KUNG MAY PERA LANG SA TULA
kung sampung piso bawat tula, yayaman ba ako?
kung bawat araw may tula, aabot bang magkano?
sa isang buwan lang, ako'y may tatlongdaang piso
paano kung isang taon na ang binubuno ko
tatlong libo, anim na raa't limang piso ito
paano kung sandaang piso naman bawat tula
may tatlong libong piso bawat buwan ang napala
at sa isang taon naman ng sipag sa paggawa
tatlumpu't anim na libong pisong higit ang katha
kung may pera lang sa tula, di na ako tulala
kung limangdaang piso bawat tula ang matanggap
kahit paano'y di ako ganitong naghihirap
ngunit walang pera sa tula, walang mahagilap
kaya buhay ng makatang ito'y sisinghap-singhap
di makain ang tula't magugutom ang lilingap
kung may pera sa tula, baka ako'y yumaman na
sa sipag ko araw-gabing kumatha't kumatha pa
buti pa ang basurero, may pera sa basura
pag tula'y binigay sa kanya'y baka maging kwarta
kung may pera lang sa tula, buhay na ang pamilya
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento