Lunes, Mayo 31, 2010

Makikisaya ba tayo, mga kasama?

MAKIKISAYA BA TAYO, MGA KASAMA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

makikisaya ba tayo, mga kasama
pagkat paalis na sa palasyo si Gloria
makikisaya ba tayo at si Noynoy na
uupo sa palasyo ng mga pasista

kaytagal pinandirihan ang Malakanyang
ng masa't obrerong pinagsamantalahan
lalo na't nakaupo'y pangulong gahaman
sa tubo, kabang bayan, at kapangyarihan

di ba't tamang protesta'y ating isalubong
o saka na muna't siya muna'y mahamon
baka maitalaga niya'y mga miron
at walang gagawin nang bansa'y makaahon

nagbago lang ay pangulo, di ang lipunan
tiyak ganuon din ang palakad sa bayan
kayraming naghihirap, mayaman ay ilan
sa sistemang ito'y wala ngang kasiyahan

mga kasama, makikisaya ba tayo?
dahil uupo na itong bagong pangulo
dapat ba talagang makipagsaya tayo
dahil aalis si Gloria't uupo'y bago?

aalis ay bahagi ng uring burgesya
uupo'y katulad din niyang elitista
ano nang napala sa kanila ng masa?
anong mapapala ng masa sa kanila?

Linggo, Mayo 30, 2010

Durugin ang mga Panginoon

DURUGIN ANG MGA PANGINOON!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bakit ba kailangan ng mga panginoon
hindi ba pwedeng wala na tayong mga amo
na lagi na lang sinusunod mula pagbangon
hanggang pagtulog, gayong tayo rin nama'y tao

bawat tao'y isinilang ng may karapatan
na magtamasa ng edukasyon at pag-ibig
masiglang kalusugan, maayos na tahanan
kaya sa bawat isa'y di dapat magpadaig

pantay tayo kaya't wala dapat panginoon
at wala dapat itinuturing na alipin
kaya baguhin ang lipunan, magrebolusyon
ang mga panginoon ay dapat nang durugin

dapat pawiin ang mga panginoon dito
upang maging makatarungan ang mundong ito

Sabado, Mayo 29, 2010

Pawiin Iyang Pribadong Pag-aari

PAWIIN IYANG PRIBADONG PAG-AARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matagal nang nagnanaknak ang aming sugat
dahil sa kapritso ng mga nagpapakabundat
sa likhang yaman ng obrerong ang buhay ay salat
sugat ng naghihirap na masa'y di pa ba sapat?

nang dahil sa pribadong pag-aari'y nagmalupit
ang utak-pasistang burgesya sa mga maliit
makarili nilang sistema ang iginiit
habang pribadong pag-aari nila'y abot langit

pag-aaring pribado'y di pag-aaring personal
kaya di dapat malito sa kanilang pag-iral
pribadong pag-aari'y sa paggawa ng kalakal
habang isa nama'y pag-aaring pang-indibidwal

ang una'y hinggil sa pag-aaring makina't lupa
ang lakas-paggawa'y di binabayaran ng tama
mga magsasaka't manggagawa rito'y kawawa
dulot ng pribadong pag-aari'y hirap at luha

ikalawa'y hinggil sa pang-indibidwal na layon
na di ginagamit na kasangkapan sa produksyon
tulad ng bahay, sariling sasakyan, telebisyon
damit, pagkain, sariling gamit tulad ng sabon

pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan
sa produksyon ng pangangailangan sa lipunan
ang siyang pangunahing dahilan ng kahirapan
at kagutuman ng marami nating mamamayan

pribadong pag-aari'y dapat tuluyang mawala
pagkat ito ang pahirap sa mga manggagawa
pribadong pag-aari'y dahilan ng mga sigwa
sa kabuhayan ng nakararaming maralita

halina'y pawiin na ang pribadong pag-aari
sa mundong ito'y di na dapat itong manatili
misyon nating ang pribadong pag-aari'y mapawi
manggagawa sa buong mundo, ito'y ipagwagi

Di Kailangan ng Superman sa Demolisyon

DI KAILANGAN NG SUPERMAN SA DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag may demolisyon, nagkakatarantahan
dahil sa bantang mawawalan ng tahanan
mga dukha ba'y paano dedepensahan
ang bahay nilang pugad ng pagmamahalan
hanap ay sasaklolong tulad ni Superman
nang magdedemolis ay agad mapigilan
kaya mga lider din ng mga samahan
ay natatarantang paano pipigilan
ang demolisyong nakaamba sa tirahan
paano lalaban, di sila si Superman

dapat samahan nila'y nabuo nang ganap
bago pa mangyari yaong bantang pahirap
na demolisyon sa tahanang pinangarap
bago pa si Superman maghandog ng lingap
dapat munang magkaroon ng pag-uusap
yaong nakatira't maging katanggap-tanggap
ang mga solusyong kanilang hinahanap
di kailangan si Superman kung maagap
ang madedemolis at agad magsisikap
na pagkaisahin ang mga mahihirap

di natin kailangan ang mga Superman
na di naman natin mahahanap saanman
ang kinakailangan natin dito, bayan
ay yaong pagkakaisa ng mamamayan
dito'y kita ang sama-samang kalakasan
halina't magkaisa't ating lalabanan
ang nagpapahirap sa ating kalagayan
sadyang pantasya lamang ang mga Superman
sarili nating lakas ang ating asahan
at may magagawa tayo, imposible man

Biyernes, Mayo 28, 2010

Sa Dagat ng Kalungkutan

SA DAGAT NG KALUNGKUTAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mabubuhay ako sa dagat ng kalungkutan
kung sakaling mawawala ang iyong pagsinta
doon ko lulunurin ang abang kalagayan
ang pagkawala mo'y simula ng pagdurusa

habang umaalon ang kalungkutan sa dagat
akong sumisinta man sa ginaw nanginginig
unti-unti mang maagnas ang puso kong salat
narito ka pa rin, nais kitang makaniiig

sa dagat man ng kalungkutan ako mabuhay
at palagian mang dalawin ng Haring Araw
sa dagat na ito'y mistula na akong patay
para bang puso ko'y ulit-ulit binalaraw

Huwebes, Mayo 27, 2010

Sa Pagbuga ng Tubig at Apoy

SA PAGBUGA NG TUBIG AT APOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ilang beses nang sa rali'y bumuga ng tubig
ilang beses nang sa rali tayo ay nanginig
ngunit sa kanila, tayo'y di nagpapalupig
pagkat tangan natin ang ating prinsipyo't tindig

ilang beses nang sa bansa'y bumuga ng apoy
pawang mga bala sa biktima'y isinaboy
ilang beses nang may ibinaon sa kumunoy
pagkat binaril ng kung sinong di pa matukoy

apoy man o tubig, pag bumuga'y parang sigwa
napapaso o nalulunod, kinakawawa
ang mga biktima't dinulot ay dusa't luha
nanggagalaiti ang bayan sa may pakana

sa pagbuga ng tubig at apoy, nararapat
na pinagmulan nito't madurog at masilat
kaya tayong mga tibak ay dapat mag-ingat
bago silang mga bwitre'y tuluyang mabundat

tulatext - Kung Sakaling Ako'y Mawala

KUNG SAKALING AKO'Y MAWALA (tulatext)
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

kung sakaling ako'y mawala
dahil nakibaka ng tama
para sa uring manggagawa
ay pahirin ang iyong luha
di ako lumisang kawawa
INGAT LAGI

Miyerkules, Mayo 26, 2010

tulatext - Bati Ko'y Magandang Umaga

BATI KO'Y MAGANDANG UMAGA (tulatext)
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

bati ko'y magandang umaga
kalakip ang bagong pag-asa
patuloy tayong makibaka
laban sa bulok na sistema
at ipalaganap sa masa
ang kaisipang sosyalista

Ambulansyang De Paa

AMBULANSYANG DE PAA
(Pagpupugay kay Kara David, reporter ng GMA7 na tumanggap ng Peabody Award dahil sa kanyang makabagbag-damdaming dokumentaryong "Ambulansyang De Paa")
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I

sa Mindoro'y merong ambulansyang de paa
maysakit sa bundok sa duyan pasan nila
upang sa pagamutan sa bayan madala
at maipagamot ang minamahal nila

kilo-kilometro ang layo ng lakbayin
ilang bundok pa ang kanilang tatawirin
ambulansyang de paa kung sila'y tawagin
magsagip ng buhay ang kanilang layunin

makikita ritong manggagamot ay kulang
sa mga liblib na pook sa kabundukan
ngunit ito ba'y paano malulunasan
na magkaroon ng doktor sa kalibliban

maraming maysakit paano gagamutin
ang ambulansyang de paa'y napapagod din
ang kanilang problema'y dapat kaharapin
di dapat na ang ganito'y balewalain

ang malaman ang ganito'y sadyang kayhapdi
sa kabila ng pag-unlad may humihikbi
di magamot-gamot, kahit sakit ay munti
ang nangyayari'y di na dapat manatili

pagkat dapat na ang ganito'y maresolba
mga maysakit paanong matulungan pa
walang pambili ng gamot, hirap pa sila
itong bagong gobyerno'y may magagawa ba

II

salamat, Kara David, sa pinalabas mo
sa telebisyon, namulat kaming totoo
na mayroon palang nangyayaring ganito
sa malalayo nating lalawigan dito

sana'y magpatuloy ka pa, aming Kapuso
sa paglantad ng mga isyung nakatago
sa pagpapalabas ng iba't ibang tagpo
sa pagtulong sa kababayang nasiphayo

sa iyo, Kara David, nagpupugay kami
lalo na't natanggap mo ang Gawad Peabody
sana'y malikha mo pang ulat ay marami
sana patuloy ka pang sa madla'y magsilbi

Lunes, Mayo 24, 2010

Pahimakas kay Alex Boncayao

PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.

Mga pinaghalawan ng tula:

http://en.wikipedia.org/wiki/Lakas_ng_Bayan
(a) Third in the list of 21 Candidates - 1978 Interim Batasang Pambansa

http://www.hartford-hwp.com/archives/54a/183.html
(a) 6th paragraph - Among the Laban candidates were Benigno "Ninoy" Aquino Jr., Aquilino Pimentel Jr., Charito Planas and Alex Boncayao.
(b) 9th paragraph - In the post-election crackdown, the Laban candidates dispersed. Pimentel hied back to his native Cagayan de Oro. Planas fled to the United States. Boncayao went to the countryside, where revolutionary martyrdom awaited him. Ninoy, of course, remained in prison until he was allowed—with pressure from the Carter administration—to undergo medical treatment in Boston.

http://philippinehistory.ph/tag/communist-party-of-the-philippines/
Sa Metro Manila, ipinakita ang lakas ng mga samahang masa nang isama sa tiket ng LABAN na pinangunahan ni Sen. Aquino ang mga kinikilalang lider noon ng mga samahang ito – si Alex Boncayao sa mga manggagawa, si Trining Herrera sa mga maralitang tagalungsod at si Jerry Barican sa mga kabataan-estudyante.

http://www.philippinerevolution.net/cgi-bin/kultura/ulos.pl?issue=20020501;article=18
Sa isyung ito ng Ulos, bibigyan natin ng pagkilala at mataas na pagpapahalaga ang mga bagong martir na ito. Ang mga ito ay sina Ka Bert Olalia, Ka Lando Olalia, si Ka Tatang o Ceferino Lacara, Edgar Jopson, Liza Balando at Alex Boncayao.

http://www.ssc.edu.ph/sscweb/news2009/090825%20SSC%20and%20its%20role%20in%20Women%20Leadership.html
(a) St. Scholastica’s College also became the venue for historic social events. The miting de avance of Laban for seats in the Batasang Pambansa was held at the school’s Social Hall. Among the opposition candidates against the Kilusang Bagong Lipunan (KBL) were Aquilino Pimentel, Charito Planas, Jerry Barican, Reuben Canoy, Homobono Adaza, Alex Boncayao, Teofisto Guingona and Benigno Aquino represented by Kris Aquino.

http://www.gabrielawomensparty.net/news/press/ka-satur-ocampo-liza-maza-run-senate-independents-declare-breakdown-talks-np
The last time the Left fielded candidates for the senate was in 1987 under the Partido ng Bayan (PnB or Party of the People). Among the senatorial candidates they fielded were ex-political detainee Nelia Sancho, labor leader Alex Boncayao, urban poor leader Trining Herrera, ex-detainee and former NDF spokesperson Horacio “Boy” Morales, human rights lawyer Romeo Capulong and opposition leader Charito Planas.

http://www.asienhaus.de/public/archiv/revised%20presentation %20Eric.pdf
The Laban slate was headed by Ninoy Aquino, who campaigned from prison, and included a then relatively unknown labor leader, Alex Boncayao (later assassinated), and urban poor leader Trining Herrera (later detained and heavily tortured). The Kilusang Bagong Lipunan (New Society Movement) was headed by Imelda Marcos.

http://filipinovoices.com/the-ordeal-of-melissa-roxas
The NPA Sparrows actual unit was the Alex Boncayao Brigade, (named after) a labor leader liquidated by suspected military elements.

http://guilliam.tripod.com/thesis/thesis.htm
The leaders of militant unions were subjected to incessant harassment. Ignacio Lacsina, for example, was released only on condition that he would retire from the trade union movement. The aging but dauntless Felixberto Olalia was in and out prison. Crispin Beltran was forced to go underground after escaping from a detention center and Alex Boncayao was slain, supposedly in an armed encounter. (Javate - de Dios, 1988: p. 137)

From the book Encyclopedia of modern worldwide extremists and extremist groups - by Stephen E. Atkins
- page 13 - This group is named after Alex Boncayao, a Philippine labor leader in the New Peoples Army (NPA) who was killed by the Philippine Army in 1983 in an engagement in Nueva Ecija province.

People’s Power in Asia: Lessons and Prospects - The Philippine Experience, by Fr. Jose “Baggy” Bagadiong, SVD
Laban was a coalition, it included three candidates identified or had ties with the NDF. Among the three was labor leader Alex Boncayao. As expected the April 1978 elections were fraudulent and this triggered the Metro Manila wide noise-barrage that was just short of a people’s uprising.

http://www.philippinerevolution.net/cgi-bin/kultura/ulos.pl?issue=20020501;article=25
Ulos: Mayo 1, 2002, Ngayon at hanggang bukang liwayway
Sanaysay - Alex Boncayao: Obrero ng Pakikibakang Armado

Si Alex Boncayao ay tubong Agos, Bato, Camarines Sur. Mula sa uring magsasaka, namulat siya sa karukhaan ng atrasado’t pyudal na pamumuhay sa kanayunan. Nilisan niya ang pinagmulang bayan sa pangarap na makapagtapos ng kolehiyo sa Maynila. Pagtuntong ng syudad, humagilap ng iba’t ibang trabaho. Siya ay naging tricycle driver, dyanitor at nang huli ay naging assistant chemist ng Solid Mills.

Ikalawang hati ng dekada 1970, panahon ng batas militar, siya ay naging tagapangulo ng militanteng unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga sama-samang pagkilos at welga ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-1977. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng pinuno ng unang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang hamunin at tutulan ang pananalasa ng rehimeng US-Marcos.

Kasama sina dating senador Benigno Aquino Jr., Tumakbo siyang kandidato sa ilalim ng unang Lakas ng Bayan (LABAN) noong 1978 sa Interim Batasang Pambansa (IBP). Ngunit dahil sa lantaran at malawakang dayaan sa halalan at paghuhuli ng diktadura sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mag-andergrawnd si Alex. Iniwan niya ang kalunsuran upang muling tumungo sa kanayunan. Ngunit sa pagkakataong ito, ay para lumahok sa armadong pakikibaka. Sa Nueva Ecija, sumapi si Alex sa Bagong Hukbong Bayan at nag-organisa ng mga magsasaka.

Ika-19 ng Hunyo 1983, sa piling ng masang magsasaka, pinatay si Alex Boncayao ng mga pasista. Pumanaw man siya, hindi kailanman maglalaho ang alaala sa kanya at sa kanyang mga makabuluhang ambag sa kilusang paggawa at sa buong rebolusyonaryong kilusan. Alex Boncayao, isang tunay na anak ng bayan. Isang tunay na rebolusyonaryong martir.

Mga Demonyo sa Timog

MGA DEMONYO SA TIMOG
(sa ikaanim na buwan ng masaker sa Maguindanao)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa lambak na malayo't masukal
nilikha nila'y karumal-dumal
higit sa karaniwang pusakal
pulutong sila ng mga hangal
silang kawan ng mga kriminal

limampu't pito yaong sibilyan
walang malay sa kasasapitan
ang tinambangan nila sa daan
pinwersang dalhin sa kadawagan
doon ay walang awang pinaslang

nangamoy pulbura yaong lambak
kapwa tao'y kanilang hinamak
puri'y nilugso, dangal niyurak
kayraming buhay sadyang winasak
pagkatao'y dinala sa lusak

ang pag-atake nila'y planado
may hukay na't ginamit ang backhoe
upang ilibing ang mga tao
tunay ngang sila'y mga demonyo
nang Maguindanao, ginawang impyerno

bangkay ng mga tao'y nilasog
at sa tama ng bala'y binusog
nitong mga demonyo sa timog
kaya buong bayan ay nangatog
poot ng bayan, biglang kumuyog

matatawag pa ba silang tao
hindi, di nga, di lang sila gago
lalong di lang sila tarantado
sila'y mga demonyo, demonyo
walang dangal, walang pagkatao

Linggo, Mayo 23, 2010

Ampon ng Kapayapaan

AMPON NG KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami nang natupok ng apoy ng digma
di na makagulapay sa hirap at luha
ngunit umaasam pa ng diwang payapa
at mapigilan na ang digmang mapanira

pamilya'y nangamatay, maraming nasindak
sa salimbayang bala'y gumapang sa lusak
kayraming nawalan ng ama, ina, anak
sa digmaang sadyang sa atin nagpahamak

kaya marami silang nais magpaampon
kung saan may kapayapaang nakakulong
kapayapaang ang paglaya ay paghamon
di sa lakas ng sigaw, kundi ng pagbulong

kailangang mag-usap yaong magkalaban
upang sila-sila ay magkaunawaan
upang iyang digmaang walang katuturan
ay matigil na tungo sa kapayapaan

"magpapaampon kami sa payapang mundo
at lalayo kami sa digmaang magulo,
maari bang kami nama'y pagbigyan ninyo"
sigaw ng mga nadamay sa gerang ito

Tinatawag Kaming Subersibo

TINATAWAG KAMING SUBERSIBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tinatawag kaming subersibo
ng maka-elitistang gobyerno
nais daw naming ibagsak ito
gayong ang nais naming totoo
ay isang tunay na pagbabago

subersibo pala kami dahil
ayaw namin ng pulos hilahil
ayaw sa sistemang mapaniil
sa karapatan ay mapanupil
na ninanais naming matigil

tama lang na maging subersibo
para sa kabutihan ng tao
pagkat tayo'y nagiging aktibo
at mapagsuri sa mundong ito
imbes na tayo'y maging pasibo

maging subersibo ba'y masama
gayong ang nasa'y mapagpalaya
tangan nami'y sosyalistang diwa
pagpawi ng uri ang adhika
sa lipunang makamaralita

wasto lamang maging subersibo
kaysa naman ang maging pasibo
na walang pakialam sa isyu
na apektado ang pagkatao
at dangal ng ating kapwa rito

Huwebes, Mayo 20, 2010

Edsa Tres sa Bangkok

EDSA TRES SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

manggagawa't maralita doon sa Bangkok
ay nagprotesta laban sa mga dayukdok
na mga elitista at burgesyang bulok
na palakad sa bansa ay sistemang bugok

narindi na rin ang mga dukha sa Thailand
napuno na rin sa galit ang mamamayan
pinakita ng dukha ang kapangyarihan
ng aping mamamayang nagpasyang lumaban

protesta ng dukha'y pamamaraan nila
upang agawin ang gobyerno sa burgesya
ang nais ng maralita'y pagbabago na
nang mapalitan ang bulok nilang sistema

tinawag sila ng madlang pulahang baro
pagkat pula ang suot ng kanilang hukbo
habang katunggali nila'y dilawang baro
na tawag sa mga elitistang maluho

dukha't obrero'y pulahang barong nanguna
niyanig ang sentro ng Bangkok ng protesta
habang ang kalaban nilang dilawang pwersa
sama-sama'y militar, gobyerno't burgesya

pulahang baro'y nais bagong pamumuno
sawang-sawa na raw sila sa nakaupo
ang poot sa dibdib ay tunay ngang namuo
mapang-aping burgesya'y nais nang igupo

mga dukha sa pagkilos nagkakaisa
kahit walang pinunong nag-oorganisa
nakikibaka na ang ordinaryong masa
nakipaglaban mabago lang ang sistema

nagsama-sama ang maraming maralita
nagbigkis-bigkis pati mga manggagawa
nagkaisa silang mapalaya ang bansa
pagkakaisang akala mo'y isang sigwa

katulad rin ito ng nangyaring Edsa Tres
mga dukha sa bansa'y nagkabigkis-bigkis
tila nagkakaisang burgesya'y maalis
sa pamahalaang nais nilang luminis

parehong pagkilos nang dukha'y magkaisa
mga kilos-protestang bukal ng pag-asa
nang makaahon sa kahirapan ang masa
ngunit nadurog ang parehong pag-aalsa

Miyerkules, Mayo 19, 2010

Duguan Pa ang Dilaw na Laso


DUGUAN PA ANG DILAW NA LASO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang duguan pa rin ang dilaw na laso
di nagmamaliw ang duguang batik nito
kahit na sa bansa'y may bago nang pangulo
may magagawa nga kaya ang isang ito

talagang duguan pa rin ang lasong dilaw
sa dibdib tila naroon pa ang balaraw
nakatarak pa nang di tayo makagalaw
gayong mga obrero sa hustisya'y uhaw

ang lasong dilaw hanggang ngayon ay duguan
at wala pang nananagot sa kahibangan
ng mga pumaslang ng aping mamamayan
ang dulot ng lasong dilaw ay kamatayan

hustisya, hustisya sa mga manggagawa
sa Asyenda Luisitang dulot ay luha
hanggang ngayon marami pa ring manggagawa
ang doon ay nananangis, kinakawawa

Bagong Gobyerno'y Walang Pondo


BAGONG GOBYERNO'Y WALANG PONDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

walang pera, anang susunod na pangulo
sa kabangyaman ng papalitang gobyerno
napakalaki ng kakulangan sa pondo
tanong namin: ninakaw ba ang mga ito?

mamanahin niyang gobyerno'y walang pera
kinurakot na kaya ng trapong maldita
pera ng bayan ang ginastos sa kampanya?
ito'y karaniwang tanong ng dukhang masa

nakaraang administrasyon ay nag-iwan
ng malaking kakulangan sa kabangyaman
kakulangang ito'y paano ngayon pupunan
maliban sa pangakong buwis tatapalan

kung nasingil lang daw ng tama ng gobyerno
at hindi naibubulsa ang mga pondo
tiyak, budget deficit ay hindi lolobo
ito ang pahayag ni Pangulong Aquino

tulad ng ipinangako noong kampanya
ilan sa tampok sa kanyang mga programa
ay paglaban sa katiwalian ang una
at nang agad matulungang lubos ang masa

"kung walang corrupt, aba'y walang maghihirap"
ayon kay Noynoy na tumalo na kay Erap
bilang pangulo, kaya siya'y nagsisikap
na ang katiwalian ay mawalang ganap

Martes, Mayo 18, 2010

Binuhay Mo Ako, Sinta

BINUHAY MO AKO, SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat namatay na ako noon pa
dahil puso ko'y kaytagal nang patay
ngunit nang ikaw'y masilayan ko na
ano't ramdam ko'y kaysarap mabuhay

puso ko'y unti-unting pumintig
tandang aking buhay ay nagbabalik
binuhay ako ng iyong pag-ibig
gawaran mo sana ako ng halik

namatay kong puso'y biglang nagbangon
nais makalipad, lulukso-lukso
ikaw na nga ang aking inspirasyon
kaypalad ko na sa buhay na ito

sinta ko, binuhay mo akong muli
ikaw sana sa puso ko'y maglagi

Lunes, Mayo 17, 2010

Buhay ng Manunulat

BUHAY NG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Nung baguhan pa lang akong magsulat
Ako'y agad tutunganga sa papel
Kahit ako'y wala pang isusulat
Habang tangan ko sa kamay ang pinsel

Ngunit nang ako'y maging manunulat
Di na ako tumunganga sa papel
Pagkat binalangkas ang isusulat
Habang nag-iisip wala mang pinsel

Ngayong kaytagal ko nang manunulat
Minsan tutunganga pa rin sa papel
Habang nasa diwa'y isinusulat
At sa kompyuter na ipinapaskel

Nanliligaw o Naliligaw?

NANLILIGAW O NALILIGAW?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako nga ba'y nanliligaw o naliligaw
dilag ba'y madadala doon sa batingaw
ng altar sa kasalang di pa matanaw
magtatagumpay ba ako o matutunaw

Pula ang Kulay ng Pag-asa

PULA ANG KULAY NG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

walang tayong maaasahan
sa nanalong hukbong dilawan
sarili ang nakikinabang
at di ang buong sambayanan

serbisyo nila'y kulang-kulang
habang sila ang yumayaman
serbisyo'y negosyo na lamang
ng mga pulitikong iyan

sa kanila'y wala ang bayan
kundi ang pinagtutubuan
sa kanila'y kawawa lamang
itong ating kinabukasan

ang tangi nating aasahan
ay ang lumalabang pulahan
tunay na kakampi ng bayan
silang babago ng lipunan

pula ang pag-asa ng bayan
pula ang kulay ng paglaban
pula ang ating karangalan
at pula ang paninindigan

Linggo, Mayo 16, 2010

Sa Pagkatalo nina Grace Padaca at Among Ed

SA PAGKATALO NINA GRACE PADACA AT AMONG ED
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tatlong taon ang lumipas nang kayo'y nanalo
sa pagka-gobernador diyan sa bayan ninyo
ibinagsak ninyo ang paghahari ng trapo
at sila'y inilampaso ng mga bumoto

kaya sa tatlong taon ninyong panunungkulan
ay maraming nagalit na mga mayayaman
habang pinupuri kayo nitong mamamayan
pagkat kayganda ng rekord na inyong iniwan

ngunit ngayong halalan, kayo na'y di nagwagi
pawang elitista na ang sa inyo'y gumapi
sa bawat halalan, gumagana ang salapi
nandudurog, lumalapa ng sinumang lipi

ngunit huwag damdamin ang inyong pagkatalo
hanga pa rin kami sa mga nagawa ninyo
kayrami pa rin naming naniniwala rito
kaya ituloy nyo ang laban para sa tao

huwag kayong aayaw at naririto kami
patuloy pa rin kayong sa bayan ay magsilbi
halina't ibagsak na ang mga trapong imbi
halina't ibagsak pa ang mga trapong imbi

Noon, Pangulong Marcos, Senador Aquino; Ngayon, Pangulong Aquino, Senador Marcos

NOON, PANGULONG MARCOS, SENADOR AQUINO;
NGAYON, PANGULONG AQUINO, SENADOR MARCOS

ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

dalawang pamilyang kilala sa kasaysayan
dalawang pamilyang noon pa ay magkalaban
noon, mga ama yaong namuno sa bayan
ngayon, mga anak nila'y pinuno ng bayan

noon, Pangulong Marcos at Senador Aquino
ang isa'y pangulo, ang isa'y kinalaboso
isa'y nakadalawangpung taon sa gobyerno
isa'y namatay sa tarmak, binaril sa ulo

ngayon, Pangulong Aquino at Senador Marcos
labanan ng pamilya'y kailan matatapos
paglilingkod ba nila sa bayan malulubos
o maggagantihan ba sa bayang binusabos

kapalaran ba nila'y magbabagong tuluyan
historya ba'y mauulit sa ibang paraan
patatalsikin si Aquino ng taumbayan
pag pinaslang naman si Marcos sa paliparan

ito'y haka-haka lamang ng makatang aba
nang mapansing pwesto ng mga anak at ama
ay nagbaligtad ngayong kaharap nila'y masa
maaari nga bang magbaligtad ang historya?

hindi ko hinihinging dalawa'y magkasundo
ang nais ko lamang sa isip nila'y tumimo
maglingkod silang totoo ngayong nakaupo
kung ayaw nilang bayan sa kanila'y gumupo

Hindi Dilaw ang Pag-asa

HINDI DILAW ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ngayong nanalong ulo'y dilawan
siya ba ang ating aasahan
siya ba ang pag-asa ng bayan
at tayo ba'y may patutunguhan

pagbabagong tunay ang hangarin
ng mamamayang inaalipin
ng sistemang nais pang pigain
ang ating lakas-paggawang angkin

walang maaasahan sa dilaw
lalo't kung ulo'y tulad ng bangaw
baka asahan pa'y lutong makaw
at sa dayo tayo pa'y mabugaw

hindi, hindi dilaw ang pag-asa
pagkat ang pag-asa'y nasa pula
pula'y kulay ng pakikibaka
pula ang babago ng sistema

Sabado, Mayo 15, 2010

Walang Kapayapaan Hangga't May Uri

WALANG KAPAYAPAAN HANGGA'T MAY URI
(Peace among nations, war between classes)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maaaring magkaroon ng kapayapaan
kung magkakasundo yaong bansang naglalaban
ngunit di natin kakamtin ang kapayapaan
hangga't may mga uri pa sa sandaigdigan

bansa'y magkakasundo, ang mga uri'y hindi
sa lipunan dapat isang uri ang mapawi
kapayapaan sa bansa'y mapapanatili
ngunit ang mga uri'y laging magkatunggali

kung nais natin ng tunay na kapayapaan
tanggalin natin ang mga uri sa lipunan
dahil hangga't may mga uring naglalabanan
di natin matatamo ang ating inaasam

hangga't may uri sa lipunan, may naaapi
may mga inaalipin at may nang-aapi
sigaw ng mang-aapi sa dukha'y "tsupi! tsupi!"
at sabi ng dukha'y "lintik lang ang walang ganti!"

kung kapayapaan ay nais nating matamo
dapat walang mga uri sa lipunang ito
dapat madurog ang mga sakim at bolero
uring manggagawa'y dapat tuluyang manalo

"kapayapaan ang nais ko," sigaw ng bayan
"isang kapayapaang di tulad ng libingan"
ang nais namin ay tunay na kapayapaan
na ang saligan nito'y hustisyang panlipunan

'For a Cause' at hindi 'For a Cost'

'FOR A CAUSE' at hindi 'FOR A COST'
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kami’y nakibaka di para sa salapi
kundi upang palayain namin ang uri
iligtas itong bayan sa pagkalugami
masa’y sagipin sa burgesyang naghahari

kami’y lumalaban pagka't ito'y 'for a cause'
upang masa'y lumaya sa pagkabusabos
ang aming pakikibaka'y hindi 'for a cost'
na tulad ng halimbawa ng trapong bastos

'for a cause' pagkat ang layunin ay dakila
sa bulok na sistema, masa’y mapalaya
dudurugin ang kapitalistang kuhila
itatayo ang lipunan ng manggagawa

yaong 'for a cost' ay kakampi ng burgesya
nakaluhod sa mga haring elitista
mga tuta ng buwayang kapitalista
at sinasamba’y yaong mapagsamantala

naniniwala kaming uring manggagawa
ang dito sa mundo'y dapat nang mamahala
sila itong bumuhay sa mundo't lumikha
silang may angkin ng bisig na mapagpala

kapangyarihan ng kapitalista'y pilak
na sa bangko't gobyerno'y kanilang inimbak
sa dignidad ng tao, sila ang yumurak
nasa pedestal sila, masa’y nasa lusak

bisig yaong gamit nitong mga obrero
sa pang-araw-araw nilang pagtatrabaho
binubuhay nila ang bayan at gobyerno
ngunit sila pa'y api't kaybaba ng sweldo

'for a cost' mag-isip itong kapitalista
laging nasa isip ay tumubo ang pera
ngunit 'for a cause' kaming mga aktibista
kalayaan ng uri ang prinsipyong dala

pigang-piga na ang manggagawang hikahos
na lakas-paggawa'y laging binubusabos
manggagawa'y dapat nang mag-isip, kumilos
tunggalian ng uri’y sila ang tatapos

tanggalin na sa mapang-api't naghahari
ang pribilehiyong pribadong pag-aari
makibaka't itanghal ang dangal ng uri
at lipunan ng manggagawa'y ipagwagi

Biyernes, Mayo 14, 2010

Ang Tahimik na Tibak

ANG TAHIMIK NA TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

hindi lahat ng tibak ay nag-iingay
pag nasa lansangang ang rali ay panay
sa pakikibaka sila ay nagsisikhay
upang makamit ang asam na tagumpay

merong tibak na maingay sa kalsada
meron ding tahimik na nakikibaka
nag-iisip ng tamang estratehiya
pinagninilayan ang wastong taktika

kumikilos siyang kasama ang masa
laya ng masa't uri ang nais nila
paglaya mula sa pagsasamantala
sa sistemang pinairal ng burgesya

minsan kailangang tahimik ang tibak
upang maiwasan niyang mapahamak
upang maituwid ang sistemang lubak
upang ang masa'y di gumapang sa lusak

ang tibak na tahimik sa pagbabasa
ay nagpapakabihasa sa teorya
na armas niya sa pag-oorganisa
sa pagkilos at pagmumulat sa masa

tahimik na tibak ay handang mamatay
pagkat alam niyang handog niya'y buhay
isang paa niya'y naroon sa hukay
habang isa'y hinahakbang sa tagumpay

ang tibak na iyon tatahi-tahimik
ngunit siya pala'y kapara ng lintik
di magsasalita kahit na madikdik
ng mga kalaban mata ma'y tumirik

nakabibingi rin ang katahimikan
lalo't sa dami ng pinagdadaanang
hirap, sakripisyo't pakikipaglaban
upang baguhin ang bulok na lipunan

mag-isa man siya'y alam ang gagawin
upang maipatagos ang simulain
sa masang adhika niyang palayain
siyang mahusay tumupad sa tungkulin

sa tibak na ito'y isang pagpupugay
sa pakikibakang sakbibi ng lumbay
siya'y marespeto't talagang mahusay
ikinikilos ay para sa tagumpay

mananatili siyang maninindigan
siyang laging listo saanmang labanan
siyang taas-noo saanmang larangan
siyang taas-kamaong naninindigan

tibak bang ito'y tahimik ring lilisan?
sa mundong itong kanyang pinag-alayan
ng panahon, pawis, dugo at isipan
nang maitayo'y sosyalistang lipunan

Pagluha ng mga Buwaya sa Katihan

PAGLUHA NG MGA BUWAYA SA KATIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lumuha ang mga buwaya sa katihan
pumanglaw ang buhay, tila nasa karimlan
nang di manalo sa nakaraang halalan
kung sinong pupwestong hari sa kagubatan

mga buwayang lumuha'y pawang mayaman
silang mga elitista sa kabuhayan
pawang may-ari ng maraming pagawaan
at nag-aari rin ng mga sakahan

nanggigigil silang buwaya sa katihan
nais mabawi ang nagastos sa halalan
nais na pag nakapwesto'y lalong yumaman
at manguna rin sa sistemang kalakalan

mga pagluha nila'y ating pabayaan
pagkat lumuha man ng bato'y, e ano naman
mga buwaya silang walang pakialam
sa taumbayang tunay na nahihirapan

pagluha lang iyan ng buwayang talunan
at di naman magbabago silang gahaman
sila'y dapat lang ibagsak ng taumbayan
nang ang sistema nila'y agad mapalitan

sige, lumuha pa kayong mga gahaman
nararapat lang sa inyo ang mga iyan
kaytagal nyong pinahirapan itong bayan
nararapat lang madurog kayong tuluyan

Miyerkules, Mayo 12, 2010

Sa Mga Nanalong Kawatan

SA MGA NANALONG KAWATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ang mga kawatan ay nagbabalikan
nagtagumpay kasing muli sa halalan
nagpasa ng evat, muli'y may upuan
natalong senador, senador na naman

pati pinatalsik sa edsa'y nariyan
muling nakabalik sa kapangyarihan
muling bibilugin ang ulo ng bayan
muling magnanakaw sa kaban ng yaman

mga sinumpang bwitre'y naghahalakhakan
walang kabusugang bwaya'y nagbalikan
mga nanalong trapo'y naglalaklakan
habang talo'y nanggagalaiti naman

sadyang wala pa ring napaparusahan
sa mga kawatan sa pamahalaan
ang ginawa nila'y agad nalimutan
tanong ko lang: Pinoy nga ba'y sadyang ganyan?

Matagal Nang Bulok

MATAGAL NANG BULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matagal nang bulok di pa matapon-tapon
ang sistemang itong wala nang kahulugan
bulok ngunit sa hukay di pa maibaon
umaalingasaw pa ang baho sa bayan

matagal nang bulok masdan mo't inuuod
ang sistemang itong sadyang nakakasuka
tila pamahalaan ay walang gulugod
pagkat binahayan ng mga elitista

matagal nang bulok kaya dapat ilibing
ang sistemang dahilan ng hirap at luha
lipunan ito ng mga pinunong praning
na nagkait sa bayan ng munting ginhawa

palitan na ang lipunang bahid ng bulok
upang sa iba'y di na ito makahawa
ating palitan ang kapitalismong hayok
at itayo na ang lipunang manggagawa

Martes, Mayo 11, 2010

5 Haiku sa Halalan

5 HAIKU SA HALALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

1
Halalan ngayon
At di pa rebolusyon
Para sa nasyon

2
Iboto'y wasto
At iwasto ang boto
Para sa tao

3
Pulos pangako
Na laging napapako
Ang mga tuko

4
Laban sa trapo
Na sadyang tarantado
Ang ating boto

5
Bagong sistema
Ang aming ninanasa
Sa bayang sinta

Halalan at Kamatayan ng Bayani

HALALAN AT KAMATAYAN NG BAYANI
(Mayo 10, 2010 at Mayo 10, 1897)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Kasabay ng halalan ngayon
ay atin ding alalahanin
sandaan labingtatlong taon
ang nakaraan ng yanigin
ang ating pagkamahinahon
nang Supremo'y sadyang paslangin
ng nagtraydor sa rebolusyon

Dahil atas ni Aguinaldo
mga buhay nila'y pinatid
at si Gat Andres Bonifacio
kasama ang kanyang kapatid
na nagngangalang Procopio
sa Bundok Buntis ibinulid
at kamatayan ang natamo

Kasabay ngayon ng halalan
kayraming kandidatong trapo
at hindi mo na rin malaman
kung sila'y talagang seryoso
sila ba'y magpapayaman lamang
maglilingkod pa ba sa tao
o trapong ito ba'y kawatan?

Kung noon bayani'y pinatay
papatayin ng trapo ngayon
ay baka bukas nati't buhay
tayo'y kanilang hinahamon
sa kanila'y huwag bumigay
ating gawin ngayong eleksyon
ang boto'y alagaang tunay

Ngayong Eleksyon

NGAYONG ELEKSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag iboto ang mga duwag
nang buhay nati'y di maging hungkag
nang batas nati'y di nilalabag
nang di umupo'y walang habag

huwag iboto ang mga gago
na isip laging negatibo
imbes na tumulong sa tao
serbisyo'y ginawang negosyo

ibagsak ang mga tiwali
iboto sila'y pagkakamali
kung di kurakot, palahingi
di sila dapat manatili

iboto natin ang nararapat
huwag yaong nagpapakabundat
sa kabang bayan ay sumisilat
at taumbayan ang inaalat

iboto natin ang matitino
sa atin maaring makahango
huwag elitistang maluluho
kundi pangarap nati'y guguho

Linggo, Mayo 9, 2010

Salamat, Ara Mina, Diyosa


SALAMAT, ARA MINA, DIYOSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tinititigan ko ang mukha sa magasin
totoong kayganda niya't ng ngiting angkin
yaong magasin nga'y nais ko sanang bilhin
ngunit walang perang pambiling babasahin

marapat sambahin ang kaygandang diyosa
siya ang nasa puso ko't isip tuwina
sinasambit-sambit ko nga ang ngalan niya
larawan lang, sa harapan ko'y wala siya

kaygandang Ara Mina, ako'y binihag mo
ngunit hanggang pangarap lang kita, alam ko
gayunman, naging inspirasyon kang totoo
upang magsipag ako't magsikap ng todo

maraming salamat, Ara Mina, sa ngiti
alam kong ngiti mo'y di isang palamuti
pinagaan mo ang diwa, loob ko't budhi
inspirasyon kang sa puso’y di mapapawi

Sa Araw ng mga Ina

SA ARAW NG MGA INA
(HAPPY MOTHER'S DAY)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minamahal naming ina, dakila kayo
kayong nagluwal sa aming mga anak nyo
kung wala kayo, kami kaya’y naririto?
wala, wala kami, ina, kung wala kayo!

kaya kami sa araw ninyo’y nagpupugay
pagkat kayo’y kasama sa saya at lumbay
liwanag kayong nagbigay aral at gabay
sa amin, mabigo man kami’t magtagumpay

kami’y hinugot ngunit di sa inyong tadyang
kami’y hinugot sa inyong sinapupunan
kaming sanggol sa loob ng siyam na buwan
na minahal nyo’t talagang inalagaan

salamat po sa inyo, ina naming mahal
mahal namin kayong sa amin ay nagluwal
at umukit ng aming pagkatao’t dangal
marapat lang kayong iluklok sa pedestal

Sabado, Mayo 8, 2010

Tanaga sa Pagbangon

TANAGA SA PAGBANGON
ni Greg Bituin Jr.

pagbabago ang hamon
sa obrero at nasyon
manggagawa'y babangon
adhika'y rebolusyon

Biyernes, Mayo 7, 2010

Mensahe sa Praning

MENSAHE SA PRANING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

astig ka pala't hari ng lansangan
sa kapwa tao'y isang lapastangan
bakit ka ba naging isang sukaban
at dukha'y hinahamak mong tuluyan

pulos droga ang iyong pinuhunan
sinisira mo pati kabataan
inaapi pati kababaihan
krimen ang iyong pinagbibidahan

nasa utak lagi'y pagpapayaman
kahit na mangyurak ng karapatan
bawat negosyo'y dapat pagtubuan
kahit ang kapwa'y pinagtutubuan

langit ba ang iyong pinanggalingan
kaya kapwa'y pinagmamataasan
ari mo pala'y laksang kayamanan
madadala mo ba sa langit iyan

kung di ka nagmula sa kalangitan
impyerno ba ang iyong pinagmulan
kaya mahilig pagsamantalahan
ang iyong kapwa't mga kababayan

payo ko'y magbago ka ng tuluyan
upang kapwa mo'y di mo sinasaktan
kundi'y lalaban kami ng sabayan
upang kagaguhan mo'y mapigilan

Maghanda Nang Di Mapahiya

MAGHANDA NANG DI MAPAHIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang mga taong hindi handa
kadalasang napapahiya
nanginginig ang puso't diwa
kaya uuwing lumuluha

tila sila napariwara
pati pagkatao'y nawala
pakiramdam nila'y kawawa
sa mata ng naroong madla

kaya sa susunod, maghanda
nang hindi naman mabibigla
mahirap muling mapahiya
at baka lalong matulala

Miyerkules, Mayo 5, 2010

Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap?

KUNG WALANG CORRUPT, WALANG MAHIRAP?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung walang corrupt, walang mahirap
kung may corrupt, aba'y may yumaman
kinurap nila'y tinagong ganap
kinurap nila kaya'y nasaan?

kung walang corrupt, walang mahirap
ito'y isang magandang islogan
ng kandidatong di naghihirap
kundi talaga namang mayaman

kung walang corrupt, walang mahirap
ito ba'y di kasinungalingan
bakit kayrami pa ring mahirap
gayong di corruption ang dahilan

kayraming dinemolis nang ganap
kayraming nawalan ng tahanan
kayraming dukhang di nililingap
at lupa nila'y pinag-agawan

kayrami nang di na nangarap
na sila sa buhay ay aalwan
nabuhay daw silang naghihirap
hanggang sa kanilang kamatayan

manggagawa'y laging nagsisikap
sa trabahong pinaghaharian
ng mga kapitalistang corrupt
lakas-paggawa'y pinagtubuan

pati magsasaka'y naghihirap
gayong kanila ngang pinagyaman
ang mga lupa, ngunit nalasap
nila'y dusa, luha't karukhaan

kahit walang corrupt, di mahirap
ang bayang itong pinagyayaman
ng mga obrerong nagsisikap
upang pamilya'y mabuhay lamang

maraming yumaman dahil corrupt
at walang pakialam sa bayan
prinsipyo'y ipinagbiling ganap
sa mga elitistang gahaman

dapat silang talupan sa harap
ng bayang itong nilapastangan
nilang sadyang mga mapagpanggap
at sanhi ng ating kahirapan

Tatapusin Daw Ang Kahirapan

TATAPUSIN DAW ANG KAHIRAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tatapusin na raw niya ang kahirapan
ito ang sabi ng kandidatong mayaman
sa media'y kanyang ipinangangalandakan
ito ang sa masa'y pinangakong tuluyan

sa dagat ng basura'y nakaligo ka ba?
at nakatulog ka na rin ba sa kalsada?
maysakit na kapatid ba'y namatayan na?
pambobola ng kandidato'y ramdam na ba?

nagpagawa ng bahay, nagbenta ng lote
pinagtutubuan sinumang makabili
hanggang sa yumaman ang pamilya't sarili
sa kanya kaya, ikaw ba'y napapakali?

kaymahal ng kanyang bahay para sa dukha
sadyang di abot-kaya nitong maralita
tadtad ng pangako ang di-botanteng bata
habang walang mapangako sa manggagawa

ginamit sa propaganda ang mga bata
sa radyo't telebisyon, pangako'y ginhawa
basta't maboto siya'y wala na raw dukha
at mga trabaho raw sa masa'y babaha

ang kahirapan daw ay kanyang tatapusin
nang di sinasabi paano nya gagawin
paano ba wawakasan ang hirap natin
ito ba'y salita lang, di kayang tuparin

isinisigaw niya'y sipag at tiyaga
ang dahilan kaya yumaman siyang bigla
ngunit bakit kayraming nawalan ng lupa
dahil gustong yumaman, iba'y kinawawa?

grabe nang mambola ang mga kandidato
para makuha lang ang ating mga boto
binibilog nila ang ating mga ulo
tinatahak natin ang landas ng bolero

tulad ba niya'y karapat-dapat ihalal
o baka tulad ng iba'y isa ring hangal
mabulaklak ang dila ngunit amoy kanal
tila bayan ay ibubulid sa imburnal

ang kahirapan nga ba'y kanyang matatapos
kung paano ito'y di nya masabing lubos
tila ba sa katwiran siya'y kinakapos
basta raw ito ang pangako niya, Tapos!

Ang Trapo Kung Mang-uto

ANG TRAPO KUNG MANG-UTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pinasasarap nila ang bawat pangako
sadyang tinitimplahan upang malasahan
ng sinumang akala nila'y mauuto
upang manalo lamang sila sa halalan

ganyan ang mga trapong kapara'y hunyango
sambayanan ang kanilang binubudburan
ng asin ng pangakong madalas mapako
at ang masakit, pako na'y kinakalawang

dapat ibagsak iyang trapong nang-uuto
nais lang nilang sa atin ay makalamang
masa'y balewala na pag sila'y naupo
serbisyo'y negosyo pala ng mga hunghang

kaya kilalanin ang mga kandidato
uriin sila kung sila'y para sa masa
kilatising mabuti iyang mga trapo
bago sambayanan ay muling mabiktima

tulatext - Iboto ang Nasa Budhi

IBOTO ANG NASA BUDHI (tulatext)
ni greg bituin jr.
8 pantig bawat taludtod

pera'y pinamamahagi
ng trapong mapagkunwari
tanggapin mo ang salapi
na kinurakot ng imbi
iboto ang nasa budhi
ng bukas ay di lugami

Lunes, Mayo 3, 2010

Una Kong Pamamaalam

UNA KONG PAMAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

1
Malugod kong inihahandog sa sambayanan ang buhay ko’t bisig
Upang baguhin ang lipunan at sa sinuman ay di palulupig
Kalakip ang prinsipyong sa pagkakapantay ng lahat nasasalig
Kasama ng maraming aktibistang sariling dugo’y idinilig
Ito ako, mga kaibigan, kasama, pamilya, iniibig

2
Ako’y nalulugmok habang nakikitang ang bayan ay nagdurusa
Habang nagpapasasa sa yaman ang iilang trapo’t elitista
Magpapatuloy akong lingkod nyo sa larangan ng pakikibaka
Habang tangan-tangan ko sa puso’t diwa ang prinsipyong sosyalista
Ako’y handang mamatay sa paglaban sa uring mapagsamantala

3
Mamamatay akong nababanaag ko ang tagumpay ng obrero
Laban sa kasakiman nitong masibang sistemang kapitalismo
Mamamatay akong nakikibaka laban sa kayraming berdugo
Na nagpapayaman sa dugo’t pawis ng manggagawa’t dukhang tao
Aktibista akong lalaban hanggang dulo, lalabang taas-noo

4
Noong ako’y musmos pa’t bagong nagkakaisip, aking pinangarap
Na upang umunlad sa buhay na ito, ako’y sadyang magsisikap
Magsisipag ako sa trabaho’t babatahin ang lahat ng hirap
Ngunit habang lumalaki’y napagtanto kong kayraming mapagpanggap
Habang sanlaksa ang dukhang kahit konting ginhawa’y di maapuhap

5
Sa eskwelahan, pinag-aralan ko ang historya’t matematika
Pinag-aralan pati na agham, wika, panitikan, at iba pa
Natutunan kong nabibili ang edukasyon ng mga maykaya
Kaybaba ng sahod ng manggagawa, walang lupa ang magsasaka
Ang babae’y api, demolisyon sa dukha, habol ang manininda

6
Sa mura kong isipan noon, kayraming umuukilkil na tanong
Bakit kayrami ng dukha, at may iilang nagpapasasang buhong
Kaya sa paglaon, sa mga naghihirap, pinili kong tumulong
Laban sa kasakiman ng iilan na bayan na ang nilalamon
Sa kabulukan nila, ang sigaw ng pagbabago’y nagsilbing hamon

7
Sa sarili kong paraan, tumulong akong sa puso’y may ligaya
Hanggang sa kalaunan, ang lipunang ito’y pinag-aralan ko na
Sumama ako sa mga rali at naging ganap na aktibista
Pinasok ang paaralan, mga komunidad at mga pabrika
Sa puso’t diwa’y sigaw: babaguhin natin ang bulok na sistema

8
Nag-organisa’t nagsulat akong sa puso’y may namumuong galit
Sa sistema ng lipunang sa ating kapwa tao’y sadyang kaylupit
Napakaraming isyung laging ang tanong ko sa isipan ay bakit
Bakit tinanggal kayo sa pabrika, bakit ang lupa nyo’y inilit
Bakit nauso ang kontraktwalisasyon, bakit mundo’y pawang pasakit

9
Tiniis kong lahat kahit mawalay pa sa kinagisnang pamilya
Tiniis pati pagod, bugbog at pukpok sa gaya kong aktibista
Tiniis ang gutom, kawalang pera, basta’t makaugnay sa masa
Dahil ako’y aktibistang nakibaka upang kamtin ang hustisya
Para sa manggagawa’t dukha tungo sa pagbabago ng sistema

10
Halina’t pagsikapan nating itayo ang lipunang makatao
Gibain na natin ang mga dahilan ng kaapihan sa mundo
Pangunahing wawasakin ang relasyon sa pag-aaring pribado
At iaangat sa pedestal ang hukbong mapagpalayang obrero
Habang dinudurog ang mga labi ng sistemang kapitalismo

11
Pagpupugay sa lumilikha ng yaman, kayong uring manggagawa
Magkaisang tuluyan kayong ang taguri’y hukbong mapagpalaya
Magkabuklod kayong lagutin ang nakapulupot na tanikala
Magkapitbisig kayong durugin ang elitista’t burgesyang diwa
Pagkat nasa mga kamay nyo ang pag-asa ng masang kinawawa

12
Sa tunggaliang ito’y may mga magagapi’t may magtatagumpay
Ngunit kung sakali mang sa labanang ito’y tanghalin akong bangkay
Ako’y nakahanda na sa pagtigil sa mahaba kong paglalakbay
Pagkat natapos na rin sa wakas ang buhay kong sakbibi ng lumbay
Sa oras na iyon, panahon nang katawan kong pagal ay humimlay

13
Di na mahalaga kung mga tulad ko’y tuluyang malimutan na
Basta’t mabuhay pa rin ang pangarap nating sosyalismo sa masa
Kung sakaling mabuhay ako dahil sa tula ng pakikibaka
Ipinagpapasalamat ko itong labis sa mga nagbabasa
Na ako pala’y nakatulong magmulat kahit sa mundo’y wala na

14
Paalam, mga kasama, kapatid, kapamilya, at kaibigan
Mananatili akong sosyalista sa aking puso at isipan
Mamamatay akong aktibista, kahit na ako’y abang lilisan
Taas-kamao akong aalis nang walang bahid ng kahihiyan
Paalam, paalam, magpatuloy man ang mga rali sa lansangan

Aktibista Kami, Hindi Pulubi

AKTIBISTA KAMI, HINDI PULUBI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

aktibista kami, hindi pulubi
aktibistang sa bayan nagsisilbi
ngunit bakit kinakawawa kami
turing sa amin ay mistulang api

tinanggap namin ang buhay na kapos
upang ipaglaban ang masa't musmos
dumidiskarte kami ng panustos
ngunit hindi kami namamalimos

sapagkat kami'y mga aktibista
dahil sa prinsipyo'y nagsama-sama
naglilingkod kaming tapat sa masa
sama-sama kaming nakikibaka

aktibista't pulubi'y naghihirap
ngunit magkaiba sila nang ganap
isa'y bagong sistema ang pangarap
habang isa'y pawang limos ang hanap

aktibista kami, hindi pulubi
kahit kung minsan, nanghihingi kami
yaon naman ay hindi pansarili
kundi panggagastos sa mga rali

pagkat ang rali'y mahalagang porma
ng aming pagkilos, pakikibaka
bagong sistema ang inaanyaya
ng mga tulad naming aktibista

aktibistang para sa manggagawa
at hindi pulubing kinakawawa
aktibistang sosyalismo'y adhika
at hindi pulubing prinsipyo'y wala

aktibistang para sa sambayanan
at hindi pulubing niluluraan
aktibistang handa na sa paglaban
at hindi pulubing niyuyurakan

kung nais mong tumulong, tumulong ka
huwag ka nang magdalawang-isip pa
samahan kami sa pakikibaka
hanggang ganap na manalo ang masa

aktibista kami, hindi pulubi
prinsipyo nami'y di ipinagbibili
sa pakikibaka'y nariyan kami
handang ipagtanggol ang masang api

Linggo, Mayo 2, 2010

Sugatan sa Protesta

SUGATAN SA PROTESTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang ulit na bang manggagawa'y di mapakali
dahil namumuno sa bayan ay di nagsisilbi

pag sila'y nagpoprotesta sa maling patakaran
tubig ng bumbero ang handog ng pamahalaan

bilang aktibista'y marapat akong makiisa
sa pagkilos nila'y di pwedeng di ako kasama

hawak ang plakard na ang mensahe'y tumatagos
sa puso ng nakakaunawa't binubusabos

susugod na sa Mendiola o kaya'y sa Kongreso
nang maparating namin ang mensahe sa gobyerno

ngunit kung ang gobyerno'y di nagsisilbi sa bayan
duduruging pilit yaong lakas ng sambayanan

maraming nasasaktan, maraming nagkakapilay
karapatang magpahayag, mistulang gerang tunay

duguan ang plakard, may namatay, may naapakan
ngunit uring manggagawa'y tunay na lumalaban

para sa karapatan, para sa bayang matino
para sa hustisya, tumilamsik ang dugo

ilang ulit na ba akong nasugatan sa rali
nagkagalos at sugat man, di ako nagsisisi

dahil ang pagsama ko'y pagsama sa kasaysayan
tungo sa isang sistemang dapat lang mapalitan

mga sumama sa protesta'y nanindigang tunay
para sa tunay na pagbabago't magandang buhay

Sabado, Mayo 1, 2010

Mga Trapong Hunyango

MGA TRAPONG HUNYANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa kampanyahan ay kaybibilis
kung mangako sila'y kaytatamis
nag-aastang pawang malilinis
ang puso ng mga petiburges
gayong pawang sariling interes
ang pinaggagawa nilang labis
pag sa tubo'y humahagibis
silang trapong hunyango ang bihis
ang sa masa itong umaamis
pag naupo'y dapat lang maalis