O, anong sikip na ng lungsod sa kayraming dukha
Mula probinsya'y nagbakasakali sa Maynila
Nagsilayo sa tahanang tadtad ng dusa't digma
Nagsialis doo't baka sa lungsod may mapala.
O, anong sikip ng lungsod sa laksang mahihirap
Habang para sa anak, magulang ay nagsisikap
Buto'y binabanat upang maabot ang pangarap
Ngunit pawang dusa't siphayo yaong nalalasap.
O, anong saklap ng buhay sa maningning na lungsod
Anuma'y papasukin kahit butas ng alulod
Kayod ng kayod kahit puwet ng iba'y mahimod
Wala bang mayamang may salaping ipamumudmod?
Sakaling sila'y uuwi sa kanilang probinsya
Baka doon muling mabuo ang pangarap nila
Kung sa sikip ng lungsod ay di sila makahinga
Sa lalawigan, may sariwang hanging madarama.
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento