Lunes, Disyembre 31, 2018

Sinong mananagot?

SINONG MANANAGOT?

sasagutin ba ng mga kumpanya ng paputok
ang gastos sa ospital ng naputukan mong anak
may nagdemanda na ba't sa ganyang kaso'y tumutok
kahit batid nating ang produkto nila'y pahamak

mga kumpanya ba ng paputok ang mananagot
pag sa paputok, daliri ng anak mo'y nagkalat
sa maling kulturang magpaputok, tayo ba'y sangkot
ano tayo pag kamay ng anak na'y sumambulat

gastos pa rin ng magulang ang pagpapaospital
kumpanya ng paputok ay wala man lang inambag
paputok na ito'y negosyo lang ng nangapital
kumpanya'y kumita ngayon, bukas buhay mo'y hungkag

kumpanya ng paputok lang ang kumita't panalo
tayong may anak na naputukan ang laging talo

- gregbituinjr.

Salubunging buong saya ang Bagong Taon

SALUBUNGING BUONG SAYA ANG BAGONG TAON

itong lansangan ay muling pupunuin ng usok
dahil sa Bagong Taon maraming magpapaputok
sinong malalagasan ng daliri't malulugmok
ilang kamay ang mapuputukan, iyo bang arok

habang masamang espiritu'y nais daw itaboy
mga bata'y hinahayaang magpalaboy-laboy
paputok ng paputok hanggang dugo'y magsidaloy
wala na palang daliri ang anak niyang totoy

at may mga gago pang nagpapaputok ng baril
kaysaya habang may buhay pala silang nakitil
mga siraulong tulad nila'y dapat masupil
habang awtoridad ay nagmimistulang inutil

Bagong Taon ay salubunging walang karahasan
di digmaan ang Bagong Taon kundi kasayahan

- gregbituinjr.

Linggo, Disyembre 30, 2018

Ilan pa bang bata ang mawawalan ng daliri?

ilan pa bang bata ang mawawalan ng daliri?
dahil matatanda'y ginagaya sa kulturang mali
pawang naniniwala at nagbabakasakali
na masamang espiritu'y mapalayas ng dagli
kahit na maraming buhay ang masira't masawi

mabuting gamitin na lamang natin ay torotot
o kaya'y kaldero'y paingayin ng walang takot
o pito na ang hipan, ligtas saanman sumuot
mabuti nang mag-ingat kahit saan pumalaot
mahirap nang maputulan ng daliri, kaylungkot

- gregbituinjr.

Huwag magpapaputok, manorotot na lang

manorotot na lang, huwag magpapaputok
ang Bagong Taon ay bagong pakikihamok
tamang pagpapasiya'y ngayon masusubok
kung tayo'y magtatagumpay o malulugok

huwag magpapaputok, manorotot na lang
kahit Bagong Taon, kayraming salanggapang
minsan ang paputok, buhay ang inuutang
napuputol madalas ay daliri lamang

papayag ka bang ikaw o mahal sa buhay
ay masasabugan sa daliri o kamay
dahil lang sa hangad na salubunging tunay
ang Bagong Taon ng sangkatutak na ingay

dapat nating baguhin ang maling kultura
nang pamilya'y maingatan at mapasaya
huwag magpaputok, torotot ay sapat na
Bagong Taon ay salubunging may pag-asa

- gregbituinjr.

Sabado, Disyembre 29, 2018

Soneto alay kay Sir Cirilo F. Bautista

SONETO ALAY KAY SIR CIRILO F. BAUTISTA, 
PAMBANSANG ALAGAD NG SINING SA PANITIKAN

Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining
Idolo ka sa panitikan, kayhusay, kaygaling
Ramdam namin ang mga katha mong may suyo't lambing
Ikaw yaong sa panulat ng marami'y gumising.

Laking Sampaloc, Maynila, mahusay na makata
O, Cirilo, inidolo ka sa bawat mong likha
Baguio'y tinirahan din, naging guro sa pagkatha
Ang kolum sa Panorama'y kinagiliwang sadya.

Umpisa pa lang, akda mo'y nakapagpapaisip
Tulad ng Kirot ng Kataga, di agad malirip
Isinaaklat na katha mo'y ginto ang kalakip
Sugat ng Salita pag ninamnam, may nahahagip.

Tunay kang alagad ng sining, Cirilo Bautista!
Ang mga lakang akda mo sa bayan na'y pamana.

- gregbituinjr.

* Cirilo F. Bautista (July 9, 1941 - May 6, 2018), Philippines' National Artist for Literature 2014

Soneto alay kay Binibining Catriona Gray, Miss Universe 2018

litrato mula sa google

SONETO ALAY KAY BINIBINING CATRIONA GRAY, MISS UNIVERSE 2018

Bagong Miss Universe ang nagningning sa daigdigan
Binibining Catriona Gray ang musa ng bayan
Catriona, isa nang alamat sa kagandahan
At nagdala sa bansa ng mabunying karangalan.

Tigib ng galak ang bayang puno ng suliranin
Rinig ang hiyawan nang manalo ang mutyang ningning
Ipinakita mo'y di lamang ganda kundi galing
O, Catriona, huwaran ka't tunay na bituin!

Nawa'y magpatuloy ka't harapin ang bagong hamon
Ang iyong pagkapanalo sa bansa'y nagpabangon
Gumuhit ka ng isang bagong kasaysayan ngayon
Ramdam ng bayan, idolo't tunay kang inspirasyon!

Ang ambag mo sa dangal ng bansa'y di malilimot
Yinapos ka na ng bayan sa dangal mong dinulot.

- gregbituinjr.

Biyernes, Disyembre 28, 2018

Tayo'y mga manlalakbay

TAYO'Y MGA MANLALAKBAY

sa daigdig na ito, tayo'y mga manlalakbay
nakikita ang laksang suliraning kaagapay
may iilang sa yaman ay nagtatamasang tunay
habang mayoryang dalita'y sa hirap nakaratay

ano ba't paikot-ikot lang ang buhay na ito?
na kain, tulog, trabaho, kain, tulog, trabaho?
ganito na lang ba ang buhay hanggang magretiro?
habang sa bansa'y naghahari ang burgesya't tuso

ganito ba ang daigdig na nilalakbay natin?
laksa'y walang pakialam, anuman ang palarin?
burgesya lang ang natutuwa't kain lang ng kain
bundat na ang tiyan, paglamon ay patuloy pa rin

kaya saludo ako sa lahat ng kumikilos
upang tuluyang mawakasan ang pambubusabos
nais na bulok na sistema'y tuluyang matapos
at mailagay sa tuktok ang manggagawa't kapos

- gregbituinjr.

Sa relokasyon

di ibig sabihing nalipat ka sa relokasyon
tapos na ang problema mo't titira na lang doon
kayraming bayarin, bagong problema'y masusunson
ngunit maganda nang simula't kayo na'y naroon

bagong simula, bagong problema, bagong paglaban
bagong mga bayarin ay paano babayaran?
bagong buhay, bagong hamon, bagong inaasahan
bagong pakikibaka sa bago ninyong tirahan

sa relokasyon, dapat kayong nagkakapitbisig
magtulong-tulong kahit wala pang kuryente't tubig
doon bubuuin ang bagong buhay ninyong ibig
sa problemang kinakaharap, huwag magpalupig

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 27, 2018

Pagtagay

painumin mo na ako
ng bote-boteng serbesa
at ako'y magseserbisyo
habang kasama ang masa

magkasama sa pagtagay
habang may pinupulutan
magkasama sa tagumpay
handa sa anumang laban

sila'y ating gigisingin
sa tigib ng gandang sining
nilikha ng anong sinsin
ginawang may paglalambing

kasalukuya't kahapon
ang tinatagay ay luha
ang kinakaharap ngayon
sakripisyo't paghahanda

- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 26, 2018

Manggagawa, kayo ang punong dapat nang mamuno

manggagawa, magkapitbisig sa pakikibaka
panahon na upang ang buong uri'y magkaisa
dapat na ninyong itatag ang sariling sistema
lipunang makatao, makamasa, sosyalista

pagkat kayo ang lumikha ng yaman ng lipunan
kayo rin ang lumikha ng ekonomya ng bayan
habang pribadong pag-aari'y pribilehiyo lang
ng iilan, ng karampot na burgesya't mayaman

manggagawa, magkaisa kayo't magkapitbisig
ang sistemang kapitalismo'y dapat n'yong malupig
panahon na upang ipakita ang inyong tindig
uring obrero ang dapat mamuno sa daigdig

manggagawa, kayo ang punong dapat nang mamuno
habang kapitalismo'y dahong dapat nang matuyo

- gregbituinjr.

Ginawa ko ring tibuyô ang bote ng alkohol

GINAWA KO RING TIBUYÔ ANG BOTE NG ALKOHOL

kaysa maging basurang plastik, aking inihatol
na gawin ko ring tibuyô ang bote ng alkohol
wala nang laman, sayang, baka sa barya'y bumukol
kahit piso-piso, makakaipon ng panggugol

kailangang mag-ipon, magtipid, huwag magbisyo
dapat sa pagtangan ng salapi, tayo'y matuto
dapat isipin ang kinabukasan natin, mo, ko
bakasakali, nang di tayo maghirap ng husto

halina't bata pa lang, mga anak na'y turuan
magtipon sa tibuyô para sa kinabukasan
mabuti nang may madudukot pag kinailangan
kaysa hanapi'y pilantropo o mauutangan

tara, kahit barya-barya man ay makakapunô
limang piso, sampung piso, isuksok sa tibuyô
ang piso'y magiging libo-libo pag napalagô
unti-unti, sa kahirapan ay makakahangô

- gregbituinjr.

* tibuyô - salitang Tagalog (Batangas) sa salitang Kastilang "alkansya"

Martes, Disyembre 25, 2018

Ilang tanong ngayong kapaskuhan

ILANG TANONG NGAYONG KAPASKUHAN
(Hinggil sa mga biktima ng EJK)

ngayong Pasko ba'y may matatanaw silang hustisya?
sa sunod na taon ba'y tuloy ang pakikibaka?
may katarungan ba sa pinaslang na mahal nila?
maibabagsak ba ang mga berdugo't pasista?

karahasan ba'y wala na sa susunod na taon?
pamilya ng mga natokhang ba'y makakabangon?
o sa hinanakit at panlulumo'y mababaon?
o sa salitang "durugista" sila'y ikakahon?

mangyari kayang wala nang dahas at nandarahas?
mangyari kayang wala nang pambababoy sa batas?
mangyari kayang ang problemang ganito'y malutas?
mangyari kayang matigil na ang mga pag-utas?

- gregbituinjr., 25 disyembre 2018

Panawagan ngayong Pasko

PANAWAGAN NGAYONG PASKO

may lambong man ng ulap itong kapaskuhan
hangad ko'y hustisya sa pamilyang tinokhang
kapamilya nila'y basta na lang pinaslang
di nilitis, dinala na kay Kamatayan
ang hiling namin ngayong Pasko: KATARUNGAN!

may hustisya sana sa susunod na Pasko
igalang sana ang karapatang pantao
kung may sala, idaan sa wastong proseso
litisin, kung mapatunayan, kalaboso
ngunit huwag basta pumaslang ng kapwa mo!

- gregbituinjr., 25 disyembre 2018

Linggo, Disyembre 23, 2018

O, anong sikip na ng lungsod sa kayraming dukha

O, anong sikip na ng lungsod sa kayraming dukha
Mula probinsya'y nagbakasakali sa Maynila
Nagsilayo sa tahanang tadtad ng dusa't digma
Nagsialis doo't baka sa lungsod may mapala.

O, anong sikip ng lungsod sa laksang mahihirap
Habang para sa anak, magulang ay nagsisikap
Buto'y binabanat upang maabot ang pangarap
Ngunit pawang dusa't siphayo yaong nalalasap.

O, anong saklap ng buhay sa maningning na lungsod
Anuma'y papasukin kahit butas ng alulod
Kayod ng kayod kahit puwet ng iba'y mahimod
Wala bang mayamang may salaping ipamumudmod?

Sakaling sila'y uuwi sa kanilang probinsya
Baka doon muling mabuo ang pangarap nila
Kung sa sikip ng lungsod ay di sila makahinga
Sa lalawigan, may sariwang hanging madarama.

- gregbituinjr.

Sabado, Disyembre 22, 2018

Nangaroling na 7-anyos, nasagasaan, patay

nangaroling ang batang may edad na pitong taon
nais makaipon nang may maidagdag sa baon
ang pangarap niya'y naglaho, tuluyang nabaon
pagkat nasagasaan, di na siya nakabangon

nagbilang ng napamaskuhan ang batang nasabi
nang siya'y masagasaan ng sasakyang A.U.V.
sa murang gulang, paslit na ito'y nagpupursigi
ngunit mga magulang niya'y tiyak nagsisisi

pipit na dinagit ng agila sa murang edad
di nakita ang sumibad at siya'y nakaladkad
sa pagtatanod sa lansangan gobyerno ba'y hubad
o ang magulang kaya bata sa sakuna'y lantad

laging sabihan ang mga anak sa pangangaroling
maging alisto baka may sasakyang paparating
tingin sa kanan at kaliwa, baka may humaging
mag-ingat lagi, tiyaking utak ay laging gising

- gregbituinjr.


Miyerkules, Disyembre 19, 2018

Tuloy pa rin ang tulaan kahit na walang pulutan

TULOY PA RIN ANG TULAAN KAHIT NA WALANG PULUTAN

tuloy pa rin ang tulaan
kahit na walang pulutan
ganyan nga ang barkadahan
nitong magkakaibigan

atat na manalinghaga
kahit na maraming muta
kahit gumapang sa lupa
tutula kahit tulala

kasama'y kaygandang dilag
tunay kang mapapapitlag
ganda niya'y masisinag
kaya puso ang nabihag

tagay ka muna, pare ko
wala mang pulutan dito
ang dalit ko'y basahin mo
at malalasing kang todo

hik, ako na yata't lasing
baka tanghaliing gising

- gregbituinjr.

Lunes, Disyembre 17, 2018

Muli, ang pananghalian ko'y ensaymada

Muli, ang pananghalian ko'y ensaymada
Malambot na tinapay at murang-mura pa
Pamatid-gutom, tatlong piso bawat isa
Kinse pesos lang ang lima, nakakagana.

Ang ensaymada'y pansagip sa kagutuman
Lalo't nagtitipid dahil sa kahirapan
Tangan ang diskarte sa abang kalagayan
Lalo't mahaba pa ang susuunging laban.

O, ensaymada, tunay nga kitang kakampi
Ng mga tulad kong tibak, ng masang api
Kaysarap mo maging sa mga binibini
Tama nga ang pasya kong ikaw ang binili.

Pangako ko'y igagawa kita ng tula
Pagkat sagot ka sa puso kong lumuluha
Pagkat tugon ka sa aking pangungulila
O, ensaymada, dakila ka't pinagpala!

- gregbituinjr.

Linggo, Disyembre 16, 2018

Ikatlong nominado ng PLM: Atty. Aaron Pedrosa

IKATLONG NOMINADO NG PLM: ATTY. AARON PEDROSA

ikatlong nominado: Attorney Aaron Pedrosa
ng partylist natin, ang Partido Lakas ng Masa
sa grupong Sanlakas, sekretaryo heneral siya
abugadong palaban, tagapagtanggol ng masa

mga laban sa palupa'y kanyang pinakikinggan
sa isyu ng manggagawa'y nakikipagpukpukan
sa isyung climate justice, matatag kung manindigan
magaling ding magtalumpati sa isyu ng bayan

mga isyu't laban ay kanyang ipinapanalo
para sa masa, sa bayan, sa uri't sa obrero
matatag na kasama, magaling na abugado
ikatlong nominado, paupuin sa Kongreso

si Attorney Aaron ng P.L.M., ating kakampi
may paninindigan, may laman bawat sinasabi
sa uri't sa bayan, patuloy siyang magsisilbi
ang P.L.M. pag nanalo, sa masa'y kakandili

- gregbituinjr.

* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Disyembre 2018, p. 20

Biyernes, Disyembre 14, 2018

Kung tahimik ka sa kabila ng katiwalian

kung tahimik ka sa kabila ng katiwalian
ay ano ka? walang pakialam na mamamayan?
nakikita mo na'y binabalewala mo lamang
nagbubulag-bulagan ka't nagbibingi-bingihan!

pumalag ka, huwag kang matakot na makialam
ipakita mong sa nangyayari'y may pakiramdam
hayaan mo ang sinumang sa iyo'y mang-uuyam
makialam ka't kakamtin din ang hustisyang asam

kung sa katiwaliang nangyayari'y tatahimik
ay ano ka? katulad mo na'y mga taong plastik
dapat nang umimik ngunit di pa rin umiimik
natatakot ka bang makakalaban mo'y mabagsik

aba'y isipin mo ang kinabukasan ng bansa
kahit mga tiwali'y tiyak mong makakabangga
ngunit tulad nila'y mapapalamon din ng lupa
bigyan mo ng pag-asa't tinig ang mga kawawa

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 13, 2018

Limahan I

LIMAHAN I
(tulang may limang taludtod,
limang pantig bawat taludtod)
ni Greg Bituin Jr.

I
pag nababalot
ng diwang gusot
bawat hilakbot
ay kumukurot
sa pusong takot

II
nasa'y magwakas
ang bayang butas
puso'y may ningas
laban sa ungas
at talipandas

III
manood na lang
sa pamamaslang
at pagtimbuwang
ganyan malamang
ang mga hunghang

IV
kayong berdugo
ang krimen ninyo
pumaslang kayo
ng ordinaryo
at dukhang tao!

V
pangulong baliw
utak may agiw
dapat magbitiw
bayang magiliw
sa krimen saliw

Miyerkules, Disyembre 12, 2018

Sa ngalan ng pag-ibig

"What is done in love is done well." ~ Vincent van Gogh

Anumang ginawa sa ngalan ng pag-ibig
ay sadyang marubdob at marunong tumindig
ay mga nilikhang di basta malulupig
ay puno ng sakripisyong nakaaantig

Anumang ginawa nang buong pagmamahal
ay niloloob na gawaing pagpapagal
ay pagsintang may munting bukid na binungkal
ay alay sa kinabukasang buong ringal

- tulanigregbituinjr.

Martes, Disyembre 11, 2018

Ka Sonny Melencio, ikalawang nominado ng PLM

KA SONNY MELENCIO, IKALAWANG NOMINADO NG PLM

ikalawang nominado si Ka Sonny Melencio
sa Partido Lakas ng Masa, matinong partido
ng babae, kabataan, magsasaka, obrero
manininda, aktibista, at karaniwang tao

higit apatnapung dekadang tibak na kaytatag
matindi ang prinsipyong tangan, di basta matibag
si Ka Sonny ay manunulat at mamamahayag
ang "Full Quarter Storm" ngang aklat niya'y nailimbag

siya ang pangulo ng ating P.L.M. partylist
sa bawat isyu, mataktika, kilos ay mabilis
sa bawat pahayag, pagsusulat niya'y makinis
sa bawat rali, prinsipyo'y dama sa kanyang boses

si Ka Sonny, matatag na lider at aktibista
paupuin natin sa Kongreso ang tulad nila
tiyaking ang P.L.M. partylist ay mangunguna
pag naupo sa Kongreso'y magsisilbi sa masa

- gregbituinjr.

* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Disyembre 2018, p. 20

Lunes, Disyembre 10, 2018

Walang magkomento sa aking mga tulang katha

walang magkomento sa aking mga tulang katha
kahit may laman ang nakapaloob ditong diwa
dahil ba marami ang banat at panunuligsa?
baka ayaw basahin dahil ito'y anyong tula?

o baka ayaw patulan ang tibak na tulad ko?
kaya walang sinumang sa tula'y sumiseryoso
baka palabas lang nitong makatang siraulo?
walang kwenta, huwag patulan ang hayop na ito

subalit tulad ko'y kakatha at kakatha pa rin
kahit di rito kinukuha yaong kakainin
magandang tumula't dito ilabas ang hinaing
dahil sa nakikita, ang bayan ay ginigising

nawa'y inyong basahin yaring hikbi ng panulat
damhin at namnamin ang mga isinisiwalat
malalasahan lang ito kung inyong makakagat
tulad ng bunga ng punong di matingkalang sukat

- gregbituinjr.

Linggo, Disyembre 9, 2018

Aliping nagtaksil daw sa bayan

ALIPING NAGTAKSIL DAW SA BAYAN

Sa Amerika'y panahon iyon ng himagsikan
Nang isang lalaking alipin yaong hinatulan
Ng kamatayan sa salang pagtataksil sa bayan
Subalit ang nasabing alipin ay nangatwiran:

"Ako'y alipin kaya di n'yo ako mamamayan.
Kung ako'y di n'yo mamamayan, bakit hahatulan?
Ang maging tapat sa inyo'y di ko pananagutan
Kaya di dapat paratangang nagtaksil sa bayan."

Paliwanag ng alipin ay pinakinggang husto
At nakita ng korteng ang sinabi niya'y wasto
Siya'y pinawalang-sala't di na nakalaboso
Patunay itong alipin man, sila'y kapwa tao.

Isang aral itong dapat tandaa't maunawa
Alipin ka man, ipaglaban mo kung anong tama.

- gregbituinjr.
* batay sa isang ulat sa kasaysayan sa pahayagang Pilipino Ngayon, Disyembre 8, 2018, p. 5

DeDe-Es

Dispalinghadong Disipulo Sila, ang DeDe-eS
Na pagsamba kay Digong ay sadyang walang kaparis
Ayaw ng wastong proseso’t anumang paglilitis
Gusto lagi'y pumaslang at mga dukha'y matiris.

Duguan, Dinurog Sadya yaong mga biktima
Ng pagtokhang nila sa mga maralitang masa
Atas iyon ng pangulong nalulong na sa droga
Nang dahil sa Fentanyl, ang utak nito'y pinurga.

Dinahas, Dugo'y Sumabog, mga dukha’y kinitil
Walang labang maralita'y walang awang binaril
Inatas iyon ng bastos na pangulong matabil
Na tulad niya'y mga elitistang mapaniil.

Diring Diri Sila sa mga tulad niyang bangag
Pangulong kung anu-ano ang ipinapahayag
Na tingin sa dukha'y tila hitong pupusag-pusag
Na kaydali lang patayin, pagkat di pumapalag.

Dede, Dodo, Suso, nais ng pangulong kuhila
Atas pa niya sa mga sundalo'y manggahasa
Nais ng pangulong ang babae'y mapariwara!
Di dapat mamuno ang pangulong kasumpa-sumpa!

DeDe-eS silang si Digong lamang ang panginoon
Sinasamba nila'y bangag na’t sa droga nalulong
Na sa Santong Fentanyl ay palaging bumubulong:
Anong gagawin kung sa droga siya na’y nagumon?

Ang Boss nila’y Diktador, Diyablong Sugo ng dilim
Na pinaggagawa sa bansa'y karima-rimarim
Ang bansa'y binagyo ng poot, hilakbot at lagim
Kaya maraming pamilya ang nagdusa’t nanimdim.

- tulanigregbituinjr.

Sabado, Disyembre 8, 2018

Joke, joke lang

JOKE, JOKE LANG SI DUTERTE
(Pasintabi sa Bee Gees)

I started a joke, which started the whole world crying,

"Papapatayin ko kayo", pangulo ba'y nagbibiro?
Binoto pa rin ng tao, bansa'y saan patungo?
Nagkalat sa lansangan ang mga bangkay at dugo
Ang tokhang ay naging tokbang, bumabasag ng bungo.

I started to cry, which started the whole world laughing,

Anya, joke, joke lang daw ang kanyang pagma-mariwana
At joke din pala ang kanyang pagje-jetski sa Tsina
Kung anu-anong sinasabi, epekto ng droga?
Fentanyl na ba ang sa utak niya'y nagdistrungka?

Til I finally died, which started the whole world living,

Kailan mamamatay itong baliw na pangulo
Na pinaslang ang mga dukha't taong ordinaryo
May banta pa ngayong paslangin ang mga Obispo
Dahil sa drogang fentanyl, nasira na ang ulo!

Oh, if I'd only seen that the joke was on me.

Pag natapos na ang pagkapangulo ni Duterte
Tiyak ikakalaboso siya ng laksang naapi
Ilang taon na lang, di na siya ang presidente
Baka kantahin na niya ang "that the joke was on me"

- gregbituinjr.

Stet sa cellphone

Kayhirap kung laging stet ng stet
Ngunit subukan mo pa ring mag-edit
Baka magustuhan ang bagong hirit
Kahit selpon lamang ang iyong gamit
- gregbituinjr.

* Tugon sa isang kasamang nahihirapang mag-edit ng kanyang artikulo sa cellphone.

Biyernes, Disyembre 7, 2018

Huwag ninyong susundin ang inyong kumander-in-cheap

huwag ninyong susundin ang inyong kumander-in-cheap
kung pawang dahas ang laging laman ng kanyang isip
kung paggalang sa proseso'y balewala, sa halip
ang solusyon sa problema'y pagpaslang, di pagsagip

sa kumander-in-cheap ninyo'y huwag kayong susunod
kung sa bansang Tsina'y pilit tayong pinaluluhod
kung sa agawan ng teritoryo'y napipilantod
kung ang obrero'y di mabigyan ng tamang pasahod

huwag sundin ang kumander-in-cheap na laging bangag
na laging ginigipit ang mga mamamahayag
na pinapaslang ang mga nanlaban o pumalag
imbes may wastong proseso'y sila pa ang lalabag

iyang kumander-in-cheap ninyo'y huwag ninyong sundin
kung siya ang unang lumalabag sa batas natin
kung siya'y walang budhi, sinuma'y nais patayin
di kayo robot, kayo'y taong may dangal na angkin

- gregbituinjr.

Sige lang, tumakbo ka, boteng plastik, maglaro ka

sige lang, tumakbo ka, boteng plastik, maglaro ka
habang nage-ekobrik kami dito sa eskwela
habang mga plastik na tulad mo'y iniipon pa
gugupiting maliliit nang sa iyo'y magkasya

tumakbo ka, boteng plastik, bago ka maabutan
pagkat ang buong katawan mo'y aming susuksukan
ng kayraming plastik hanggang ikaw ay mabulunan
hanggang mapuno ng plastik ang buo mong kalamnan

gagawin ka naming ekobrik, sintigas ng bato
na di basta matibag kahit upuan ng tao
pag napuno ka ng plastik, di ka na makatakbo
na pag binato ni misis, mabubukulan ako

kaya sige, maglaro ka't tumakbo, boteng plastik
di makakatakas, gagawin ka naming ekobrik
tulungan ang kalikasan, huwag lang humagikhik
pagkat laking pakinabang ng katawan mong siksik

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 6, 2018

Pag ang namuno'y mga kuhila

si Gloria Arroyo ay nag-sorry
noon sa isyu ng Hello Garci
sa isyung mariwana'y sinabi
ngayon ay joke joke lang ni Duterte

mga namumuno silang baliw
dito sa ating bayang magiliw
pusod ng bayan na'y inaagiw
sa gawaing di nakaaaliw

mga pinunong di maunawa
sa ginagawang kasumpa-sumpa
katawa-tawa na itong bansa
pag ang namuno'y mga kuhila

- gregbituinjr.

Pangulong baliw

Papatayin ko kayo, sabi ng pangulong ulol
Ang mga kampon niya'y sunud-sunurang humatol
Na pawang dahas yaong sa masa'y kinukulapol
Gutom sa dugo at pumapaslang ng walang gatol.
Umaatake ng walang proseso't paglilitis
Linilipol ang sinumang nais nilang matiris
Oo, dukha'y itinuturing nilang daga't ipis
Na dapat lupigin habang sila'y bumubungisngis
Ginagawa nila'y sadyang pagkauhaw sa dugo
Bakit ba nais nilang nagpapasabog ng bungo?
Ang ganitong masamang gawa'y dapat lang maglaho
Lupigin ang mararahas, palitawin ang baho.
Ibig pang paslangin ang dukha imbes kinukupkop
Wala nang proseso, masahol pa sila sa hayop!
- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 5, 2018

Matinik

okay lang ang maging matinik sa babae
basta huwag lang tayong matinik ng isda
mainam pang papakin ang kanyang kabibe
kaysa matinik ng luto niyang tilapya

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 4, 2018

Di lang mapatalsik, ibiting siyang patiwarik

si Erap Estrada'y pinatalsik ng taumbayan
dahil sa pagsusugal at mga katiwalian
si Digong Duterte'y dapat patalsikin din naman
dahil sa mga salang krimen sa sangkatauhan

kung si Erap nga'y napatalsik, bakit di si Digong?
na sira na ang ulo, sa fentanyl na'y nalulong
pagpaslang sa dukha't banta sa pari'y pinausbong
sa katarantaduhan niya, tayo'y di uurong!

bakit nasa pwesto pa rin ang mamamatay-tao?
dahil ba sa tindi ng takot sa gagong pangulo?
pinaslang ang dukha't tambay, may banta sa Obispo
dapat lang patalsikin ang pangulong sira-ulo!

walang galang sa proseso ang kampon niyang pulis
paslang ng paslang nang walang proseso't paglilitis
dahil sa fentanyl, pangulo'y naging utak-ipis
atas sa sundalo'y manggahasa ng walang mintis

kung yaong tulad ni Erap Estrada'y pinatalsik
dapat patalsikin din si Duterteng sadyang adik
nagmamariwana, utak niya'y sa droga siksik
di lang mapatalsik, ibitin siyang patiwarik!

- gregbituinjr.

Lunes, Disyembre 3, 2018

Magmura o Magmahal?

MAGMURA O MAGMAHAL?

nais kong magmura na ang mga bilihin
nais kong magmahal ang aking iibigin
magmura na ang materyal na kasangkapan
magmahal na ang inasam na kasintahan
isipin mo kung kailan ka magmumura
di sa tao, kundi sa kagamitan mo na
isipin mo kung kailan ka magmamahal
dapat ay sa tao, di sa tubo't kapital
magmura o magmahal, sinong nakasakit?
nagmahal, nagmura, sinong may malasakit?

- gregbituinjr.

Linggo, Disyembre 2, 2018

Hindi suntok sa buwan

Hindi suntok sa buwan ang ating pag-ibig
Kaya tayo ngayon ay nakakapagniig.
Nang kinulong kita sa matipunong bisig
Ay akin nang nadamang agad kang kinilig.

Hindi suntok sa buwan ang ating pangarap
Habang dinuduyan kita sa alapaap.
Narito tayong patuloy na nagsisikap
Upang matupad ang layon sa hinaharap.

Hindi suntok sa buwan ang ating pagsinta
Kaya binubuo nati'y bagong pamilya.
Kayraming man nating pagbubuntong-hininga
Ay hindi tayo nawawalan ng pag-asa.

Hindi suntok sa buwan ang maging Bituin
Na sa gabi't araw sa langit nakabitin.
Kita'y katuwang sa ulap, dagat, o bangin
Malulutas natin anumang suliranin.

- gregbituinjr.

Basta dukha, mababa ang kanilang pagtingin

BASTA DUKHA, MABABA ANG KANILANG PAGTINGIN

basta dukha, mababa ang kanilang pagtingin
magagaspang ang kilos, maamos at marusing
itinuring pa nilang basta dukha'y uhugin
tila walang hilamos at mukhang bagong gising

kahit mga kasama, tingin nila'y kaybaba
walang pinag-aralan at mababaw ang luha
mukhang di inaruga ang palaboy na bata
tila walang magulang, sila ba'y naulila

ang mga manggagawang hirap ngunit may sweldo
na kahit mababa man ay karespe-respeto
ngunit tingin sa dukha'y sanay sa basag-ulo
na naghahanap lamang kung anong matityempo

dukha nga ba'y kauri ng mga manggagawa
at pinandidirihan nitong uring panggitna
o sila'y kauri lang ng sadyang walang-wala
na obrero man, tingin sa kanila'y kaybaba

ang dukha kasi'y walang pribadong pag-aari
na animo'y pulubi sa mga naghahari
walang dignidad, ayon sa nagkalat na pari
dapat lang magkaisa ang dukha bilang uri

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 30, 2018

Boss, nagbaril sa ulo

Ayon sa ulat sa Bulgar, "Boss Nagbaril sa Ulo"
Wala raw pang-13th month pay ng mga empleyado.
Kapitalista'y dapat gayahin ang among ito
Nang di na pinagsasamantalahan ang obrero.

May prinsipyo't paninindigan ang boss nilang iyon
Walang mabigay sa obrero, bala'y ibinaon
Sa sariling ulo, pagkat mukha'y di maiahon
Sa kahihiyan, ang pagkatao'y di maibangon.

Tularan sana siya ng kapitalistang ganid
Na puso'y halang, magdusa man ang nasa paligid
Tanging limpak-limpak na tubo lang ang nababatid
Gayong ang tinutubo'y manggagawa ang naghatid.

Lahat ng kapitalista'y dapat ganyan ang gawin
Magbaril sa ulo upang wala nang mga sakim.
Habang ang bulok na sistema'y papalitan na rin
At manggagawa'y bagong lipunan ang lilikhain.

- gregbituinjr.
* ang tula'y batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, Nobyembre 30, 2018, p. 1 & 2

Martes, Nobyembre 27, 2018

Mabuhay ang mga Human Rights Pinduteros

Maalab na pagbati sa Human Rights Pinduteros
na pagtatanggol sa karapatan ay lubos-lubos
tuloy ang pakikibaka kahit na kinakapos
saksi kayo sa mga gawaing kalunos-lunos
ng rehimeng itong karapatan na'y binabastos

marami na ang napapaslang ng rehimeng ito
walang due process at paglilitis, ito ba'y wasto?
basta ba dukha, yuyurakan na ang pagkatao?
basta ba babae, babastusin na nilang todo?
ang namumuno na ba'y mistulang isang demonyo?

Mga ka-Pinduteros, ituloy natin ang laban!
ipakitang ang lahat ng tao'y may karapatan
ipakita nating due process ang tamang saligan
kung nagkasala at di basta na lang pinapaslang
karapatang pantao'y kilalanin at igalang

sugat na nilikha ng rehimen ay anong lalim
kaya di na dapat patagalin pa ang rehimen
ng pangulong kung mag-isip ay karima-rimarim
dapat nang palitan ang berdugong anghel ng dilim
dapat nang ibagsak ang pangulong sugo ng lagim

- gregbituinjr.
* kinatha at binasa sa 8th Human Rights Pinduteros Awards Night, Nobyembre 27, 2018, Prime Hotel, Sgt. Esguerra, Lungsod Quezon

Lunes, Nobyembre 26, 2018

Ang pangalan ay mas mainam kaysa kayamanan

ang pangalan ay mas mainam kaysa kayamanan
kaya pangalang ito'y dapat lang pakaingatan
ang dangal ay mas mabuti kaysa anumang yaman
kaya ipagtanggol ang dangal kapag niyurakan

ang mabuti mong pangalan ang iyong reputasyon
sa baras nga'y kailangan nito ng proteksyon
laban sa paninirang puri't mga akusasyon
higit pa sa ginto't pilak ang pangalan mong iyon

kaya dapat makatwiran sa anumang gagawin
mapagkumbaba sa pinakikitunguhan natin
di tumatanggap ng suhol kahit anong usapin
matatag at tapat sa niyakap na simulain

sa.mata masisilayan ang magagandang ngiti
may sulyap ng dangal ang sa labi'y namumutawi
mabuti ang pakikitungo't di nananaghili
ang itinatanim sa lupa'y mabubuting binhi

ang may mabuting pangalan ay nagpapakatao
subalit kung may naninirang-puri na sa iyo
labanan mo siya't ipakita mo ang totoo
kung kinakailangan, sampahan siya ng kaso

- gregbituinjr.

Ngiti lang ang ganti

maraming mapanira't mayayabang na kuhila
animo sila'y haring ang kapwa'y kinakawawa
mga sikat at madalas palakpakan ng madla
ngunit sa pakikipagkapwa-tao'y walang-wala

isa ang mapangmatang matagal nang kilala ko
nang magkita muli'y tila nakakita ng multo
sa kasalanan sa akin, tila ba aminado
sa kabila ng dinanas, ngiti lang ang ganti ko

upang damhin ko'y ginhawa, di ko na ginantihan
bahala na ang kanyang budhi sa kabulastugan
matalino man siya't kilala, ako'y di mangmang
na basta na lang mamatahin pagkat dukha lamang

matatag niyang tuntunga'y pribadong pag-aari
habang ako'y wala maliban sa mga kauri
siya sa kanyang kapwa'y di dapat nang-aaglahi
pagkat bawat isa'y dapat lamang kinakandili

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 25, 2018

Ang magtago ng sikreto ay tungkuling maginoo

ang magtago ng sikreto
ay tungkuling maginoo
walang nabubulilyaso
at mainam ang ganito

lihim hanggang kamatayan
sikreto'y di mabubuksan
kung sakaling pilitin man
di tutuga kahit saktan

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 23, 2018

Gobyerno ng iilan

Gumuguhit sa dibdib ang kawalang katarungan
Oo, pagkat laksa-laksa na ang katiwalian
Binuhay sa kurakot ang gobyerno ng iilan
Yamang silang burgesya ang nasa kapangyarihan
Estimado lang nila'y yaong kauring mayaman
Rinig ng maralitang sila lagi'y bibirahin
Na sila'y sakit sa mata ng gobyernong ubanin
O kaya'y mga daga ang dukhang dapat lurayin
Na dapat lamang itaboy o itapon sa bangin
Ginugulangan ang dukha ng mayamang salarin
Itigil ang mga panggigipit sa mga dukha
Itaboy ang mga mapagsamantala't kuhila
Linisin at palitan ang daigdig ng dalita
At pangarapin ang makataong mundo ng madla
Na dapat itayo ang lipunan ng manggagawa
- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 20, 2018

Huwag mong ituring na basura ang sarili mo

huwag mong ituring na basura ang sarili mo
kundi'y mangangamoy ka lang pag nabulok sa dulo
paggawa ng mabuti'y maganda sa pagkatao
lalo't di lang pansarili kundi pambayan ito

ang di raw marunong magmahal sa sariling wika
ay mahigit pa raw sa hayop at malansang isda
sabi ng bayaning Rizal na tunay na dakila
ito'y ating tandaan upang di maging kawawa

sa pakikipagkapwa'y huwag tayong maging plastik
pagkat punô na rin ng plastik ang dagat-Pacific
kumilos kung sa basurang plastik dagat na'y hitik
ito'y tipunin, patuyuin, at gawing ekobrik

pagpapakatao't pagmamahal sa kalikasan
ay mahalaga upang bumuti ang pamayanan
dapat nang maalis ang basura sa kalooban
upang isang bagong daigdig ang ating magisnan

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 19, 2018

Ang nais kong pinuno

nais ko'y pinunong masaya ang nasasakupan
kahit pa ang pinunong iyon ay nahihirapan
kaysa sarili'y mas inuuna niya ang bayan
kaysa pamilya'y una sa kanya ang katungkulan

nais ko'y pinunong pinatutupad ang proseso
ng batas, may paggalang sa karapatang pantao
may paglilitis at di basta kinakalaboso
ang sinumang nagkasala, matatag ang prinsipyo

nais ko'y pinunong gumagalang sa karapatan
lalo na't lumalayo siya sa katiwalian
di pumapaslang upang mapatino lang ang bayan
marangal, mabait, matapang, ngunit di gahaman

nais ko'y pinunong matino, di mapagkunwari
di niya inuuna ang pribadong pag-aari
mas inuuna ang bayan, di nag-aastang hari
magalang, nagpapakatao, at mapagkandili

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 18, 2018

Kami'y Block Marcos

Kami'y sama-samang nananawagan ng "Hukayin!"
Ang labi ng diktador sa L.N.M.B.: "Hukayin!"
Marcos, sa Libingan ng mga Bayani nilibing
Iniligaw na ang kasaysayan ng bayan natin
Yinanig ang bayan kaya masa'y agad kumilos
Binira ang paglilibing, pati na ang nag-utos
Libingan ng mga Bayani'y di para kay Marcos
Oo, pagkat kasaysayan ang kanilang binastos
Commitment ng grupong Block Marcos ay sadyang matindi
Kumilos agad nang kasaysayan na'y binibigti
Mahinahon, matatag, may laman ang sinasabi
At sa bawat galaw ay talagang nagpupursigi
Ramdam nating ang buong bayan ay di nalulugod
Conscious silang kasaysayan ng bansa'y pinilantod
Organisahin ang hanay, tayo'y magbuklod-buklod
Sama-sama nating isigaw: "Hukayin ang puntod!"

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 17, 2018

Ang katulad ko'y di pahuhuli ng buhay

ang katulad ko'y di pahuhuli ng buhay
di nagpapalimos sa kaninumang kamay
marangal magtrabaho, may prinsipyong taglay
isang aktibistang lumalaban ng tunay

nakikibaka subalit pumaparehas
ang nais ko'y nakikipaglaban ng patas
habang mga ligaw na damo'y pinipigtas
upang lumago ang palay at maging bigas

tibak akong may taya, tangan ang prinsipyo
tunggalian ng uri'y nais ipanalo
dapat magkapitbisig ang mga obrero
nang bulok na sistema'y kanilang mabago

tagos sa buto't puso ang paninindigan
na pagsasamantala'y mawalang tuluyan
pangarap kong mabago na itong lipunan
prinsipyo'y ilalaban hanggang kamatayan

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 16, 2018

Tulad nati'y mga manggagawang sanay sa hirap

tulad nati'y mga manggagawang sanay sa hirap
sa buhay na ito'y nagpupunyagi't nagsisikap
ang asam na kaginhawahan ang hinahagilap
at isang lipunang makatao'y pinapangarap

babaguhin natin ang lipunang ganid na ito
papalitan natin ang sistemang kapitalismo
pagbubuklod-buklurin natin ang mga obrero
upang itayo ang lipunan nilang sosyalismo

mga manggagawa, tayo'y dapat magkapitbisig
upang ganid na kapitalismo'y ating malupig
mapang-api't mapagsamantala'y dapat mausig
at daing ng obrero'y talagang maisatinig

- gregbituinjr.

Buhay ng magsasaka't manggagawa'y magkarugtong

buhay ng magsasaka't manggagawa'y magkarugtong
magsasaka sa kanilang bukid ay lumulusong
manggagawa sa kanilang pabrika'y sumusuong
kaya pag-unlad ng lipunang ito'y sumusulong

sila ang lumilikha ng ekonomya ng bansa
inararo't tinamnan ng magsasaka ang lupa
gamit na kailangan ay likha ng manggagawa
ngunit sa lipunang ito'y sila pa ang kawawa

dahil sa magsasaka kaya may gulay at bigas
sa ekta-ektaryang lupa'y may tanim silang prutas
nag-araro, nagtanim, nangalaga, at naggapas
batid nila kung anu-ano ang halamang lunas

sa pabrika'y kayod-kalabaw ang mga obrero
trabaho ng trabaho kahit mababa ang sweldo
kaylaki ng ambag ng manggagawa sa progresi
habang nagsisiyaman ang kapitalistang tuso

magsasaka't manggawa'y ating pasalamatan
sila ang totoong nagpapaunlad sa lipunan
sila ang mga tunay na bayani nitong bayan
di mga kapitalista't elitistang iilan

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 15, 2018

Isa akong mandirigmang Spartan

isa akong mandirigmang Spartan
na sinanay sa hirap ang katawan
upang handa sa matitinding laban
at nang himagsikan ay makayanan

dugong Spartan, dugong Pinoy ako
nakikibaka ng taas-kamao
lumalaban para sa pagbabago
nitong sistemang binulok ng tuso

mandirigmang matindi kung bumaka
upang kamtin ng bayan ang hustisya
sa bisig ko'y may simbolong nagmarka
yao'y sa manggagawa't magsasaka

isa akong Spartan, mandirigma
isang Pinoy, masigasig tumula
mga kathang sadyang tumutudla
sa mga tiwali, tuso't kuhila

- gregbituinjr.

Di sapat ang araw-gabi'y lagi na lang pag-ibig

di sapat ang araw-gabi'y lagi na lang pag-ibig
kailangan din ng pambayad ng kuryente't tubig
sa boluntaryong mga gawain, di makahamig
tula'y walang bayad, disin sana'y may makakabig

masipag naman sa trabaho, wala namang sahod
dadalo sa pulong, lakad lang, sapatos na'y pudpod
tutupdin ang tungkulin kahit minsan napapagod
uuwing walang pera't sa kisame'y nakatanghod

patuloy sa pagkilos, ayaw sa salitang "lie low"
nagbakasakaling makita'y may sweldong trabaho
sa kumpanya'y di matanggap ang tibak na tulad ko
baka raw tayuan ng unyon ang kapwa obrero

pambayad ng kuryente't tubig, saan hahanapin?
masipag maglakad, salapi'y saan pupulutin?
masipag tumula, ang pera'y saan dadamputin?
pambayad sa mga bayarin ay saan kukunin?

masipag sa.misyon, masipag sa organisasyon
ngunit sa mga utang sa tindahan nababaon
ang pagiging pultaym ay di isang paglilimayon
pagkat kailangan ding kumita ng pera ngayon

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 14, 2018

Di ko lang nakatabi

di ko lang nakatabi, di ko na raw siya mahal
ito ang nais niyang isipin ko't ako'y hangal
ito'ng inuukilkil sa puso't diwa kong hangal
di ko lang nakatabi, di ko raw siya mahal

gusto'y lagi kaming naglalampungan araw-gabi
ayos lang iyon dahil bagong kasal naman kami
ngunit dapat ding kumilos at kami'y magpursigi
maghanap ng salapi upang bigas ay mabili

ang ganda niya, at di pogi ang napangasawa
di naman ako playboy, baka palaboy pwede pa
ako nama'y takusang nagkataong aktibista
na disiplinang bakal ang pinairal tuwina

wala akong panahon sa selos, kami'y hikahos
sa bigas, kuryente' tubig, nasaan ang panustos
di ako pogi't walang ibang babaeng papatos
kung siya'y magseselos, buhay ko'y todos los santos

iyang selos ay produkto rin ng komersyalismo
hilig kasing manood ng dramang nakakabobo
laking tubo ng kapitalismo sa dramang ito
gayong sa iyaka't selosan, masa'y apektado

- gregbituinjr.

Wikang Koreano'y ituturo sa paaralan habang wikang Filipino'y tinanggal

noon, sinabing pangit daw ang kutis-kayumanggi
sa mga patalastas ay maganda ang maputi
propaganda ng kapitalismong kamuhi-muhi
kolonyalismo'y bentador ng dangal at ng lahi

ngayon, pag-aaralan na ang wikang Koreano
ituturo na sa mga paaralang publiko
sa kolehiyo'y tinanggal ang wikang Filipino
produkto na naman ba ito ng kolonyalismo?

winawasak na nga ng kolonyalismo ang bayan
at ng kapatid nitong kapitalismong haragan
nang dahil sa globalisasyon ay nagbababuyan
binababoy tayo ng puhunan at ng dayuhan

pangit daw ang kayumanggi, iyan ang kulay natin
bilhin daw ang pampaputi't maganda sa paningin
wikang Filipinong wika natin ay tatanggalin
isipang kolonyal ay isinasaksak sa atin

nais nilang mamuhi tayo sa ating sarili
upang bayan ay madaling masakop o mabili
upang magahasa ang bansa't mga binibini
upang mawalan ng dangal at tuluyang magbigti

panahon ngayon ng paglaban, ng pakikidigma
ipagtanggol ang ating ugat at sariling wika
may dapat tumimbuwang sa parisukat na lupa
di tayo, kundi mga kolonyalistang kuhila

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 13, 2018

Kung paano maging horror writer

baka ako'y maging horror writer din balang araw
dahil sa mga ulat ng pagpaslang gabi't araw
dahil mga dukha'y ipis sa kanilang pananaw
na dapat apakan, paslangin, dapuan ng langaw

di lamang mga kwentong multo ang nakakatakot
may mga kwento ng pagpaslang, nakakikilabot
may mga kwento ng nangawala pagkat dinukot
may mga isyu ng bayang di basta malilimot

sangkatutak ang kwentong E.J.K. sa pahayagan
ulat sa radyo't telebisyon ay pawang patayan
may kwento pa nga ng hinuling tambay sa lansangan
ikinulong ngunit pinatay rin sa kalaunan

mga kwento ng mga nanlaban daw sa kanila
kayraming batang tinamaan ng ligaw na bala
ama, ina, asawa, anak, hiyaw ay hustisya
laksa-laksa na ang mga naulilang pamilya

kayrami nang batayan upang maging horror writer
ayaw ko ma't gusto'y kayraming ulat na minarder
lalo't panahon ngayon ng mga berdugo't Hitler
matitigil ba ito habang sila'y nasa poder?

- gregbituinjr

Kahit ako'y takusa

Kahit na ako'y TAKUSA, o Takot sa Asawa
At laging tagaluto, tagalinis, tagalaba
Hindi ako nagbibisyo't tinataguyod sila
Ito naman ay laging may akibat na pagsinta
Tapat sa asawa't di ito isang pagdurusa.
Aktibista akong sa prinsipyo'y sadyang matapat
Kahit nag-asawa na't naging takusa'y maingat
Organisado sa mga gawaing nararapat
Yinayari ang misyon nang di akalaing sukat
Tungkulin ay tinutupad gaano man kabigat.
Ako ma'y takusa, responsableng asawa ako
Kumikilos ng maayos at nagpapakatao
Upang kapwa itaguyod ang pamilya't prinsipyo
Sinusunod ang asawa pagkat pagsinta ito
Ako'y takusa man, nakikibaka ring totoo.

- gregbituinjr.

* tulang akrostika, ang pamagat ay ang simula ng titik ng bawat taludtod
* ito'y tulang kasama sa inihahanda kong libro na ang pamagat ay "AKLAT NG TAKUSA"

Lunes, Nobyembre 12, 2018

Pag tinanggalan mo ng bahay ang tao

ang tao, pag tinanggalan mo ng bahay, papalag
pakiramdam nila, karapatan nila'y nilabag
ang kapayapaan sa kanilang puso'y binasag
panibagong pasakit at pagdurusa'y nadagdag.

ang sinumang tao, pag tinanggalan mo ng bahay
ay kara-karakang makikipaglaban ng tunay
para sa kanila, pagkatao'y winalang saysay
dukha't mayaman man, bahay ay katumbas ng buhay.

tanggalan mo ng bahay ang mayaman o mahirap
at mararamdaman mo ang sakit na hinahanap
ang bahay ay karapatan, binuo ng pangarap
ang bahay ay dahilan ng maraming pagsisikap.

sa sinumang nais magsagawa ng demolisyon
dapat may pag-uusap, pagsangguni, negosasyon
huwag kang aastang parang hari o kaya'y leyon
kung ayaw mong mapasubo't magkadigmaan ngayon.

- gregbituinjr.

Ang mabuhay sa panahon ng batas militar

"Buhay na ba kayo noong panahon ng martial law?
Kung hindi, bakit martial law ay tinutuligsa n'yo?"
Tanong ng maka-Marcos na animo'y bibong-bibo
Pagkat dinanas daw niya'y pag-unlad na totoo.

Aniya, "Martial law ay nagdulot ng kaunlaran.
Saliksikin n'yo ang mga ulat sa pahayagan.
Walang mga kriminal at payapa ang lansangan.
Tao'y matitino at disiplinado ang bayan."

Ang tanong namin, "Naniniwala ka ba kay Kristo?
At kay Magellan na nakalaban ni Lapulapu?
Kilala mo ba sina Rizal, Luna, Bonifacio?
Nabuhay ka na ba sa panahon ng mga ito?"

Tiyak sagot mo'y di ka buhay sa panahon nila.
At wala pa sa sinapupunan ang iyong lola.
Kaya martial law ay huwag mo nang ipagyabang pa
Kayraming tinagong dahas, libu-libo'y biktima.

Kontrolado ng diktador ang radyo't pahayagan
Telebisyon, militar, pulis, negosyo't hukuman.
Karahasan nitong martial law'y tinagong tuluyan
At dinahas ng diktadura ang mga lumaban.

Dinukot, piniit, hinalay, nawala, pinatay.
Kayrami nang naulila't hustisya'y hinihintay.
Martial law ay huwag hayaang maulit pang tunay
Upang sakripisyo nila'y di mawalan ng saysay.

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 11, 2018

Ako na yata itong pinakamasipag

ako na yata itong pinakamasipag
sa mga gawain ko'y di basta matinag
nakatunganga sa maghapon at magdamag
kakatha ng kakatha, may tulang nadagdag
pati sanaysay, kwento't balitang nabunyag

di ako tamad pagkat gawa ko'y kaydami
tingni ang kamay ko't may lipak, anong dumi
tingni ang puso ko't kayraming nasasabi
sa isyu ng bayan ay di bulag, di bingi
ang panitik kong tangan ay di napipipi

pag nakatitig ba sa kisame'y batugan
tamad na ba pag nakapatda sa kawalan
di ba pwedeng punung-puno ng kasipagan
di ng pangangatawan, kundi ng isipan
nasasaisip ang nililikhang lipunan

kahit walang pera, sa gawa'y anong sipag
kahit walang sahod, diwata'y nabibihag
nagsisilbi wala mang salaping madagdag
sa ganito'y bakit daw ako pumapayag
natatanggap lang nama'y pulos pampalubag

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 10, 2018

Pagpupugay sa ika-2 anibersaryo ng Block Marcos

PAGPUPUGAY SA IKALAWANG ANIBERSARYO NG BLOCK MARCOS

taas-kamaong pagbati'y inaalay kong lubos
sa ikalawang anibersaryo nitong Block Marcos
mabuhay ang mga kasamang tuloy sa pagkilos
na ang pagharang sa diktadura sa puso'y tagos

di mapigil ang paghiyaw ng "Hukayin! Hukayin!"
sa Libingan ng Bayani'y may pekeng nakalibing
nakakasukang diktador na naghasik ng lagim
bayan ng mga bayani'y kailan magigising

"Hukayin! Hukayin" ay di lamang isang islogan
kundi ito'y misyon nating sadyang makabuluhan
pagkat nais nating maiwasto ang kasaysayan
at huwag payagang patuloy itong mayurakan

O, Block Marcos, taas-kamaong pagbati sa iyo
at patuloy kang matatag sa tangan mong prinsipyo
darating din ang araw na mananalo rin tayo't
mahuhukay ang labi ng diktador na dorobo

- gregbituinjr., 10 Nobyembre 2018

Biyernes, Nobyembre 9, 2018

Basurahan tayo ng Canada at South Korea

Noon, tambakan tayo ng basura ng Canada.
Ngayon, basura'y nagmula naman sa South Korea.
Ang Pilipinas na pala'y tambakan ng basura.
Aba'y huwag tayong pumayag. Tayo'y magprotesta!

- gregbituinjr.
- batay sa ulat sa news.abs-cbn.com, na may pamagat na "Basura mula South Korea, dumating sa Pilipinas", Nobyembre 9, 2018: "Kinuwestiyon ng Bureau of Customs ang kargamentong dumating sa Mindanao International Container Terminal mula sa South Korea. Imbes kasi na plastic pellets gaya ng nakadeklara, mga basura lang ang laman nito. I-Bandila mo, Rod Bolivar. - Bandila sa DZMM, Biyernes, 9 Nobyembre, 2018" 

Pag kamay ng kapwa pasahero'y nasa likod mo

pag kamay ng kapwa pasahero'y nasa likod mo
may gagawin kaya siyang di mabuti sa iyo?
pitaka ba sa bulsa mo'y pinupuntirya nito?
di ba't kamay dapat nasa harap ng pasahero?
di nasa likod ninuman pagkat iyon ang wasto

walang dahilang nasa likod mo ang kanyang kamay
iyan ay pag-isipang mabuti't magnilay-nilay
inaabangan ba niyang makalingat kang tunay?
at sa iyo'y may kukuhaning mahalagang bagay?
aba'y mahirap madukutan ng gamit mong taglay!

maging alisto sa pampasaherong bus, tren, o dyip
sa terminal, pampublikong lugar, huwag umidlip
baka pagsamantalahan habang upo'y masikip
baka akala mo'y romansa na't nananaginip
iyon pala'y mandurukot ang sa iyo'y humagip

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 8, 2018

Binibili ko ang usok na parang ginto

binibili ko ang usok na parang ginto
habang habol ang hininga kong napapaso
ang nadarama'y lalamunang tuyong-tuyo
na yosi pala iyang sa akin tatanso

sayang ang pera ko sa pagbili ng usok
gayong libre lang ang sakit.kong maglulugmok
bisyong iyan ay paano ko nalulunok
habang binubuga ang nakasusulasok

tila sa baga ko ako na'y nagtataksil
pati lalamunan ko'y aking sinisiil
katawan ko'y unti-unti kong kinikitil
ang mabaho kong bisyo'y may dalang hilahil

isang tasang kanin o tatlong sigarilyo
hihithitin ko o isang ulam na prito
sa yosi'y ayokong sayangin ang pera ko
ibibili na lang ng sangkaterbang libro

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 7, 2018

Agahan mo ang gising

"maaga tayong matulog at maagang gumising
upang sa paroroonan ay agad makarating."
aniya nang nag-ayang matulog kaming mahimbing
matapos ihanda ang gamit patungo sa piging

sa isip ko, maagang pagtulog ay di usapin
tulog na alas-otso't alas-dose'y parteho rin
ang dapat pag-usapan ay anong oras gigising
upang ang unang bumangon, kasama'y yuyugyugin

maaga ngang matulog, tanghali namang gumising
sa pupuntahan ay di naman agad makarating
pag maagang matulog, nasasarapang humimbing
baka nananaginip pa't kasama'y dalaginding

ang dapat, "sa ganitong oras tayo na ay gising"
sa gabi'y nakahanda na ang kakailanganin
upang sa umaga'y di problema anong dadalhin
kahit alauna matulog, agahan ang gising

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 6, 2018

Di ako umuupo sa M.R.T. o L.R.T.

di ako umuupo sa M.R.T. o L.R.T.
dahil pribilehiyo ko'y bigay na sa babae
kahit ako'y nagbayad upang makasakay dine
nasanay nang tumayo rito araw man o gabi

nakakahiyang umupo pag maraming matanda
sila ang dapat umupo, di ang tulad kong gala
na malakas pa sa kalabaw, malakas sumipa
matatag pa rin ang tuhod sa lakarang mahaba

sa M.R.T. o L.R.T.'y di ako umuupo
hahawak lang sa baras, matatag nang nakatayo
basta may magandang dalaga'y di ramdam ang hapo
matatag na mandirigmang di basta magugupo

upuan ay ibigay sa may kapansanan, buntis,
matatanda, babae, bata, kahit ilang beses
ibigay sa pagod na manggagawa, di sa burgis
ayos lang akong tumayo, di naman ito labis

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 5, 2018

Ako man ay nabugbog-sarado ni misis

ako man ay nabugbog-sarado ni misis
dahil di agad nagawa ang kanyang nais
wala akong magawa kundi ang magtiis
kaysa naman siya pa'y manggigil sa inis

kahit pulos pasa ang buo kong katawan
at isang mata ko'y nagka-black eye na naman
kami'y patuloy pa rin ang pagmamahalan
nangako akong di siya pababayaan

lagi ko noong naiisip ako'y bato
di basta natitinag ang katatagan ko
laging nakikisama't nagpapakatao
bagamat minsan ma'y nabubugbog-sarado

ganyan nga marahil ang tulad kong takusa
naghahanap lagi ng pang-ulam sa mesa
at pambili ng sangkilong bigas tuwina
nagsisikap upang buhayin ang pamilya

bugbog-sarado man kay misis, tuloy pa rin
ang lahat kong pagsisikap, mga gawain
nagsisikap upang pamilya'y may kainin
mga bilin ni misis ay aking tutupdin

- gregbituinjr.
- ang tulang ito'y kasama sa inihahanda kong librong pinamagatang "Aklat ng Takusa"

Linggo, Nobyembre 4, 2018

Hoy, huwag kang tumawid sa maling tawiran

hoy, huwag kang tumawid sa maling tawiran
baka mabundol o kaya'y masagasaan
gamitin ang paang tulay na naririyan
upang makatiyak sa ating kaligtasan

pag sa maling tawiran ikaw ay tumawid
baka iniingatang buhay moy mapatid
kung nahagip ka ng isang rumagasang dyip
tsuper ba ang maysalang ikaw ay nahagip?

di kasalanan ng tsuper, kasalanan mo
sa maling tawiran nakipagpatintero
mahirap iyang ipipilit mo ang gusto
pagkat idadamay mo pa ang ibang tao

tumawid ka sa tamang tawiran, doon ka
ito'y upang makaiwas ka sa disgrasya
ang sarili'y mapangangalagaan mo pa
at makakauwing kapiling ang pamilya

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 3, 2018

Di ko sinanay ang sarili ko sa kape

di ko sinanay ang sarili ko sa kape
kahit binabasa ang kwento ng higante
kahit naglalaro ang daga sa kisame
kahit nagtatakbuhan ang pusa sa kalye
kahit pinupuno ko ng tubig ang balde
kahit nilalabanan ang mga salbahe

di nagpapalipas ng gutom kahit hirap
magpapatuloy ilaw ma'y aandap-andap
kikilos pa rin wala mang kapeng masarap
sa dampa'y tutungong walang kakurap-kurap
at ang diwata'y hahagkan sa isang iglap
at sa kalauna'y dalhin sa alapaap

kaya mag-inat-inat na lang sa umaga
kape man ay wala't nangangamoy sampaga
habang nandaragit ng sisiw ang agila
habang nagbabanat ng buto sa tuwina
habang nagpapatuloy ang pakikibaka
ngunit umaga'y salubunging may pag-asa

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 2, 2018

Is-nay-per

IS-NAY-PER

ako'y isang tuod na di nagsasalita
nakatitig sa puntirya kahit pa wala
bakasakaling siya'y lumabas ng lungga
makakalabit din ang gatilyo ng sigwa

ako'y isang bato, naritong di matinag
na mga pulso'y nananatiling matatag
nakatitig lang na tila may tagabulag
ang ulong lumitaw, sa punglo'y mababasag

ako'y dagang kung saan-saan sumusuot
ako'y pusang may siyam na buhay sa gusot
ako'y taong-lobong naaamoy ang salot
ako'y langay-langayang di basta maabot

kumbaga sa kahoy, isa akong mulawin
di basta mahuhulog kahit nasa bangin
ang sinumang puntirya'y mahahagilap din
sa tatag ng pulso, tagumpay ay kakamtin

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 1, 2018

Maging makatao sa mga vendor

sa pagtrato sa vendor, sana'y maging makatao
at huwag silang itaboy na akala mo'y aso
sila'y maninindang ayaw magutom ang pamilya
nagtatrabahong marangal tumubo man ng barya
sino ba ang may gustong ang bangketa'y maharangan
kung may maayos lamang silang mapagtitindahan
kaya huwag silang tirising parang mga ipis
pagkat nagtatrabaho rin ng patas at malinis
susunod din sa batas, huwag silang dinarahas
nais lamang nila'y makapagtinda ng parehas
makakain ng sapat tatlong beses isang araw
kahit kumayod ng kumayod na tila kalabaw
nawa mga vendor ay protektahan ng gobyerno
kahit vendor sila'y marunong ding magpakatao
- gregbituinjr.

Pag hinihintay pa'y wala

dumatal ang anihan, tiyak susuong sa putikang lupa
huwag papakin ang pulutan at hinay-hinay sa pagtoma

maging maagap ka tulad ng mga Boy Scout na laging handa
maging alisto't mag-ingat, baka mangagat ang asong gala

may bagyong dumarating sa buhay, talagang kaytinding sigwa
maagap na maghanda't kumilos, ito rin nama'y huhupa

kahit dumatal pa ang laksang suliraning kasumpa-sumpa
ay malalampasan din ang lahat ng ito't di na luluha

tawag ng tawag, text ng text, subalit hinihintay pa'y wala
baka nakatulog sa pansitan, nag-aalaga ng muta

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 31, 2018

Mga Asong Ulol

MGA ASONG ULOL

maraming tuwang-tuwang marami ang napapatay
tila sa buhay ng kanilang kapwa'y naglalaway
di na iginagalang ang karapatan sa buhay
kahit ang due process ay binabalewalang tunay

sa dugo ng kanilang kapwa'y parang mga linta
sarap na sarap sila pag may ibinubulagta
asong ulol silang siyang-siya sa ginagawa
paslang ng paslang kahit maraming ina'y lumuha

wala silang pakialam sa wastong paglilitis
dapat walang pinipili at dapat may due process
hulihin pag may ginawang krimen, dalhin sa huwes
pag napatunayan, ipiit, doon maghinagpis

mag-ingat, baka makagat ng mga asong ulol
sa mga kabaliwan nila'y kayhirap pumatol
pag sila'y naglalaway na'y iwasan mong mabundol
tumakbo kang mabilis at di iyan kumakahol

- tula ni gregbituinjr.
UNDAS 2018

Ang telebisyon

Minsan, pinatay ko ang telebisyong iyon
Pagkat pulos karahasan ang sinusunson
Animo'y walang magandang palabas doon
Na magsisilbi sanang isang inspirasyon.

Subalit telebisyon ay muling binuhay
Bakasakaling di na nagkalat ang patay
May maganda sanang palabas na matunghay
Na sa puso't diwa'y may inspirasyong taglay.

Muli kong pinatay ang telebisyon dahil
Ang mga palabas ay hinggil sa pagkitil
Ng buhay ng dukhang talagang sinisikil.
Ang mga karapatan nila'y sinusupil.

Ngunit nakababagot, naging mainipin
Walang mahagilap na iba pang gawain
Tinangkang telebisyon ay muling buhayin
Walang kuryente, di nagbayad ng bayarin.

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 30, 2018

Malapit na naman ang halalan

malapit na naman ang halalan
sinong ilalagay sa upuan
mayaman ba't makapangyarihan
o isang matinong pamunuan

BOTO - Buy One Take One - sabi nila
aba, ang BOTO'y huwag ibenta
pagkat kinabukasan ng masa
ang nakasalalay sa balota

suriin sinong pauupuin
may dangal ba o trapong uhugin
huwag sanang pulitikong sakim
na maglalaglag sa bayan natin

iboto kung sinong may dignidad
tapat sa bayan, may kapasidad
sa paglilingkod, bansa'y uusad
mga obrero't dukha'y uunlad

ibasura na ang trapong bugok
palitan na ang sistemang bulok
matinong kandidato'y iluklok
manggagawa'y ilagay sa tuktok

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 29, 2018

Ayokong mamingwit ng plastik

AYOKONG MAMINGWIT NG PLASTIK

Kung sa ilog o dagat kaya'y plastik ang mabingwit,
Matatanong natin, katubigan ba'y nasa bingit?
Mga isda ba'y wala na't plastik na ang pumalit?
Isda ba'y nagtampo't ang tahanan nila'y lumagkit?

Ayokong plastik ang mabingwit sa ilog o dagat
Isda ang nais mahuli, di plastik na nagkalat
Kaya sama-samang gawin kung anong nararapat
Tanggalin ang plastik sa tubig, tabang man o alat

Pag mundo'y nalunod sa plastik ay malaking banta
Di naman nakakain ang plastik, tao'y kawawa
Pag sa katubigan, naglipana'y plastik, di isda
Dama mo ang sakit ng daigdig na pinaluha

Magsuri tayo nang ating magawan ng solusyon
Ang kaplastikang di alam kung saan paroroon
Kaya tayo nga'y nahaharap sa malaking hamon
Ngunit ito'y dapat malutas sa takdang panahon.

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 28, 2018

Kung sandosena lang ang hanger

bilang isang mister ay natanto't napag-isip ko
ang lalabhan mo'y depende sa bilang ng hanger mo
lalo't dito sa lungsod na maliit ang espasyo
at walang mahabang sampayan, ganyan ang estilo

kung hanger mo'y sandosena, sandosena ring damit
saka ito patuyuin sa lugar na mainit,
medyo mainit, maaraw, sa ilalim ng langit,
o mahangin, ang labada'y i-hanger at isabit

pag ang sandosenang naka-hanger na ay natuyo
labhan ang sandosena pang damit, baka bumaho
natuyong damit ay itiklop mo nang may pagsuyo
ganito ang gawain upang pagsinta'y di maglaho

di na muna kumuha ng katulong, kasambahay,
o makinang panlaba, di sapat ang perang taglay
kung manalo sa lotto't makakaluwag nang tunay
tiyak di lang sandosenang damit ang masasampay

natuto na akong ganyan sa lungsod kung maglaba
na sa kakapusan ng hanger, mapapaisip ka
sandosenang damit muna't hanger ay sandosena
tila mamaluktot muna pag maliit ang kama

- gregbituinjr.

Pag-ibig sa kalikasan

Pumipintig din ang puso ng kalikasan.
At ito ba'y nadarama ng mamamayan?
Gising ang kalikasan, ang kapaligiran!
Isipin nating kalikasan ay may puso.
Bingi't bulag ba tayo sa kanyang pagsuyo?
Ibig ba nating tuluyan siyang maglaho?
Gasino lang ba ang munti nating magawa?
Sa kalikasang sakbibi ng luha't sigwa
Ang puno, dagat, lupa'y dapat maaruga!
Kailangan natin ang kalikasang ito!
At pag nawala'y saan patungo ang tao?
Luluha na lang ba't walang gagawin dito?
Isda ba'y wala na't dagat ay pulos plastik?
Kalikasan ba'y kanino kaya hihibik?
Anong mangyayari pag di tayo umimik?
Sa atin bang mga kamay nakasalalay
Ang palad ng kalikasang mahal na tunay?
Nawa ang nararapat ay ating ibigay!
- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 27, 2018

Retirado lang pag namatay

"Kailan ka magreretiro bilang aktibista?
Kailan mo titigilan ang pagtulong sa masa?
Kailan ka kaya titigil sa pakikibaka?
Kailan titigil upang tumutok sa pamilya?"

Mga malulupit nila itong tanong sa akin
Kailan titigil sa asam ng diwa't damdamin?
Kailan ko raw iiwan ang prinsipyo kong angkin?
Ang tugon ko'y pakinggan at inyong pakaisipin:

"Binabalak ko rin naman ang magpahingang tunay,
Ngunit pakikibakang ito'y tangan habambuhay!
Tuloy lang ang pagkilos upang kamtin ang tagumpay,
At magreretiro lang ako pag ako'y namatay!"

Patuloy akong kikilos, tugon sa nagtatanong.
Ako man ay makulong o malagay sa kabaong
Ngunit habang may hiningang sa akin nakadugtong,
Ayokong sa pagiging retirado lang hahantong!

- gregbituinjr.

Humayo ka sa napili mong landas

akala ko noon, nais mong maging abogado
pagkat matatag kang manindigan at may prinsipyo
maipagtatanggol ang dukhang ginawan ng kaso
at tinanggalan ng karapatan ng mga tuso

subalit ngayon, ikaw ay ganap nang aktibista
matatag pa ring manindigan at nakikibaka
ipinagtatanggol ang manggagawa't dukhang masa
pagkat karapatan ay inagaw na sa kanila

kaya sige't humayo ka sa napili mong landas
tuparin ang paniwalang isang lipunang patas
patuloy na magpakatao't bayan ay iligtas
laban sa sistemang ganid, hayok sa tubo, hudas

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 26, 2018

Ang pag-ibig ay asukal sa bagoong alamang

ang pag-ibig ay asukal sa bagoong alamang
ito ang nagpapatamis sa kabila ng anghang
at gumuguhit ang sarap gaano man katabang
magkasalubong man sa ilang ay di naiilang

duguan man sa digmaan, di bawal ang pag-ibig
sa kalayaan ng bayan nga'y nagkakapitbisig
kahit lahi man ay magkaiba'y pinagniniig
pagsulyap sa magagandang ngiti'y nakaaantig

halina't pairalin na ang pag-ibig sa lupa
lalo sa uring api, magsasaka, manggagawa
tayo'y magpakatao't bawat isa'y makalinga
punuin natin ng pag-ibig yaring puso't diwa

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 25, 2018

Ang Kabika

ANG KABIKA

paano pag nawala ang kabika ng tsinelas
di na matagpuan, wala na siyang kaparehas
wala nang asawa, paano ang pagsintang wagas
pagsasama ba nila'y patuloy na magwawakas

kabika ng tsinelas ko'y kailangang mahanap
upang mabuo muli silang magkasamang ganap
silang tinadhanang magkasama sa saya't hirap
ay dapat magkatagpong muli't ligaya'y malasap

kung nabatid ko lang paano kabika'y nawala
gagayahin ko si Rizal sa kanyang halimbawa
pagkat nang matangay ng agos ang isang kabika
natirang tsinelas ay inihagis niyang kusa

upang dalawang tsinelas ay muling magkasama
at kung may batang walang tsinelas, ito'y makita
dalawang magkabika'y magagamit agad niya
pagkat talagang sayang lang kung ito'y nag-iisa

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 24, 2018

Mahalaga ang magsasaka

magsasaka'y mahalaga / tatlong beses bawat araw
pagkat pagkain ang likha / upang gutom ay matighaw
panay ang pag-aararo / na katulong ang kalabaw
ang pangarap niyang bukas / sa anak nawa'y tumanglaw

anak ay pinag-aaral / ng magsasakang kaysipag
upang ito'y makatapos / at sa bisyo'y di pabitag
pagkat ninanais niyang / anak ay maging panatag
sa mga unos ng buhay, / mananatiling matatag

sa bukid ay nagsisikap, / bawat pitak ay madilig
kahit nasa putikan man / sila'y nagkakapitbisig
mga paos nilang tinig / ay dapat lamang marinig
tulad nila'y kailangan / ng nag-iisang daigdig

- gregbituinjr.

Nang minsang sakay ako ng bus

nang minsang sakay ako ng bus patungong Quiapo
may namamalimos roong tila di ko makuro
palad niya'y may kung anong kurikong na dumapo
binigyan ko ng piso't iyon agad ay sapupo

mayroon naman riyang biglang tatayo sa harap
magandang manamit, napakatamis pang mangusap
pinangangako ang langit upang di raw maghirap
sabay labas ng sobre't lagyan daw ng barya't lingap

anang balita, tataas na'ng pamasahe sa bus
nasa isip, saan kukunin ang dagdag panggastos
kaytaas na rin ng bilihin kaya laging kapos
tila problema ng bayan ay di matapos-tapos

dapat mong itago ang tiket para sa inspeksyon
upang tiyaking nakabayad ka't di ka tatalon
usal mo sana'y makarating na sa destinasyon
pagkat bulate sa tiyan mo'y nag-aala-leyon

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 23, 2018

Huwag hayaang basta matibag

huwag hayaang basta matibag
ang sa bawat isa'y pinahayag
sa ating tindig maging matatag
sa tiwali'y di magpapatinag

halina't aalalayan kita
at aalayan din ng pagsinta
kung sa ating ugat may bumara
magtulungan tayo't magkaisa

di basta matibag ang semento
kung ang pundasyon ay sadyang bato
huwag kitang maging aspaltado
sa paninindigan at prinsipyo

sa layunin maging masigasig
at sa tiwali'y huwag palupig
kung pagsinta ang ipinipintig
kaysarap mabuhay sa daigdig

- gregbituinjr.

Halina't aalalayan kita

halina't aalalayan kita
at aalayan kita ng kanta
sintunado man itong musika
ay may mensaheng sa iyo dala

ibinubulong ng aking diwa
tatahakin ang ligaya't tuwa
kung minsan man ay may dusa't luha
mahalaga tayo'y pinagpala

kitang dalawa'y magkapitbisig
tanawin ang magandang daigdig
sa bawat isyu'y dapat tumindig
at sa tama lang tayo pumanig

di man tanaw ang langit-langitan
ginto ma'y naroon sa putikan
ang araw ma'y takpan ng karimlan
may liwanag ding matatagpuan

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 22, 2018

Pagpupugay sa ika-25 anibersaryo ng Sanlakas

MABUHAY ANG SANLAKAS!
(Tulang alay sa Silver Anniversary
ng Sanlakas sa Oktubre 29, 2018)

Isang pagpupugay sa pilak mong anibersaryo!
Sanlakas, matatag ka nang moog sa bansang ito
Pinanday ng pakikibaka't tangan mong prinsipyo
Patuloy mong itaas ang kaliwa mong kamao
Tandang patuloy ang laban tungo sa pagbabago

Lagi ka naming kasama sa bawat tamang landas
Lumalaban tungo sa isang lipunang parehas
Kaya sama-samang patuloy tayong magpalakas
Ibagsak ang sistemang di marunong maging patas
Taas-noong pagpupugay, mabuhay ka, Sanlakas!

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 21, 2018

Kumusta kayo, mga kauri, kamanggagawa!

Kumusta kayo, mga kauri, kamanggagawa!
Alam nyo bang manggagawa ang uring pinagpala?
Sila'y imortal, yaman ng lipunan ang nilikha
Ngunit sila pa ang api, sa lipunan kawawa.

Trabaho ng trabaho, talagang kayod-kalabaw
Nasa konstruksyon, pabrika, sa ilalim ng araw
Sa lipunang kapitalismo, sila ang lumitaw
Na katunggali ng kapital na tila balaraw

Sila ang higit na nakararami sa daigdig
Mababang sahod, kontraktwal, madalas walang tinig
Ngunit kung mga manggagawa'y magkakapitbisig
Mababaligtad ang tatsulok, sila'y maririnig.

Manggagawa, di tayo dapat laging mapagtiis
Halina't itayo na ang lipunang ating nais
Sosyalismo'y itatag, kapitalismo'y mawalis
Mabuhay ang uring manggagawang walang kaparis!

- gregbituinjr

si Benjo Basas, ang ating guro, unang nominado

si Benjo Basas, ang ating guro, unang nominado
ng Partido Lakas ng Masa, partylist natin ito
matalino, palaban, sa kanya'y maraming saludo
dapat lang maupo bilang kinatawan sa Kongreso

kakampi ng guro, kakampi ng uring manggagawa
boses ng masa, magsasaka, babae, bata, dukha
pag naupo sa Kongreso, marami ang magagawa
magiging kongresistang magaling sa harap ng madla

unang nominado ng P. L. M. partylist, tandaan
ang magiting nating guro, Benjo Basas ang pangalan
marangal, di basta matitibag sa balitaktakan
subok na sa laban, may matatag na paninindigan

sa mga isyu ng bayan, siya'y marunong, mabilis
maagap tumugon upang masa'y di agad matiris
si Benjo Basas, unang nominado, ang ating boses
kaya ipwesto sa Kongreso ang P. L. M. party list

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 20, 2018

Ilagay ang manggagawa bilang senador

manggagawa, maging bahagi ka ng kasaysayan
upang kauri natin ay manalo sa halalan
isang lider-manggagawa ang ating kinatawan
ipwesto sa Senado si Ka Leody de Guzman

lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
paupuin natin si Ka Leody sa Senado
pagkat sa Senado'y wala pang naupong obrero
kapitalista't elitista ang mayorya rito

kayraming naging Senador, kayrami pa ring dukha
mayorya'y pangkapitalismo ang batas na gawa
pangnegosyante't pang-elitista, di pangdalita
bihirang batas ang talagang kampi sa paggawa

si Ka Leody'y manggagawang talagang pinanday
ng paglilingkod sa obrero, buhay na'y inalay
at sa halalang darating, sa Senado'y ilagay
si Ka Leody de Guzman, maglilingkod na tunay

- gregbituinjr.

Nakatanghod man sa kawalan

nakatanghod man sa kawalan, naghihintay ng masisila
hindi iyon ang nakagisnan, naroroong natutulala
kahit mahal pa ang sinehan, laging gawin kung anong tama
upang mga nagmamahalan ay hindi naman magsiluha
kainaman ay di malaman, nawa'y huwag maging sugapa
di magluluwat ang takipan, magbayad ang umupasala
maraming isda'y matinik man, huwag angkinin ang di gawa
kakainin ay pagsikapan kaysa mga mata'y magmuta

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 19, 2018

Kababayan, halina't tayo'y mag-ecobrick

tambak ang basura, anong dapat magawa
paano tulungan ang mundong nasisira
kayrami nang plastik sa dagat kaysa isda
mga ito ba'y ililibing lang sa lupa

may mga pamamaraan upang tulungan
itong namumulikat nating kalikasan
mga plastik ay tipunin, huwag hayaan
na lupa'y lasunin, maglipana kung saan

kababayan, halina't tayo'y mag-ecobrick
gawan ng paraan ang naglipanang plastik
sa mga boteng plastik ay ating isiksik
ang ginupit na malambot at tuyong plastik

siksiking mabuti't dapat na parang bato
gamiting pader, upuan, o pasimano
magtulungan tayong pagandahin ang mundo
at isa ang ecobrick sa paraang ito

- gregbituinjr.
kuha ni gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 18, 2018

Ganito ang political dynasty

Ganito ang political dynasty
Aba'y pag hindi ka naman natae
Mapapailing ka talaga dine
Iyan ang sa bayan natin nangyari
Ang kandidato'y pawang mga tae

Tae nang buhay iyan, nasabi mo
Pulos mga kupal ang kandidato
Na ang mukha'y bagay sa inidoro
Nawa lahat silang trapo'y matalo
Kung manalo'y kawawa ang bayan ko

- gregbituinjr.

* ang litrato'y mula sa kawing na: https://www.facebook.com/375179605892585/photos/a.1188147164595821/1890323597711504/?type=3&theater

Miyerkules, Oktubre 17, 2018

Nasunog na Dalawang Bata dahil sa Lighter

2 BATA'Y NASUNOG DAHIL SA LIGHTER

apat na taon at dalawang taon, magkapatid
sa maagang yugto pa lang, buhay nila'y napatid
dahil sa pinaglaruang lighter, sila'y binulid
sa tiyak na kamatayan, nang di agad nabatid

wala ang mga magulang sa kanilang tahanan
ama'y nag-igib ng tubig, ang ina'y nasa bayan
panganay ay nakapagkwento pa sa pagamutan
kung paano napasindi ang lighter sa higaan

kumapit ang apoy sa banig, kumot at kulambo
hanggang kumalat sa buong bahay, sila'y napaso
hanggang tuluyang mamatay ang panganay at bunso
ah, pangyayaring ito'y sadyang makadurog-puso

tiyak, magulang nila'y labis-labis ang pagtangis
sino ang dapat sisihin sa kanilang hinagpis
kapabayaan nila'y nakapagsisising labis
anak na'y wala, mundo nila'y puno na ng hapis

- gregbituinjr.

(batay sa ulat sa pahayagang Remate na may pamagat na "2 Bata Nalitson sa Lighter", 16 Oktubre, 2018, pahina 3)

Pagkasawi ng 9-anyos na bata

PAGKASAWI NG 9-ANYOS NA BATA

nasawi'y isang siyam na taong gulang na Aeta
nang tumalon mula traysikel na sinakyan niya
naroon sa bubungan ng traysikel ang biktima
tumalon nang akalaing madidisgrasya sila

higit dalawampu ang lulan nitong pasahero
gayong lima lamang dapat ang nilululan nito
tumalon ang bata'y naunang bumagsak ang ulo
sa sementadong kalsada'y namatay agad ito

subalit bakit ang drayber pa itong makukulong
"reckless imprudence resulting in homicide" daw iyon
di naman niya kasalanang ang bata'y tumalon
sa nangyaring paglundag, ang bata ang nagdesisyon

nais niyang iligtas ang sarili sa panganib
ngunit pagbabakasakali'y di ikinasagip
sa pamilya, kamatayan niya'y dagok sa dibdib
pagkawala ng maaga sa mundo'y di malirip

- gregbituinjr.

(batay sa ulat sa pahayagang Remate na may pamagat na "9-anyos tumalon sa tricycle, patay" 16 Oktubre, 2018, pahina 3)

Martes, Oktubre 16, 2018

Kung may pera lang sa tula

KUNG MAY PERA LANG SA TULA

kung sampung piso bawat tula, yayaman ba ako?
kung bawat araw may tula, aabot bang magkano?
sa isang buwan lang, ako'y may tatlongdaang piso
paano kung isang taon na ang binubuno ko
tatlong libo, anim na raa't limang piso ito

paano kung sandaang piso naman bawat tula
may tatlong libong piso bawat buwan ang napala
at sa isang taon naman ng sipag sa paggawa
tatlumpu't anim na libong pisong higit ang katha
kung may pera lang sa tula, di na ako tulala

kung limangdaang piso bawat tula ang matanggap
kahit paano'y di ako ganitong naghihirap
ngunit walang pera sa tula, walang mahagilap
kaya buhay ng makatang ito'y sisinghap-singhap
di makain ang tula't magugutom ang lilingap

kung may pera sa tula, baka ako'y yumaman na
sa sipag ko araw-gabing kumatha't kumatha pa
buti pa ang basurero, may pera sa basura
pag tula'y binigay sa kanya'y baka maging kwarta
kung may pera lang sa tula, buhay na ang pamilya

- gregbituinjr.

Ang buhay-Spartan

ANG BUHAY-SPARTAN

Aking tinutungo na rin itong buhay-Spartan
Na tulad ng tatlongdaang kawal sa kasaysayan
Galing sa sparta, mga mandirigma ng bayan
Buong panahong nagsanay mula pa kabataan
Upang humusay at tumibay sa anumang laban

Hirap man ang buhay, sinanay bilang mandirigma
Ang gutom, lamig at hirap animo'y balewala
Yapos ang kulturang dugo at pawis ang katugma
Spartan silang di pagapi sa anumang sigwa
Palad na ito'y tinanggap ng buong puso't diwa

Ako'y aktibistang madalas walang maisaing
Rebolusyon kasi ang sa puso't utak tumining
Tulad ni Leonidas at kawal na magigiting
Ang Thermopylae ko'y pinaghahandaang magaling
Nakikibaka nang lipunang asam ay marating

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 15, 2018

Paglalakbay

naroong naglalakbay sa pusod ng kalunsuran
kasama ang sintang kaysarap makipagsuyuan
lumulutang sa hangin ang anghel sa panagimpan
bumubulong anumang unos ay makakayanan

habang naglalakad ay kayganda ng pangitain
di basta mauubos ang anumang kakainin
basta pagsikapang ang bawat buto'y babanatin
at mahuhukay din sa putik ang gintong mithiin

kayang harapin ang suliraning di masasawi
tulad ng ahedres ay gagawin ang pagsusuri
salamat sa mga tumulong sa pagpupunyagi
at maaabot din ang pangarap na hinahabi

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 14, 2018

Itigil ang pamamaslang

Isa-isa nilang inuubos ang maralita
Tila baga masakit sa mata ang mga dukha
Itinitimbuwang na lang ang mga walang-wala
Gipit na nga'y ginigipit, dukha'y isinusumpa
Iniisip bang krimen at droga'y di na lumala?
Laksa ang pinaslang, kayraming nasayang na buhay
Ang karapatang mabuhay ay hinayaang tunay
Naglipana sa komunidad ang maraming bangkay
Gamit ang kapangyarihan, dukha'y pinagbibistay
Pinurga ang dalita't pinasok sa bahay-bahay
Adik sa droga'y parang kuto lang na tinitiris
Mga tao'y naligo sa sariling dugo't pawis
Adik sa pagpatay na dulot ay lumbay at hapis
Mga taong tingin sa krimen ay dapat mawalis
Aktibong durugin ang mga naglipanang ipis
Sa mga nangyari, hustisya'y sigaw ng pamilya
Labag sa karapatan pagkat buhay ang kinuha
Ang paglilitis, tamang proseso'y balewala ba?
Na asam na katarungan kaya'y makakamtan pa?
Gumising ka, bayan, pigilan na ang pagdurusa!

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 13, 2018

Nangitim ang bayan-bayan sa alikabok

nangitim ang bayan-bayan sa alikabok
abot hanggang langit ang maitim na usok
nangangalisaw na ang mga trapong bugok
sa mundong ito'y sadyang nakasusulasok

animo ginawa nila'y isang buhawi
na nagtanim sa mundo ng masamang binhi
dapat walisin ang mga trapong tiwali
na dulot ay kayraming buhay na naputi

baguhin ang lipunang di kaibig-ibig
palitan ang sistemang dulot ay ligalig
walisin ang mga trapong dapat mausig
kilos na't pagandahin ang ating daigdig

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 12, 2018

Labanan ang mga hoarder ng bigas

bakit ba nais nilang itago't huwag ilabas?
yaong may apatnapung libong saku-sakong bigas
upang pag nagmahal ang presyo'y saka ilalabas?
talaga namang mga tulad nila'y mandurugas

nais nilang tumubò, tumubò lang ng tumubò
kahit bayan ay magutom, buhay nito'y maglahò
walang pakialam ang kapitalistang maluhò
walang pakiramdam basta limpak-limpak ang tubò

kahit mga lintang tulad nila'y dapat makulong
na bayan mismo'y nais lamunin ng mga buhong
di lang sila lintang maninipsip kundi ulupong
na baya'y sinasagpang pagkat sa tubò nalulong

huwag kayaang mawalan tayo ng isasaing
ang kapitalismo, di tayo, ang dapat malibing

- gregbituinjr.
(batay sa ulat sa pahayagang Tempo na may pamagat na "2 traders arrested for hoarding rice", Oktubre 12, 2018, p. 2, at nasa headline sa unang pahina na may pamagat na "2 rice traders nabbed")

Mylene Durante, Magiting na Guro, Bayani

MYLENE DURANTE, MAGITING NA GURO, BAYANI

kahanga-hanga ang gurong ngala'y Mylene Durante
sapagkat iniligtas ang dalawang estudyante
mula sa kamatayan, tinuring siyang bayani
ng ilang mga magulang at mga residente

isang guro sa Oringon Elementary School
si Mylene Durante'y magiting na ipinagtanggol
ang dalawang estudyante mula sa isang ulol
na agad nanaksak, at ang buhay niya'y pinupol

isang tunay na bayani ang magiting na guro
buhay ng estudyante'y di hinayaang mapugto
nais niyang kasamaan ay mapigil, masugpo
bagamat kapalit nito'y kanyang sariling dugo

nangyari sa guro'y kalapastanganang kaylupit
hustisya kay Mylene Durante, ito'ng aming sambit
dakpin ang mamamaslang, hatulan ito't ipiit
katarungan nawa'y kamtin ng gurong anong lupit!

- gregbituinjr.
(ang tula'y ibinatay sa ulat ng pahayagang Police Files Tonite, na may pamagat na "Napatay na Titser, Bayani sa Pagligtas sa 2 Estudyante", Oktubre 12, 2018, p. 12)