Huwebes, Mayo 27, 2010

Sa Pagbuga ng Tubig at Apoy

SA PAGBUGA NG TUBIG AT APOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ilang beses nang sa rali'y bumuga ng tubig
ilang beses nang sa rali tayo ay nanginig
ngunit sa kanila, tayo'y di nagpapalupig
pagkat tangan natin ang ating prinsipyo't tindig

ilang beses nang sa bansa'y bumuga ng apoy
pawang mga bala sa biktima'y isinaboy
ilang beses nang may ibinaon sa kumunoy
pagkat binaril ng kung sinong di pa matukoy

apoy man o tubig, pag bumuga'y parang sigwa
napapaso o nalulunod, kinakawawa
ang mga biktima't dinulot ay dusa't luha
nanggagalaiti ang bayan sa may pakana

sa pagbuga ng tubig at apoy, nararapat
na pinagmulan nito't madurog at masilat
kaya tayong mga tibak ay dapat mag-ingat
bago silang mga bwitre'y tuluyang mabundat

Walang komento: