Miyerkules, Mayo 26, 2010

Ambulansyang De Paa

AMBULANSYANG DE PAA
(Pagpupugay kay Kara David, reporter ng GMA7 na tumanggap ng Peabody Award dahil sa kanyang makabagbag-damdaming dokumentaryong "Ambulansyang De Paa")
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I

sa Mindoro'y merong ambulansyang de paa
maysakit sa bundok sa duyan pasan nila
upang sa pagamutan sa bayan madala
at maipagamot ang minamahal nila

kilo-kilometro ang layo ng lakbayin
ilang bundok pa ang kanilang tatawirin
ambulansyang de paa kung sila'y tawagin
magsagip ng buhay ang kanilang layunin

makikita ritong manggagamot ay kulang
sa mga liblib na pook sa kabundukan
ngunit ito ba'y paano malulunasan
na magkaroon ng doktor sa kalibliban

maraming maysakit paano gagamutin
ang ambulansyang de paa'y napapagod din
ang kanilang problema'y dapat kaharapin
di dapat na ang ganito'y balewalain

ang malaman ang ganito'y sadyang kayhapdi
sa kabila ng pag-unlad may humihikbi
di magamot-gamot, kahit sakit ay munti
ang nangyayari'y di na dapat manatili

pagkat dapat na ang ganito'y maresolba
mga maysakit paanong matulungan pa
walang pambili ng gamot, hirap pa sila
itong bagong gobyerno'y may magagawa ba

II

salamat, Kara David, sa pinalabas mo
sa telebisyon, namulat kaming totoo
na mayroon palang nangyayaring ganito
sa malalayo nating lalawigan dito

sana'y magpatuloy ka pa, aming Kapuso
sa paglantad ng mga isyung nakatago
sa pagpapalabas ng iba't ibang tagpo
sa pagtulong sa kababayang nasiphayo

sa iyo, Kara David, nagpupugay kami
lalo na't natanggap mo ang Gawad Peabody
sana'y malikha mo pang ulat ay marami
sana patuloy ka pang sa madla'y magsilbi

Walang komento: