Sabado, Mayo 29, 2010

Pawiin Iyang Pribadong Pag-aari

PAWIIN IYANG PRIBADONG PAG-AARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matagal nang nagnanaknak ang aming sugat
dahil sa kapritso ng mga nagpapakabundat
sa likhang yaman ng obrerong ang buhay ay salat
sugat ng naghihirap na masa'y di pa ba sapat?

nang dahil sa pribadong pag-aari'y nagmalupit
ang utak-pasistang burgesya sa mga maliit
makarili nilang sistema ang iginiit
habang pribadong pag-aari nila'y abot langit

pag-aaring pribado'y di pag-aaring personal
kaya di dapat malito sa kanilang pag-iral
pribadong pag-aari'y sa paggawa ng kalakal
habang isa nama'y pag-aaring pang-indibidwal

ang una'y hinggil sa pag-aaring makina't lupa
ang lakas-paggawa'y di binabayaran ng tama
mga magsasaka't manggagawa rito'y kawawa
dulot ng pribadong pag-aari'y hirap at luha

ikalawa'y hinggil sa pang-indibidwal na layon
na di ginagamit na kasangkapan sa produksyon
tulad ng bahay, sariling sasakyan, telebisyon
damit, pagkain, sariling gamit tulad ng sabon

pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan
sa produksyon ng pangangailangan sa lipunan
ang siyang pangunahing dahilan ng kahirapan
at kagutuman ng marami nating mamamayan

pribadong pag-aari'y dapat tuluyang mawala
pagkat ito ang pahirap sa mga manggagawa
pribadong pag-aari'y dahilan ng mga sigwa
sa kabuhayan ng nakararaming maralita

halina'y pawiin na ang pribadong pag-aari
sa mundong ito'y di na dapat itong manatili
misyon nating ang pribadong pag-aari'y mapawi
manggagawa sa buong mundo, ito'y ipagwagi

Walang komento: