Huwebes, Disyembre 31, 2009

Tula kay Ara Mina


TULA KAY ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

noon pa'y mahal na kita
kayganda ng iyong mukha
kaytamis ng iyong ngiti
tunay na isa kang dyosa

sinamba kita noon pa
tulad ng isang diwata
sa pagdaan ng panahon
lalo ka pang gumaganda

nais kong maligawan ka
nais kong pakasalan ka
kung ang luhog kong pag-ibig
ay matatanggap mo lamang

lagi ka sa panaginip
dumadalaw sa pag-idlip
sa puso ko'y halukipkip
ginugulo'y aking isip

mahal kita, Ara Mina
dyosa kitang sinisinta
kung hindi ikaw, sino ba
sana'y mahanap ko siya

o, minamahal kong Ara
tulad mo sana sa ganda
ang aking mapangasawa
nang ikaw'y maalaala

Miyerkules, Disyembre 30, 2009

Huwag magpaputok ng labintador

HUWAG MAGPAPUTOK NG LABINTADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mag-ingat kayo sa paggamit ng paputok
dahil baka ang kamay ninyo ay umusok

mahirap nang kayo'y magbabakasakali
at baka maputulan kayo ng daliri

salubungin na lang ninyo ang bagong taon
ng mga torotot at maiingay na gong

kaysa labintador na sadyang delikado
ang isang beses baka pagsisihan ninyo

Dantay sa Balikat

DANTAY SA BALIKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sige't dantayan mo ako sa balikat
kahit na ang paa ko'y pinupulikat
kahit ang tinig ko'y tila minamalat
kahit na ang mata ko'y di makamulat
kahit na ang kamay ko'y di makasulat

sa balikat ko'y maari kang dumantay
pagkat ikaw nga'y minamahal kong tunay
dantay sa balikat ay isa lang patunay
na tayo'y magkasundo'y magkaagapay
halika na't sa balikat ko'y dumantay

Hibik ng Puso

HIBIK NG PUSO
ni gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

masaya ako sa iyo
masaya ka ba sa akin
inibig kitang totoo
ako ba'y iibigin din

makita nga lamang kita
at ngiti mo'y masilayan
puso ko'y kumakabog na
gagawin di na malaman

puso ko'y para sa iyo
at iyan ang aking tindig
sana ako'y ibigin mo
pagkat ikaw'y iniibig

Martes, Disyembre 29, 2009

Munti Kong Kasiyahan

MUNTI KONG KASIYAHAN
ni greg bituin jr.
6 na pantig bawat taludtod

makita lang kita
ako'y masaya na

pag ngumiti ka pa
ako'y kayligaya

pakiramdam ko nga'y
pwede nang mamatay

pag nakasama ka'y
kaysarap mabuhay

Muli, kay Ms. M.

MULI, KAY MS. M.
ni greg
13 pantig

bakit ba maraming naiinis sa iyo
gayong sinasamba kita dito sa mundo
sa tinig mo lang, nahahalina na ako
lalo't masilayan ko'y magandang ngiti mo

noon pa'y pangarap na kita't inibig ko
akong simpleng makata kaya'y mapansin mo
mga tula't buhay ko ang alay sa iyo
salamat at inspirasyon ka ng puso ko

Lunes, Disyembre 28, 2009

Di ako langgam na magtatampo sa asukal

DI AKO LANGGAM NA MAGTATAMPO SA ASUKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

hinahanap ko lagi ang tamis
ng pag-ibig pag nakikita ka
para bang naglulunoy sa batis
ang dama ng pusong sumisinta
ngunit hanggang ngayon nagtitiis
dahil bihira kang makasama
gayunman, di ako maiinis
ni maiinip sa iyo, sinta

pagkat minahal kitang lubusan
kahit na pagtugon mo'y kaytagal
lahat ay aking pagsisikapan
kahit katawan ko pa'y mapagal
di naman ako tulad ng langgam
na magtatampo pa sa asukal
mula sa iyo'y malaman ko lang
na ako din pala'y iyong mahal

Kung malunod ako sa dusa

KUNG MALUNOD AKO SA DUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ikaw ba sinta ay malulugod
na ako sa dusa ay malunod
ako sa iyo'y naninikluhod
puso ko sana'y iyong mahagod

pagkat ako'y tuluyang luluha
pag ikaw sa akin ay nawala
baka baldeng luha ang magbaha
sarili ko'y aking isusumpa

huwag mong pababayaan, sinta
na ako ay malunod sa dusa
pangarap kong kita'y makasama
hanggang sa huli'y tayong dalawa

pag nilunod mo ako sa dusa
tandaan mong iniibig kita
tanging hiling ko lang, aking sinta
sana sa burol ko'y dumating ka

Kuyom na Kamao

KUYOM NA KAMAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kuyom na kamao'y tanda ng galit
sa sistemang sa tao nga'y kaylupit

kuyom na kamao'y hindi pagsuko
lalo't tayo'y nabahiran ng dugo

kuyom na kamao'y pagpapatuloy
sa adhikain nating nag-aapoy

kuyom na kamao'y pakikibaka
tungo sa pagbabago ng sistema

Tungkulin

TUNGKULIN
ni greg bituin jr.
14 pantig

may dalawa tayong tungkuling pagpipilian
na sa mundong ito'y dapat isakatuparan

ang maging makasarili o para sa bayan
maging gahaman o maging makamamamayan

kung sarili lang natin ang pakaiisipin
ay wala tayong pakialam sa kapwa natin

kahit may naghihirap di sila papansinin
di tulad ng may pakialam sa bayan natin

ang may pakialam ay nag-iisip kung paano
sila makatulong sa kanilang kapwa tao

ihatid ba sila sa landas ng kabutihan
o ibulid sila sa bangin ng kasamaan

ngunit mas magandang pamana natin sa masa
ay dangal at patuloy nating pakikibaka

na tulungan sila patungo sa kalayaan
at ilayo sila sa dusa ng kahirapan

Linggo, Disyembre 27, 2009

Sa Harap ng Bandilang Pula

SA HARAP NG BANDILANG PULA
ni Greg
9 pantig

ako noon ay sumumpa na
sa harap ng bandilang pula
na tuloy ang pakikibaka
laban sa bulok na sistema

kaya tayo'y walang iwanan
ang sa bandila'y sinumpaan
babaguhin itong lipunan
at ang sistema'y papalitan

panghawakan natin ng todo
nang talagang tagos sa buto
ang paniniwala't prinsipyo
para sa mithing pagbabago

buhay man ang ating ialay
ito'y gagampanan ng husay

Di Kita Iiwan sa Laban

DI KITA IIWAN SA LABAN
ni greg bituin jr.

maiiwan ba kita sa laban
sa anumang isyu't larangan
di ko maisip na magawa iyan
tayo na ang magkakasama diyan
tayo pa ba'y mag-iiwanan?

kayrami na nating sinakripisyo
kayrami na ring dinaanang peligro
sa maraming laban, magkasama tayo
kaya di kita iiwan, kasama ko
magkasama tayo hanggang dulo

Sabado, Disyembre 26, 2009

Kita'y iisa (para kay Miss M)

KITA'Y IISA
(para kay Miss M)

ni greg
7 pantig, soneto

ikaw'y iniibig ko
di dahil sa ganda mo
kundi ikaw at ako
ay iisa lang dito

kitang dalawa, sinta
ay hindi na dalawa
nag-iibigan kita
pagkat tayo'y iisa

ikaw ang kabiyak ko
ako ang kabiyak mo
kaya't ako'y sa iyo
at sa iyo rin ako

nagmamahalan kita
kaya tayo'y iisa

Iniibig Kita, Kasama

INIIBIG KITA, KASAMA
(alay kay Miss M)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

iniibig kita, magandang kasama
mahal kita, malambing na aktibista
tayo'y magkasama sa pakikibaka
tayo'y walang iwanan, o aking sinta
kaya hanggang dulo'y mamahalin kita

organisahin natin ang obrero
tungo sa hangarin nating pagbabago
papalitan natin ang kapitalismo
itatayo ang sistemang sosyalismo
sa anumang laban, magkasama tayo

kasama kita sa pagrerebolusyon
buhay natin ay nakalaan na doon
upang ang masa'y tuluyang mgsibangon
laban sa hagupit ng globalisasyon,
ng pribatisasyon, at ng liberalisasyon

iniibig kita, mahal kong kasama
hanggang sa pagtanda'y sasamahan kita
buhay ko't oras, laan sa iyo, sinta
hanggang dulo'y pakamamahalin kita
at walang iwanan sa pakikibaka

Biyernes, Disyembre 25, 2009

Kahulugan ng Pasko'y Bakasyon

KAHULUGAN NG PASKO'Y BAKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kahulugan ng pasko'y bakasyon
pansumandali sa demolisyon
ng mga dukha sa barung-barong
pampamanhid sa ating emosyon

kaya tayo muna'y maglimayon
pulitika'y bawal muna ngayon
kahulugan ng pasko'y bakasyon
hanggang sumapit ang bagong taon

ngunit pagkatapos ng bakasyon
tuloy na ang bantang demolisyon
pati sapilitang relokasyon
mula danger zone tungo sa death zone

magnilay sa ganitong panahon
hirap pa rin tayo sa paglaon
pag-isipan paano tutugon
sa tawag ng pagrerebolusyon

Paskong tuyo

PASKONG TUYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

laganap pa rin ang kahirapan
kahit krismas tri'y nagkikislapan
panahon dapat ng kasiyahan
ng mahihirap ang kapaskuhan

ngunit hindi pagkat paskong tuyo
pa rin ang buhay dito sa mundo
maluho pa rin ang maluluho
at buhay ng dukha'y gumuguho

isang kahig isang dukha pa rin
ang mga tao dito sa atin
kailan ba sila papalarin
o sistema muna'y babaguhin

paskong tuyo na lang lagi tayo
pagkat sistema'y ito ang gusto

Paskong komersyalismo

PASKONG KOMERSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

muli na namang naglipana
ang mga mapagsamantala
lalo't mga kapitalista
para tumubo at kumita

dahil ngayon ay usong-uso
ang komersyalismo sa pasko
kaya bili na tayo dito
at doon ng kahit na ano

kahit di naman kailangan
basta't may pagkakagastusan
dahil may pambayad pa naman
sa panahon ng kapaskuhan

pagbibigayan daw ang pasko
kaya bumili kahit ano
nang tayo'y may ipangregalo
kahit butas na ang bulsa mo

Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo

TATLONG MAHAHALAGANG PAKAY KO SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may tatlong mahahalagang pakay
kung bakit pa ako nabubuhay
sa mundong itong tigib ng lumbay
at kamtin ito bago humimlay

una'y dapat akong makalikha
ng target na limanlibong tula
kung saan ito'y malalathala
sa apatnapung aklat kong akda

sunod ay ang pagrerebolusyon
sa buhay na ito'y aking layon
sa hirap sosyalismo ang tugon
at dapat kong matupad ang misyon

ikatlo'y ang pag-ibig ko't sinta
na sa buhay ko'y nagpapasaya
inspirasyon ko siya noon pa
tula't rebo'y alay ko sa kanya

tatlong pakay na pinapangarap
na makamit ko't dapat maganap
bago matapos ang aking hirap
ito'y tuluyan ko nang malasap

tula, sosyalismo, Miss M, sila
ang tatlong pakay kong mahalaga
sa diwa't puso'y sadyang ligaya
panitikan, rebolusyon, sinta

Ang Hamon ni Miss M

ANG HAMON NI MISS M
ni greg
10 pantig

tuwing kapaskuhan taun-taon
siya na'y nagtitinda ng hamon
hindi lang ito ang kanyang layon
kundi magmulat sa tao ngayon

kaya minamahal ko si miss m
pag-ibig ko sa kanya'y kaylalim
sa hamon niya ako'y tumikim
kaysarap nga't di ako nanindim

habang nagtitinda siya nito
nagtatalakay ng pagbabago
isa pang layunin niya rito
ay pagkaisahin ang obrero

kaya't si miss m, tayo'y hinamon
pag-aralan ang lipunan ngayon
at magpatuloy sa rebolusyon
sa dusa't hirap ay magsibangon

Huwebes, Disyembre 24, 2009

Puno't Palakol

PUNO'T PALAKOL
ni greg bituin jr.
12 pantig

Mga puno'y kanilang pinapalakol
Silang sa buhay ng puno'y humahatol
Para tumubo'y kanilang pinuputol
Silang yaong utak ay tila ba gamol
Sana, palakol nila'y pumurol

Hanging Kainis

HANGING KAINIS
ni greg bituin jr.
10 pantig

Hangin noon kaysarap, kaylinis
Lalo't naroon ka sa may libis
Ngunit ngayon ikaw'y maiinis
Pagkat dumi ng hangin ay labis

Miyerkules, Disyembre 23, 2009

Ang Bunga ng Kalumpit



ANG BUNGA NG KALUMPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Taal akong tagalunsod ng Maynila, kasama
Kaya kapag sa lalawigan ako’y nakapunta
Kinawiwilihan ko ang sa mga puno’y bunga
Tulad ng prutas ng kalumpit sa nayon ni ama.

Kaya noong bata pa ako’y kanyang sinasama
Sa lalawigang Batangas na sinilangan niya
Doon pa lang sa bus ay kinasasabikan ko na
Ang pagtungo sa Balayang sinilangan ni Ama.

At pagsapit sa bahay na kinalakihan niya
Mga pinsan ko’y naroroon at nangungumusta
Tanong agad sa pinsan, “Kalumpit ba’y namunga na?”
At kung may bunga, magpipinsa’y agad mangunguha.

Bunga ng kalumpit ay tila duhat ang kapara
Ngunit di itim kundi abuhin ang kulay niya
Kung duhat ay makinis, kulubot naman ang bunga
Nitong kalumpit na sa puno’y aming pinanguha.

Nasasabik din sa kalumpit ang mahal kong ina
Di ko lang alam kung sa Antiqueng minulan niya
Sa lupain ng mga kamag-anak kong Karay-a
Ay may kalumpit ding sa lupa nila’y namumunga.

Ang kalumpit pag nginata’y mas malambot ang duhat
Kaya dapat na matibay ang ngipin mong pangkagat.

Habang may pluma

HABANG MAY PLUMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
1O pantig bawat taludtod

habang may pluma'y patuloy ako
sa pagsusulat ng artikulo
sa paglilingkod sa kapwa tao
at sa pagmumulat ng obrero

habang may pluma ako'y patuloy
na isusulat yaong panaghoy
ng masang karamiha'y palaboy
dahil sa lipunang binababoy

patuloy ako habang may pluma
sa pagsusulat para sa masa
patuloy sa pagpo-propaganda
upang mabago na ang sistema

magpapatuloy akong kumatha
ng mga sanaysay, kwento't tula
para sa hukbong mapagpalaya
para sa kapwa ko maralita

kung sakaling mawala ang pluma
o kaya'y matuyuan ng tinta
ito'y tanda ng pakikibaka
at paglilingkod nito sa masa

kung sakaling ang pluma'y mawala
ay huwag malumbay o lumuha
nawa'y ibaon ito sa lupa
ng may respeto sa kanyang diwa

Martes, Disyembre 22, 2009

Larawan ng mga Sawi

LARAWAN NG MGA SAWI
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano ba pagmasdan ang mga nasawi
kung sila'y binira dinurog pati ari
para bang inubos ang buo nilang lahi
kaysakit makita niyong kanilang labi
yaring puso'y dinudurog ng unti-unti

Limampu't Pitong Kaluluwa

LIMAMPU'T PITONG KALULUWA
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

limampu't pitong kaluluwa
ang humihingi ng hustisya
silang kaluluwang biktima
ng siraulong elitista

elitistang nais mahalal
at nais mamuno ng hangal
siyang walang munti mang dangal
nasa'y madurog ang karibal

ngunit sapat nga ba sa kanya
ang isang malamig na selda
ito na nga ba ang hustisya
para sa mga biniktima

ang may utak at may gawa
ng krimen, mga walang awa
di sila dapat makalaya
mabitay sila'y dapat pa nga

Hustisya sa mga Pinaslang, 112309

HUSTISYA SA MGA PINASLANG
Maguindanao Masaker, 112309
tula ni greg bituin jr.

(binasa sa rali sa harap ng NBI building sa Taft Ave., Manila
kasabay ng rali sa paggunita sa unang buwan ng masaker)


TAGAPAGSALITA:
Nalula na sa kapangyarihan
Ang mga pulitikong gahaman
Kontrolado’y buong lalawigan
Dala’y takot sa puso ng bayan

TUGON:
Hustisya, hustisya!
Sa mga pinaslang na dyornalista!
Katarungan, katarungan!
Sa mga pinaslang na sibilyan!

TAGAPAGSALITA
Dahil makapangyarihan sila
Doon sa buo nilang probinsya
Tinambangan ang karibal nila
Dinamay na pati dyornalista
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Limampu't pito ang nasa hukay
Nang tinambangan sila't pinatay
Maraming sibilyan ang niluray
Tatlumpung dyornalista'y nadamay
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Ang masaker ay kahindik-hindik
Hindi tayo dapat manahimik
Katarungan itong aming hibik
Hustisya ang sigaw ng panitik
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Durugin natin ang warlordismo
Ibagsak ang mga abusado
Palitan na natin ang gobyerno
Na ang namumuno’y mga trapo
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Mga private army ay lansagin
Sa bawat lugar sa bansa natin
Mga armas nila'y kumpiskahin
Kapangyarihan nila'y alisin
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Pumatay ng walang pakundangan
Ay dapat mabulok sa kulungan
Managot silang may kasalanan
Bitayin kung kinakailangan
TUGON:

Hustisya sa mga Dyornalista

HUSTISYA SA MGA DYORNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(sa 30 pinaslang na dyornalista sa
Maguindanao, Nobyembre 23, 2009)

kayrami nang dyornalistang pinaslang
ng mga taong walang awa't halang
kayrami nang buhay yaong inutang
sa aking daliri'y di na mabilang

ngunit bakit ba sila kinawawa
silang matapang habang nagtitipa
ng mga ulat upang magbalita
at ngayon ay ibinaon sa lupa

sadyang kalagiman ang inihasik
sa kaluluwa ng aming panitik
sadyang ang nangyari'y kahindik-hindik
hustisya sa kanila'y aming hibik

di na dapat maulit ang ganito
dahil karimarimarim nga ito
dapat nagbabalita'y irespeto
at proteksyunan din silang totoo

ang hiyaw namin sa mundo'y hustisya
sa mga pinaslang na dyornalista
nawa'y di lang sila estadistika
kundi hustisya'y makamit na nila

katarungan, nahan ka, katarungan
sana'y inyong putulin ng tuluyan
ang paghahari ng mga gahaman
mga maysala'y dalhin sa bitayan

Luha ng Dyarista

LUHA NG DYARISTA
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag napatay ang tagapagbalita
maraming nagulantang at lumuha

gayong tungkulin nilang magbalita
nitong mga nangyayari sa bansa

ano ba ang kanilang mga sala
at bala pa ang kanilang napala

galit ba ang kanilang ipinunla
sa mga taong ang puso'y kaysama

kaya binigay sa dyarista'y tingga
ng mga taong sadyang walang awa

mga dyarista'y dapat maaruga
ng bayang dapat lamang kumalinga

Kung ako'y lilimutin mo

KUNG AKO'Y LILIMUTIN MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Kung sakaling ako'y lilimutin mo
Mananatili ka sa pusong ito
Pag-ibig ko sa'yo'y di magbabago
Pagkat bahagi ka na ng puso ko

Kahit mamatay ako para sa'yo, okey lang

KAHIT MAMATAY AKO PARA SA 'YO, OKEY LANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mahal kita, hindi pa man kita kasintahan
luhog kong pag-ibig ay para sa iyo lamang
tandaan mong nasa puso na kita kaylanman
kahit mamatay ako para sa'yo, okey lang

pagkat ganyan kasi talaga kita kamahal
sa pag-ibig nga ako na'y nagpapakahangal
nais kitang pakasalan, dalhin sa pedestal
at kung ayaw mo, ako ba'y magpapatiwakal

alam kong sa tuwina'y kailangan mo ako
kaya ako'y di lumayo, laging naririto
atasan mo ako, kahit ano'y gagawin ko
at ang katapatan ko sa'yo'y madarama mo

mahal kita, magandang kasama't kaibigan
saanmang labanan ay hindi kita iiwan
iya'y panata kong katumbas ng karangalan
kahit mamatay ako para sa'yo, okey lang

Lunes, Disyembre 21, 2009

Nang puso ko'y nagpasya

NANG PUSO KO'Y NAGPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang tanaga

nang puso ko'y nagpasya
nasa isipan kita
tanging ikaw lang, sinta
ang nais makasama

Kaytagal kitang hinanap

KAYTAGAL KITANG HINANAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

alam mo, kaytagal kitang hinanap
nariyan ka lang pala sa tabi ko
di ko agad napansin sa hinagap
na kaylapit lang ng iniibig ko

aba'y kung saan-saang lupalop pa
ako naghanap para makita lang
ang tulad mong akin nang sinisinta
tinawid pati dagat, kabundukan

pinuntahan pati mga probinsya
naghanap din sa mga eskwelahan
dumalo sa forum, rali't iba pa
kahit makaharap si kamatayan

mahal ko, kaytagal kitang hinanap
sana'y tapunan mo ako ng lingap

Simpleng kasama, sinisinta

SIMPLENG KASAMA, SINISINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

noong una kitang makita
ikaw lang ay simpleng kasama
simple lang ang ngiti mo't ganda
ngayon sinisinta na kita

lihim na kitang iniibig
habang oras ay lumalawig
puso ko'y sadyang naaantig
sa iyo laging nakatitig

noon di kita pinapansin
suplada kasi ang 'yong dating
ngunit ikaw pala'y malambing
magandang supladang kaylambing

mahal kita, simpleng kasama
ikaw ang aking sinisinta

Pagkatagpo sa Kabalintunaan

PAGKATAGPO SA KABALINTUNAAN
ni Greg Bituin Jr.

I have found the paradox, that if you love until it hurts,
there can be no more hurt, only more love. - Mother Teresa


11 pantig

natagpuan ko'y kabalintunaan
na kung umibig ka hanggang masaktan
walang sakit ditong mararamdaman
kundi mas lalo pang pagmamahalan

Linggo, Disyembre 20, 2009

Nakatunganga sa telebisyon

NAKATUNGANGA SA TELEBISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nakaharap ako sa telebisyon
ngunit di naman ako nanonood
ako'y nakatunganga lamang doon
marahil dahil na sa aking pagod

kita ko ang galaw nila't lakad
ngunit di sila iniintindi
pagkat ang isip ko'y lumilipad
at ako nga'y tila di mapakali

nakatunganga lang sa telebisyon
at di pinipihit ang tsanel nito
pansin ko lang ang gumagalaw doon
kahit di naunawaan ang kwento

kasi ikaw lagi ang nasa isip
ikaw pa rin ang nasa panaginip
ngiti mong kaytamis ang inilakip
sa puso kong iyo sanang masagip

Ikaw na naman

IKAW NA NAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nagkasyota na ako't lahat
hanggang ako'y kanyang iwanan
bago puso ko'y napagtanto
ikaw pala'ng nasa isipan

nang mata ko'y aking idilat
nakita ko'y ikaw na naman
at pumikit ako't nagmulat
ikaw pa rin ang naririyan

ikaw ba yaong tinadhana
soulmate nga ba kitang dalawa
aba, aba, swerte ko pala
kung ikaw nga ang sinisinta

ilang beses akong lumayo
hinanap ang nais ng puso
ngunit ako'y sadyang nabigo
puso'y ilang beses nagdugo

sa tabi ko'y napansin kita
aba'y nariyan ka lang pala
ikaw na naman, ikaw na ba
ikaw na nga ba, aking sinta

Sabado, Disyembre 19, 2009

Sa Dilag na Tinitibok ng Puso

SA DILAG NA TINITIBOK NG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

May isang dalagang tinitibok niring puso
Iniibig ko ngang tunay at pinipintuho
Kung sa kanya ay tuluyan akong mabibigo
Ako’y nararapat lang mawala na sa mundo
Eto nga’t ako’y sadyang nagsisikap mabuti
Lalo na’t krisis ako kaya't di mapakali
Ako’y nagsisipag upang siya’y maging kasi
Gagawin ko ang lahat para sa binibini
At nag-iipon din nang buhay di maging hungkag
Nawa’y sagutin ako ng aking nililiyag
Dahil nga sa kanya ako’y nagpapakatatag
At sana siya sa akin naman ay mahabag

Biyernes, Disyembre 18, 2009

Isasama kita sa paglalakbay

ISASAMA KITA SA PAGLALAKBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isasama kita sa paglalakbay
upang tayong dalawa'y di malumbay
sa bawat larangan tayo'y magninilay
kung gaano ba kaganda ang buhay

ating lalakbayin ang bundok, laot
isla, bansa, historya't mga gusot
ngunit tiyak na ako'y malulungkot
pag sa lakbayin ikaw'y mababagot

isasama kita sa bagong mundo
kung saan nagkakaisa ang tao
pupuntahan natin ang paraiso
at doon magpapakasaya tayo

isasama kita sa paglalakbay
upang dalawa tayong di malumbay
pagkat ikaw ang pag-ibig kong tunay
nawa tayo'y di na magkahiwalay

Kung ako'y iyong binigo

KUNG AKO'Y IYONG BINIGO
ni greg bituin jr.
9 pantig, soneto

ayokong sa iyo'y mabigo
nais kitang maging kasuyo
solo mo itong aking puso
at nawa ito'y di magdugo

huwag mo sanang paduguin
ang kaytatag kong pusong angkin
nais kong ikaw'y maging akin
at ako'y maging iyo na rin

ngunit kung ako'y mabibigo
na maangkin ko ang iyong puso
puso ko'y tiyak magdurugo
at ako'y baka na maglaho

iniibig kita, o, giliw
pag-ibig ko'y di magmamaliw

Ikaw ang kailangan ko, sinta

IKAW ANG KAILANGAN KO, SINTA
ni greg bituin jr.
10 pantig, soneto

hindi ko kailangan ang pera
ikaw ang kailangan ko, sinta
mahal, di kita ipagpapalit
kahit sinupaman ang magalit
basta, kailangan kita, sinta
ikaw lamang at wala nang iba
mabuti pang mamatay na ako
kaysa mawala ka sa puso ko
ikaw ang kailangan ko, sinta
pag-ibig mo'y nais kong madama
ikaw lang ang aking kasiyahan
at nais kitang maligayahan
kaya, sinta, kailangan kita
ikaw'y hangad kong maging asawa

Sa Aking Pag-alis

SA AKING PAG-ALIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ayaw kitang iwanan, o, aking sinisinta
dahil ikaw lamang itong pag-ibig ko't nasa
pakiramdam ko, ako'y iniiwasan mo na
kaya ako'y aalis, di na magpapakita

kaysarap pakinggan ng malaanghel mong tinig
sa maraming laban, kasama kitang tumindig
ngunit bakit ba sa akin ikaw na'y kaylamig
gayong ang tanging sala ko, ikaw'y iniibig

sa aking pag-alis, baon ang alaala mo
alaalang inukit na sa puso kong ito
di alam ang gagawin sa durog na puso ko
magpapakalayo ba o bala sa sentido

kaunti lang naman ang hinihingi ko't hibik
ang pansinin ang pag-ibig ko at isang halik
ako'y lilisan, di alam kung makakabalik
at lilisan akong sa pagmamahal mo'y sabik

alam ko, balang araw, magkikita pa tayo
maaring di ngayon kundi sa kabilang mundo
at doon pakamamahalin kita ng todo
baka sa araw na 'yon, mahalin mo na ako

Dahas sa Mundong Ibabaw

DAHAS SA MUNDONG IBABAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di ko malirip kung anong dahilan
bakit punong-puno ng karahasan
sa mundong atin nang kinalakihan
tao ba'y luklukan ng kasamaan

sa liblib na pook sa may malayo
payapa ang buhay ngunit tuliro
pagkat dahas ang umaalimpuyo
bayan nila'y nabahiran ng dugo

bakit nga ba maraming karahasan
at kayrami ng nagkakasakitan
sa init ng ulo kasi dinadaan
yaong bagay na pwedeng pag-usapan

daigdig kasi ito ng palalo
pulos kayabangan ang namumuo
nang manatili ang kanilang luho
kahit gulangan ang kapwa't maglaho

may karahasan kung may mga hudas
nais manlamang, ayaw pumarehas
gayong palakad natin dapat patas
lalo na ang ginawang mga batas

mas maiging wala nang karahasan
at anumang problema'y pag-usapan
upang ang ibunga'y kapayapaan
sa ating diwa, puso at isipan

Miyerkules, Disyembre 16, 2009

Wala na nga bang ibang tamang landas

WALA NGA BANG IBANG TAMANG LANDAS
ni greg

ilan na ba ang napapaslang na aktibista sa kabundukan
marami na, napakarami na
humawak ng armas, nagsakripisyo
dahil sa kainutilan ng sistemang ito
sa karapatang pantao
sistemang para sa iilan
sietang di maibigay
ang pangangailangan ng masa

ilan pa ba ang mapapaslang na aktibista sa kabundukan
kung mappaniwala silang
tangin sa paghahawak ng armas lamang
ang tangi at nalalabing paraan
para baguhin ang bulok na lipunan
iyon lang ang tanging paraan
dahil sagad na sagad na sa kaswapangan
ang mga kapitalista't elitistang gahaman

masisisi ba natin sila
na kanilang ialay ang buhay
para sa kapakanan
ng higit na nakararami
kung iyon na lang ang alam
nilang paraan para baguhin
ang sistemang mapang-api
sistemang mapagsamantala

ngunit may iba pang tamang landas
hindi lamang ang paghawak ng armas
marami pa kung atin lang imumulat
ang ating mga mata
di dapat masayang ang buhay
pagkat sinasakripisyo'y buhay
para sa higit na nakararami
para sa higit na nakararami

uring manggagawa
hukbong mapagpalaya
di ka dapat lumuha
dapat kang maging mapanlikha
para sa pagkakaisa
at patuloy na pag-oorganisa

para sa pagbabago ng sistema
para durugin ang mapagsamantala
para pulbusin ang uring elitista
para sa higit na nakararaming masa

Mga Guro sa Tulay ng Mendiola

MGA GURO SA TULAY NG MENDIOLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minulat ako ng maraming guro
sa kanilang mapagpalayang turo
bakit ba may iilang maluluho
habang mas nakararami'y tuliro

naririyan ang lider-manggagawa
kababaihan, kabataan, dukha
magsasaka at iba pang may luha
na sistemang bulok ang sinusumpa

sa pagtatalumpati'y kayhuhusay
kahit di nakapag-aral ng tunay
ang pamantasan ng tunay na buhay
ang siyang sa kanila'y gumagabay

kaygaling at batay sa karanasan
yaong turo nila sa sambayanan
kaya kami'y maraming natutuhan
hinggil sa kalagayan ng lipunan

guro namin sa tulay ng Mendiola
ay pawang sanay sa pakikibaka
ang turo'y pagbabago ng sistema
nang mapalaya ang masa sa dusa

kayganda ng kanilang adhikain
kaya ito ang tangi kong tagubilin
nawa'y di manghinawa sa tungkulin
at magpatuloy sila sa gawain

Nasaan ka na, manggagawa?

NASAAN KA NA, MANGGAGAWA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat ang uring manggagawa ngayon
ang ating gabay sa wastong direksyon
pagkat sila ang may tangan ng misyon
tungo sa tagumpay ng rebolusyon

ngunit nasaan ka na, manggagawa
maaasahan ka pa ba ng dukha
upang mapawi ang pagkadalita
ng mga inaping masa sa bansa

at sa buong daigdig pagkat ikaw
ang may tangan ng hudyat ng batingaw
upang simulan sa madaling araw
ang pagkawasak ng mga halimaw

na patuloy ang pagyurak sa ating
dangal, pagkatao, asal at galing
dapat lipunan ay palitan natin
lipunang walang aapi-apihin

manggagawa, aasa pa ba kami
na sa mga dukha'y aming kakampi
ilang lider-obrerong magsasabi
kauri, di tayo magpapaapi

paano na kaya kung wala ka na
ikaw pa ba'y meron pang ibubuga
gumising ka't lakas mo'y ipakita
na ikaw pa ang pag-asa ng masa

talagang marami pang dapat gawin
nang sistemang bulok ay baligtarin
tinig ng manggagawa'y dapat dinggin
ng kapwa obrerong kapatid natin

dapat magkaisa na ang obrero
tungo sa kaisipang sosyalismo
mag-organisa't ibagsak ng todo
itong daigdigang kapitalismo

Lunes, Disyembre 14, 2009

Ayokong Mabitin

AYOKONG MABITIN
ni greg

hindi bitin ang aking pag-ibig sa iyo
aba'y sobra-sobra pa
bagamat sa ngayon nakatutok ako
sa gawaing pangmasa

bitin minsan akong masilayan ka
at di makita ang ngiti mo
ngunit okey lang iyon, aking sinta
pagkat mahal kitang totoo

bitin man ang aking pantalon
basta di bitin ang pag-ibig
ako'y laging sa iyo'y babangon
at mata sa iyo'y tititig

dahil ayaw kong mabitin, sinta
pagkat laging nangangarap
ng larawan mong kayganda
pagkat lagi kang nasa hinagap

Huwag Kang Magpalamon sa Trapo

HUWAG KANG MAGPALAMON SA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag kang magpalamon sa trapo
baka kainin ka nilang todo
ang daigdig nila'y tarantado
at ang sistema nila'y abuso
sa iyo'y busog silang totoo

kaya nga huwag kang magpalamon
dahil tiyak ikaw'y makakahon
sa sistemang bulok nila ngayon
mahirap nang tuluyang mabaon
at baka di ka na makabangon

Demolisyon sa Rafael

DEMOLISYON SA RAFAEL
(naganap sa umaga ng Disyembre 14, 2009
sa Rafael Cruz St., Santolan, Pasig)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minamaso nila ang mga dingding
ng mga bahay na wala nang tao
gigil na gigil sila't parang praning
upang bahay agad mawasak dito

maraming tao doon sa rafael
naninindigan pa rin sila doon
kaya yaong ilan ay nangdiskaril
sa nagsasagawa ng demolisyon

ipapahuli daw ako sa pulis
dahil demolisyon ay binibidyo
nagpakatatag ako't di umalis
at hanggang hapon ay naroon ako

tayo'y di dapat padala sa takot
at ipakita sa mga kasama
na anumang gawin ng mga buktot
ay titindig pa rin para sa masa

tuloy ang laban at magpakatatag
kaya dukha'y dapat laging mag-usap
sa paninindigan di patitinag
kahit na tayo'y pawang mahihirap

Linggo, Disyembre 13, 2009

Paano Aawit ang Ibon

PAANO AAWIT ANG IBON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

"ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak"
isang awit ito ang saad
sa ating tenga nga'y kaysarap

tulad ng isang nakakulong
sa malayang mundo ng buhong
sino ang sa kanya'y tutulong
kung ang mundo'y parang kabaong

ibon sa hawla'y palayain
nang himig nito'y marinig din
bayan-bayan gagalugarin
paglaya'y kanyang aawitin

Di ako susuko sa laban

DI AKO SUSUKO SA LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nang tinanggap ko ang ganitong buhay
alam kong isang paa'y nasa hukay
sakripisyo, pawis, buhay ang alay
tinanggap ko ito hanggang mamatay

di ako susuko sa labang ito
hanggang pagbabago'y ating matamo
tatanganan ko ang ating prinsipyo
sa anumang laban handa na ako

kung ako'y masukol ay nangangako
lalaban sa huling patak ng dugo
pagkat nakakahiya ang pagsuko
sa dignidad nga'y nakapanlulumo

di ko isusuko itong prinsipyo
ako'y lalabang sabayan ng todo
lalaban kahit maging bangkay ako
pagsuko'y wala sa bokabularyo

mamatamisin ko pa ang mamatay
kaysa sa kahihiyan ay mabuhay
mabuti pang tanghalin akong bangkay
basta't dangal ko'y manatiling tunay

Sabado, Disyembre 12, 2009

Una'y Trahedya, Ikalawa'y Katawa-tawa

UNA'Y TRAHEDYA, IKALAWA'Y KATAWA-TAWA
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

All great historical facts and personages occur, as it were, twice ...
the first time as tragedy, the second time as farce. - Karl Marx

minsan, si Marx ay nagsabi sa madla
nauulit ang maraming istorya
at mga taong bigatin sa dula
madalas nauulit makalawa
kung una'y trahedya itong napala
yaong kasunod ay katawa-tawa

Mata ng Asintado

MATA NG ASINTADO
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

ang matang apoy ay dapat malinaw
habang nakatitig sa largabista
habang puntirya nila'y tinatanaw
sinisipat, sadyang inaasinta

may malabong mata'y di nararapat
na sa largabista't basta sumilip
matang malinaw ang siyang sisipat
upang ang puntirya'y kanyang mahagip

Libingang Relokasyon

LIBINGANG RELOKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

dinemolis na ang Santolan
dinala sila sa Calauan
ang akala nila'y tirahan
ang sa kanila'y pinagdalhan
ngunit iyun pala'y libingan

nang matapos ang bagyong Ondoy
ang maralita ay kaluluoy
ngayon nga sila'y nananaghoy
bahay na'y lubog sa kumunoy
at sila pa'y parang palaboy

ang bahay nila'y dinemolis
ng namumunong utak-ipis
agad na silang pinaalis
sa bahay na sadyang kaynipis
du'n sa Calauan inihagis

anong nangyari na ngayon
sa kanilang naging patapon
naapi na sa demolisyon
ay di pa mabubuhay doon
sa pinagdalhang relokasyon

Biyernes, Disyembre 11, 2009

Silang walang puso, may sakit sa puso?

SILANG WALANG PUSO, MAY SAKIT SA PUSO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag may nahuling may kasalanan sa bayan
lalo kung opisyales ng pamahalaan
sila'y bigla-biglang magsasakit-sakitan
mas gusto sa ospital imbes sa kulungan

kaytatatag nila nang nasa posisyon pa
panay ang golf, malakas ang katawan nila
silang mga walang pakialam sa masa
at kaban ng bayan ang ipinangsasaya

tulad na lang noong fertilizer fund scam
milyon ng magsasaka'y kinuhang tuluyan
ang suspek nang mahuli'y nagsakit-sakitan
dibdib daw niya'y nagsikip, puso'y nasaktan

pati suspek sa masaker ay nagkasakit
sakit sa puso rin yaong iginigiit
silang walang puso sa mga maliliit
ay magsasakit-sakitan, ayaw mapiit

paano kaya nagkakasakit sa puso
ang mga taong itong wala namang puso
may lumabas ng bansa at doon nagtago
may talagang lalaban at di raw susuko

tila nagmana sila sa kanilang amo
ang among nagnakaw ng ating mga boto
ang among buong bayan na ang niloloko
ang amo nila'y iisa't nasa palasyo

tiyak pag amo nila'y nabilanggong pilit
dahil sa sala nito sa bayang ginipit
baka sakit sa puso rin yaong igiit
kahit walang puso kunwa'y mamimilipit

silang taga-gobyerno'y dapat mabilanggo
dahil utang sa bayan ay pawis at dugo
pilit lumulusot at batas nililiko
silang walang pusong may sakit daw sa puso

Huwebes, Disyembre 10, 2009

Tahanan ay Karapatan at Dangal

TAHANAN AY KARAPATAN AT DANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit ba nila idinedemolis tayo
pinalalayas sa tahanan nating ito
di ba't pabahay ay kaakibat ng tao
upang mabuhay siyang may dangal sa mundo

apektadong sadya ang ating pananahan
kaya tahanan nati’y dapat ipaglaban
dito humihimlay pagal nating katawan
saksi ito sa luha nati't kagalakan

sa sinumang nais sa atin ay manggulo
aagaw sa karapatang manahan dito
dapat nating ipaglaban ito ng todo
munti man ang tahanan, bahay natin ito

hindi tayo papayag sa kanilang nais
na parang nagbubugaw lang sila ng ipis
dapat damhin din nila ang ating hinagpis
idemolis ang bahay ng nagdedemolis

nasaan ang dignidad natin pag nawala
ang tahanang winasak ng mga kuhila
karapatan at dangal ang kinuhang pawa
niyurakan na nila tayong mga dukha

tahana’y pahingahan ng katawang pagal
at pugad din ito ng ating pagmamahal
kaya tahanan ay karapatan at dangal
ipaglaban ito laban sa mga hangal

Tanggalin ang Siper sa Bibig

TANGGALIN ANG SIPER SA BIBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bakit ba ayaw mong magsalita
may siper ba ang iyong bunganga
bakit ba para kang namumutla
di mailabas ang nasa diwa

pansin kong tila ka nanginginig
pag yaong balita'y naririnig
tanggalin mo ang siper sa bibig
kung nais mong lagay mo'y lumamig

sabihin para sa kinabukasan
sabihin na ang katotohanan
isipin mo lagi'y kapakanan
ng nakararaming mamamayan

di dapat sumalikop ang takot
di dapat laging bahag ang buntot
di dapat totoo'y nilulumot
di dapat patuloy ang baluktot

magsalita ka na, sabihin mo
ang alam mo sa maraming tao
lalo't marami ang apektado
ng mga pangyayari sa mundo

kaba sa dibdib mo ay tanggalin
hustisya'y iyong pakaisipin
sabihin mo ang dapat sabihin
nang makatulog ka ng mahimbing

Miyerkules, Disyembre 9, 2009

Pagbati ng FDC sa Kapaskuhan

PAGBATI SA KAPASKUHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ito'y hiling ng FDC para sa kanilang christmas card)
12 pantig bawat taludtod

Maraming salamat, mga kaibigan
Sa pagsasama nating makabuluhan
Sa panahon ng krisis sa ekonomya
Sa pulitika't pabagu-bagong klima

Mapayapang Pasko ang aming pagbati
Pagkat kayo sa amin ay natatangi
Bagong Taon ay salubunging may ngiti
Nawa'y makatuwang namin kayong muli.

Ilehitimong Utang sa Pasko

ILEHITIMONG UTANG SA PASKO
(Ito'y ipinasa sa FDC para sa kanilang christmas card)
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

Sasapit na naman ang kapaskuhan
Dala'y pansamantalang kasiyahan
Pagkat bansa'y lubog pa rin sa utang
May utang na ang bawat mamamayan
Ng ilehitimong pamahalaan

Magnilay tayo sa araw ng Pasko
Bakit ba pulos utang ang gobyerno
Kayraming utang na ilehitimo
At hirap nang tunay ang mga tao
Kaya kailangan ang pagbabago

Ang Pasko ay Sumabit

ANG PASKO AY SUMABIT
ni Greg Bituin Jr.

ang pasko ay sumabit
dahil panay ang kupit
sa kabang yaman ng bayan
ang mga trapong gahaman

Pasko Na, Bayan Ko

PASKO NA, BAYAN KO
ni Greg Bituin Jr.

pasko na, bayan ko
may utang pa rin tayo
kailan magbabago
ang kalagayang ito

pagkasilang pa lang
may utang na tayo
ang kinabukasan
natin ay paano

ngunit paano babayaran
ang ilehitimong utang
gayong di dapat bayaran
pagkat di natin inutang

kung mawawala ang utang
nitong buong sambayanan
pagkat ito'y nabayaran
magsasaya na ang bayan

Martes, Disyembre 8, 2009

Nag-aalimpuyong galit

NAG-AALIMPUYONG GALIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag ang dangal ng tao'y iyong niyurakan
kahit pangulo ka pa ikaw'y lalabanan

bulok na sistema ang madalas mangyurak
sa mga maralitang laging hinahamak

alindog ng babae'y dapat lang hangaan
at di ito dapat agawing sapilitan

ang di gumalang sa karapatang pantao
ay di nararapat malagay sa gobyerno

ang sinumang taong naghahari-harian
ay mapanyurak dahil sa kapangyarihan

yaong taong walang pakialam sa kapwa
ay di karapat-dapat na sila'y mangdusta

dahil sinuman ang mangyuyurak ng dangal
alimpuyo ng galit ang sa kanya'y sasakmal

Tinig ng mga taga-Santolan

TINIG NG MGA TAGA-SANTOLAN
(Alay sa mga maralitang dinedemolis ang bahay sa Santolan, Pasig)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kaming mga taga-Santolan
ay ayaw doon sa Calauan
dahil napakalayo naman
nitong aming paglilipatan

malayo sa aming trabaho
malayo sa mga ospital
malayo sa eskwelahan
malayo rin sa kaunlaran

ito'y aming napapagnilay
na apektado'y di lang bahay
kundi ang buo naming buhay
na imbes na ligaya'y hukay

para kaming basura doon
sa Calauan na itatapon
tatanggalin nga sa danger zone
itatapon naman sa death zone!

aba'y ayaw namin ng gayon
ayaw namin ng demolisyon
at kung meron mang relokasyon
aba'y hindi sa tulad niyon

pakinggan nyo ang aming tinig
kami't tunay na taga-Pasig
kami'y naritong tumitindig
sama-sama at kapit-bisig

Lunes, Disyembre 7, 2009

Sa Bartolina ng Tugma't Sukat

SA BARTOLINA NG TUGMA'T SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ako'y nakakulong ng matagal
sa bartolina ng tugma't sukat
pagkat ito ang payo sa aral
na simulan muna sa alamat
ng sinaunang pagtula natin
ang paglalaro nitong salita
upang sa simula'y pag-alabin
ang puso sa antigong pagtula
ngunit ang pagkawala ba rito
sa tugma't sukat ay kalayaan
o natatakot lang talaga tayo
sa tugma't sukat dahil di alam
kumawala man itong makata
sa bartolina ng tugma't sukat
tunay na malaya na ba siya
kung katha naman niya'y maalat?

Kung dukha na ang panulat

KUNG DUKHA NA ANG PANULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr,
8 pantig bawat taludtod

kung dukha na ang panulat
paano pa magmumulat
ng mga pikit at dilat
na dito'y laging kulelat

kung dukha na ang panulat
at tinta'y wala ng katas
panulat na'y nagsasalat
sa diwang di lumalabas

ang diwa'y ating gisingin
ang pintig ng puso'y damhin
nasa ng utak ay dinggin
panulat ay pasiglahin

dukha lamang ang panulat
kung ayaw mo nang magmulat

Bahagyang Idlip

BAHAGYANG IDLIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kaunting tulog, bahagyang idlip
munting pahinga't paghalukipkip
tila ba siya'y nananaginip
gayong bukas niya'y di malirip
ano kayang kanyang iniisip

Sunog sa Santolan

SUNOG SA SANTOLAN
(Disyembre 6, 2009, Linggo ng gabi)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Sunog! May sunog!" mga tao'y nagulantang
pagkat biglang nagkasunog sa may looban
halos apatnapung bahay ang nasunugan
sa lungsod ng Pasig, sa Barangay Santolan

sinunog yaong may banta ng demolisyon
dahil ayaw daw tanggapin ang relokasyon
sa Calauan pagkat napakalayo noon
walang trabaho kaya tiyak gutom doon

tatlong naka-bonnet daw ang nanunog dito
ito ang usap-usapan ng mga tao
sinunog nila ang nasa tatlumpung metro
na may bantang demolisyon sa bayang ito

nagkasunog bandang alas-siyete ng gabi
maraming nagulat, tao'y di napakali
mga tao'y talagang nanggagalaiti
salarin ba'y sino ang makapagsasabi

mga nanunog ay dapat papanagutin
dahil ang ginawa nila'y talagang krimen
maagaw ang lupa ang kanilang hangarin
sila'y mga walang pusong dapat bitayin

o, taga-Santolan, magpakatatag kayo
dapat magkaisa diyan ang mga tao
halina't araw at gabi'y magbantay tayo
at ipagtanggol ang ating tahanan dito

Linggo, Disyembre 6, 2009

Dakilang Utusan, Kanang Kamay

DAKILANG UTUSAN. KANANG KAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di ako lider sa gawain sa kilusan
kundi sa mga lider ako'y galamay lang
kanang kamay nila at dakilang utusan
isang tungkuling ginagampanang lubusan

pagkat paano ang lider pag ako'y wala
sila ang magtatrabaho ng aking gawa
tiyak diyan di sila magkandaugaga
pagkat ginagawa nila'y trabaho ko nga

para sa mga lider ako'y mahalaga
kaya di ko naman pababayaan sila
kami'y magtutulungan sa tuwi-tuwina
kung kailangan, buhay ko'y itataya pa

dakilang utusan man, ngunit kanang kamay
ng mga lider kong paglilingkurang tunay

Awit ng Bagong Kasal

AWIT NG BAGONG KASAL
(para sa dalawang kakilalang ikinasal)
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

tandaan mo, mahal, sa hirap at ginhawa
walang iwanan, tayo man ay maging dukha
dumaan man sa atin ay anumang sigwa
magkasama pa rin sa ligaya at luha

kaya gagawin kong lahat para sa iyo
kahit ano pagkat ikaw'y mahal na mahal ko
pag-uusapan anumang gagawin dito
tayo'y iisa, kabiyak ka ng dibdib ko

sa hirap at ginhawa, sa dusa at saya
patuloy na magsasama tayong dalawa
magbubuo tayo ng sariling pamilya
at magkatuwang palagi ang isa't isa

kahit makaharap natin si Kamatayan
kitang dalawa'y sumumpang walang iwanan
kaya sa ginhawa't hirap mag-iibigan
at hindi magmamaliw ang pagmamahalan

Biyernes, Disyembre 4, 2009

Huwag isuko ang laban, kasama

HUWAG ISUKO ANG LABAN, KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

matagal na tayong nakikibaka
kapit-bisig tayo para sa masa
pagbabago ang ating ninanasa
at palitan ang bulok na sistema

pinag-aralan natin ang lipunan
hinikayat natin ang sambayanan
na labanan ang sistemang gahaman
at pagkaisahin ang taumbayan

ngunit sadyang sakripisyo talaga
ang tungkulin nating mag-organisa
kadalasan, wala talagang pera
ngunit patuloy sa pakikibaka

alam nating maraming sakripisyo
ang kinakaharap na labang ito
kaya dapat magpakatatag tayo
at tanganang mahigpit ang prinsipyo

sa kabila ng maraming problema
huwag isuko ang laban, kasama
magpatuloy pa sa pakikibaka
para sa kinabukasan ng masa

Presidensyabols, Berdugo ng Obrero

TUMATAKBONG PANGULO
BERDUGO NG OBRERO
ni Matang Apoy

maraming tatakbo
sa pagkapangulo
ay pawang berdugo
ng mga obrero

hasyenda luisita
masaker sa mendiola
gibo at noynoy
cojuango at aquino

iisang lahi
berdugo ng obrero

villar
sipag at tiyaga
C5 at taga
landgrabber
inagaw ang lupa
ng mga magsasaka
at mga maralita

erap
nang-insulto sa manggagawa
tanong ba naman:
"makakain ba ang cba?"
nag-aastang makamasa
pero ang totoo'y
maka-Lucio Tan

roxas
mr. palengke
kaya maka-kapitalista
pro-globalisasyon

gordon
pro-american
sadyang sang-ayon sa sistema
ng kapitalistang Amerika

silang mga senador
na pawang presidensyabol
ang nagpasa ng evat
na pahirap sa masa
automatic appropriation
oil deregulation law
epira
anti-people
anti-worker
pro-capitalist

kaya aasa ba tayo
sa mga letseng ito

Onorabol Tongresman

ONORABOL TONGRESMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hay, onorabol daw ang mga tongresista
ito'y idinugtong na sa pangalan nila
para bagang di na ito matatanggal pa
at basta tongresista ka'y onorabol na

pag sinabing onorabol, dapat may dangal
pag sinabing onorabol, di mga hangal

ang mga tongresista'y may pinag-aralan
kaytindi pa ng eskwelang pinanggalingan
at iskolar sa magagandang pamantasan
ngunit di maganda ang pakita sa bayan

ginawa nga nilang negosyo ang serbisyo
at ang tingin lang sa mahihirap ay boto

pag kampanyahan naaalala ang dukha
pag botohan lang kasama ang maralita
ngunit pag nanalo'y nalilimutang lubha
ang mga bumotong maralitang kawawa

kinukupitan nila ang kaban ng bayan
ang pangungurakot ay naging karaniwan

ang onorabol ay nakikinig sa masa
pangunahin ang mamamayan sa kanila
ngunit nangyayari sa mga tongresista
magnanakaw man onorabol pa rin sila

onorabol sila kahit na walanghiya
onorabol sila kahit isinusumpa

Huwebes, Disyembre 3, 2009

Sinimulan ni Ondoy ang Laban

SINIMULAN NI ONDOY ANG LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nagdaang bagyong Ondoy yaong dahilan
ng mga demolisyon sa kalunsuran
mga dukha'y nataranta nang tuluyan
binagyo't tatanggalan pa ng tahanan

lumubog ang mga bahay noong bagyo
buong Kamaynilaan ang dinelubyo
kaya maraming tao ang naperwisyo
bagyo't demolisyon ang hinarap nito

sa lungsod kaytindi ng dumaang sigwa
at pinuntirya agad ang mga dukha
maralita'y nagmistulang mga daga
na basta na lang tatanggalin sa lungga

dukha ang agad sinisi sa delubyo
kaya demolis agad ang mga ito
dapat lang idaan sa tamang proseso
mga ginagawang demolisyon dito

nangyaring demolisyon ay sapilitan
at walang prosesong pinagdadaanan
basta't matanggal na agad ang tahanan
at sa danger zone na'y mawalang tuluyan

sunud-sunod na ang mga demolisyon
upang tanggalin yaong nasa danger zone
masama'y ililipat sila sa death zone
sa malalayo't gutom sa relokasyon

relokasyong sapat at malapit lamang
sa trabaho nyo ang dapat mailaan
kaya maralita, dapat kang lumaban
ipaglaban mo ang iyong karapatan

ipaglaban ang karapatang pantao
ipaglaban ang tahanan at trabaho
ipaglaban din ang kabuhayan nyo
o! maralita, magkaisa na kayo!

Bahay o Nitso?

BAHAY O NITSO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ano bang sa atin ay ibibigay nila
at sa ating bahay ay pinalalayas na
ibibigay ba'y ating ikaliligaya
bakit itatapon tayo'y sa malayo pa

gayong wala namang pangkabuhayan doon
kaya bakit payag tayo sa relokasyon
tatanggalin daw tayo doon sa danger zone
ngunit ililipat pala sa isang death zone

baka di bahay ang kanilang ibibigay
kundi nitso na lagakan ng mga patay
imbes sumaya tayo dito'y malulumbay
mulang lungsod ay dinala tayo sa hukay

ayaw namin ng kanilang nitsong tahanan
na handog sa dinemolis nilang tuluyan
ang nais namin ay pampamilyang tirahan
pagkat kami'y taong may puri't karangalan

O, Demolisyon, Layuan Mo Kami

O, DEMOLISYON, LAYUAN MO KAMI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod


(awitula sa saliw ng awiting "O, Tukso, Layuan Mo Ako")


kayrami nang winasak na tahanan
at kayrami pang matang pinaluha
kayrami ng batang nag-iiyakan
o, demolisyon, layuan mo kami

kayrami nang pagbabanta sa dukha
dapat daw kaming lumayas ng kusa
kung hindi'y damay kami sa paggiba
o, demolisyon, layuan mo kami

dinedemolis na ang aming bahay
inilalayo pa sa hanapbuhay
nadadamay pa pati walang malay
o, demolisyon, layuan mo kami

Ampatuan Masaker

AMPATUAN MASAKER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

A - Ako sa balita sa Maguindanao ay nagulantang

M - Mamamahayag at sibilyan ang doon ay pinaslang

P - Pilipinas ay muling nayurakan ang karangalan

A - At sa mata ng mundo'y siya ang pinag-uusapan

T - Tayong lahat sa masaker na iyon ay nagulantang

U - Utak ng masaker na iyon ay talaga ngang halang

A - At masasabi nating sa kapangyarihan ay buwang

N - Nahuli man sila'y di sapat sa hustisyang pambayan

M - Manawagan tayong makamit sana ang katarungan

A - At ang hustisya'y maging kakampi na ng taumbayan

S - Sistemang bulok sa Maguindanao ay dapat palitan

A - At mga political warlord ay pawiing tuluyan

K - Kaya halina't ating pag-isipan at pag-usapan

E - Ebolusyon ng warlordismo'y sistema ng gahaman

R - Rebolusyon laban sa sistema'y ating kailangan

Mga Utak-Pulbura

MGA UTAK-PULBURA
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

praktaktaktak... prakatakatak
naririyan na naman sila
silang mga utak-pulbura

praktaktaktak... prakatakatak
marami na namang pinaslang
ang mga kaluluwang halang

praktaktaktak... prakatakatak
tumatagas ang mga dugo
basag din pati mga bungo

praktaktaktak... prakatakatak
sila'y mga walang konsensya
sa pagpatay sila'y masaya

praktaktaktak... prakatakatak
krimen ang kanilang tinahak
silang pulbura na ang utak

praktaktaktak... prakatakatak
hulihin ang mga salarin
at sa hustisya'y panagutin

praktaktaktak... prakatakatak
ang makulong sila'y di sapat
bitayin sila ang mas dapat

Miyerkules, Disyembre 2, 2009

Dugo sa Kamay

DUGO SA KAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami nang mamamayan yaong pinaslang
sa ilalim ng kasalukuyang rehimen
ito'y mga buhay na kanilang inutang
at dapat pagbayarin ang mga salarin

di mapapawi ang dugo sa kamay nila
kahit sabunang maigi't sila'y maghugas
pagkat kasalanang ito'y nakatatak na
sa kasaysayan at maysala'y mga hudas

nariyan pa ang dugo sa kanilang kamay
at marahil ito'y tumagos na sa balat
mga dugong iyan ang magiging patunay
na sa mata ng lahat, hustisya ang dapat

hustisya, hustisya, nasaan ka, hustisya
ito ang sigaw ng maraming mamamayan
ibigay ang hustisya sa mga biktima
may dugo sa kamay ay dapat parusahan

Payo sa mga nais magsulat

PAYO SA MGA NAIS MAGSULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isulat mo ang iyong mga kutob
mula doon akda mo'y makakatas

maraming balitang nakakubakob
sa daigdig ng mga mararahas

makata'y dapat matutong lumusob
at inasinta ng tula'y mautas

magsulat ka't mag-isip ng marubdob
mag-isip ka't magsulat ng parehas

isatitik mo ang nasasaloob
upang malaman ng nasasalabas

Muli, sa isang babaeng makata

MULI, SA ISANG BABAENG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sadyang kayganda ng hagod
ng iyong mga taludtod
kaya akong abang lingkod
sa tula mo'y nalulugod

Kung pumapatay ka lang ng oras

KUNG PUMAPATAY KA LANG NG ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kayhirap ng buhay ng nakatunganga
sa buong maghapon walang ginagawa
dapat magtrabaho't ikaw na'y magkusa
kaysa bawat araw lagi kang tulala

kung sa bawat araw ay pinapatay mo
ang panahon mo sa iba't ibang bisyo
kung sa bawat araw ayaw magtrabaho
wala kang mapapala dito sa mundo

sa sarili mo'y agad magsimula ka
magsuri kang maigi imbes tumanga
ano bang kalagayan ngayon meron ka
bakit buhay na ito'y puno ng dusa

iyong pag-aralan ang kapaligiran
at pakasuriin ang kasalukuyan
ano ba ang lipunang ginagalawan
bakit may mahirap, bakit may mayaman

kaibigan, huwag magbilang ng poste
at baka matumbahan ka ng haligi
at ikaw pa ang kanilang masisisi
dahil laging bukambibig, "kasi, kasi"

huwag patayin ang oras, kaibigan
ang buhay natin ay di dapat masayang
kumilos tayo para sa kababayan
para sa pagbabago ng kalagayan

umpisahan nating magbasa ng aklat
pati mga dyaryo'y ating ibulatlat
suriin din ang mga istorya't ulat
nang sa sitwasyon ngayon tayo'y mamulat

sumama sa rali, maging aktibista
kaysa tumunganga'y sumama sa masa
halina't sumama tayong makibaka
upang baguhin ang bulok na sistema

Martes, Disyembre 1, 2009

Mungkahing Liriko ng Awit ng PLM

MUNGKAHING LIRIKO NG AWIT NG PLM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

1
naghihirap pa ang buong bayan
mga nasa lunsod at kanayunan
dahil gobyerno'y walang pakiramdam
dahil maraming walang pakialam

2
ngunit maraming nais lumaya na
mula sa hirap at dusa ng masa
narito na ang partidong pag-asa
ito ang Partido Lakas ng Masa

koro:
kami ang Partido Lakas ng Masa
kami ang partido ng sosyalista
babaguhin ang bulok na sistema
sosyalismo'y itatayo ng masa

3
Partido Lakas ng Masa'y narito
gabay natin tungo sa pagbabago
babaguhin natin ang buong mundo
itatayo natin ang sosyalismo

ulitin ang koro

4
halina, bayan, tayo'y magkaisa
organisahin na natin ang masa
magkapit-bisig na't magsama-sama
at ang mundo'y gawin nating iisa

ulitin ang koro

5
halina't tumindig ng taas-noo
sa harap ng lahat sa buong mundo
ibabagsak din ang kapitalismo
itatayo'y lipunang sosyalismo

ulitin ang koro

6
tatahakin natin ang bagong landas
sosyalismo lamang ang tanging lunas
babaguhin din ang mundong marahas
sa pag-aari'y magiging parehas

ulitin ang koro

Pasko: Malamig o Mainit?

PASKO: MALAMIG O MAINIT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

noon, pag Disyembre na'y dumatal
ramdam agad ang lamig ng hangin
sa ginaw ay agad mangangatal
pangginaw ay agad susuutin

ngayon, pag Disyembre na'y sumapit
ay maitatanong agad natin
malamig ba ito o mainit
dahil ito sa isyung global warming

noong Abril na isang tag-araw
bumuhos ang ulan sa lansangan
ngayong Disyembreng dapat tagginaw
mainit ba ang mararamdaman

anumang aasahan sa Pasko
ay dapat lang maging handa tayo

Mga Kasabihang Tibak

MGA KASABIHANG TIBAK
nilikha ni Gregorio V. Bituin Jr.

ang di lumingon sa pinanggalingan
flags, banners at plakards ay naiiwan

ang taong nagigipit
sa tibak lumalapit

ang lumalakad ng mabagal
sadyang sa rali hinihingal

aanhin pa ang gobyerno
kung namumuno ay trapo

ang pagiging aktibista'y di isang biro
na parang kaning iluluwa pag napaso

ang tapat na kaibigan, tunay na maaasahan
ang tapat na aktibista ay tunay na sosyalista

magsama-sama at malakas
tulad din ng grupong Sanlakas
magwatak-watak at babagsak
kung di sama-sama ang tibak

huli man daw sila't magaling
sa rali'y nakakahabol din

pag tinyaga mo ang masa
nakakapag-organisa

ang sumasama sa rali
ay dakila at bayani
di inisip ang sarili
kundi buhay ng marami

buti pa sa barung-barong
ang nakatira'y tao
kaysa sa malakanyang
ang nakatira'y gago

aanhin pa ang kongreso
kung pugad na ng bolero
pati na yaong senado
kung batas nila'y pangtrapo

Mapalad ka, Binibini

MAPALAD KA, BINIBINI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

mapalad ka, binibini
dahil may ngiti kang maganda
dahil ikaw ay kahali-halina
dahil pinag-aagawan ka't
kandarapa sa iyo
ang mga kalalakihan
dahil sinasamba ka ng makata

mapalad ka, binibini
ngunit ako'y mapalad ba sa iyo
oo, napakapalad ko
dahil makita lang kita’y
buo na ang araw ko
oo, dahil ngumiti ka lamang
kumakabog na ang puso ko
mapalad ka, binibini
umibig ka man sa iba
ay narito pa rin ako para sa iyo
at ipaglalaban kita
buhay ko man ang maging kapalit

pagkat diyosa ka ng aking puso
pagkat diwata ka ng aking diwa
pagkat pagkain ka ng aking mata
pagkat diwa ka ng aking kaluluwa

pagkat sinasamba kita
pagkat pinakamamahal kita
pagkat ikaw lang, wala nang iba

mapalad ka
pagkat para sa iyo'y
handa akong mamatay
pagkat para sa iyo'y
marami akong tulang alay
pagkat masasabi kong
sa puso ko'y iisa kang tunay
pumuti man ang buhok ko
ikaw lang ang naninilay

napakapalad mo, binibini
ngunit sana'y mapalad din ako
at makamit na ang matamis mong oo

Mabuhay ka, Ka Andy

MABUHAY KA, KA ANDY
(tula para kay Ka Andres Bonifacio)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

mabuhay ka, Ka Andy, mabuhay ka
pagkat ipinaglaban mo ang masa
tuloy pa ang iyong pakikibaka
pagkat marami kaming narito pa

kami sa iyo’y totoong saludo
tunay kang bayani ng bansang ito
dakila ka sa mga ginawa mo
kaya kami ngayon ay taas noo

di pa tapos ang iyong rebolusyon
himagsik mo'y amin pang sinusulong
krisis pa rin ang bansa tulad noon
kaya tuloy ang himagsikan ngayon

pamana mo'y aming sinasariwa
pagkat ikaw'y magandang halimbawa