SUGATAN SA PROTESTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ilang ulit na bang manggagawa'y di mapakali
dahil namumuno sa bayan ay di nagsisilbi
pag sila'y nagpoprotesta sa maling patakaran
tubig ng bumbero ang handog ng pamahalaan
bilang aktibista'y marapat akong makiisa
sa pagkilos nila'y di pwedeng di ako kasama
hawak ang plakard na ang mensahe'y tumatagos
sa puso ng nakakaunawa't binubusabos
susugod na sa Mendiola o kaya'y sa Kongreso
nang maparating namin ang mensahe sa gobyerno
ngunit kung ang gobyerno'y di nagsisilbi sa bayan
duduruging pilit yaong lakas ng sambayanan
maraming nasasaktan, maraming nagkakapilay
karapatang magpahayag, mistulang gerang tunay
duguan ang plakard, may namatay, may naapakan
ngunit uring manggagawa'y tunay na lumalaban
para sa karapatan, para sa bayang matino
para sa hustisya, tumilamsik ang dugo
ilang ulit na ba akong nasugatan sa rali
nagkagalos at sugat man, di ako nagsisisi
dahil ang pagsama ko'y pagsama sa kasaysayan
tungo sa isang sistemang dapat lang mapalitan
mga sumama sa protesta'y nanindigang tunay
para sa tunay na pagbabago't magandang buhay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento