PAGNINILAY NG ISANG
BRUSKONG HARAGAN
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig
1
Siya’y di makabasag-pinggan
Sa kanyang gawi’t kahinhinan
Dapat ko ba siyang ligawan
Kahit ako’y bruskong haragan.
2
Kung pag-ibig ko’y iginiit
Baka naman siya’y magalit
Sasabihang ako’y makulit
Hinhin niya’y mawalang pilit.
Basagin ko kaya ang pinggan
Upang siya’y makatuluyan
Ngunit pag-ibig ay di ganyan
At pagsinta’y di sapilitan.
4
Haharap akong taas-noo
Nang wala nitong pagkabrusko
Sasabihing siya’y mahal ko
Mamula man ang mukhang ito.
5
Pag tinanggap ang iwing puso
Ng minamahal ko’t kasuyo
Ay aking ipinapangako
Puso niya’y di magdurugo.
6
Sakaling mang ako’y nabigo
At puso’y tuluyang nagdugo
Itututok ko na ang punglo
Na tatagos sa aking bungo.
7
Ngunit pag sinagot ng dilag
Puso ko’y magiging panatag
Kaya’t ako na’y magsisipag
Para sa aking nililiyag.
8
Kaya’t nakitang aral dito
Na napagnilayan ng brusko:
Pag-ibig pala’y bumabago
Ng buhay nati’t pagkatao.
Sampaloc, Maynila
Agosto 17, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento