Miyerkules, Disyembre 16, 2009

Mga Guro sa Tulay ng Mendiola

MGA GURO SA TULAY NG MENDIOLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minulat ako ng maraming guro
sa kanilang mapagpalayang turo
bakit ba may iilang maluluho
habang mas nakararami'y tuliro

naririyan ang lider-manggagawa
kababaihan, kabataan, dukha
magsasaka at iba pang may luha
na sistemang bulok ang sinusumpa

sa pagtatalumpati'y kayhuhusay
kahit di nakapag-aral ng tunay
ang pamantasan ng tunay na buhay
ang siyang sa kanila'y gumagabay

kaygaling at batay sa karanasan
yaong turo nila sa sambayanan
kaya kami'y maraming natutuhan
hinggil sa kalagayan ng lipunan

guro namin sa tulay ng Mendiola
ay pawang sanay sa pakikibaka
ang turo'y pagbabago ng sistema
nang mapalaya ang masa sa dusa

kayganda ng kanilang adhikain
kaya ito ang tangi kong tagubilin
nawa'y di manghinawa sa tungkulin
at magpatuloy sila sa gawain

Walang komento: