“AMA” RAW NG DEMOKRASYA
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig
1
Sina George Washington at Thomas Jefferson
Ang tinuring na “ama” ng demokrasya
Dahil tinatag nila ang mga Unyon
Ng mga estado nitong Amerika.
2
Ginawa nilang iyon ay naging huwaran
Ng demokrasya sa iba’t ibang bansa
Ngunit marami ang nagtataka naman
Dahil ito’y hindi ganap na paglaya
3
Bakit kaya di nila idineklara
Yaong kalayaan ng aliping Itim
Kasabay ng kasarinlan sa Britanya
Sila ba’ng pumalit sa pang-aalipin.
4
Sila’y nagdeklara ng pagkakapantay
Ng tao sa lipunang may kasarinlan
Demokrasya pala nila’y hindi lantay
Mga Itim ay alipin pa rin naman.
5
Kaya di sila “ama” ng demokrasya
Kundi sila’y ama lamang ng iilan
Sila’y ama lamang nitong Amerika
At di ng mga demokratikong bayan.
6
Dumaan pa ang ilang dekada’t taon
Bago mapawi itong pang-aalipin
Kinakailangan pa ng isang Lincoln
Upang lumayang ganap ang mga Itim.
7
Kung demokrasya’y totoong umiiral
Dapat walang taong kinakaligtaan
Di inaalipin ng sinumang hangal
At may paggalang sa bawat karapatan.
Sampaloc, Maynila
Agosto 19, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento