Miyerkules, Mayo 5, 2010

Tatapusin Daw Ang Kahirapan

TATAPUSIN DAW ANG KAHIRAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tatapusin na raw niya ang kahirapan
ito ang sabi ng kandidatong mayaman
sa media'y kanyang ipinangangalandakan
ito ang sa masa'y pinangakong tuluyan

sa dagat ng basura'y nakaligo ka ba?
at nakatulog ka na rin ba sa kalsada?
maysakit na kapatid ba'y namatayan na?
pambobola ng kandidato'y ramdam na ba?

nagpagawa ng bahay, nagbenta ng lote
pinagtutubuan sinumang makabili
hanggang sa yumaman ang pamilya't sarili
sa kanya kaya, ikaw ba'y napapakali?

kaymahal ng kanyang bahay para sa dukha
sadyang di abot-kaya nitong maralita
tadtad ng pangako ang di-botanteng bata
habang walang mapangako sa manggagawa

ginamit sa propaganda ang mga bata
sa radyo't telebisyon, pangako'y ginhawa
basta't maboto siya'y wala na raw dukha
at mga trabaho raw sa masa'y babaha

ang kahirapan daw ay kanyang tatapusin
nang di sinasabi paano nya gagawin
paano ba wawakasan ang hirap natin
ito ba'y salita lang, di kayang tuparin

isinisigaw niya'y sipag at tiyaga
ang dahilan kaya yumaman siyang bigla
ngunit bakit kayraming nawalan ng lupa
dahil gustong yumaman, iba'y kinawawa?

grabe nang mambola ang mga kandidato
para makuha lang ang ating mga boto
binibilog nila ang ating mga ulo
tinatahak natin ang landas ng bolero

tulad ba niya'y karapat-dapat ihalal
o baka tulad ng iba'y isa ring hangal
mabulaklak ang dila ngunit amoy kanal
tila bayan ay ibubulid sa imburnal

ang kahirapan nga ba'y kanyang matatapos
kung paano ito'y di nya masabing lubos
tila ba sa katwiran siya'y kinakapos
basta raw ito ang pangako niya, Tapos!

Walang komento: