'FOR A CAUSE' at hindi 'FOR A COST'
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kami’y nakibaka di para sa salapi
kundi upang palayain namin ang uri
iligtas itong bayan sa pagkalugami
masa’y sagipin sa burgesyang naghahari
kami’y lumalaban pagka't ito'y 'for a cause'
upang masa'y lumaya sa pagkabusabos
ang aming pakikibaka'y hindi 'for a cost'
na tulad ng halimbawa ng trapong bastos
'for a cause' pagkat ang layunin ay dakila
sa bulok na sistema, masa’y mapalaya
dudurugin ang kapitalistang kuhila
itatayo ang lipunan ng manggagawa
yaong 'for a cost' ay kakampi ng burgesya
nakaluhod sa mga haring elitista
mga tuta ng buwayang kapitalista
at sinasamba’y yaong mapagsamantala
naniniwala kaming uring manggagawa
ang dito sa mundo'y dapat nang mamahala
sila itong bumuhay sa mundo't lumikha
silang may angkin ng bisig na mapagpala
kapangyarihan ng kapitalista'y pilak
na sa bangko't gobyerno'y kanilang inimbak
sa dignidad ng tao, sila ang yumurak
nasa pedestal sila, masa’y nasa lusak
bisig yaong gamit nitong mga obrero
sa pang-araw-araw nilang pagtatrabaho
binubuhay nila ang bayan at gobyerno
ngunit sila pa'y api't kaybaba ng sweldo
'for a cost' mag-isip itong kapitalista
laging nasa isip ay tumubo ang pera
ngunit 'for a cause' kaming mga aktibista
kalayaan ng uri ang prinsipyong dala
pigang-piga na ang manggagawang hikahos
na lakas-paggawa'y laging binubusabos
manggagawa'y dapat nang mag-isip, kumilos
tunggalian ng uri’y sila ang tatapos
tanggalin na sa mapang-api't naghahari
ang pribilehiyong pribadong pag-aari
makibaka't itanghal ang dangal ng uri
at lipunan ng manggagawa'y ipagwagi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento