Miyerkules, Mayo 5, 2010

Ang Trapo Kung Mang-uto

ANG TRAPO KUNG MANG-UTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pinasasarap nila ang bawat pangako
sadyang tinitimplahan upang malasahan
ng sinumang akala nila'y mauuto
upang manalo lamang sila sa halalan

ganyan ang mga trapong kapara'y hunyango
sambayanan ang kanilang binubudburan
ng asin ng pangakong madalas mapako
at ang masakit, pako na'y kinakalawang

dapat ibagsak iyang trapong nang-uuto
nais lang nilang sa atin ay makalamang
masa'y balewala na pag sila'y naupo
serbisyo'y negosyo pala ng mga hunghang

kaya kilalanin ang mga kandidato
uriin sila kung sila'y para sa masa
kilatising mabuti iyang mga trapo
bago sambayanan ay muling mabiktima

Walang komento: