Sabado, Mayo 29, 2010

Di Kailangan ng Superman sa Demolisyon

DI KAILANGAN NG SUPERMAN SA DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag may demolisyon, nagkakatarantahan
dahil sa bantang mawawalan ng tahanan
mga dukha ba'y paano dedepensahan
ang bahay nilang pugad ng pagmamahalan
hanap ay sasaklolong tulad ni Superman
nang magdedemolis ay agad mapigilan
kaya mga lider din ng mga samahan
ay natatarantang paano pipigilan
ang demolisyong nakaamba sa tirahan
paano lalaban, di sila si Superman

dapat samahan nila'y nabuo nang ganap
bago pa mangyari yaong bantang pahirap
na demolisyon sa tahanang pinangarap
bago pa si Superman maghandog ng lingap
dapat munang magkaroon ng pag-uusap
yaong nakatira't maging katanggap-tanggap
ang mga solusyong kanilang hinahanap
di kailangan si Superman kung maagap
ang madedemolis at agad magsisikap
na pagkaisahin ang mga mahihirap

di natin kailangan ang mga Superman
na di naman natin mahahanap saanman
ang kinakailangan natin dito, bayan
ay yaong pagkakaisa ng mamamayan
dito'y kita ang sama-samang kalakasan
halina't magkaisa't ating lalabanan
ang nagpapahirap sa ating kalagayan
sadyang pantasya lamang ang mga Superman
sarili nating lakas ang ating asahan
at may magagawa tayo, imposible man

Walang komento: