bang dahilan ng buhay sa mundo
Kung dahil sa hirap nakakalaboso
Paano ba itong pagpapakatao
Sa lipunang ito, sa baya’t gobyerno.
22
Hangga’t dumarami itong naghihirap
Ang krimen ay baka lalong lumaganap
Dapat bawat isa’y tapunan ng lingap
Hustisya sa lahat ang dapat malasap.

Walang komento: