ANG NAIS KONG LIDER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ang nais kong lider ay di yaong umaastang boss
na ang turing sa mga tauhan niya'y alipin
ang nais kong lider ay di yaong nambubusabos
na ang turing sa alagad ay walang diwang angkin
ang nais kong lider ay di pabalang kung mag-utos
kundi may malasakit sa bawat isa sa atin
ang nais kong lider ay 'yung sa ideya'y di kapos
at ang kanyang mamamayan ay di pagtitiisin
ang nais kong lider ay may programang nilulubos
at ang plataporma't plano niya'y di nabibitin
ang nais kong lider ay yaong pinunong di bastos
at ang bata't babae'y kanilang rerespetuhin
ang nais kong lider, sa bawat plano'y may panustos
para sa mga kailangan, gamit at pagkain
ang nais kong lider ay yaong marunong kumalos
sa pagmamalabis ng mga tauhang mahangin
ang nais kong lider ay matino't di pumapaltos
at nagagampanang husay yaong kanyang tungkulin
ang nais kong lider ay matatag, di ninenerbyos
sa harap ng panganib, kapwa niya'y sasagipin
ang nais kong lider, kung magsalita ay malamyos
alam niyang bawat tao'y kanyang dapat galangin
ang nais kong lider, mapanuri ng mga datos
bawat sitwasyon ay matamang pinag-aralan din
ang nais kong lider, sa pasya'y di padalus-dalos
kapakanan ng pinamumunua'y pangunahin
ang nais kong lider, kayang humarap sa batikos
nalulusutan ang akusasyon, di madiin-diin
ang nais kong lider, mahihina'y di pinapatos
may paninindigan, anumang sa kanya'y sabihin
ang nais kong lider, sa trabaho'y laging makilos
kasama sa laban, di nakatunganga sa hardin
ang nais kong lider ay maalam ding manghambalos
kaya tao niya'y marunong sumunod sa bilin
ang nais kong lider ay matapang makipagtuos
at para sa hustisya, sinuman ay babanggain
ang nais kong lider ay di mukhang naghihikahos
mga alagad niya'y di pawang sundalong kanin
ang nais kong lider ay di gusgusin kung mag-ayos
mahusay manamit, di man humarap sa salamin
ang nais kong lider, sa pinag-aralan di kapos
sinusuring mataman ang anumang suliranin
ang nais kong lider, problema'y agad tinatapos
di umaatras, anumang problemang kaharapin
ang nais kong lider, di nag-aastang manunubos
na bawat problema ng tao'y kanyang aakuin
ang nais kong lider, sinasamba kong parang diyos
at kanang kamay nya akong mahusay sa gawain
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento