Huwebes, Abril 17, 2014

Taguan pung

TAGUAN PUNG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon, laro lang naming mga kabataan
ang taguan pung, isa iyong katuwaan
sa puno, ang taya'y pipikit at bibilang
hanggang sampu, kalaro’y nagsipagtaguan

ngayon, taguan pung ay di na isang laro
dahil sa aming mahal may ibang nagtago
naghahanap at nawala'y di magpanagpo
sinong taya, sirit na, sinong magtuturo?

ang mga nangyaring ito'y karumal-dumal
iwinala sila ng kung sinong kriminal
nawa'y makita na ang nawawalang mahal!
nawa'y kamtin na nila ang hustisya sosyal!

* Ang litrato'y kuha ni Greg Bituin Jr. sa Bantayog ng mga Bayani, habang ginaganap ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) ang Kalbaryo ng Kawalang Katarungan nitong Abril 16, 2014.

Martes, Abril 15, 2014

May liwanag sa kabila ng dilim

MAY LIWANAG SA KABILA NG DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tila sining ang bakas ng liwanag
kaakuhan ko'y iyo nang aninag
pumapagkit sa diwa ang anag-ag
sa puso'y may kirot ang bawat sinag

ilang saglit yaong napapaisip
di pa natutupad ang panaginip
pagbabago'y kailan mahahagip
tulad ng liwanag na di malirip

yaong danas na puno ng panimdim
ay may maaapuhap din sa lilim
di laging dukha ang buhay sa lagim
may liwanag sa kabila ng dilim

kung Kamatayan ay tangayin ako
sana'y tanaw ang liwanag sa dulo
* Ang litrato ay kuha ni Greg Bituin Jr. sa ikalawang palapag ng Vinzon's Hall sa UP Diliman, katapat ng Alcantara Room na pinagdausan ng isang pulong-talakayan ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino), Abril 11, 2014.

Will there be change even if I die tonight?

WILL THERE BE CHANGE EVEN IF I DIE TONIGHT?
by Gregorio V. Bituin Jr.
11 syllables per line

nothing may change even if I die tonight
I'm nothing compared to capitalist's might
change may not happen now, but do what is right
and the working class is our guiding light

as an activist  thinking of the poor's plight
I always feels that problems are seldom light
people get hungry, their bodies are in tight
people get angry, poverty is in sight

can a clean paper with black dots turn to white?
can we change the world just doing what is right?
change is still a dream, it’s nowhere in sight
but have to work for it like a lonely knight

I dream of change even if I die tonight
but please tell my mom I continue the fight

Lunes, Abril 14, 2014

Sa ilog, tula ni Edgar Allan Poe

SA ILOG ——.
Ni Edgar Allan Poe
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sintang ilog! sa kanyang kaylinaw na agos
ng tubig na tila salamin, lumilibot
Ang sining mong sagisag ng mamula-mulang
karilagan - ang pusong hindi nalilingid -
Ang mapaglarong salimuot niring sining
sa dalaginding nitong matandang Alberto;

Ngunit nang sa pag-alon ay tila ba siya -
kumikislap noon, at siya'y nangangatal -
bakit, yaong pinakamarikit na sapa
nahahalintulad ang sumamba sa kanya;
Pagkat sa puso nito, tulad sa batis mo,
labis na nakabatay ang kanyang larawan -
Ang puso nitong nangangatal sa pagngiti
ng kanyang matang hagilap ay kahulugan.

-
-
-

TO THE RIVER ——.
Edgar Allan Poe

Fair river! in thy bright, clear flow
 Of crystal, wandering water,
Thou art an emblem of the glow
 Of beauty—the unhidden heart—
 The playful maziness of art
In old Alberto's daughter;

But when within thy wave she looks—
 Which glistens then, and trembles—
Why, then, the prettiest of brooks
 Her worshipper resembles;
For in his heart, as in thy stream,
 Her image deeply lies—
His heart which trembles at the beam
 Of her soul-searching eyes.

PABASA – Kalbaryo ng Maralita 2014

PABASA – Kalbaryo ng Maralita 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Isasagawa ang Kalbaryo ng Maralita sa Abril 15, 2014 mula sa Santo Domingo Church, patungo sa iba't ibang simbahan ng Nuestra Señora del Perpetuo Socorro sa Instruccion St., sa Sampaloc, Sta.Cruz Church, Quiapo Church, San Sebastian Church, Mendiola Bridge, Our Lady of Loreto Parish, Saint Anthony Shrine, San Roque de Sampaloc Parish, at sa Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic. Pinangunahan ang kalbaryong ito ng grupong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod) at ZOTO (Zone One Tondo Organization). Ang sumusunod na Pabasa ng Maralita ay ibinatay sa anyo ng Pabasa - 8 pantig bawat taludtod, limang taludtod bawat saknong.)

kaming mga maralita
ayaw nang kinakawawa
may dignidad din ang dukha
di dapat mapariwara
ang buhay na sakdal-luha

tama na ang kahirapan
sobra na ang karukhaan
na aming nararanasan
panahon nang mapalitan
ang sistema ng lipunan

kawawa ang aming anak
lagi kaming hinahamak
ng lipunang mapanlibak
bahay namin winawarak
buhay namin winawasak

paano kami tatawid
sa buhay na may balakid
gobyerno'y tila kaykitid
buhay namin pinapatid
sila nga ba’y di matuwid?

demolisyon ng tahanan
ng maralita'y pigilan
pabahay ay karapatan
na aming pinaglalaban
demolisyon na’y pigilan

nangangarap pa rin kami
buhay namin ay bubuti
kahit na pinuputakti
nitong demolisyong grabe
na gawa ng mga imbi

kahit kami kapuspalad
sa hirap di makausad
mga buto na'y may linsad
kami'y tao ring may palad
mga dukha'y may dignidad

hustisya sa mamamayan!
karapatan, ipaglaban!
sistemang bulok, palitan!
itatag nating tahasan
ang ninanasang lipunan!

hustisya sa bawat dukha
hustisya sa buong madla
kahirapang lumulubha
ay marapat nang mawala
ito ang aming adhika

Sabado, Abril 12, 2014

Ang pagbitay kay Aleksandr Ulyanov, kapatid ni Lenin

ANG PAGBITAY KAY ALEKSANDR ULYANOV, KAPATID NI LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kapatid siya ni Lenin, palayaw niya'y Sacha
kasapi siya ng pangkat na Narodnaya Volya
kung saan sa grupong ito'y may-akda ng programa
Marxismo yaong kanilang gabay at impluwensya
sa uring manggagawa'y may ganap na pagkilala

sa Kolehiyo ng  Simbirsk ay nagtapos ng kurso
sa Pamantasan ng Petersburg nag-aral ding todo
medalyang ginto sa soolohiya ay natamo
pangunahin siyang ideyolohista ng grupo
at sa paggawa ng bomba ay kemista umano

maghasik ng takot umano'y kanilang paraan
upang ibagsak yaong Tsar sa kinauupuan
sa ikaanim na anibersaryo ng pagpaslang
kay Alejandro Ikalawa ay dinakip naman
ang tatlong tao na umano'y sa Tsar mananambang

si Aleksandr at iba pang kasama'y hinuli
nagtalumpating pulitikal din siya sa korte
hinatulan ng bitay yaong lahat ng kasali
ngunit Alejandro Ikatlo'y patawad ang sabi
habang lima ang binitay, itinuring na imbi

pagbitay kay Aleksandr ay sugat na malalim
sa puso't diwa ng batang kapatid na si Lenin
bagamat di sang-ayon sa taktika nitong lihim
ani Lenin, may ibang paraang dapat tahakin
at kasaysayan na yaong gawa nila't landasin

PABASA – SENAKULO – para sa FDC

PABASA – SENAKULO – para sa FDC
ni Gregorio V. Bituin Jr.

* Ito ang hiling at pinagawa sa akin ni Erwin Puhawan, na siyang may hawak ng Power campaign ng Freedom from Debt Coalition (FDC), at fifth nominee ng Sanlakas. Ito ay para sa senakulo ng FDC sa Miyerkules, Abril 16, 2014. Di ko pa alam kung saan ang venue. Ang nasabing tula ay ibinatay sa istruktura ng mismong Pabasa, 8 pantig bawat taludtod at 5 taludtod bawat saknong. Maraming salamat sa pagtitiwala.

1
Freedom from Debt Coalition
laban sa deregulasyon
at sa liberalisasyon
lalo sa pribatisasyon
pagkat pahirap sa nasyon
2
mga patakaran iyang
pahirap sa sambayanan
bilihin, nagmamahalan
idagdag pa yaong utang
na kumawawa sa bayan
3
isa ang Me-Ral-Co-ryen-te
na sa masa'y kumuryente
pinakamahal, kaytindi
pagkat ganyan na ang siste
ng sistemang gumagrabe
4
kuryente'y di na pangmasa
pinakamahal sa Asya
presyo nito'y kaya mo ba
kawawa naman ang masa
sa pinaggagawa nila
5
masa'y puno ng ligalig
pagkat nagmahal ang tubig
ang gobyerno'y anong tindig
at saan ba sila panig
sino bang dapat mausig
6
galit ang kababaihan
pagkat tataas na naman
ang presyo sa pamilihan
nagmahal na ang batayan
nating pangangailangan
7
habang tuloy ang ligaya
ng mga kapitalista
nakangisi't nagsasaya
kumapal muli ang bulsa
nilang mapagsamantala
8
presyo ng tubig, ibaba
pati kuryente'y ibaba
labis na kaming kawawa
sa kanilang ginagawa
pawang parusa sa madla
9
dinggin nyo ang aming tinig
ibaba, presyo ng tubig
at kuryente, ito'y tindig
at nais ng aming panig
ito ba'y inyong narinig
10
kaybaba ng aming sahod
di na kami nalulugod
kalabaw na sa pagkayod
obrero'y pinaluluhod
at sa dusa'y nilulunod
11
manggagawa ang lumalang
nitong bawat kabihasnan
ngunit pinahihirapan
ng sahod na kulang-kulang
at laging kinakaltasan
12
iyang kontraktwalisasyon
sa atin ay lumalamon
at pinapatay pa niyon
karapatan nati't layon
hanggang sa lupa'y mabaon
13
kayrami ngang pagkukulang
ng gobyerno mo sa bayan
grabe na ang kurakutan
at mga katiwalian
ng inyong pamahalaan
14
nasaan ang karapatan
ng ating kababaihan
manggagawa, kabataan
ibang sektor ng lipunan
karapatan, ipaglaban!
15
mga dukha'y dahong tuyot
gobyerno'y pulos kurakot
ang kapitalista'y buktot
mayayaman ay kayramot
sa tubo nilang hinakot
16
pabahay ay kailangan
ng dukhang nahihirapan
demolisyon ay pigilan
ang abotkayang tahanan
ang kanilang kailangan
17
Freedom from Debt Coalition
patuloy na nababaon
sa utang ang ating nasyon
anong dapat gawin ngayon
kung di magkaisang layon
18
halina, o, kababayan
magkaisa nang tuluyan
karapatan, katarungan
na para sa sambayanan
ay atin nang ipaglaban

Biyernes, Abril 11, 2014

In the shadow of nothing

IN THE SHADOW OF NOTHING
by Gregorio V. Bituin Jr.
10 syllables per line

no one notice me because I'm nothing
I'm just a shadow who's not worth dealing
a good poet who always daydreaming
or a bad poet who thought he's blooming
in this world not yet worthy of living

a world I'm capable of creating
in my mind, in the word with an angling
I'm up to something although I'm aging
an innocent soul who is worth searching
a word in the world of wound and salting

brave enough to write although my feeling
is a stranger in midst of dying
searching for a soul who's truly loving
even my own soul somewhere I'm hunting
just to create poems I like to bring

Miyerkules, Abril 9, 2014

Pigilan ang ChaCha ng mga trapo!

PIGILAN ANG CHACHA NG MGA TRAPO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

charter change ng mga trapo’y dapat nating pigilan
kung ayaw nyong maging dayuhan sa sariling bayan
nais nilang kapitalismo'y sagaring tuluyan
ekonomya nati'y pinapaangkin sa dayuhan

api na sa ibang bansa ang ating manggagawa
eto't mawawalan pa ng mauuwiang lupa
ChaCha'y pinapaspasan ng mga trapong kuhila
upang dayo'y ariin na ang yaman nitong bansa

ngunit Charter Change na ito'y ano nga ba ang sanhi?
kapitalismo, tubo, puhunang mapang-aglahi?
nais nilang sagarin ang pribadong pag-aari?
lahat isapribado, sila'y tuluyang maghari?

pag natuloy ang Charter Change ng mga mapagpanggap
isandaang porsyentong makakapag-aring ganap
ng yaman ng bayan ang dayuhan, ito'y masaklap
kaya ang ChaCha ni Belmonte sa bansa'y pahirap

nahan sa ChaCha ang kapakanan ng manggagawa?
nahan sa ChaCha ang kagalingan ng maralita?
naipagtatanggol ba ang karapatan ng dukha?
bakit di kasama sa pagpapasiya ang madla?

dayo ang makikinabang sa ChaChang hinahain
habang tayo na ang dayo sa mismong bayang atin
papayag ba tayong ganito ang mapala natin?
ang pagpigil sa ChaCha'y angkinin nating tungkulin!



Martes, Abril 8, 2014

Pagpupugay sa ika-8 anibersaryo ng TDC

PAGPUPUGAY SA IKAWALONG ANIBERSARYO NG TDC
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagpupugay sa pagkakaisa ng mga guro
kinilala kayong magaling na tagapagturo
dahil sa prinsipyo'y patuloy kayong lumalago
at mahuhusay ang mga kasapi't namumuno

tunay kayong tagapagtaguyod ng kapakanan
isinusulong ang sa bawat guro’y kagalingan
at karapatan na tunay na ipinaglalaban
kayo'y malakas na tinig at pwersa sa lipunan

mabuhay ang pamumuno ni Titser Benjo Basas
sadyang nililinang nyo ang isang malayang bukas
kinabukasang sa kapwa tao'y laging parehas
mga gurong ang bawat kilos at pasiya'y patas

mabuhay kayo, O, Teachers' Dignity Coalition!
magpatuloy at ipagtagumpay ang sinusulong
malayo pa man ang tinatahak sa banda roon
kakamtin din ang bukangliwayway nyong nilalayon

8 Abril 2014

Lunes, Abril 7, 2014

Walang nangarap maging kabit

WALANG NANGARAP MAGING KABIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may babae bang pinangarap maging isang kabit?
walang matinong babaeng sasagot ng matuwid
biktima lamang ba sila pagkat nilokong pilit
pinaasa ng salawahang may ugaling ganid

nanaisin ng babaeng nag-iisa lang siya
sa buhay ng lalaking nais niyang makasama
nag-iisang reyna, diyosa, butihing asawa
ina ng tahanan, nag-aalaga ng pamilya

kaya bakit niya nanaising maging kabit lang?
pag-ibig ba, libog, pagkahaling, o kahibangan?
di niya iyon pinangarap, ngunit natulak lang
ng sitwasyong marahil di niya inaasahan

sabagay, nasa babae iyon kung anong nais
tangi ko lang alam, walang nangarap maging kabit
maliban kung di matino, ang nais ay may sabit
pagkat mayaman, tanyag, sikat, o maraming raket

sino ako para manghusga, buhay nila iyon
napuna lang po ng makatang ngayo'y nag-iinom
paumanhin sa mga kabit at baka makwestyon
kung bakit buhay nila ang pinapaksa ko ngayon

Linggo, Abril 6, 2014

Sa ika-90 anibersaryo ng unang Balagtasan

SA IKA-90 ANIBERSARYO NG UNANG BALAGTASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sila yaong nagsagupa sa unang balagtasan
Kuntil Butil at Huseng Batute yaong pangalan
sa ngalang Bubuyog at Paruparo'y nagtagisan
upang bulaklak na Kampupot ay sagutin lamang

bawat matatalinghaga nilang pananaludtod
ay kinagiliwan ng daan-daang manonood
kumbaga ngayon, sa Pacquiao at Marquez nakatanghod
sa bawat bato ng salita ikaw'y malulunod

makatang Florentino Collantes si Kuntil Butil
pag pumukol ng salita'y ramdam mo ang hilahil
pag dumebate, bawat salita'y di mo mapigil
ngunit sa dilag, ang wika animo'y isang anghel

Jose Corazon de Jesus nama'y Huseng Batute
na pag pumukol ng wika akala mo'y may tari
sa talinghaga'y di papalag ang sinumang hari
tutunganga na lang at magbibigay ng papuri

ang labanang patula'y tinawag na Balagtasan
sa makatang Balagtas iyon ay ipinangalan
mula dito, sa Ilokos ay nagka-Bukanegan
at sa Pampanga'y nagkaroon naman ng crisotan

mabuhay ang gunita ng mga bunying makata
tunay kayong sa katutubong pagtula'y dakila
sa inyo'y pagpupugay itong paabot ng madla
yapak nyo'y sinundan ko't tumula rin at tumudla

* Ang unang Balagtasan ay ginanap sa Instituto de Mujeres (Paaralan ng Kababaihan) sa Tondo, Maynila, Abril 6, 1924.


Huwebes, Abril 3, 2014

Yakov Sverdlov, Dakilang Organisador, Bayani ng Rebolusyong 1917

YAKOV SVERDLOV ~ DAKILANG ORGANISADOR, BAYANI NG REBOLUSYONG 1917
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Halaw sa "Speech in Memory of Y. M. Sverdlov" ni Vladimir Lenin noong Marso 18, 1919.)

pangunahin siyang organisador na nagsilbi
upang magtagumpay yaong Rebolusyong Oktubre
magaling sa plano't pagkilos, nakasama'y saksi
tunghan mo ang luksampati nina Lenin at Trotsky

bata pa'y inalay na ang buhay sa paglilingkod
iniwan ang pamilya, ginhawa't anumang lugod
buong panahong ang rebolusyon ang tinaguyod
masa'y inorganisa't kaysipag niyang kumayod

isa siyang propesyunal na rebolusyonaryo
tinanganang husay ang rebolusyong proletaryo
bagamat tulad niya'y kinondena ng tsarismo
kinulong, pinatapon, ay ginamit ang talento

mahusay na organisador si Yakov Sverdlov
nahuli mang ilang ulit ay malakas ang loob
sa pagpapalawak ng kasapi’y sadyang marubdob
dahil sa mga tulad niya, tsarismo'y tumaob

sirkulo ng pag-aaral kanyang inorganisa
pinatibay ang puso't diwa ng bawat kasama
unawa pati pulso ng manggagawa't ng masa
mula sa ibaba, pinalakas niya ang pwersa

matinding organisador at lider ng Bolshevik
diwang Bolshevismo sa masa'y kanyang inihasik
kaya ang sosyalismo'y maalab na tinangkilik
lumawak ang kasapian, rebolusyon ang hibik

namuno sa pagkilos na sa tsarismo'y sumakal
pati sa gawaing lihim at sirkulong ilegal
tagumpay ay tiniyak nang Bolshevik ang itanghal
namuno rin sa Lahat-na-Rusong Komite Sentral

sa kasaysayan, ang ngalan mo'y naukit nang tunay
O, bunying Bolshevik, sa iyo kami'y nagpupugay
sadyang inspirasyon ang nagawa mo't talambuhay
dakilang Yakov Sverdlov, mabuhay ka, mabuhay!

Miyerkules, Abril 2, 2014

I'm a Red October

I'M A RED OCTOBER
by Gregorio V. Bituin Jr.
10 syllables per line

(a poem for the 226th birthday of Filipino poet Francisco Balagtas)

I was born Libran, a Red October
and now serves as a poet, a writer
and new verses I write without despair
writing against poverty is bitter
writing for the working class is better

I'm a Red October not for nothing
writing with passion, vision for something
writing articles with many angling
writing poetry with a sharp sting
writing propaganda is my doing

a man who's fond of beer and poetry
with the aim of working class unity
who wants rebellion against poverty
and to abolish private property
system change is a dream, a destiny

they say I'm just a poor fucking poet
but a working class poet until death
writing even under bed lie beneath
even if people lay a poet's wreath
a Red October until my last breath

April 2, 2014

Martes, Abril 1, 2014

April Fools' Day umano ang araw ng mga trapo

APRIL FOOLS' DAY UMANO ANG ARAW NG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may nakalaang araw daw sa mga manloloko
silang laging pangako doon at pangako dito
di nagsisilbi sa bayan, ang serbisyo'y negosyo
April Fools' Day umano ang araw ng mga trapo

"Iboto nyo ako at sabay tayong mangangarap!"
"Iboto nyo ako at aahon kayo sa hirap!"
"Ako'y iboto't bawat isa'y tutulungang ganap!"
ngunit hanggang ngayon, pangako nila’y di malasap

sigaw sa kampanya, iregular ang manggagawa
dapat magkaroon ng pabahay ang maralita
edukasyon para sa mga mahirap na bata
at kalusugan para sa lahat ng matatanda

ngunit kontraktwalisasyon ang pinausong todo
sa dukha'y demolisyon doon, demolisyon dito
edukasyon ay kaymahal lalo sa kolehiyo
mga ospital pa’y nais nilang isapribado

sa iba pang sektor, tambak-tambak pa ang problema
di rin pantay yaong sahod sa Maynila't probinsya
presyo ng kuryente'y pinakamataas sa Asya
kaya maniniwala pa ba tayo sa kanila?

may dakilang araw na ang mga ganid na trapo
kaya tinadtad ng katiwalian ang gobyerno
ngunit dapat nang palitan ang sistemang ganito!
at itayo ang lipunang tunay na makatao!

Nilay sa kasasapitan

NILAY SA KASASAPITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy ang propaganda ko hanggang kamatayan
ngunit pagkamatay ko'y ayaw kong inyong malaman
tanging ang nais ko'y tahimik lang yaong paglisan
kamag-anak lang ang naroon sa pinagburulan

sakali mang mabalita yaong kinasapitan
iyon ay dahil hindi namatay sa karamdaman
sakaling ganito ang ulat: "Makata, Pinaslang"
di ko maaawat kung ito'y malaman ng bayan

nais ko'y sunugin ang aking naiwang katawan
o kaya'y gawin itong pataba sa halamanan
nais kong mamatay nang walang dungis ang pangalan
pagkat nabuhay akong marangal at lumalaban

ayoko ng puntod na may krus, kundi maso lamang
maso pagkat tandang obrero ang pinaglingkuran
masong simbolo ng lakas ng manggagawa't bayan
pagkat, bukod sa pluma, ay maso ang tinanganan

tanging mga tula't ilang akda ang maiiwan
na nawa'y makatulong sa pagsulong ng kilusan
at makatulong din sa pagmulat sa sambayanan
na may bagong lipunang dapat nating paghandaan

maliban sa tula, wala nang silbi sa kilusan
at wala na ring silbi kung walang pagsusulatan
tanging pluma't tula yaong kakampi't kaibigan
mawala man, ang kilusan ay di naman nawalan

Tula sa batilyo

TULA SA BATILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sila'y mga batilyo sa Navotas, manggagawa
tinatrabaho nila'y mga banyera ng isda
batilyo'y mula sa salitang "batel" ng Kastila
"batel" na maliit na bangka nitong mangingisda

manggagawa sa "batel" ay tinawag na batilyo
at sa daungan ng Navotas ay kayrami nito
batilyo'y kaysipag, di man regular na obrero
mga dukhang nagtitiis sa karampot na sweldo

hirap man sa buhay, kailangang buto'y banatin
upang kumita ng konti, basta may ipangkain
pag may dumaong ay agad nilang tatrabahuhin
handa na yaong banyerang kanilang gagamitin

mula sa payaw o bangka patungo sa daungan
ang banye-banyerang isda'y hihilahing tuluyan
o kaya'y bubuhatin ng payat nilang katawan
karaniwang nakabotang dadalhin sa pondohan

bangus, turay, karpa, gulyasan, tilapya, galunggong
sari-saring isda't lamang dagat, tulad ng hipon
sa iba't ibang palengke ibinabagsak iyon
mula sa isda nagawa ang patis at bagoong

ang mga batilyo sa Navotas ay sawang-sawa
kung araw-gabi, inuulam nila'y pulos isda
nakakasawa ring yaong sahod nila'y kaybaba
tila di pumantay sa kanilang lakas-paggawa

bukas ang Navotas Fish Port maghapon at magdamag
banye-banyerang isda'y naroon at nakatambak
animo'y buong bayan kayang pakaining ganap
ngunit isda'y may presyo, di libre sa mahihirap

tone-toneladang isda ang binabagsak doon
tila kaunlaran ng masang di na magugutom
ngunit bakit batilyo’y dukha pa rin hanggang ngayon
kung may kaunlarang ang lahat ay kayang lumamon

walumpung porsyento ng isda, ayon sa balita,
sa Kalakhang Maynila ay sa Navotas nagmula
walang tulog ang Fish Port, habang isda’y laksa-laksa
batilyo'y salitan, hikab, idlip, bangon, paggawa

mabuhay ang mga batilyo, may isda ang masa
pati mangingisdang mga huli'y banye-banyera
mula riyan ang pangkain, panggastos, matrikula
diyan ninyo binuhay ang mahal ninyong pamilya

Lunes, Marso 31, 2014

Humayo kayo at magpigil

HUMAYO KAYO AT MAGPIGIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tao'y kaunti nang ito'y sinabi:
"Humayo kayo at magpakarami!"
noon, walang milyong tao ang dami
ngayon, pitong bilyon na, tao'y saksi

noon, dapat magpakarami pagkat
mayaman pa sa pagkain ang gubat
masagana pa sa isda ang dagat
ngayon, bilyong tao ang nagsasalat

kaya iba na ang sabi ng tao
dahil populasyon na'y lumolobo:
"Humayo kayo at magpigil kayo
kaysa magutom ang mga anak nyo!”

isipin nyo rin ang kinabukasan
ng mga anak na kawawa naman
maunlad nga'y tindi ng karukhaan
kaunlaran lang iyon ng iilan

kung di sana ganito ang sistema
ng lipunang ilan ang nagpasasa
sa yaman ng lipunan, yaong masa
sa pagkain ay sapat-sapat sana

ngunit bagay sa mundo'y pinaghati
ng iilang tao, iyan ang sanhi
lupain, produksyon, pabrika'y ari
kaya bilyon ang dukhang di mawari

pagkapribadong yaman ng lipunan
ay tanggalin sa kamay ng iilan
lahat ng tao'y dapat makinabang
sa kalikasan at nalikhang yaman

wasakin ang pag-aaring pribado
angkinin ng bayan ang yamang ito
dahil kung hindi mangyayari ito:
"Humayo subalit magpigil kayo!"

Linggo, Marso 30, 2014

Halina't magsikhay mag-aral

HALINA'T MAGSIKHAY MAG-ARAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

iyang syentipikong sosyalismo
ay ating mahahati sa tatlo:
materyalismong diyalektiko,
ang materyalismong istoriko,
at ang Marxistang ekonomiko

ang una'y kung paano magsuri
ano ang tunggalian ng uri?
bakit ang pribadong pag-aari
ang dahilan ng dusa’t pighati?
paano bagong araw babati?

ikalwa'y hinggil sa kasaysayan
anong prosesong pinagdaanan?
bakit pinuspos ng karukhaan
ang di mabilang na mamamayan?
dapat nang baguhin ang lipunan

ikatlo'y bakit pinagpapala
ang mapang-api sa manggagawa
relasyon ng produksyon sa dukha
tubo'y laksa, sahod ay kaybaba
paggawang di mabayarang tama

iyan ang mga pamamaraan
ng pagsusuri nitong lipunan
mayroong syentipikong batayan
ang bawat nasa kapaligiran
iyan ang lagi nating tandaan

halina't mga ito'y aralin
diyalektiko'y pakaisipin
materyalismo'y ating yapusin
susuriin sa bagong pagtingin
ang mga nasa daigdig natin

kung sa dukha tayo'y nahahabag
at karapatan ay nalalabag
lahat iyan ay may paliwanag
bawat proseso'y ating ilatag
bawat mungkahi'y ating ihapag

syentipikong sosyalismo'y landas
upang sistema'y maging parehas
ang prinsipyong ito'y nag-aatas
pribadong pag-aaring marahas
ay pawiin na’t dapat magwakas

syentipikong sosyalismo'y diwa
ng ating hukbong mapagpalaya
dapat yakapin ng manggagawa
ang prinsipyong dapat maunawa
pagkat landas tungo sa paglaya

uring manggagawa, magkaisa
ang lipunan ninyo'y itatag na
pag-aralan ang bawat teorya
magsikhay tayo, mga kasama
tanganan ang diwang sosyalista

Biyernes, Marso 28, 2014

Katrina at Yolanda

KATRINA AT YOLANDA
ni Gregorio V. BituinJr.
15 pantig bawat taludtod

*280 kph si Katrina, 315 kph si Yolanda

napakabagsik nilang dalawa, napakabagsik
libu-libong mamamayan ang kanilang niyanig
pagkawasak ng marami ang alay nilang lintik
iba't ibang kabayanan ang nilamon ng tubig

higit isang libo't walongdaan ang nangamatay
nang sa Amerika si Katrina'y biglang naglakbay
tatlong doble nito sa Pilipinas lumupasay
nang si Yolanda naman yaong nanalasang tunay

nagbayanihan ang mga tao’t maraming bansa
iba't ibang sektor, kababaihan, manggagawa
makakalikasan, makata, dukha, pati bata
pagtutulungan nila'y tunay ngang kahanga-hanga

sadyang sa mga kababayan natin ay kayrami
ng nag-iisip paano tutulungan ang Leyte
at Samar, libu-libo'y apektado't nakasaksi
sa di nila inaasahang delubyong nangyari

sa gayong kalamidad, ano nang panlaban natin
sa galit ng kalikasan, anong marapat gawin
bagong Katrina't Yolanda'y huwag sanang dumating
ngunit dapat maging handa kung sasapit sa atin

ang kalunos-lunos na pangyayaring ito'y aral
paano aangkop pag kalamidad na'y dumatal?
anong paghahandang gagawin nang tayo'y tumagal?
pagtulungan ang solusyon, nasa diwa’y iusal

* bilang ng namatay batay sa opisyal na tala (Katrina - 1,833; Yolanda - 5,260)

Huwebes, Marso 27, 2014

Ikaw, Ms. M.

IKAW, MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ikaw ang aking laya at pagkaalipin
ikaw ang aking laman sa hapdi ng hirin
ikaw ang aking pusong laging susuyuin
ikaw ang aking simula at adhikain
ikaw ang aking langit sa himpapawirin
ikaw ang aking nilay sa pulso ng bangin
ikaw ang aking sintang pakamamahalin

Ang naghahasa

ANG NAGHAHASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sumisigaw noon ang mama: "Hasa! Hasa!"
habang dala ang de-pedal niyang panghasa
naglalako ang tulad niyang manggagawa
ng kanyang serbisyo't angking lakas-paggawa

halina't ilabas ang gamit nyong mapurol
kutsilyong pangkusina, gulok at palakol
balisong at kris, hahasaing walang gatol
ngunit di naghahasa ng ulong mapurol

ang panghasa'y magaspang na bilugang bato
kakabit sa pedal, paiikutin ito
sa pedal papadyak, tangan yaong kutsilyo
tila nagbibisekleta ang mamang ito

sa bilugang bato, kutsilyo'y ididiin
ilalapat doon ng maingat ang talim
at sa hinahasa nakatutok ang tingin
habang alipato'y kumikislap ng lagim

pag ang gamit mo'y tumalim sa hasa niya
ang lakas-paggawa niya'y bayaran mo na
kakarampot man lang ang kanyang kinikita
makikitang marangal ang trabaho niya

Martes, Marso 25, 2014

Tulad din ng Thermopylae ang Pasong Tirad

TULAD DIN NG THERMOPYLAE ANG PASONG TIRAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tulad din ng Thermopylae ang Pasong Tirad
at si Gregorio del Pilar ang Leonidas
mga Amerikano'y Persyanong tumadtad
sa kanilang mga kaaway at umutas

estratehikong lugar ng pakikihamok
makasaysayang labanan doon sa bundok
nasa kasukalang di basta mapapasok
ng kanilang kaaway nang di malulugmok

naulit ang kasaysayan ni Leonidas
di umatras si del Pilar sa Pasong Tirad
sa kanilang pangkat ay kapwa may naghudas
nagsuplong sa kaaway, plano'y inilantad

labanan iyon hanggang sa huling hininga
sa Thermopylae, kalasag, sibat, espada
sa Pasong Tirad ay mga baril at bala
inubos ang maliit ng malaking pwersa

dalawang digmaang nagluwal ng bayani
labanang naging inspirasyon ng marami
Leonidas at del Pilar, pawang kaytindi
pinuno hanggang mamatay, saludo kami

* Si Haring Leonidas na ang pangalan ay nangangahulugang “mala-leon”ang hari ng Sparta sa pagitan ng 488 BC at 480 BC.
* Si Gregorio del Pilar (Nobyembre 14, 1875 - Disyembre 2, 1899) ang pinakabatang heneral na lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano.



* ang dalawang mapa'y kapwa mula sa google

Kaibahan ng mukhang maamo sa maamong mukha

KAIBAHAN NG MUKHANG MAAMO SA MAAMONG MUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

iba ang mukhang maamo
kaysa sa maamong mukha
ang una'y himig totoo
sa ikalawa'y may duda

aba'y binaligtad lamang
yaong dalawang salita
ngunit nagkaiba agad
yaong angking nilang diwa

pagkat ganyang kahiwaga
ang ating mga salita
pag nagbabago ng anyo
kapara'y ilaya't hulo

Lunes, Marso 24, 2014

Kung paano naging Leninista si Ho Chi Minh

KUNG PAANO NAGING LENINISTA SI HO CHI MINH
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ang rebolusyonaryong Ho Chi Minh minsa'y nagtanong
laman ng isipan ay sinabi sa isang pulong:

"Aling internasyunal ang dapat panigan natin
na sa mga mamamayang kinolonya'y panig din?"

Agad tumugon ang ilang kasama: "Ang ikatlo!
Di ang ikalawang internasyunal na naburo."

Isang kasama ang nagbigay ng aklat ni Lenin:
pamagat: "Tesis sa pambansa't kolonyang usapin"

Binasa niya iyon ngunit kayraming salita
na pawang pulitikal na di niya maunawa

Hanggang sa binasa niya iyong paulit-ulit
at ang diwa niyon sa isipan niya'y pumagkit

Bigla niyang nadama sa kanyang kaibuturan
ang sigla, liwanag, katapatan ng nilalaman

At dumaloy sa pisngi yaong luha ng ligaya
Napahiyaw bagamat sa silid ay nag-iisa

Hiyaw na tila sa mga kasama'y talumpati
Nakita na ang tatapos sa kanilang pighati:

"Kababayan, ito ang ating kailangang lubha,
ang landas patungo sa ating tunay na paglaya!"

Kaya si Ho Chi Minh sa artikulo'y isinulat
Leninista siya, sa mambabasa'y pagtatapat

Mula noon, tinanganan niya ang Leninismo
nang lumaon, rebolusyon nila’y naipanalo

- ang tula'y ibinatay sa akdang "The Path Which Led Me To Leninism" ni Ho Chi Minh, na nalathala noong 1960

Diyalektika'y ating angkinin

DIYALEKTIKA'Y ATING ANGKININ
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ayaw nila ng teorya ng pagbabago
di raw dapat ang diyalektika sa tao
diyalektika'y pagsusuring syentipiko
bakit ba ayaw nilang pag-aralan ito?

pagkat sila kasi ang unang tatamaan
ng pagbabagong hinahangad nitong bayan
pag ang tao, diyalektika'y natutunan
tiyak masusuri ang uri sa lipunan

bakit may mayaman, kayraming nagdurusa
sa lipunan, ilan lang ang nagtatamasa
ang lipunan dapat pag-aralan ng masa
teorya ng pagbabago'y aralin nila

ngunit di papayag ang naghaharing uri
sa kapangyarihan ay nais manatili
diyalektika'y iwasan, dapat humindi
iwaksi ang diyalektikang pagsusuri

nais na ng dukhang makaalpas sa hirap
kaya pagbabago'y kanilang hinahanap
diyalektika'y landas tungo sa pangarap
na pagbabago upang ginhawa'y malasap

anong dahilan ng hirap ng sambayanan
bakit dukha'y laksa, karampot ang mayaman
sinong nag-aari ng lupa't kayamanan
na dapat ipamahagi sa buong bayan

ano bang klaseng sistema mayroon tayo
sa limpak na tubo'y kakarampot ang sweldo
gutom ang dukha't nagsisipag na obrero
di ba't dapat lang pantay ang lagay ng tao

yaman ng lipunan dapat ipamahagi
ng pantay sa lahat, dapat wala nang uri
lahat ay may karapatan, pulubi't hindi
dapat iwaksi ang pribadong pag-aari

halina't pag-aralan ang diyalektika
na gabay sa pagbabago para sa masa
sinusuri't inuunawa ang sistema
bakit may mapang-api't mapagsamantala

walang mawawala kung pag-aralan natin
ang diyalektikang dapat nating angkinin
itong diyalektika ang sandata natin
sa pagsusuri upang sistema'y baguhin

Sabado, Marso 22, 2014

Wala nang hininga ang mga puno

WALA NANG HININGA ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon ay nabubuhay sila bilang puno
pahingahan ng ibon sa ilaya't hulo
sa gubat na tahanan ay walang siphayo
bawat puno'y malaya sa lahat ng dako

ngunit ngayon, puno'y nawalang isa-isa
pinagpapalakol, sila'y pinagkukuha
ginawang troso ng mga kapitalista
punong pinaslang, troso nang walang hininga

noon, puno silang nag-aalay ng lilim
at prutas sa mga dumanas ng panimdim
ngayon, mga puno'y dinapuan ng lagim
pinaslang ng mga nakangisi ng lihim

buhay nila'y tinapos, dumating ang sigwa
kayraming nasalanta, kawawa ang madla
walang sumanggalang sa dumatal na baha
mga punong naging troso'y walang nagawa

Ang pusang mandarambong

ANG PUSANG MANDARAMBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawat akda'y mulang pawis na tumutulo
at sa utak na sa tuwina'y dumudugo
minsan sa gutom, ako'y bumili ng tuyo
upang ipang-ulam, siya kong iniluto

matapos magluto'y naggayat ng kamatis
sa tuyo't kamatis lang muna nagtitiis
minsan, buhay-maralita'y nakakainis
di makasapol, lagi nang padaplis-daplis

habang naggagayat, pusa pala'y naroon
nang ako'y makalingat, ang tuyo'y dinambong
kaya kutsilyong tangan, naipukol doon
ang nalawayang tuyo'y di ko na malamon

mandarambong na pusa, sige, bumalik ka!
di ka nakiusap, binigyan sana kita
sa nilutong tuyo'y hati kitang dalawa
ngunit buong tuyo'y tinangay mong hudas ka!

Biyernes, Marso 21, 2014

Maganda ang kayumanggi

MAGANDA ANG KAYUMANGGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino ang maysabing pangit ang kayumanggi
sino pa, kundi ang mga dayuhang puti
mga dayong puti silang mapang-aglahi
inaapak-apakan ang dangal ng lahi

teka, basta ba maputi ay maganda na
ginagatungan pa ng mga kosmetika
pamahid na pampaputi ay pampaganda
ito ang binebenta sa mga dalaga

kayraming dalagang bukid sa kanayunan
balat ay kintab, kayumangging kaligatan
sunog man sa araw ay pagkaganda naman
at kaytamis ng angking ngiti't kalooban

Huwebes, Marso 20, 2014

Ang mamatay nang may dangal

ANG MAMATAY NANG MAY DANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ganito ko nais malagutan ng buhay
buong pagkatao'y kinikilalang tunay
makatang marangal, prinsipyadong namatay
puso't diwa'y payapa sa aking paghimlay
mga naiwang katha yaong mag-iingay