GINAWA KO RING TIBUYÔ ANG BOTE NG ALKOHOL
kaysa maging basurang plastik, aking inihatol
na gawin ko ring tibuyô ang bote ng alkohol
wala nang laman, sayang, baka sa barya'y bumukol
kahit piso-piso, makakaipon ng panggugol
kailangang mag-ipon, magtipid, huwag magbisyo
dapat sa pagtangan ng salapi, tayo'y matuto
dapat isipin ang kinabukasan natin, mo, ko
bakasakali, nang di tayo maghirap ng husto
halina't bata pa lang, mga anak na'y turuan
magtipon sa tibuyô para sa kinabukasan
mabuti nang may madudukot pag kinailangan
kaysa hanapi'y pilantropo o mauutangan
tara, kahit barya-barya man ay makakapunô
limang piso, sampung piso, isuksok sa tibuyô
ang piso'y magiging libo-libo pag napalagô
unti-unti, sa kahirapan ay makakahangô
- gregbituinjr.
* tibuyô - salitang Tagalog (Batangas) sa salitang Kastilang "alkansya"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento