Linggo, Pebrero 28, 2010

Gamit Huwag Iwanan Kung Saan


GAMIT HUWAG IWANAN KUNG SAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

huwag mong iwanan kung saan-saan
ang gamit mo'y dapat lang pag-ingatan
lalo na kung ikaw'y nasa simbahan
taimtim ang dasal sa'yong isipan
pagkat kayrami umanong kawatan
na namumugad sa lugar na iyan

pagkat alam nilang kayraming tao
nagsisipagsimba lalo na't Linggo

nagdarasal din ang mga kawatan
tugon sa problema'y inaasahan
nararapat lamang iyong tandaan
na kapag gamit mo'y iyong iniwan
aakalaing nilang kasagutan
yaon sa tindi nilang kahirapan

sa paligid mo'y huwag nagtiwala
pag nawalan ka'y ikaw ang maysala

Isang Payo Lamang

ISANG PAYO LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bakit nga ba nagdidilim ang isip
habang ikaw ay nakahalukipkip
bakit ba ang dibdib mo'y nagsisikip
dahil ba may problemang di malirip

bakit ba ikaw'y tila nanginginig
at sa problema'y tila walang sandig
bakit nga ba kaylupit ng daigdig
at tayo'y tila nito nilulupig

kaibigan, ito'y isang payo lamang
bawat suliranin may kasagutan
suriin mo ang iyong kalagayan
at pag-aralan mo rin ang lipunan

pagkat naririyan lamang ang tugon
sa problemang sa iyo'y lumalamon

Patuloy na Makibaka

PATULOY NA MAKIBAKA
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

patuloy tayong makibaka
upang mapalaya ang masa
mula sa mapagsamantala
at kabulukan ng sistema

Sabado, Pebrero 27, 2010

Ang Nais Kong Lider

ANG NAIS KONG LIDER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang nais kong lider ay di yaong umaastang boss
na ang turing sa mga tauhan niya'y alipin

ang nais kong lider ay di yaong nambubusabos
na ang turing sa alagad ay walang diwang angkin

ang nais kong lider ay di pabalang kung mag-utos
kundi may malasakit sa bawat isa sa atin

ang nais kong lider ay 'yung sa ideya'y di kapos
at ang kanyang mamamayan ay di pagtitiisin

ang nais kong lider ay may programang nilulubos
at ang plataporma't plano niya'y di nabibitin

ang nais kong lider ay yaong pinunong di bastos
at ang bata't babae'y kanilang rerespetuhin

ang nais kong lider, sa bawat plano'y may panustos
para sa mga kailangan, gamit at pagkain

ang nais kong lider ay yaong marunong kumalos
sa pagmamalabis ng mga tauhang mahangin

ang nais kong lider ay matino't di pumapaltos
at nagagampanang husay yaong kanyang tungkulin

ang nais kong lider ay matatag, di ninenerbyos
sa harap ng panganib, kapwa niya'y sasagipin

ang nais kong lider, kung magsalita ay malamyos
alam niyang bawat tao'y kanyang dapat galangin

ang nais kong lider, mapanuri ng mga datos
bawat sitwasyon ay matamang pinag-aralan din

ang nais kong lider, sa pasya'y di padalus-dalos
kapakanan ng pinamumunua'y pangunahin

ang nais kong lider, kayang humarap sa batikos
nalulusutan ang akusasyon, di madiin-diin

ang nais kong lider, mahihina'y di pinapatos
may paninindigan, anumang sa kanya'y sabihin

ang nais kong lider, sa trabaho'y laging makilos
kasama sa laban, di nakatunganga sa hardin

ang nais kong lider ay maalam ding manghambalos
kaya tao niya'y marunong sumunod sa bilin

ang nais kong lider ay matapang makipagtuos
at para sa hustisya, sinuman ay babanggain

ang nais kong lider ay di mukhang naghihikahos
mga alagad niya'y di pawang sundalong kanin

ang nais kong lider ay di gusgusin kung mag-ayos
mahusay manamit, di man humarap sa salamin

ang nais kong lider, sa pinag-aralan di kapos
sinusuring mataman ang anumang suliranin

ang nais kong lider, problema'y agad tinatapos
di umaatras, anumang problemang kaharapin

ang nais kong lider, di nag-aastang manunubos
na bawat problema ng tao'y kanyang aakuin

ang nais kong lider, sinasamba kong parang diyos
at kanang kamay nya akong mahusay sa gawain

Nasa Kaysa Kaharian

NASA KAYSA KAHARIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

"My kingdom for an ounce of willpower."
- mula sa facebook ni kaibigang Dianne

ang pinaksa mo'y sadyang kayrikit
kaya tula'y ginawa kong pilit
kaharian mo'y ipagpapalit
sa hangarin mo kahit maliit

sadyang ganito'y kahanga-hanga
hangad mo sana'y matamong pala
at pag natamo'y di ka lumuha
bagkus sana'y ikaw ay matuwa

Biyernes, Pebrero 26, 2010

Iboto ang nais ng budhi

IBOTO ANG NAIS NG BUDHI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nalalapit na itong pambansang halalan
ngunit tayo ba'y sadyang may pagpipilian
mga kumakandidato'y pawang mayaman
na nangangakong muli ng kaginhawaan

ihahalal ba natin yaong mga trapo
o baka naman sayang lang ang ating boto
lalo't kurakot ang maupo sa gobyerno
pagkat walang mapiling matino ang tao

mas mainam ihalal ang bulong ng budhi
bakasakaling umayos ang bayang iwi
kaysa iboto'y sikat ngunit walang budhi
paano pa tayo nila makakandili

iboto ang nais ng budhi, di ang sikat
nang sa gayon naman ay di tayo masilat

Nanunuyo

NANUNUYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod (tanaga)

Ang taong nanunuyo
Dala-dala'y bukayo
Upang saguting buo
Ng sintang sinusuyo

Bakit Mahapdi ang Halik ng Umaga

BAKIT MAHAPDI ANG HALIK NG UMAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bakit nga ba mahapdi ang halik ng umaga
ng araw na iyong ang pakiramdam ko'y dusa
dahil ba ang Haring Araw ay nagtatampo na
o dahil sa problema tayo'y natataranta

o, kayhapdi ng halik ng umaga sa pisngi
kaya hanggang ngayon nga tayo'y di mapakali
marahil dahil wala pa ang sinta sa tabi
nasa malayo pa't marahil ay atubili

kailan ba tatamis ang halik ng umaga
na siyang magpapawi sa anumang pangamba
kailan ba daratal ang tunay na ligaya
tuwing umaga ba'y may bago tayong pag-asa

kung mahapdi ang halik ng umaga paggising
isiping si Haring Araw lang ay naglalambing

Huwebes, Pebrero 25, 2010

Kakaibang Barungbarong


KAKAIBANG BARUNG-BARONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
na pagmumuni sa larawan sa itaas
11 pantig bawat taludtod

barungbarong ay pugad ng pag-ibig
ng dalawang pusong nagkakaniig
upang hibik ng puso'y isatinig
at di pawang daing ang maririnig

silang minsan sa gutom nanginginig
habang sa barung-barong ay kaylamig
ngunit sa hirap di sila padaig
sa barungbarong pa rin nila ibig

Trapong Bosing

TRAPONG BOSING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung umasta iyang trapo'y bosing
akala mo'y kung sinong magaling
gayong kayrami nilang balimbing
puso nila'y talagang marusing

trapong bosing ay sadyang kayhangin
tingin sa kapwa'y sundalong kanin
trato sa dukha'y pawang alipin
na laging aamot ng pagkain

kung iyang hustisya'y nakapiring
sa kasalanan ng trapong bosing
ang tangi ko lamang mahihiling
tulad nila'y dapat lang ilibing

Miyerkules, Pebrero 24, 2010

Wala Sanang Bumoto sa Trapo


WALA SANANG BUMOTO SA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
isang pagmumuni sa larawan sa itaas
10 pantig bawat taludtod

wala sanang bumoto sa trapo
anang bata doon sa litrato
naisip yata ng batang ito
na mga trapo'y sakit sa ulo

mga trapo kasi'y nangangako
ng kadalasan nilang ipako
sa kampanyahan ay kaytitino
ngunit pag nanalo'y naglalaho

naglalaho sa harap ng madla
gayong nangako sa maralita
"di na kayo magiging dukha
pag nanalo'y di kayo luluha!"

tama ang bata sa kanyang hibik
huwag iboto ang trapong lintik
dahil hirap lang ang ihahasik
trapo'y dapat lamang mapatalsik

Trapo'y Perwisyo at Di Serbisyo

TRAPO'Y PERWISYO, AT DI SERBISYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bakit ayaw namin sa mga trapo
lalo na't ito'y trapong kandidato
silang imbis sa bayan magserbisyo
ginagawa nila'y sadyang perwisyo

sila'y pulos na lang katiwalian
pag nakuha na nila ang upuan
sa kanila'y uso ang kurakutan
at binababoy ating karapatan

sa mga trapo ba'y may mapapala
gayong ang ugali nila'y kuhila
mga sakim sa tubo't palamara
na dulot sa bayan ay dusa't luha

kaya bakit trapo ang iboboto
at iluluklok sila sa gobyerno
bakit ihahalal silang perwisyo
wala na nga bang iba kundi trapo

ang mga trapo'y dapat lang sumbatan
pagkat di nagseserbisyo sa bayan
sa trapo'y negosyo ang katungkulan
na dapat lang nilang pagkakitaan

Sa Mga Kandidatong Bulag

SA MGA KANDIDATONG BULAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ginagamit na naman nyo kaming mga dukha
sa inyong kampanya upang kayo lang ay mahalal
Gayong di nyo pansin itong buhay ng maralita
gamit pala namin sa inyo'y boto, mga hangal

Sa aming mga dukha'y lagi kayong nangangako
nangangako ng kung anu-ano, maboto lamang
Ngunit pag nakapwesto na, pangako'y pinapako
pinapako sa dingding ng kawalang katarungan!

Kayong kandidato'y dilat nga ngunit sadyang bulag
nasa harapan na ang problema'y di pa makita
Kayong pag nakapwesto'y unang-unang lumalabag
ang mismong batas imbes na paglingkuran ang masa

Ang dapat sa tulad nyo'y pagsisipain sa mukha
dilat nga kayo ngunit kandidato palang bulag
Dukha'y hirap na nga ngunit kayo'y walang magawa
kaharap na ang problema'y di kayo mabagabag

Martes, Pebrero 23, 2010

Milyong Gastos sa Libong Sahod

MILYONG GASTOS SA LIBONG SAHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kayrami nilang ang gusto'y tumakbo
upang makapagsilbi sa gobyerno
kahit kakarampot ang sahod dito
basta't sila raw ay magseserbisyo

marami ang nais kumandidato
at gagastos ng milyon-milyong piso
sa tatanggaping sweldong libo-libo
pag napwesto na'y babawiin ito

kaya ang pagtakbo'y parang negosyo
malaking puhunan para maboto
malaking lugi pag siya'y natalo
malaking saya pag siya'y nanalo

malaking gastos sa pagkandidato
malaking kakabigin pag napwesto
kaya nga negosyo itong pagtakbo
babawi muna imbes magserbisyo

Temptasyon

TEMPTASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig sa bawat taludtod

may dyablo sa loob kong nais kang mayakap
magkakasala ba ako, dilag kong hanap
isa itong temptasyong dapat hinaharap
pag-ibig kitang lagi kong nasa hinagap

habang gumagala ang anino sa loob
pagnanasa sa iyo'y tila ba kayrubdob
tila dyablo sa akin ay nakakubakob
parang ako'y mandirigmang nais lumusob

ngunit nirerespeto kita, aking pag-ibig
kahit nais kong hagkan ka sa pisngi't bibig
ay di ko ginawa baka ako'y mausig
kaya dyablo sa loob, pilit kong dinaig

mahal ko, ayokong sa iyo'y magkasala
at akong umiibig ay handang masala
mahal, ayokong ikaw sa aki'y mawala
sa puso nga't buhay ko'y tangi kang diwata

Nang dahil sa lansones

NANG DAHIL SA LANSONES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sabik akong binili'y isang kilong lansones
upang aking ihandog sa sinisintang labis
araw ng mga puso'y lansones na matamis
ngunit bakit ganoon, naramdaman ko'y hapis

ibinigay ko iyon sa isang binibini
na itinuturing ko'y musa ko't lakambini
anang dilag, huwag na akong bili ng bili
sa lansones nga siya'y tila nag-atubili

masama ang loob ko't labis akong nagdamdam
pagtanggi sa lansones ako'y tila naparam
ginawa niyang yao'y isang pagpaparamdam
sa puso ko'y pagtanggi't isang pagpapaalam

kinagabihang iyon, ako'y agad naglasing
tinungga ko'y kayrami, para akong napraning
niluha ang sinapit kong sadyang takipsilim
nilunod ko sa alak ang bawat kong panimdim

ilang araw-gabi ring sa sarili'y nawala
nilalakong lansones ng mga maralita
na alam kong kaytamis, sa wari ko'y mapakla
tila ito dinilig ng mapait kong luha

nang dahil sa lansones, ang puso ko'y nagdugo
tila ang pinadama'y sangkaterbang siphayo
ngunit danas kong yaon, kahit ako'y nabigo
na magmamahal pa rin itong iwi kong puso

Sa isang kilong lansones binigo

SA ISANG KILONG LANSONES BINIGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

sa lansones nagdugo
ang pag-ibig kong buo
sa sinta ako'y bigo
di ito isang biro

lansones ba'y mapakla
hindi, masarap pa nga
sadya kang matutuwa
pag natikman mong kusa

siya pa ang nagalit
sa lansones kong bitbit
sabi niyang may ngitngit
huwag akong uulit

ang bigay kong lansones
sa inibig kong labis
ay sakdal pagkatamis
ngunit ako'y naamis

akala ko'y gaganda
ang araw ko sa saya
dilag yata'y sawa na
sa handog ko sa kanya

di ito isang biro
sa lansones nagdugo
itong aking pagsuyo
ulo ko'y naging bungo

Lunes, Pebrero 22, 2010

Ang makata sa kanyang barungbarong

ANG MAKATA SA KANYANG BARUNGBARONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

akala nila'y wala akong ginagawa
pagkat nakikita nilang ako'y tulala
may pluma't papel, tila dinaanang sigwa
kanina lang, may tatlo akong likhang tula
kasama sa trabaho yaong pagtunganga
doon sa kawalan laging nakatingala
at pinaglalaruan ang mga salita
upang mga ito'y maging ganap na diwa

minsan, kinukwento'y pawang mga pasakit
inilalarawan ang lipunang kaylupit
itinutula ang kapalarang sinapit
iniuulat ang patakarang mahigpit
ipinahahayag ang saya, gulo't alit
tinutugunan ang mga tanong na bakit
taludtod at saknong ay may tamis at pait
may pangungusap na malamya, may makulit

nasa kawalan, para bang lulugo-lugo
animo'y kaylungkot, mundo'y tila kaygulo
mamaya'y ngingiti, diwa'y lulukso-lukso
parang nakakita ng diyosa't payaso
nagkakape'y biglang magtataas-kamao
at pagkatapos biglang kakamot sa ulo
hinahanap na piyesa'y di pa makuro
makasubo muna't baka gutom lang ito

Linggo, Pebrero 21, 2010

Dagitab ng Puson

DAGITAB NG PUSON
ni Matang Apoy
13 pantig bawat taludtod

sadyang kaytamis titigan ng kanyang puson
na litaw na litaw sa suot niyang baro
sadya namang kayseksi ng babaeng iyon
sa kanya'y nanginginig ang puso ko't dugo

binibighani niya ang kalalakihan
para bagang gusto niyang magpagahasa
pinakita ang puson, buong kaseksihan
upang mata ng mga lalaki'y lumuwa

habang humahalimuyak ang kanyang bango
ako sa kanya'y sadya ngang nahahalina
mga hita niya'y kayputi ngang totoo
sadyang dumudurog sa aking kaluluwa

nais kong hagkan ang kayganda niyang puson
ako man ay harangan ng maraming sibat
lalo na yaong nasa ibaba pa niyon
ah, kaylinamnam papakin ng kanyang gubat

Diwata ng Panagimpan

DIWATA NG PANAGIMPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

di ako nagpapadala sa agos ng pagkalango
habang tinititigan ko ang kanyang kaygandang mukha
ngunit ako'y tila ba isang hibang, natutuliro
pagkat nasa harap ko ang sinasamba kong diwata

naglalaway na itong aking labi sa pagkasabik
habang ang sinisintang diwata'y kapiling ko ngayon
makatindig-balahibo, tila mata ko'y titirik
sa ganda ng diwatang kapiling mula pa kahapon

litaw na litaw ang biloy sa matambok niyang pisngi
na nagpapagandang lalo sa kanyang kaysayang ngiti
sa kaluluwa ko'y tumatagos ang kanyang bighani
diwa ko'y umasam na magkaroon ng bagong lahi

Sabado, Pebrero 20, 2010

Ako'y Putik sa Talampakan ng Diyosa

AKO'Y PUTIK SA TALAMPAKAN NG DIYOSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mapalad akong mahagkan ang kanyang paa
nang minsang madupilas siya sa kalsada
at doon sa putikan, lumubog ang paa
ng magandang dalagang aking sinasamba
at itinuturing ko ngang aking diyosa

nahagkan ko ang mababango niyang paa
mula sakong, binti, tuhod, aking nakita
putik akong humalik sa paa ng reyna
putik na sa panahong iyon ay kaysaya
sapagkat nasa talampakan ng diyosa

di naman napilayan o nasaktan siya
pagkat banayad ang pagkadupilas niya
dahan-dahan niyang pinunasan ang paa
at hinugasan pa ito sa katabing sapa
mapalad akong inapakan ng diyosa

bagamat ako'y putik para sa kanila
na pinandidirihan ng maraming masa
kaysayang nahagkan ko rin yaong dalaga
kahit di kabuuan, kahit man lang paa
ako'y putik sa talampakan ng diyosa

Ang Pag-ibig ay Tulad ng Tubig

ANG PAG-IBIG AY TULAD NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

"Love cannot be held prisoner because it is a river and will overflow its banks. " - Paulo Coelho

hindi natin mabibilanggo itong pag-ibig
maaring pasumandali lang sa ating bisig
ngunit di ito pirmis, pagkat tulad ng tubig
ito'y huhulagpos din sa iba't ibang panig

oo, ganyan, ganyan nga ang tunay na pag-ibig
ito'y malaya tulad ng pag-agos ng tubig
kung saan-saan dumadaloy at sumasandig
sa puso'y bumubulong, nais kang makaniig

sinong makakapagpiit sa ating pag-ibig
sa magkasuyo ang ganito'y nakayayanig
kaya magtatangka nito'y tiyak mauusig
pagkat tunay na pag-ibig ay di palulupig

halina't pakinggan mo ang malamyos na tinig
ng bulong ng pagsinta't kayganda nitong himig
hindi natin dapat ibilanggo ang pag-ibig
pagkat ito'y huhulagpos din tulad ng tubig

Tuloy pa ang laban, Ms. M.

TULOY PA ANG LABAN, MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

wala tayong iwanan sa dilim
ng bulok na sistemang kaylagim
tuloy pa ang ating laban, Ms. M.
kaya huwag ka sanang manindim
sistema ma'y karima-rimarim

pareho tayong naninindigan
kaya Ms. M., tuloy pa ang laban
na ipalaganap ng tuluyan
itong sosyalistang kaisipan
sa laban ba ikaw'y mang-iiwan?

huwag pansinin ang naninira
matatag ka, dumaan ma'y sigwa
huwag naising ikaw'y mawala
sa tunggalian ng manggagawa
at ng kapitalistang kuhila

huwag pansinin ang nanlalait
pagkat sila'y parang batang paslit
paniwala mo'y iyong igiit
at di kita iiwan sa gipit
buhay ko man ang maging kapalit

tuloy ang laban, Ms. M., tuloy pa
organisahin natin ang masa
alam ko, Ms. M., na matatag ka
anumang problema'y iyong kaya
tandaang ako'y iyong kasama

kung may problema, narito ako
at iba pang mga kasama mo
di ka iiwan sa labang ito
tandaang katapatan ko sa 'yo
ay di magmamaliw, kasama ko

Ang Gintong Likido

ANG GINTONG LIKIDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

gintong likido ang madalas tagayin
ng makatang itong kayhilig tumungga
isip lumilipad at tangay ng hangin
kaya ang makata'y madalas tulala

hik! tagay pa tayo, aking mga kabig
ito lamang nama'y munting pagsasaya
ang gintong likido'y dadamhin ng bibig
kaysarap nga nitong tungga kong serbesa

pag nasasayaran ang lalamunan ko
pawang kasiyahan ang inihahandog
kaysarap tunggain ng gintong likido
serbesang kaysarap kaysa puting bilog

ang gintong likido'y tinatagay natin
ngunit nilalabas gintong likido rin

Naghahanap ng Damay

NAGHAHANAP NG DAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isang maton, naghahanap ng damay
at isang tabak ang nais iunday
tila ang hangad niya'y makapatay
iba'y ibig niyang dalhin sa hukay

kaytapang niyang problema'y di kaya
tingin sa sarili'y wala nang kwenta
lalo't ang problema'y di maresolba
kaya hanap na lang ng damay siya

ang ibang tao'y kanyang hinahamon
siya na kaylaking katawang maton
kung problema niya'y walang malamon
bakit karahasan ang kanyang tugon

mga tulad nila'y dapat tulungan
turnilyo sa utak nila'y higpitan
bago pa iba'y mapagdiskitahan
kausapin na't pagpaliwanagan

di dahas yaong sa problema'y tugon
kung problema niya'y walang malamon
ang tingin kong marapat na solusyon:
pagtrabahuhin ang kawawang maton!

Biyernes, Pebrero 19, 2010

Langib at Balantukan 2

LANGIB AT BALANTUKAN 2
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantigbawat taludtod

patuloy ang sugat sa kalamnan ng sambayanan
tila nakatarak ang patalim sa lalamunan
patuloy pa rin ang pangako ng kaginhawaan
ng mga pulitikong pulpol sa harap ng bayan
habang walang magawa sa kanilang karukhaan

nagnanaknak ang sugat ng sambayanang sakbibi
ng lumbay at dusa dahil sa trapong walang silbi
bukang sugat, di maisara ng langib, kaytindi
patuloy ang hapdi't nana, sambayanan ang saksi
kung maghilom man, balantukan pa ring di umigi

pagkatao'y nadungisan, ang puri'y nayurakan
paano mananauli ang dangal niring bayan
dukha'y dapat mag-alsa, sumama sa himagsikan
na ang adhika'y baguhin ang sistema't lipunan
sa bawat isa'y may pagrespeto sa karapatan

Langib at Balantukan 1

LANGIB AT BALANTUKAN 1
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tingni ang sugat sa ating balat
ilang araw lang hilom ang sugat
at kung may tibo doong naiwan
asahang mong ito'y balantukan

magaling na't nagtakip ang langib
ngunit ramdam mo'y punit ang dibdib
pagkat balantukang sumibasib
sa sugat mo'y sadyang mapanganib

ang sugat sa loob ay ramdam mo
gayong mukhang magaling na ito
tulad din ng bayang pulos trapo
masa'y nagdurusa pa ring todo

Miyerkules, Pebrero 17, 2010

Tagay Muna

TAGAY MUNA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Tumagay tayo ngunit huwag manggugulo
Pagtagay nati'y di para sa basag-ulo
Bilang pakisama, tagay muna, pare ko
Kahit pansamantala lang, magsaya tayo

Kasabay ng tagay ay magkwentuhan tayo
Kumusta ka na ba, kumusta ang trabaho
Kaibigan, sapat ba ang sinasahod mo
kahit alam mong kontraktwal lang pala kayo?

Kasabay ng tagay, pulutan ay narito
Nariyan ang sisig, pritong mani, barbekyu
Talagang inihanda ko para sa inyo
Paalala: pulutan, di hapunan, ito!

Halina, kaibigan, tayo nang tumagay
Pansamantalang aliwin ang iwing buhay
Tanda ng pakikisama't pakikibagay
Ang alak ay kasamang pantanggal ng lumbay

Nanghihiram ng Tapang sa Alak

NAGHIHIRAM NG TAPANG SA ALAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Kung sinong matapang diyan, lumabas dito!"
Ang sigaw ng lasenggo doon sa may kanto
Aba'y kaytapang naman ng lasenggong ito
Bigla yatang tumapang dahil nga kargado.

Nanghihiram ng tapang sa alak ang loko
Lumalaklak ng alak dahil problemado
Naghahanap ng damay kaya nanggugulo
Ang mga tulad nila sa tao'y istorbo

Ang kanyang sarili'y nilulunod sa alak
Pagkat ramdam niya'y gumagapang sa lusak
Imbes resolbahin ang problemang nagnaknak
Ang sarili pa niya ang pinapahamak

Siya'y iyong kausapin pag nahulasan
Problema niya'y di raw niya makayanan
Kaya alak yaong napagdidiskitahan
Ito'y kanyang pansamantalang kaibigan

Kayrami na nilang sa alak tumatapang
Lakas ng loob nila'y sa alak hiniram
Kaya sila'y laging wala sa katinuan
Imbes magsuri'y nilunod ang lalamunan

Patak-patak, Bilog, Lapad

PATAK-PATAK, BILOG, LAPAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Halina't tayo'y magpatak-patak
Upang makabili na ng alak
Minsan lang naman tayong lalaklak
Sa ilang tagay, di bumabagsak

Halina't utangin na ang bilog
Basta't sa utag huwag malubog
Bago tumagay, tiyaking busog
Nang tiyan mo'y di naman umalog

Kung walang bilog, kahit na lapad
Pag nalasing, huwag kang lilipad
Ingat baka ikaw ay sumadsad
Una ang nguso sa pagbaligtad

Inumin lang natin ay 'yung kaya
At maya-maya'y magpahinga na
Huwag sagaran o bara-bara
Baka tuluyan kang mamahinga

Alak sa Tiyan, Di sa Ulo

ALAK SA TIYAN, DI SA ULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ilagay ang alak sa tiyan, di sa ulo
Nararapat gawin ng tatagay ay ito
Magkasayahan lang at di para manggulo
Makipag-inuman upang sumaya tayo
Inumin ang alak, pulutanin ang kwento.

Ito naman ay tanda ng pakikisama
Ng magkaibigan o bagong kakilala
Lalo na yaong matagal na di nagkita
Ngunit kung ang inuman ay araw-araw na
Ang gawaing ito'y di na yata maganda

Tamang makisama ngunit huwag magbisyo
At baka ituring na tayo nga'y lasenggo
Mapagbintangan pa tayong namemerwisyo
At baka sabihang pasimulo ng gulo
Kaya sa pagtoma, hinay-hinay lang tayo.

Nais lang natin ay kaunting kasiyahan
Pagkagaling sa trabaho o anupaman
Tanggalin ang pagod kaya nag-iinuman
Kaya ating isipin at pakatandaan
Ang alak ay di sa ulo, kundi sa tiyan

Lunes, Pebrero 15, 2010

Ang pagpapakatao ang diwa ng sosyalismo

Magandang salubungin natin ang bawat umaga
Iniisip ang bukas at kalayaan ng masa
Kahit sila'y bugbog na sa hirap at pagdurusa
Ay lumalaban pa't nasa isip ay may pag-asa.

Edukasyon ay paigtingin sa bawat larangan
Laging may kongkretong pagsusuri sa kalagayan
At dapat lang pag-aralan ng masa ang lipunan
Gumugol ng panahon upang matuto ang bayan.

Aktibista tayong marangal, tangan ang prinsipyo.
Nagpapakatao na't nakikipagkapwa tao,
Dahil una ang karapatan, lalo ang respeto.
Ang pagpapakatao ang diwa ng sosyalismo.

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 14, 2010

Kasalanan bang ibigin ka ng higit sa iyong akala?

KASALANAN BANG IBIGIN KA NG HIGIT SA IYONG AKALA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

kasalanan bang ibigin ka ng higit sa iyong akala?
kasalanan bang ituring kitang diyosa ko o diwata?
bakit ba nais mong ang puso kong ito'y magdugo't lumuha?
aking liyag, sa makatang ito'y tila di ka na naawa

kahit kaunting pagtingin mula sa iyo ang aking samo
masilayan ko nga lang ang iyong ngiti'y masaya na ako
aba'y lalo na kung madarama kong sadya ang pag-ibig mo
baka wala nang pagsidlan ng tuwa ang iwing pusong ito

kung akala mong pag-ibig ko sa iyo'y di wagas, mali ka
pagkat higit pa sa pagsinta, liyag ko, sinasamba kita
anghel kang bumaba sa lupa't sa akin ay nagpakita
kaya dapat lang na akong makata sa iyo nga'y sumamba

pinakaiibig kita, diyosa ka niring aking puso
sana'y pagbigyan ako't nang puso ko'y di tuluyang magdugo

Pwede ba kitang mahalin sa paraang alam ko?

PWEDE BA KITANG MAHALIN SA PARAANG ALAM KO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pwede ba kitang mahalin sa paraang alam ko
sana itong nais ko, liyag, ay paunlakan mo
pagkat sadyang nahihirapan na ang pusong ito
sa gabi't araw sa puso ko'y lagi kang narito

hindi naman ako mayamang panay ang regalo
at hindi rin kapitalistang panay ang kapritso
ang nais ko lang naman, ako'y pakaibigin mo
pwede ba kitang mahalin sa paraang alam ko

di naman ako gwapong tulad ni Tom Cruise o Brad Pitt
ngunit para sa'yo, handa akong magpakasakit
gagawin ko ang lahat, buhay ko man ay mabingit
upang mailap mong pag-ibig ay aking mabingwit

pwede ba kitang mahalin sa paraang alam ko
sana, aking liyag, ay oo na ang itugon mo

2.14.10 Chinese New Year at Valentine's Day

2.14.10 CHINESE NEW YEAR AT VALENTINE'S DAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

araw ng mga puso't bagong taon ng Tsino
magkasabay na pinagdiriwang ngayong taon
naiisip mo bang may ibig sabihin ito
o ito'y pinagtiyap lang ng pagkakataon

Chinese New Year at Valentine's Day ay nagkasabay
ito ba'y bagong taon na puno ng pag-ibig
ito ba'y simula ng katapusan ng lumbay
sa mga tao sa parteng ito ng daigdig

dobleng kasiyahan sa mga magkasintahan
dobleng pagdiriwang nitong "New Year na ay Love pa"
paano kung may lumukso sa sinapupunan
aba'y baka ito yaong "Happy New Love" nila

Pagpaparaya't Pagbabaubaya

PAGPAPARAYA'T PAGPAPAUBAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

lagi kitang inspirasyon sa maraming tungkulin sa masa
pag naaalala ka'y nakadarama ako ng pag-asa
pag-asang magkasama kitang babaguhin itong sistema
upang sabay nating buuin ang bagong bukas, aking sinta

ngunit bakit sa aking pag-irog, ikaw na'y naging pabaya
para bang nais mong ako'y tuluyan nang mabigo't lumuha
ilang ulit na akong nagdusa, ilang ulit nagparaya
pagod na rin ang pusong itong lagi nang nagpapaubaya

marami nang sakit ng kalooban itong aking ininda
masasaktan pa pag nayurakan ang pagsinta kong dakila
kaya kung mawawala ka sa akin dapat akong mawala
nang di ko na maramdaman ang kaytinding sakit at pagluha

sa pagkakataong ito'y di ako papayag mawala ka
hanggang kamatayan, pag-ibig ko'y ipaglalaban ko, sinta

Sabado, Pebrero 13, 2010

Sa Dalampasigan ng mga Pangarap

SA DALAMPASIGAN NG MGA PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

lagi kitang nagugunita, kasama
sa dalampasigan ng mga pangarap
tila sa paraiso'y kasama kita
sa puso ko'y lagi kang inaapuhap

ikaw ang kabuuan ng pangarap ko
ngunit saan ba kita mahahagilap
ang nais ko'y maging kaganapan ito
di lang sa pangarap tayo magkausap

sa dalampasigan ng mga pangarap
mananatili kang isang panaginip
dumaan kang parang hangin sa'king harap
mula noon, lagi ka nang nasa isip

o, kasama kong kaygandang aktibista
nabighani mo ako sa iyong sulyap
ikaw nawa'y makatuluyan ko, sinta
nawa'y di lang tayo hanggang sa pangarap

Biyernes, Pebrero 12, 2010

Kung Ikaw ang Aking Kandila

KUNG IKAW ANG AKING KANDILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kung ikaw ang aking kandila
na kasama ko sa karimlan
ako ma'y nasa dusa't luha
ikaw ay di ko sisindihan

pagkat ayaw kitang maupos
tulad ng may sinding kandila
na unti-unting inuubos
ng apoy sa kanyang pagluha

nanaisin ko pang madapa
na magkasama kita, sinta
kaysa tuluyan kang mawala
at puso'y tuluyang magdusa

Respeto't Tiwala

RESPETO'T TIWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang tunay na pag-ibig

ay di sa dami ng halik
ay di sa higpit ng yakap
ay di sa dalas ng pag-text
ay di sa laging pagtawag

di sa pagbigay ng pera
di sa pagpunas ng pawis
di sa sabay na kumain
di sa malimit magkita

di dalas ng pag-uusap
di dalas ng pagsasama
di dalas ng pag-alala
di dalas ng paglalambing

kundi ang pagtitiwala't
respeto sa isa't isa

Huwebes, Pebrero 11, 2010

Gamugamo't Apoy


GAMUGAMO'T APOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bakit kaya gamugamo'y nais sa apoy lagi
tila di natantong buhay ay mapapadali
iyang apoy ba'y nais niyang maipagwagi
gayong dahil doon maari siyang masawi

bakit kaya sa apoy gamugamo'y didikit-dikit
tila di nito natantong apoy ay kay-init
bakit pagdikit sa apoy ay ipinipilit
gayong marahil alam niyang ito'y kaysakit

bakit kaya sa apoy gamugamo'y lilipad-lipad
tila kakaway-kaway ang pakpak na malapad
buong katawan niya'y sa apoy nakalantad
tila iba ang init ng apoy niyang hangad

bakit kaya gamugamo'y halinang-halina
sa apoy gayong maaaring madarang siya
tulad kaya ng apoy ang kaygandang dalaga
na laging nasa isip ko sa tuwi-tuwina

kung tulad ng apoy ang magandang iniibig
ako'y gamugamong sa kanya lang palulupig
hahagkan siya't kukulungin ko sa aking bisig
habang tula niring puso'y kanyang dinirinig

Huwag Mo Akong Kahabagan, Mahal Ko

HUWAG MO AKONG KAHABAGAN, MAHAL KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mahalin mo ako dahil ako'y ako
huwag hanapin kung ano ang wala ako
dapat lang magpasya rito'y ang puso mo
kung akong narito ay sinisinta mo

minahal kita dahil ikaw ay ikaw
saan man, kaylan man, kahit araw-araw
maging sino ka man, tinanggap ko'y ikaw
inibig kita pagkat ikaw ay ikaw

tanggapin mo ako dahil ako'y ako
huwag mo akong kahabagan, mahal ko
huwag maawa kundi mahalin ako
kaytamis itong sadyang tatanggapin ko

ako'y huwag mong kahabagan, mahal ko
kundi mahalin mo ang kabuuan ko

Martes, Pebrero 9, 2010

Nawa'y Mahabag Ang Aking Mahal

NAWA'Y MAHABAG ANG AKING MAHAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(tugon sa isang kasama sa kanyang tanong sa email na "Kasamang Greg, kung ang iyong pag-ibig ay tapat at dakila bakit kailangan ng habag?" na tumutukoy sa huling saknong ng tula kong "Sa Dilag na Tinitibok ng Puso" na nasa blog ko't email, na tinugon ko naman sa pamamagitan ng tula)

puso kong ito ang nagpapahayag
na iniibig ang magandang dilag
ang makata'y umaasam ng habag
nagbabakasakaling mapapayag
sa pagsintang luhog sa nililiyag

matagal ko siyang pinapangarap
siyang dyosa mula sa alapaap
habang lupa pa akong naghahanap
ng kahit konting pagtingin, paglingap
nang umalwan ang pusong naghihirap

kung ang pag-ibig ko'y dakila't tapat?
kasama, tama ka't tanong mo'y lapat
sa kalagayan kong wala pang sapat
na tugon, gayong pag-ibig ko'y tapat
kaya pagsusumamo'y nararapat

ang pag-ibig ko sa kanya'y dakila!
sapat ba iyon upang di lumuha?
paano kung ako'y mabalewala
tiyak malalanta ang mga tula
baka makata sa mundo'y mawala

ang magandang dalaga'y sinisinta
sa puso ko'y lagi nang nadarama
sa isip ko'y lagi nang nakikita
kaya pagsusumamo ko sa kanya
nawa'y maawa siyang aking sinta

Lunes, Pebrero 8, 2010

Bakit kailangang luminis ang tubig sa ilog

BAKIT KAILANGANG LUMINIS ANG TUBIG SA ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit kailangang luminis ang tubig sa ilog
nais ko ng kasagutan kahit na di matayog
sa katugunan naman ay di tayo malalamog
ang masasabi ko'y dapat tayong maging malusog
upang di masira yaong katawan at alindog
ng mamamayang ang buhay sa mundo'y laging lubog
sa utang at kahirapang sa puso'y dumudurog
kabutihan ng kalikasan ang dapat mahubog
malinis na tubig sa ilog siya nating handog
sa kinabukasan ng bayan nating iniirog

Kinadenahang Puso

KINADENAHANG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

puso'y dapat malaya
malayang tumungo saanmang ibig
sa kaninuman ay di palulupig
malaya ring tangayin ng pag-ibig
malaya ring umibig

ngunit minsan kailangang
kadenahan din ang puso upang
malasap ang tunay na pagsinta
upang ang pusong may kalayaan
ay di maging salawahan

Biyernes, Pebrero 5, 2010

Pagmasid sa Bukangliwayway

PAGMASID SA BUKANGLIWAYWAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sa pagmasid ko sa bukangliwayway
pakiramdam ko'y kasiyahang tunay
munting naiibsan ang angking lumbay
parang nais ko na munang humimlay

upang alaala mo'y sariwain
at bawat gunita mo'y aking damhin
dalangin kong puso ko'y iyong dinggin
habang panata ko sa'yo'y tutupdin

minamasdan ko ang bukangliwayway
habang hanging amihan ang kasabay
para bang ikaw'y siyang kumakaway
sa aking ngayon ay nakaantabay

ang langit nawa'y di maging maulap
nawa'y maganap ang ating pangarap
sa bukangliwayway nariyang ganap
tayong dalawa habang magkayakap

sa bukangliwayway ikaw'y diringgin
patuloy kitang pakamamahalin
sa puso ko'y lagi kitang dadamhin
ikaw lang ang sa puso ko'y umangkin

Miyerkules, Pebrero 3, 2010

Banaag ng Pagbabago

BANAAG NG PAGBABAGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

itinaya natin yaring iwing buhay
upang baguhin itong lipunang hungkag
isang paa man natin ay nasa hukay
makikibaka tayo't di patitinag
sa kapitalistang sistemang lumuray
sa dignidad nating kanilang nilabag
halina’t magpatuloy sa pagsisikhay
upang sosyalismo'y ating maitatag
pagsikapan nating tayo’y magtagumpay
kaya sa pagmumulat tayo’y magsipag
sa pagsapit ng bagong bukang liwayway
bagong sistema na ang mababanaag

Martes, Pebrero 2, 2010

Diwang Sosyalista

DIWANG SOSYALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pag may nakikita kaming pagsasamantala
di kami tutunganga bagkus makikibaka
aalamin agad kung ano ba ang isyu nila
at tutulong kami sa abot ng makakaya

dahil bawat pagsasamantala'y isang krimen
na sa mga biktima'y masakit sa damdamin
ang bawat pang-aapi'y di dapat palagpasin
ang sinumang maysala'y dapat papanagutin

dahil tangan namin ang diwang sosyalista
na dapat ay walang api't nagsasamantala
hangad naming baguhin ang bulok na sistema
papalitan ng mas makabuluhang esensya

taas-noo kaming patuloy na lumalaban
upang mapalitan itong bulok na lipunan
ngunit di pulos galit ang nasa kalooban
kundi pagmamahal sa kapwa at mamamayan

ang pribadong pag-aaring nagdulot ng hirap
sa sambayanang paglaya ang pinapangarap
sa lipunan ay dapat maiwaksi nang ganap
at sa bagong sistema, ang masa'y ililingap

pangunahing pwersa sa amin ay manggagawa
sila yaong tunay na hukbong mapagpalaya
kaya kung lipunang ito'y daanan ng sigwa
pangungunahan ito ng uring manggagawa

kaya ang panawagan namin ay magkaisa
ang manggagawa upang baguhin ang sistema
kasama ang iba pang aping sektor ng masa
pagkat tangan namin ang diwang sosyalista

Lunes, Pebrero 1, 2010

Palikerong Banal

PALIKERONG BANAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di ko alam kung bakit "Palikerong Banal"?
ang pinangalan sa dyip nitong kapitbahay
banal ba ang palikero o isang hangal?
minsan sa dyip na iyon ako sumasakay

paano ba naging banal ang palikero
kung siya'y may babae doon, pati dito
aba'y matulis kahit na sa pasahero
banal? ang palikero'y salawahan kamo

Balic-Balic - Quiapo ang ruta nitong dyip
biyahe'y maikli man, ako'y nakakaidlip
habang sa daan ay tila nananaginip
maya-maya'y papara, "Tenkyu sa aming trip!"

dyip iyong kaaya-aya sa pasahero
makulay at kaygaganda ng pinta nito
ang tsuper pa'y nagpapatugtog ng isteryo
patingin-tingin sa magandang pasahero

ngayon ang "Palikerong Banal" ay wala na
di ko na nasasakyan, di na nakikita
ang dyip na iyon, kung wala mang balita na
ay bahagi ng pagkabata't alaala