bilang isang mister ay natanto't napag-isip ko
ang lalabhan mo'y depende sa bilang ng hanger mo
lalo't dito sa lungsod na maliit ang espasyo
at walang mahabang sampayan, ganyan ang estilo
kung hanger mo'y sandosena, sandosena ring damit
saka ito patuyuin sa lugar na mainit,
medyo mainit, maaraw, sa ilalim ng langit,
o mahangin, ang labada'y i-hanger at isabit
pag ang sandosenang naka-hanger na ay natuyo
labhan ang sandosena pang damit, baka bumaho
natuyong damit ay itiklop mo nang may pagsuyo
ganito ang gawain upang pagsinta'y di maglaho
di na muna kumuha ng katulong, kasambahay,
o makinang panlaba, di sapat ang perang taglay
kung manalo sa lotto't makakaluwag nang tunay
tiyak di lang sandosenang damit ang masasampay
natuto na akong ganyan sa lungsod kung maglaba
na sa kakapusan ng hanger, mapapaisip ka
sandosenang damit muna't hanger ay sandosena
tila mamaluktot muna pag maliit ang kama
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento