Pumipintig din ang puso ng kalikasan.
At ito ba'y nadarama ng mamamayan?
Gising ang kalikasan, ang kapaligiran!
Isipin nating kalikasan ay may puso.
Bingi't bulag ba tayo sa kanyang pagsuyo?
Ibig ba nating tuluyan siyang maglaho?
Gasino lang ba ang munti nating magawa?
Sa kalikasang sakbibi ng luha't sigwa
Ang puno, dagat, lupa'y dapat maaruga!
Kailangan natin ang kalikasang ito!
At pag nawala'y saan patungo ang tao?
Luluha na lang ba't walang gagawin dito?
Isda ba'y wala na't dagat ay pulos plastik?
Kalikasan ba'y kanino kaya hihibik?
Anong mangyayari pag di tayo umimik?
Sa atin bang mga kamay nakasalalay
Ang palad ng kalikasang mahal na tunay?
Nawa ang nararapat ay ating ibigay!
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento