Biyernes, Agosto 31, 2012

Kapitalismong Mapangyurak

KAPITALISMONG MAPANGYURAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kapitalismong mapangyurak
sa manggagawa'y mapangwasak
dapat nang ibagsak sa lusak
itong sistemang mapanglibak

bakit mapangyurak ng dangal
ang kapitalismong sagabal?
tayo ba'y binaboy sa kural?
tanong niyang animo'y hangal

Bakahin ang Impunidad


BAKAHIN ANG IMPUNIDAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

panahon ng ligalig, klima ng impunidad
ililibing na lang ba ang kanilang gunita
sino yaong maysala, sinong dapat maglantad
sa naganap na dahas, sa mga nangawala

sinong mga dinukot at pinaslang sa syudad
sila ba'y aktibista, obrero’t maralita
dahil ba rebolusyon yaong tangkang ilunsad
kaya sila'y dinukot at tuluyang winala

sino ang mga taong mayroong abilidad
na gawin ito't mga pamilya'y pinaluha
sinong nais pumigil sa pagbabagong hangad
ng mga aktibistang ninanasa'y paglaya

pagpaslang, pagkawala, tatak ng impunidad
di mainit na isyu sa pahayaga't madla
mga kaso'y kapara ng pagong sa pag-usad
gayong ito'y isa nang suliraning pambansa

taon nang naghahanap, katarungan ba’y hubad
dangal ang niyurakan, batas ba'y walang bisa
pagkatao’y sinaktan, sa puso na'y sumagad
nasaan ka, hustisya? Ikaw ang aming pita

halina't magkaisa laban sa impunidad
ang puspusang pagbaka'y atin nang isagawa 
malawakang kampanya’y gawin nati’t ilunsad
hustisya'y marapat lang angkinin nitong madla

PAG-INOG NG SALIN MULA WIKANG INGLES SA FILIPINO
community - komunidad
electricity - elektrisidad
possibility - posibilidad
facility - pasilidad
ability - abilidad
city - siyudad
nobility - nobilidad
capacity - kapasidad
university - unibersidad
probability - probabilidad
effectivity - epektibidad
impunity - impunidad

Agosto 30 bilang Pandaigdigang Araw ng mga Nangawala (International Day of the Disappeared)
Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity)

Huwebes, Agosto 30, 2012

Sa Ika-10 Anibersaryo ng MMVA

SA IKA-10 ANIBERSARYO NG MMVA
(Metro Manila Vendors Alliance)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nakakabili ng bawat tingi
sa manininda ang kanyang suki
laking tipid sa bawat kalupi
busog na rin kahit na kaunti

sistema'y laging pinagkakasya
kung magkano lang ang nasa bulsa
anong mabibili nitong barya
sa tingian, nakakaraos na

bili kayo, meron akong yosi
dito na rin kayo makisindi
tubig, palamig, meron pang kendi
kung anong gusto, kayo'y bumili

ganyan ang buhay ng manininda
munting puhunan lang, nagbebenta
pamatid gutom ang konting kita
tumutubo kahit barya-barya

sa MMVA, mabuhay kayo
pagpupugay itong pagbati ko
sa pagbaka'y magpatuloy tayo
hanggang ang tagumpay ay matamo

Mata ng buwan

MATA NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

karimlan ng gabi nang tuluyang mawala
ang kanyang amang isang lider-manggagawa
sa tindig at prinsipyadong pananalita
itay niya'y sadyang kinilala ng madla

ngunit sa karimlang tila tulog ang buwan
ang irog na ama'y dinukot ng sinuman
di na nakita, mga taon na'y nagdaan
itay ba niya'y sinaklot ng kamatayan

sinong magsasalaysay kung anong nangyari
nang ama'y mawala sa karimlan ng gabi
saan inilibing, wala bang magsasabi
ang mga maysala lang ba ang tanging saksi

kayraming ang taguri'y desaparesido
silang nangawala sa bayang anong gulo
dinaluhong ng mga pusong tila bato
malalantad pa kaya kung sinong berdugo

saksi kaya ang buwan sa gabing kaylagim
lalo't nangyari'y sadyang karima-rimarim
nawa'y mabunyag pa ang nagbabagang lihim
upang maibsan naman yaring paninimdim

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Lugaw man ang aming kinakain


LUGAW MAN ANG AMING KINAKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lugaw man ang aming kinakain
kahirapan ay di namin krimen
mga dukha man kami't patpatin
kami'y huwag ninyong aapihin

mahirap man, dukha'y may pangarap
tapusin na iyang pagpapanggap
di sapat ang limos at paglingap
dapat lipuna'y baguhing ganap

nais naming ang mundo'y mabago
na bawat isa'y nirerespeto
di dahil sa salapi't habag mo
kundi dahil sila'y tao, tao

panahon nang lumaya sa dusa
palitan ang bulok na sistema
organisahin natin ang masa
at sa pagbabago'y magkaisa

ang buhay man ng dukha'y mapanglaw
di krimen ang kumain ng lugaw
sisikat din sa amin ang araw
upang dukha'y di na maliligaw

Martes, Agosto 28, 2012

Napakabata pa ng pag-ibig upang maunawaan ang budhi (Soneto 151)

Napakabata pa ng pag-ibig upang maunawaan ang budhi
ni William Shakespeare (Soneto 151)
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

Napakabata pa ng pag-ibig upang maunawaan ang budhi;
Ngunit sinong di nakababatid, budhi'y isinilang ng pag-ibig?
Kaya, manlolokong malumanay, huwag akong udyukang mamali,
Di man gaanong mali sa sala sa sarili'y matamis mong usig.
Na sa pagtataksil mo sa akin, ay ako rin yaong nagtataksil
Ang aking marangal na bahagi ng katawang pulos kaliluhan;
Yaring aking diwang nagsasabi sa aking katawang iyon na nga
Pagsinta'y mapapagtagumpayan; wala nang dahilan pa ang laman,
Ngunit ang pagbangon sa ngalan mo'y siya na ring itinuturo ka
Bilang premyo niya ng tagumpay. Pinagmamalaki niya ito,
Datapwat nasisiyahan siya kahit ikaw pa'y nabubusabos,
Upang tumindig sa iyong tungkol, kahit mahulog sa iyong tabi.
Ayaw ng budhing tanganan yaong matatawag kong kanyang "pag-ibig", 
Kung saan para sa tanging sinta, ako ay babangon at babagsak.

Lunes, Agosto 27, 2012

Bago Naging Bayani, Sila Muna'y Aktibista

BAGO NAGING BAYANI, SILA MUNA'Y AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pinupuri ng bayan ang mga naging bayani
dahil tinulungan ang bayan, di makasarili
inalay ang sariling buhay para sa marami
iba’y sa bansa, iba’y sa manggagawa nagsilbi

batid nyo ba yaong pinagdaanang buhay nila
bago naging bayani, sila muna'y aktibista
pinag-aralan ang lipunan, lalo ang sistema
kalayaan at pagbabago’y kanilang ninasa

nilabanan ang mananakop, buhay ma'y mapigtal
yaong bayani lang ba'y sina Bonifacio't Rizal
kung iyan lang ang alam mo, magsuri ka't mag-aral
ang kasaysayan ng bayan sa isip ay ikintal

bayani ba sa iyo ang traydor na Aguinaldo
na nag-utos patayin sina Andres Bonifacio
at Heneral Luna, kasaysayan nga'y basahin mo
si Rizal nga'y ayaw kilanlin ng Katolisismo

Jose Rizal, Marcelo del Pilar, at Lopez Jaena
sa España'y nakilalang mga propagandista
Bonifacio’t Jacinto’y Katipunan yaong dala
namatay silang bigong kalayaan ay makita

bayani ng bayan si Crisanto Evangelista
Sakay, Asedillo, Popoy Lagman, Ka Bert Olalia
Ka Amado, Hermenegildo Cruz, at marami pa
lider-manggagawang tunay na nagsilbi sa masa

aktibista sila noon, bayani natin ngayon
Kastila'y kalaban noon, kapitalismo ngayon
marami sa kanila'y namatay sa rebolusyon
adhika’y paglaya ng uri, bayan ay ibangon

silang mga aktibista'y kinilalang bayani
ayaw man ng naghaharing uri, bayan ang saksi
bago nga naging bayani'y aktibistang nagsilbi
sa bayan, sa manggagawa, inalay ang sarili

Wika'y Mabisang Susi sa Edukasyong Pangkalikasan


WIKA'Y MABISANG SUSI SA EDUKASYONG PANGKALIKASAN
(alay sa buwan ng Agosto, ang Buwan ng Wika)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

dumaan si Ondoy, Pedring, Gener, at Habagat
sa maraming lungsod ay kalamidad sa lahat
paano ba tayo magtutulungan nang sapat
edukasyong pangkalikasan na'y nararapat

ating suriin, nagbabago na ang panahon
kaiba na ito sa magdamag at maghapon
paano unawain ang agham nito ngayon
kailangan ng madla'y magandang eksplanasyon

upang ang mga ito'y madaling unawain
katagang Ingles sa Filipino na'y isalin
wikang sarili sa madla'y mabisa't diringgin
bago pa mahuli ang lahat, ito na'y gawin

pag-aangkop sa kalagayan ang adaptasyon
pagbabawas naman ng usok ang mitigasyon
sa wika natin, kayraming isasalin ngayon
sa elementarya'y ipaliwanag na iyon

sala sa lamig at init, klima'y papalala
ang masa't dukha'y dapat na itong maunawa
edukasyong pangkalikasan, wika'y mabisa
lalo't wikang sariling sa masa'y di banyaga

* Ang tulang ito'y bilang pagpapaunlak sa hiling ng isang Xena Rose Vitero, na nagmensahe sa inyong lingkod. Ayon sa kanya, "pwede po bang pagawa ng isang tula "WIKA'Y MABISANG SUSI, SA EDUKASYONG PANGKALIKASAN" tema po iyan .. atleast 5 stanza po,, please po,, kailangan ko na po bukas ,, tnx :)) aassahan ko po na gagawa niyo po ako..tnx po :). Ang mensahe'y ipinadala ngayong Agosto 26, 2012, at lumitaw sa isa ko pang tulang pinamagatang "Tula sa Pangkalikasang Edukasyon" na nalathala noong Oktubre 17, 2008. Marahil nahanap nya ito sa google. Para sa kanya lang ang tulang ito kaya huwag sanang kopyahin ng iba, dahil baka parehong titser ang mapagbigyan nito, hehe.

Linggo, Agosto 26, 2012

Naluma man ang kwadro

NALUMA MAN ANG KWADRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

naluluma ang kwadro
ngunit di ang anino
nasa puso ng tao
ang gunita't prinsipyo

litrato'y kumukupas
ngunit imahe'y wagas
sa kasaysayan bakas
ang ginawa't nilandas

dayo’y niyurak noon
uring obrero’t nasyon
bayani’y nagsibangon
adhika’y rebolusyon

imahen ng dakila
pumanday sa paggawa
sinakbibi ng luha
hinangad ay paglaya

naglaho man ang tinig
atin pang maririnig
prinsipyo'y di nalupig
nanatili ang tindig

museyo'y nagkaagiw
bayani'y di bumitiw
pagsinta'y walang maliw
sa masang ginigiliw

litrato'y masdang dagli
sa sistema'y namuhi
nasa’y gintong sandali
ng paglaya ng uri

naluma man ang kwadro
ngunit di ang anino
ng dakilang obrero
na umukit ng mundo

Iba't Ibang Anggulo


IBA'T IBANG ANGGULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

iisa lang ang litrato
iba-iba ang anggulo
ikaw kaya'y malilito
kung ano yaong totoo

depende kung nasaan ka
nasa kaliwang banda ba
o baka sa kanang banda
ibabaw o ilalim pa

iisa yaong larawan
iba-iba ang ugnayan
at pagpapaliwanagan
ganito'y ating asahan

kayraming naiilusyon
kayraming interpretasyon
kayrami ding eksplanasyon
iisa lang pala iyon

isip, isip, at magsuri
iba-iba, sari-sari
tayo kaya'y maunsyami
sa ating mga nalimi



iisa ang litrato
kuneho ba o pato
iba't ibang anggulo
ano ang nakita mo


nakikita mo ba'y matanda
o ang babaeng nakalinga
larawang ilusyon ang likha
dalawa ngunit isang mukha

Sa Kadimlan

SA KADIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

iyan ba ang langit? bakit kulay itim
dahil walang ilaw, gabi na't madilim
may itinatago nga ba iyang lihim
na bawal pagmasdan, nakaririmarim
di ko alam, iyan ba'y gabi ng lagim
datapwat sa isang panahong kulimlim
may bulaklak doong kaysarap masimsim
bininhian siya't dapat makalimlim
dahil magandang tiyak ang naitanim
siyang pinangarap, isang mutyang dilim
na isip at puso'y payapa't kaylalim
pawang kabutihan sa loob ay kimkim

Sabado, Agosto 25, 2012

Panliligaw


PANLILIGAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

naglalambing ang mga kataga
nagbabakasakali ang diwa
ang puso ko ba'y may puwang diyan
o pagkasawi ang hahantungan

naglalambing ang mga salita
humahalakhak at sumisipa
maari bang ipiit mo riyan
sa puso ang aking kabuuan

ako ba'y estrangherong kuhila
di ba malayong isumpa
kahit tapat ang aking hangarin
iwing puso ba'y di mo diringgin

diyosa ka ng kabuuan ko
hintay ko ang matamis mong oo

Biyernes, Agosto 24, 2012

Ang dalagang nayon

ANG DALAGANG NAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Aking liligawan ang magandang dalagang nayon
Na minsan kong nakilala sa isang pagtitipon
Ganda niya'y kumintal sa puso't diwa ko noon
Diwata siya ng kariktan magpahanggang ngayon

Ako'y binatang lungsod mang pinangarap ang mutya
Liligaw akong laksang karibal ang dumidiga
Ang pangarap ko'y siya't puso ko'y kanyang tinudla
Gagawin ko ang lahat upang siya'y di lumuha

Aanhin ko lahat ng yaman kung walang pag-ibig
Na matanaw ko lang ang sinta ako'y nanginginig
Gulo ang isip ko, baka may ibang makadaig
Na kung mangyayari, puso'y mawawalan ng pintig

Aking diwata, dalagang nayon na anong rikit
Yaring puso ko'y iyong-iyo na't iyong mabitbit
O, sinta, ngalan mo ang aking sinasambit-sambit 
Na alay ko sa iyo'y buwan, bituin, at langit

Masasabi kong inibig din kita, aking sinta

Masasabi kong inibig din kita, aking sinta
Ikaw ang aking inspirasyon bilang aktibista
Kahit palagi tayong naroroon sa kalsada
At kasama'y uring manggagawa't nakikibaka
Edukasyon at ahitasyon ay ating gawain
Lumalaban, nag-oorganisa, may adhikain
Ang pagpopropaganda naman ang aking tungkulin
Gusto nating bulok na sistema'y palitan natin
Agapay natin ang bawat isa sa tinatakbo
Ng pakikibakang itong di makapa ang dulo
Dahil aktibista tayong nagnanais manalo
At sa buhay natin ay makitang tagumpay tayo!
- gregbituinjr.

Sa Inang Bayan, salin ng tula ni Gat Emilio Jacinto

SA INANG BAYAN (A LA PATRIA)
tula ni Gat Emilio Jacinto
nakasulat ng orihinal sa Espanyol
na nasa aklat na Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

I.

Mabuhay ka, tinubuang lupa / higit saanman, kita'y sinamba
na ang yaman mo'y napakarami't / kalikasan ay pinagpala ka
edeng kaybabango ng bulaklak / kumpara sa ibang harding tunay
kaygagandang kulay, sumisilay, / langit ay pininta ng liwayway
na yaong makata'y nangagitla't / tila nananaginip kung saan.

II.

Mabuhay ang nakabibighaning / mutya, ang mahal kong Pilipinas
Venus sa ganda'y kaakit-akit, / walang kaparis, bayan kong mahal
lupain ng liwanag at kulay, / tula, halimuyak at ligaya
lupain ng bungang kaysasarap / at matamis na pagkakaisa
marahang inuugoy ng hangin, / dinuduyan ng alon sa laot.

III.

Kayhalaga't nagliliwanag kang / perlas ng Dagat ng Silanganan
paraisong natatag sa kinang / niring ating nagbabagang araw
anong rubdob kitang binabati / at masigasig na sinasamba
aking diwa'y inalay sa iyo, / na marubdob niyang ninanasa
makita kang walang anong pait / at pang-aalipin ng Kastila.

IV.

Sa kabila ng kasuotan mo, / umungol kang nakatanikala
na ang pinakamahalaga pa / - ang kalayaan, yaon ang wala
na upang maibsan, aking bayan, / ang pagdurusa mo't kalungkutan
buhay ko'y buong iniaalay, / dugo ko ma'y sumirit sa ugat
sa huling patak man sa kawalan / ay mapahimlay sa walang hanggan. 

V.

Anong iyo'y katarungang dapat / o kaya'y likas na karapatan
o wala kundi pawang mababaw / na salita't pulos pang-uuyam
katarunga'y para bang halimaw / sa anong lungkot mong kalagayan
alipin ka, gayong marapat kang / alayan ng putong bilang Mutya
pinasasaya ang malulupit, / pinagmamalupitan ka naman.

VI.

Anong matutulong nito, bayan, / na nakayukod sa kasawian
gayong yaong sapiro mong langit / ay maliwanag, kaakit-akit
na sa buwan mong animo'y pilak / ang sa karikta'y di mapantayan
ano bang silbi nito kung ikaw'y  / may himutok sa pagkaalipin
na sa loob ng apat na siglo'y / patuloy kang nasa dusa't hirap.

VII.

Anong silbing mga bulaklak mo'y / tinatabingan ang mga bukirin
matatamis na huni ng ibon / na sa gubat mo'y nauulinig
kung ang kanyang huni't halimuyak / ay dinadala man din ng hangin
na doon sa mga pakpak nila'y / may dalang hikbi't pait na impit
na nananaig sa iwing diwa't / ang tao'y sadyang napapaisip.

VIII.

Anong buting idudulot niyan, / perlas ng basal mong kagandahan
pinakinang mo sa kaputian / yaong yaman ng buong silangan
kung ang lahat ng iyong kariktan / kung ang buo mong kagandahan
ay iginapos sa mga bakal / na walang makapantay sa tigas
ang maniniil ba'y na tuwang-tuwa / sa kaaba-aba mong lagay?

IX.

Anong pakinabang ng lupain mong / kasaganaa'y walang kaparis
na ibinubunga'y masaganang / prutas na kaysarap at kayrami
kung sa wakas may masisilungang / ipinagkaloob niyong langit
ay ipinahayag at inangkin / ng mga Kastilang salanggapang
karapatan lang nila ang batid, / inaring may kalapastanganan.

X.

Sa dulo'y tatahimik ang lahat / at titiisin ang katandaan
na dumating na rin ang panahon / na ikaw na nga'y ipaglalaban
upang durugin ng walang awa't / walang takot ang sukabang ahas
na nilason ng kanyang kamandag / ang iyong kaaba-abang buhay
O, bayan ko, naririto kami, / sa iyo'y handa kaming mamatay.

XI.

Ang mga minamahal na ina / at asawang pinakasisinta
anak mang kapiraso ng puso't / kapara rin ay tipak ng diwa
upang ipagtanggol ang layon mo'y / iniiwan namin ang lahat
yaring pag-asa't aming pag-ibig: / ang kaligayahang aming hangad
lahat ng aming sintang pangarap, / lahat-lahat ng aming tagimpan.

XII.

Sa buong kapuluan, bayani'y / nagbibigay-liwanag sa atin,
pagsinta'y nag-aalab sa bayan, / may ningning sa bawat kabutihan,
masigasig makibaka't tanging / makagagapi'y ang kamatayan
na kahit mangamatay pa sila'y / bibigkasin ang banal mong ngalan
Bayang mahal, ligaya mo'y hangad / hanggang sa huli nilang hininga.

XIII.

Kayrami ng bituin sa langit, / libu-libong bayaning magiting
nahimlay sa dambana mong banal / na buhay nila'y kusang inalay
at nang marinig mo ang labanan. / kasuklam-suklam na sagupaan
sa langit ay umusal nang taos / ang inyong anak, ang matatanda,
at kababaihan, inaasam / na sa ating hukbo ang tagumpay.

XIV.

At sa gitna ng pagmamalupit / at di masabing pagpapahirap
nang dahil umiibig sa iyo'y / tanging kabutihan mo ang pita 
nagdusa'y di mabilang na martir, / higit sa dalisay nilang diwa
pinagpapala ka nila kahit / sa gitna ng dalamhati't pait
at kung tuluyan silang mamatay, / bayan ay sadyang napakapalad.

XV.

Anong halaga kung daan-daan, / libu-libong anak mo'y naglaho
sa di patas na pakikibaka, / sa matinding pagtutunggalian
at kanilang dugo'y nagsidaloy / na animo'y isang karagatan
anong halaga ng pagtatanggol / sa iyo't sa lupa  mong tahanan
kung mapahamak sila sa laban / nakamamatay na kapalaran.

XVI. 

Munting bagay kung ipapatapon / tayo't dumanas ng bilangguan
o mala-impyernong pagdurusa, / na may poot na sadyang kaybagsik
tungo roon sa dambanang banal / na sa ating puso'y nakaukit
sama-sama ka naming tinaas / nang walang bahid ng kahalingan
na sumumpa sa ating layunin / at itinataya yaring dangal.

XVII.

At kung sa dulo man ng labanan / ay may mga lawrel ng tagumpay,
at ang gawa nati't sakripisyo'y / puputungan ng magandang palad
mga susunod na salinlahi'y / tiyak na aalalahanin ka
bilang mutya ng pulong malaya, / mutyang dalisay at walang dungis
at ikaw ay hahangaang sadya / ng lahat ng tao sa daigdig.

XVIII.

Sa kalangitan mong nagniningning / ay muling sisikat ang liwanag
ng bagong araw ng kalayaan, / pagsinta, pati kasaganaan
at sa mga nabulid sa dilim, / sa gabing pusikit ay lumaban
huwag hayaang malimot yaong / puntod nilang kaylamig at payak
para sa iyong kaligayahan, / sila'y maligaya nang hihimlay.

XIX.

At kung yaong putong ng tagumpay / sakali'y maagaw ng Kastila
at sakaling sa pabagu-bagong / kapalaran, ikaw ay talikdan
di na mahalaga, bawat isa'y / ituturing na magkakapatid
laya'y laging may tagabandila / habang may maniniil pang buhay
angpaniwala'y di maglalaho, / habang tumitibok pa ang puso.

XX.

Ang pagkilos ay magpapatuloy / sakali mang dito'y tumahimik
bago unos ay payapa muna / saka mamumuo yaong sigwa
at sa mas bunyi mang katatagan / patuloy ang masinop na gawa
at pagbaka'y sisimulang muli / nang mas masigasig at malakas
makikibaka hanggang magwagi, / hanggang sa matuyo yaring luha.

XXI.

Bayang natatangi't minamahal, / na habang lumbay mo'y lumalago
lumalago rin yaring pag-ibig, / lalo ang tangi mong pagmamahal
huwag kang mawalan ng pag-asa, / maging sugat mo ma'y nakabuka
patuloy na aagos ang dugo / habang may nabubuhay sa amin
ay di ka namin malilimutan, / di kailanman, di kailanman!

Talasalitaan:
tagimpan - ilusion, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1202
kahalingan - pasion, mula sa English-Tagalog Dictionary, ni Leo James English, pahina 719

.
.
.

A LA PATRIA
Poem by Gat Emilio Jacinto

I

¡Salve, oh patria, que adoro, amor de mis amores,
que Natura de tantos tesoros prodigó;
vergel do son más suaves y gentiles las flores,
donde el alba se asoma con más bellos colores,
donde el poeta contempla delicias que soñó!

II

¡Salve, oh reina de encantos, Filipinas querida,
resplandeciente Venus, tierra amada y sin par:
región de luz, colores, poesía, fragancias, vida,
región de ricos frutos y de armonías, mecida
por la brisa y los dulces murmullos de la mar!

III

Preciosísima y blanca perla del mar de Oriente,
edén esplendoroso de refulgente sol:
yo te saludo ansioso, y adoración ardiente
te rinde el alma mía, que es su deseo vehemente
verte sin amarguras, sin el yugo español.

IV

En medio de tus galas, gimes entre cadenas;
la libertad lo es todo y estás sin libertad;
para aliviar, oh patria, tu padecer, tus penas,
gustoso diera toda la sangre de mis venas,
durmiera como duermen tantos la eternidad.

V

El justo inalienable derecho que te asiste
palabra vana es sólo, sarcasmo, burla cruel;
la justicia es quimera para tu suerte triste;
esclava, y sin embargo ser reina mereciste;
goces das al verdugo que en cambio te dá hiel.

VI

¿Y de qué sirve ¡ay, patria! triste, desventurada,
que sea límpido y puro tu cielo de zafir,
que tu luna se ostente con luz más argentada,
de que sirve, si en tanto lloras esclavizada,
si cuatro siglos hace que llevas de sufrir?

VII

¿De que sirve que cubran tus campos tantas flores,
que en tus selvas se oiga al pájaro trinar,
si el aire que trasporta sus cantos, sus olores,
en alas también lleva quejidos y clamores
que el alma sobrecogen y al hombre hacen pensar?

VIII

¿De qué sirve que, perla de virginal pureza,
luzcas en tu blancura la riqueza oriental,
si toda tu hermosura, si toda tu belleza,
en mortíferos hierros de sin igual dureza
engastan los tiranos, gozándose en tu mal?

IX

¿De qué sirve que asombre tu exuberante suelo,
produciendo sabrosos frutos y frutos mil,
si al fin cuanto cobija tu esplendoroso cielo
el hispano declara que es suyo y sin recelo
su derecho proclama con insolencia vil?

X

Mas el silencio acaba y la senil paciencia,
que la hora ya ha sonada de combatir por ti.
Para aplastar sin miedo, de frente, sin clemencia,
la sierpe que envenena tu mísera existencia,
arrastrando la muerte, nos tienes, patria, aquí.

XI

La madre idolatrada, la esposa que adoramos,
el hijo que es pedazo de nuestro corazón,
por defender tu causa todo lo abandonamos:
esperanzas y amores, la dicha que anhelamos,
todos nuestros ensueños, toda nuestra ilusión.

XII

Surgen de todas partes los héroes por encanto,
en sacro amor ardiendo, radiantes de virtud;
hasta morir no cejan, y espiran. Entre tanto
que fervientes pronuncian, patria, tu nombre santo;
su último aliento exhalan deseándote salud.

XIII

Y así, cual las estrellas del cielo numerosas,
por tí se sacrifican mil vidas sin dolor:
y al oir de los combates las cargas horrorosas
rogando porque vuelvan tus huestes victoriosas
oran niños, mujeres y ancianos con fervor.

XIV

Con saña que horroriza, indecibles torturas,–
porque tanto te amaron y desearon tu bien,–
cuantos mártires sufren; más en sus almas puras
te bendicen en medio de angustias y amarguras
y, si les dan la muerte, bendicente también.

XV

No importa que sucumban a cientos, a millones,
tus hijos en lucha tremenda y desigual
y su preciosa sangre se vierta y forme mares:
no importa, si defienden a tí y a sus hogares,
si por luchar perecen, su destino fatal.

XVI

No importa que suframos destierros y prisiones,
tormentos infernales con salvaje furor;
ante el altar sagrado que en nuestras corazones
juntos te hemos alzado, sin mancha de pasiones,
juramentos te hicieron el alma y el honor.

XVII

Si al terminar la lucha con laureles de gloria
nuestra obra y sacrificios corona el triunfo al fin,
las edades futuras harán de tí memoria;
y reina de esplendores, sin manchas ya ni escoria,
te admirarán los pueblos del mundo en el confín.

XVIII

Ya en tu cielo brillando el claro y nuevo día,
respirando venturas, amor y libertad,
de los que caído hubieren en la noche sombría
no te olvides, que aun bajo la humilde tumba fría
se sentirán felices por tu felicidad.

XIX

Pero si la victoria favorece al hispano
y adversa te es la suerte en la actual ocasión,
no importa: seguiremos llamándonos “hermano”,
que habrá libertadores mientras haya tirano,
la fé vivirá mientras palpite el corazón.

XX

Y la labor penosa en la calma aparente
que al huracán precede y volverá a bramar,
con la tarea siguiendo más firme, más prudente,
provocará otra lucha aun más tenaz y ardiente
hasta que consigamos tus lágrimas secar.

XXI

¡Oh patria idolatrada, cuanto más afligida
y angustiada te vemos te amamos más y más:
no pierdas la esperanza; de la profunda herida
siempre brotará sangre, mientras tengamos vida,
nunca te olvidaremos: ¡jamás, jamás, jamás!

Paano kaya nais likhain ng aking musa ang isang paksa (Soneto 38)

Paano kaya nais likhain ng aking musa ang isang paksa (Soneto 38)
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

Paano kaya nais likhain / ng aking musa ang isang paksa
Na habang ikaw ay humihinga, /  sa tula ko'y bumubuhos iyon
Sarili mong katwira'y kaytamis, / iyon ba'y napakahusay sadya
Sa bawat lantarang kasulatang / sa pagsasanay ay nakatuon?
O! kahit man lang para sa akin, / sarili'y bigyan mong pasalamat
Tindigan ang dapat na pagbasa / laban sa iyong napagmamasid;
Dapwa't sinong di makasalita / na sa iyo'y di makasusulat,
Kailan sa sarili'y maalwang / malikha ang mga nababatid?
Ika'y maging ikasampung Musa, / higit sampung ulit ang halaga
Kaysa sa siyam pang matatandang / sinasamba ng mananaludtod;
At siyang tumatawag sa iyo, / ay hayaan siyang dalhin niya
Ang mga numerong walang hanggan / nang mahahabang petsa'y malunod.
Kung munti kong musa'y nalulugod / sa kakaibang araw na iwi
Sa akin na ang anumang sakit, / habang sa iyo yaong papuri.

Ang Payo kay Spiderman


ANG PAYO KAY SPIDERMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Dr. Otto Octavius to Peter Parker in Spiderman II (2004): "If you want to get a woman to fall in love with you, feed her poetry."

payo ni Doctor Octavius kay Peter Parker
alayan ng tula ang dalagang iniibig
karibal mo ma’y mayaman, burgis, nasa poder
maipapanalo rin yaong pusong dinilig

ng mga tulang wagas, puno ng katapatan
bigkasing binhi sa binibining binibihag
bawat kataga’y sadyang pataba sa halaman
diliging panay, araw-gabi, saksi ma’y buwan

payapang puso'y nasa larang ng digma't lintik
kaytindi ng kapangyarihan niyang pag-ibig
kaya pagbutihin ang lalamnin ng panitik
dahil gantimpala sa nagwagi'y ang kaniig

pag-igihin ang pagpili ng tamang salita
huwag lamang maging buladas ng sinungaling
pagkat ang tula’y tulad ng isang panunumpa
winiwika’y di sugat sa pusong nilalambing


Miyerkules, Agosto 22, 2012

Saturnino Fabros, Ehemplo ng Kahinahunan


SATURNINO FABROS, EHEMPLO NG KAHINAHUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ngayon, isa na namang siga ng lansangan
ang nagpakita ng pangit na kaasalan
mabuti't walang baril, siya'y nanapak lang
ang sinapak, pinakita'y kahinahunan

ang traffic enforcer, si saturnino fabros
ulo'y malamig sa gitna ng pambabastos
sa kanya ng mayamang sa isip ay kapos
pagkatao niya'y sinagasa ng unos

sinapok sa panga ng mayabang na praning
di pumalag, mga anak ang nagtumining
anim na anak ay baka walang makain
kahit pagkatao niya'y nilagyang dusing

ngunit sa aming mga nakabatid nito
pagpupugay po sa pagkamahinahon mo
sa gitna na buhay mo'y nasa delikado
naging matatag ka sa gitna ng perwisyo

wala man sa minimum wage ang iyong sahod
pinagtiiisang parang kalabaw ang kayod
ehemplo ka ng katatagan, may gulugod
naging tapat sa tungkulin, di nanikluhod

salamat po sa iyo, isa kang ehemplo
ng katatagang dapat taglayin ng tao
sana’y di na maulit ang nangyaring ito
dangal ng ating kapwa'y dapat irespeto

Sa Pagkatha't Pagkain


SA PAGKATHA'T PAGKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

huwag muna akong / pakikialamang / tawaging kumain
lalo't sa panahong / kumakatha ako'y / huwag abalahin

mahalaga'y huwag / mawala ang mga / katagang naisin
kaya pasensya na / kung di muna kita / agad pinapansin

ayoko lamang na / sa bawat pagkatha / ako'y nabibitin
pagkat parirala't / salitang mawala'y / kayhirap isipin

may panahon naman / huwag mag-alala't / ako ri'y kakain
maraming salamat / sa pag-aalala't / ako'y patawarin

Martes, Agosto 21, 2012

Tulad ng Mata ng Alamid

TULAD NG MATA NG ALAMID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

habang kalagayan ng masa'y namamasid
nakita ko tulad ng mata ng alamid
kung gaano kalinaw sila'y nabubulid
sa laksang kahirapang tunay ngang balakid

kitang-kita ng mata ang katotohanang
tunay na sa bansang ito'y may kaunlaran
ngunit ang yumayaman lamang ay iilan
habang buhay ng mayorya'y di umaalwan

nakitang malinaw ngunit kung di sinuri
di mababatid ang tunggalian ng uri
na sa kapitalismo'y uso pa ang hari
na ang pagbagsak nito'y di minamadali

pagmasdan mong maigi ang kapaligiran
bumabaha sa merkado ang kaunlaran
pagmasdan mo naman ang iyong kababayan
hirap at dusa'y bumaha sa kalunsuran

huwag magbulag-bulagan yaong may mata
sa mga nakita'y huwag basta magtaka
suriin kung bakit ganito ang problema
at bakit kinakailangang kumilos na

Sabado, Agosto 18, 2012

Ang Demolisyon ay Terorismo!


ANG DEMOLISYON AY TERORISMO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tao tayong may karapatan sa pabahay
isang tahanang pahingahan nating tunay
pahingahan nitong katawang nagsisikhay
nagsisikhay upang ganap tayong mabuhay

kaya pag winasak mo ang tahanang ito
winasak mo'y dangal namin at pagkatao
ano pa nga bang maitatawag mo dito
alyas nga ng demolisyon ay terorismo

nais ng maralita'y isang negosasyon
na di sila maaapi't sila'y sang-ayon
may trabaho ba't serbisyo sa relokasyon
o mula sa danger zone, dadalhin sa death zone

teroristang demolisyo’y tamang labanan
dahil winawasak nito'y kinabukasan
ng pamilyang maralita't ng pamayanan
isa kang tuod pag tumunganga ka lamang

pinatutunayan ng kasaysayan dito
na demolisyon nga'y totoong terorismo
huwag maging tuod, labanan itong todo
kung di sa negosasyon ay sa mga bato

Muli bang maglilipana ang mga bato?


MULI BANG MAGLILIPANA ANG MGA BATO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matapos bahain ang buong kalunsuran
naghapag ng solusyon ang pamahalaan
peligrosong lugar ay duruging tuluyan
upang dukha'y di na ito mapamahayan

muli bang maglilipana ang mga bato
pag dinemolis ang bahay ng mga tao
sa dukha ang demolisyon ay terorismo
bato’y depensa sa karapatang pantao

ang bahay nila'y nilalaban ng patayan
pagkat walang maayos na paglilipatang
malapit sa pagkukunan ng lamang-tiyan
relokasyong may serbisyo, di kagubatan

sabi ng pamahalaang mapagkalinga
lahat ng mapanganib na lugar ng dukha
ay dapat daw walisin, pasabuging sadya
iskwater na kayrami'y dapat daw mapuksa

binaha ang iskwater, iyan ang sitwasyon
kaya pupulbusin ang kanilang pulutong
anang gobyerno sa maralita’y solusyon:
dukha’y ilipat mula danger zone sa death zone!

di yata sila natuto sa kasaysayan
nang Mariana'y dinemolis nagkabatuhan
Laperal, Corazon, Silverio, at saanman
dukha'y tangan ang mga batong pananggalang

bakit nasa peligrosong lugar ang dukha
bakit nagtitiis doon ang maralita
ang lugar nila'y ipagtatanggol pang lubha
dahil bawat bahay ay tahanang dakila

at kung gobyernong ito’y talagang seryoso
na dukha'y durugin sa pook na peligro
tiyak na dukha’y lalaban sa terorismo
at muling maglilipana ang mga bato

Biyernes, Agosto 17, 2012

Si Nana, Ina ng Dalawang Martir


SI NANA, INA NG DALAWANG MARTIR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sa anumang baha't unos ng buhay
sa bawat gunita't danas ng lumbay
si Nana, isang matatag na nanay
sa mga anak, walang makapantay
sa pagmamahal na wagas at tunay

siya’y ina sa dalawang dakila
ni Hermon, noong martial law nawala
ni Popoy, isang lider-manggagawa
silang nais na obrero'y lumaya
mula sa sistemang lilo't kaysama

unang lider ng FIND, na isang grupo
sa usaping karapatang pantao
adhika nila'y hustisya sa tao
makita bawat desaparecido
na nangawala noon pang martial law

tangan yaong prinsipyo niya't rason
si Nana'y ina sa maraming unyon
at sa mga martir ng rebolusyon
mananatili siyang inspirasyon
at kasama sa bawat nilalayon

sa iyo, Nana, kami'y nagpupugay
sa mga nakasama'y inang tunay
sa mundo mang ito ikaw'y nawalay
amin pang palalakasin ang hanay
tuloy ang laban hanggang sa tagumpay

Huwebes, Agosto 16, 2012

May bahaghari matapos ang unos

MAY BAHAGHARI MATAPOS ANG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kaytinding para tayong kinalos
niring sindak sa lungsod ng unos
sa pagpasaklolo'y namamaos
hininga'y tila ba kinakapos

wala nang ngiti sa mga labi
masa'y pawang mga nangalugi
sa bibig, walang namumutawi
kundi ano pa ang malalabi

Ondoy, Pedring, Habagat, Milenyo
nagngangalit yaong mga bagyo
tila ba wakas na natin ito
buti't may bahaghari pa rito

tanda iyon ng kapayapaan
ng isip natin at kalooban
ang unos, gaanong kasindak man
ay meron din palang katapusan

sa silangan ating matatanaw
yaong masugod na haring araw
na ang init ay tila balaraw
na sa balat nati'y sumisingaw

paglitaw ng bawat bahaghari
ay tandang di lahat masasawi
alinlangan din ay mapapawi
kalooban ay di na hahapdi

Martes, Agosto 14, 2012

Napakaraming Bawal


NAPAKARAMING BAWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bawal kumain ng mansanas ni Eba
lalo't ito'y di niya ibinebenta

bawal kumuha ng anumang di kanya
lalo't ito'y sariling gamit ng iba

bawal pang ligawan ang dalagang iyon
baka mabuntis ng wala sa panahon

bawal na sa gabi'y ikaw'y maglimayon
at baka makursunadahan ng maton

bawal magwelga, anang kapitalista
pagkat masama sa takbo ng pabrika

bawal magrali ang mga aktibista
magagalit daw ang gobyernong pasista

bawal manawagan ng dagdag na sahod
kahit kalabaw ka na sa kakakayod

bawal ang dukha'y kumandidatong lingkod
lalo't sa masa'y walang perang pangmudmod

bawal ka sa lupang walang nakatira
may-ari raw ng lupa'y korporasyon na

bawal pumatay ng mapagsamantala
pakiramdam mo man, aping-aping ka na

kayraming bawal sa taong nagsisipag
nagtitiyaga na, buhay pa ri'y hungkag

sa lahat ng bawal huwag kang lalabag
kung ayaw masaktan huwag kang pumalag

sana'y ipagbawal ang globalisasyon
na pahirap sa bayang di makabangon

ipagbawal din ang kontraktwalisasyon
na salot sa obrerong di makaahon

may bawal na panlahat, may pang-iilan
pati sa bawal may uri't tunggalian

may pwede sa kapital, bawal sa bayan
sadya bang ganito sa ating lipunan?

Baha ng Habagat


BAHA NG HABAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kayrami-raming tubig, ngunit walang mainom
naglipana ang karne, ngunit bayan ay gutom
habang sa mga inang palad ay nakakuyom
sa sikdo ng panganib, bibig nila'y di tikom
buong bayan ay tila dagat ng alimuom

di na makaugaga't panahon ng tagsalat
mga alagang hayop ay nalunod na't sukat
tubig-bahang sinalok ay kayrumi't maalat
habang sumasabay pa'y pagkulog at pagkidlat
kaya di maaaring magkikibit-balikat

sumikat ang araw, nananatiling ligalig
takot pa sa hagibis ng hanging maulinig
hinahanda ang dibdib at pusong pumipintig
bawat isa'y damayan, dapat magkapitbisig
humabagat mang muli, ang tao'y nakatindig

Linggo, Agosto 12, 2012

Huwag Sanang Mapilantod ang Pangarap


HUWAG SANANG MAPILANTOD ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

may bukas pa kaya yaong mga paslit
na nangarap umahon sa pagkagipit
pag lumaki'y tutulong sa maliliit
ayaw nilang sa patalim pa'y kakapit

isa'y nais maging isang inhinyero
isa nama'y gustong maging mekaniko
nais nilang sumakay ng eroplano
at matanaw ang ibabaw nitong mundo

makikita nila yaong alapaap
pangarap na malalaki sa hinagap
makakamit kaya nila itong ganap
malaki man, libre naman ang mangarap

maglalaro muna sila hangga't bata
lalaruin yaong luksong baka't sipa
maghoholen muna sila sa may lupa
habang sila'y nangangarap ng ginhawa

karapatan sana nila'y kilalanin
mahirap man, huwag silang haharangin
na makamit ang pangarap at mithiin
pinangarap ma'y lipunang babaguhin

huwag sanang mapilantod ang pangarap
nitong mga batang laki na sa hirap
maaabot din nila ang alapaap
sa tiyaga at kanilang pagsisikap

Larawan kuha ni Nicasio Mendaro Jr., ng grupong Litratista sa Daan


Pantasya Real sa Mundo ng Paslit


PANTASYA REAL SA MUNDO NG PASLIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

umalis na si ama't sa dyip magmamaneho
si ina’y naglabada naman doon sa kanto
bata'y naiwang muli sa kanyang munting mundo
sa guniguni'y muling babalikan ang kwento

at habang tinatanaw ang papalayong ama
nagsisimula siyang maghabi ng pantasya
nais niyang iligtas ang magandang prinsesa
sa palalong daigdig ng malupit na bruha

napanood lang niya iyon sa telebisyon
ngunit sa araw-araw yaon ang naging padron
sa pantasya na siya tila naglilimayon
nais maging bayani sa mundo niyang iyon

ngunit sa reyalidad, hirap yaong kakambal
pag ama'y walang kita, gutom ang bumubuntal 
sa mura niyang isip, ito'y hindi sagabal
basta’t nananatili yaong pantasya real

Larawan kuha ni Jhuly Panday ng grupong Litratista sa Daan


Sabado, Agosto 11, 2012

Bagabag sa Gunita


BAGABAG SA GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

i
maghapong tunganga yaong taong grasa
na nababagabag sa pag-aalala
tunay na pamilya kaya ay kumusta
katinuan niya'y tila nagbalik na

higit nang dekada nang siya'y iwanan
ng asawa't anak, ng pamilyang tanan
sa kanya daw sayang ang kinabukasan
hanggang sa mawala yaong katinuan

anong magagawa ng pagiging tamad
buhay-hari siya't sa tomaan babad
dakilang sugarol, ngayo'y sawimpalad
tila mga agiw, sa utak sumayad

siya'y walang alam kundi tumambay lang
sa kanyang pamilya'y walang pakialam
ayaw magtrabaho, gusto'y sumuso lang
magdroga't iraos libog ng katawan

nagunita niya yaong kulasisi
sa kanyang asawa'y ipinagmalaki
tila siya'y bwisit sa kanyang sarili
pagsisisi'y sadyang laging nasa huli

nawalan ng landas, wala nang direksyon
maibabalik ba ang maling kahapon
nabubuhay ngayon sa kutya't linggatong
mamamatay siyang basta lang ba gayon

ii
litrato sa pader ay napatunganga
anya'y mabuti ka't walang krimeng gawa
nabubuhay ka lang na nakatulala
wala kang inapi't hinamak na madla

Larawan kuha ni Teni Sta. Ines ng grupong Litratista sa Daan

Biyernes, Agosto 10, 2012

Kalikasan na ang nagtuturo



KALIKASAN NA ANG NAGTUTURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i

basura sa kanal
nagbarang imburnal
ah, karumal-dumal
may gawa ba'y hangal

kalunsura'y baha
basura'y malala
wala bang magawa
ang gobyerno't madla

umulan ang langit
binaha ang paslit
ito'y nauulit
kanino ka galit

ii

bagyo na naman, O, kay tulin ng araw
bagyong nagdaan, tila ba kung kaylan lang
ngayon ay bagyo, nagbaha sa lansangan
dahil sa bagyo, lubog ang kalunsuran

Ondoy, Pedring, bagyo na namang muli
ayaw na naming ito'y manatili
Sendong, Gener, Habagat ang nag-uli
kalikasan na'y nanggagalaiti

iii

naganap na mga pagbaha’y aral sa masa
kaya itapon ng tama ang mga basura
bulok at di nabubulok, paghiwalayin na
nabubulok ay pataba sa tanim at saka
di nabubulok ay ibenta't nang magkapera
matapos ang unos, may bahaghari’t pag-asa

Karanasan ng Dalawang Aklat


KARANASAN NG DALAWANG AKLAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di ko inaasahan ang pagdatal ng baha
na dalawang sikat na aklat ay nangabasa
ngunit maingat ko pa ring pinatuyong kusa
ang mga librong diwa ng dalawang dakila

Ondoy, lubog sa baha ang Isang Dipang Langit
koleksyon ng tula ni Amado V. Hernandez
Habagat, lubog ang Jose Corazon de Jesus
mga tula ni Batuteng tinipon ni Rio

ngunit kaytagal bago pa natuyo ang una
habang pinatutuyo ko pa ang pangalawa
dalawang gintong koleksyon ng literatura
bahain man, diwa ng libro'y di mabubura

Parunggit ng Maghapon


PARUNGGIT NG MAGHAPON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sadyang nakababagot ang umaga't tanghali
tiyaga-tiyaga lang, nagbabakasakali
na muling magdagsaan ang kanyang mga suki
sa kakaunting kita'y merong maiuuwi

maghapong nakaupo, nangangarap ng gising
mulat naman ang mata'y tila ba nahihimbing
sa pagtunga-tunganga, ang asa'y may darating
bagamat alam niyang munti ang kakalansing

maghapong nagninilay ang payapang tindera
habang nababagabag ang utak sa istorya
sari-sari ang kwento't maari nang nobela
kayraming namumuni'y ano kaya ang kwenta 

diwa'y pumapagaspas, bundok na'y sinusuyod
tila ba alapaap yaong tingin sa lungsod
nangalaglag ang tala, mga rosas ang ubod
kaytinding magparunggit ang tadhanang di lugod

ibinebenta’y bisyo, sa yosi na'y magumon
baga ma’y sunog basta’t may benta't malalamon
masakit na ang likod sa tungangang maghapon
ngunit may pambili na ng kanin kahit tutong

kakayod ng kakayod, mahirap pa rin naman
wala nang nangyayari't siklo ang kasalatan
habang may tindang yosi't kendi'y patuloy lamang
ang ganitong parunggit sa balikong lipunan

Larawan kuha ni Jhemsky San Pedro ng grupong Litratista sa Daan

Miyerkules, Agosto 8, 2012

Serbisyo'y Ipaglaban


SERBISYO'Y IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

hindi ba't karapatan ay dapat na serbisyo
sa bayan ngunit bakit isinasapribado
sa ngayon nga serbisyo'y ginagawang negosyo
may katapat na pera't tumutubo ang tuso 
ganito ang patakbo nitong kapitalismo

karapatan ng tao noon pa'y naitala
sa dokumento niring nagkakaisang bansa
paninirahang tiyak sa bawat maralita
kalusugan, pagkain, edukasyon sa dukha
may trabahong regular ang bawat manggagawa

prinsipyong laman nito'y pagkapantay ng tao
at ang lahat ng sektor, may karapatan dito
ngunit bakit sa bawat pag-inog nitong mundo
karapatan ng tao'y ginagawang serbisyo
at nayuyurakan na ang dangal ko’t dangal mo

salapi'y panginoon ng mga dambuhala
pabrika'y inaari, pati makina't lupa
lahat ng istruktura'y silang namamahala
bawat pribilehiyo'y kanila, masa'y wala
at pinagtutubuan ang serbisyo sa dukha

di ba't ang sagot diyan dahil sistema'y bulok
kaya ang karapatan ng tao'y inuuk-ok
sa kanila serbisyo'y sa bulsa nakasuksok
sa bawat tutubuin utak ay nakatutok
tubo, tubo at tubo, ang laging iniimpok

mundong ito'y di para sa mga elitista
sa paningin ng bayan, serbisyo ay hustisya
huwag isapribado't pagtubuan ang masa
ang dapat nating gawin, tayo na'y magkaisa
at atin nang palitan ang bulok na sistema

Martes, Agosto 7, 2012

Bangka-bangkaan sa gitna ng baha


BANGKA-BANGKAAN SA GITNA NG BAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maraming bangka-bangkaan sa gitna ng baha
ang mga bangkero'y pawang anak ng dalita
kawayan, kahoy, styrofoam, ginawang bangka
nilagyan ng upuan, pinalutang sa baha
pasahero ang hanap habang sa bagyo'y basa

sila'y dukhang nakita itong oportunidad
upang magkapera sa gitna ng kalamidad
gutom ng pamilya'y maibsan ang tanging hangad
sakay ka na kung ayaw mong sa baha maglakad
payo ko lang pagbaba mo'y hustuhin ang bayad

sakripisyo pa rin ang kawawang maralita
itinutulak ang bangka sa lagim ng baha
habang nakalulan ang pasahero sa gitna
mag-ingat lang sa butas, baka biglang mawala
mahirap nang madisgrasya't lamunin ng lupa

Linggo, Agosto 5, 2012

Lampas-tuhod

LAMPAS-TUHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

lampas-tuhod ang baha
lumiliit ang bata
malulunod na kaya
huwag kang magpabaya

Sabado, Agosto 4, 2012

Pag-alon sa Silong

PAG-ALON SA SILONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lintik si Ondoy, parang bagyong napapraning
dinaluyong din ang lungsod ng bagyong Pedring
ngayon naman si Gener kasabay ay hanging
kaylakas, di ka makatulog ng mahimbing

upang magbantay, baka epekto'y lumala
lalo pang magngalit ang bagyong dambuhala
na nagbibigay-takot sa dibdib ng madla
habang asam nila, galit nito'y humupa

abot na ang alon sa silong ng tahanan
dinaluyong pati sementadong lansangan
basketbulan nga'y mistulang palaisdaan
sa silong yaong tilapya'y naglulutangan

iba na nga ang panahon, ibang iba na
dahil nga ba ito sa nagbabagong klima
biglang lamig, biglang init, ramdam mo'y kaba
sa ganito'y paano aangkop ang masa

may pangamba na kahit sa munti mang ambon
sa silong ng bahay, nariyan na ang alon
kung inabot pa'y taas, paano aahon
anong gagawin pag bahay na'y dinaluyong

bagyo ma’y kakambal na ng buhay na iwi
ngunit ito'y suliraning sadyang masidhi
nasa ating kamay yaong solusyong mithi
pagtutulungan ng lahat ang tanging susi


Biyernes, Agosto 3, 2012

Ang Sapatos ng Tindero


ANG SAPATOS NG TINDERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

nagbebenta ng sapatos ang tindero'y nakayapak
marurumi niyang paa'y tila lumubog sa lusak
ngunit mga paa iyang walang paltos, pulos lipak
pagkat di nagsasapatos ang tulad niyang hinahamak

sa produktong pampaputi ay kayputi ng modelo
balat nila'y pinaputi ng kanila raw produkto
ito'y pamaraan nila upang ito'y bilhin ninyo
di ganito sa sapatos ng masipag na tindero

lumuluhang parang putik ang paang di magsapatos
sapatos kaya’y matibay , pag binili ba’y maayos?
o katulad ng tindero, ito ri'y namamalimos
maawa kayo't bilhin na nang tindero'y may panggastos!

Larawan kuha ni Reddie Silva ng grupong Litratista sa Daan

Huwebes, Agosto 2, 2012

Tahanan Niya'y Kariton



TAHANAN NIYA'Y KARITON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

lagalag sa lipunan, wala silang tahanan
kundi yaong karitong nagsilbing pahingahan
ng pagod na katawan na tanging kasama lang
ay yaong kanyang asong subok sa katapatan

nasaan na ang kanyang pamilyang tinatangi
sa kariton na lang ba siya'y mananatili
maaring sa sarili siya'y may pagkamuhi
ang tiyak sa lipunan ay nanggagalaiti

sa lungsod ay napadpad, doon naghanapbuhay
nagbote-dyaryo siya't sa kanyang pagsisikhay
sa bakanteng lupain ay nagtirik ng bahay
higit sampung taon din niyang tahanang tunay

ngunit dumating doon ang may-ari ng lupa
tinuring niyang bahay ay agad pinagiba
tuluyang napalayas at sadyang nakawawa
maliban sa kariton, wala nang lahat, wala

sa kanyang panlulumo'y saan na paroroon
nawalan ng tahanan, binahay na'y kariton
kainan at tulugan, langit ang tanging bubong
umaraw at bumagyo, anuman ang panahon

maraming tulad niyang kariton ang tahanan
libu-libo na sila dito sa kalunsuran
nilubog ng sistema, biktima ng lipunan
tulad nila'y meron pa kayang kinabukasan?


Larawan kuha ni Jayvee Mataro ng grupong Litratista sa Daan

Miyerkules, Agosto 1, 2012

Anino ng Paggawa

ANINO NG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig, may sesura sa ikawalo

nagtatayugang gusali, mga sementadong daan
mga tulay na matibay, paaralan, pagamutan
asilo, bahay, bulwagan, pati mansyon at tanghalan
pamilihang bayan, plasa, balebulan, basketbulan
mga barko, eroplano, bus, at iba pang sasakyan
patunay iyan ng ating narating na kaunlaran

ngunit sa lahat ng iyan, sino ang siyang maygawa
sinong nagtayo, kaninong bisig yaong pinagpala
sinong naglinang, kaninong mga kamay ang lumikha
masdam mo ang kaunlaran at ikaw ay mamamangha
masdam ang kapaligiran at sadya kang mapapatda
tanaw mo'y ang kaluluwa, ang anino ng paggawa

masdan muli ang paligid, masdan ng paulit-ulit
manggagawa'y di makita ngunit sila ang umukit
ng ekonomyang maunlad, sila ang nagpasakakit
ngunit tingnan dukha pa rin ang obrerong maliliit
ang nagpaunlad ng bayan, patuloy na nagigipit
gayong sila ang maygawa ng bukas natin at langit

Larawan ay kuha ni Martin Cipriano na kasapi ng Litratista sa Daan