huwag ninyong susundin ang inyong kumander-in-cheap
kung pawang dahas ang laging laman ng kanyang isip
kung paggalang sa proseso'y balewala, sa halip
ang solusyon sa problema'y pagpaslang, di pagsagip
sa kumander-in-cheap ninyo'y huwag kayong susunod
kung sa bansang Tsina'y pilit tayong pinaluluhod
kung sa agawan ng teritoryo'y napipilantod
kung ang obrero'y di mabigyan ng tamang pasahod
huwag sundin ang kumander-in-cheap na laging bangag
na laging ginigipit ang mga mamamahayag
na pinapaslang ang mga nanlaban o pumalag
imbes may wastong proseso'y sila pa ang lalabag
iyang kumander-in-cheap ninyo'y huwag ninyong sundin
kung siya ang unang lumalabag sa batas natin
kung siya'y walang budhi, sinuma'y nais patayin
di kayo robot, kayo'y taong may dangal na angkin
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento