Sabado, Mayo 15, 2010

Walang Kapayapaan Hangga't May Uri

WALANG KAPAYAPAAN HANGGA'T MAY URI
(Peace among nations, war between classes)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maaaring magkaroon ng kapayapaan
kung magkakasundo yaong bansang naglalaban
ngunit di natin kakamtin ang kapayapaan
hangga't may mga uri pa sa sandaigdigan

bansa'y magkakasundo, ang mga uri'y hindi
sa lipunan dapat isang uri ang mapawi
kapayapaan sa bansa'y mapapanatili
ngunit ang mga uri'y laging magkatunggali

kung nais natin ng tunay na kapayapaan
tanggalin natin ang mga uri sa lipunan
dahil hangga't may mga uring naglalabanan
di natin matatamo ang ating inaasam

hangga't may uri sa lipunan, may naaapi
may mga inaalipin at may nang-aapi
sigaw ng mang-aapi sa dukha'y "tsupi! tsupi!"
at sabi ng dukha'y "lintik lang ang walang ganti!"

kung kapayapaan ay nais nating matamo
dapat walang mga uri sa lipunang ito
dapat madurog ang mga sakim at bolero
uring manggagawa'y dapat tuluyang manalo

"kapayapaan ang nais ko," sigaw ng bayan
"isang kapayapaang di tulad ng libingan"
ang nais namin ay tunay na kapayapaan
na ang saligan nito'y hustisyang panlipunan

Walang komento: