Miyerkules, Mayo 5, 2010

Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap?

KUNG WALANG CORRUPT, WALANG MAHIRAP?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung walang corrupt, walang mahirap
kung may corrupt, aba'y may yumaman
kinurap nila'y tinagong ganap
kinurap nila kaya'y nasaan?

kung walang corrupt, walang mahirap
ito'y isang magandang islogan
ng kandidatong di naghihirap
kundi talaga namang mayaman

kung walang corrupt, walang mahirap
ito ba'y di kasinungalingan
bakit kayrami pa ring mahirap
gayong di corruption ang dahilan

kayraming dinemolis nang ganap
kayraming nawalan ng tahanan
kayraming dukhang di nililingap
at lupa nila'y pinag-agawan

kayrami nang di na nangarap
na sila sa buhay ay aalwan
nabuhay daw silang naghihirap
hanggang sa kanilang kamatayan

manggagawa'y laging nagsisikap
sa trabahong pinaghaharian
ng mga kapitalistang corrupt
lakas-paggawa'y pinagtubuan

pati magsasaka'y naghihirap
gayong kanila ngang pinagyaman
ang mga lupa, ngunit nalasap
nila'y dusa, luha't karukhaan

kahit walang corrupt, di mahirap
ang bayang itong pinagyayaman
ng mga obrerong nagsisikap
upang pamilya'y mabuhay lamang

maraming yumaman dahil corrupt
at walang pakialam sa bayan
prinsipyo'y ipinagbiling ganap
sa mga elitistang gahaman

dapat silang talupan sa harap
ng bayang itong nilapastangan
nilang sadyang mga mapagpanggap
at sanhi ng ating kahirapan

Walang komento: