Martes, Mayo 31, 2016

Ang integer

ANG INTEGER
9 pantig bawat taludtod

alam na rin ng mga kinder
na ang integer ay whole number
ngunit pag binangga mo'y pader
aba'y para kang minasaker

ang integer ba'y naging tinik
sa mga trapong anong bagsik
tila bisig nila'y kumilik
sa upuang nakasasabik

kung may fraction man o decimal
ang round off sa batas ay bawal
na pinilit ng trapong hangal
nang manok ang nasa pedestal

integer ay binabalewala
nitong pader na "pinagpala"
minaniobra nga bang sadya
ang tinuro sa mga bata

ang integer ba'y intindido
ng may pinag-aralang trapo
bakit ang guro'y niloloko
ng mga pulitikong tuso

Isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay

ISANG UPUAN SA ATING GURO'Y DAPAT IBIGAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaylakas ng unos subalit patuloy ang kampay
dumatal yaong sigwa'y pumapadyak silang sabay
sa buhawing dumaan, sila ang magkakaramay
di payag na sa delubyo'y tanghalin silang bangkay

patuloy ang paglaban, tuloy ang pakikibaka
paniwalanila, hangga't may buhay, may pag-asa
kung ano ang wasto'y sadyang ipaglalaban nila
kaytatag sa pagdatal ng laksa-laksang problema

hindi ba't mga guro ang nagtuturo ng wasto
bakit inagaw ang upuan nila sa Kongreso
takot nga ba sa kanila ang sangkaterbang trapo
pagkat baka mabigyan nila ng mababang grado

isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay
pagkat nanalo't karapatan nila itong tunay

*  binasa ang tulang ito sa harap ng COMELEC habang nagsasagawa ng programa ang grupong ATING GURO, Mayo 31, 2016

Lunes, Mayo 30, 2016

Salamat sa ating guro

SALAMAT SA ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy sa pagtuturo ang ating guro
kahit sweldo'y kaybaba, nakapanlulumo
sa mga leksyon, pisara'y pinadudugo
nang estudyante'y di maetsapwera't dungo

silang ating guro'y pangalawang magulang
upang mga uwak ay di tayo malinlang
upang ang kalapati sa puso'y malinang
at huwag matulad sa pulitikong halang

nakasama natin ang ating guro noon
sa saya't unos, sumapit ma'y dapithapon
pilit tayong inilayo sa digma't lason
pagdatal ng sigwa’y agad tayong inahon

dahil sa ating guro, natutong magsulat
sinuri ang paligid, nagbuklat ng aklat
lipuna'y pinag-aralan, diwa'y namulat
sa ating guro'y taos-pusong pasalamat

Mabuhay ang ating guro

MABUHAY ANG ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Mabuhay ang mga gurong tulad ni Titser Benjo
Sa mga estudyante'y patuloy na nagtuturo
Upang sa kinabukasan sila nga'y mapanuto
Na sa pagharap sa problema'y di dapat sumuko

Mabuhay ang mga gurong tulad ni Titser Ramon
Upang maging handa pagharap sa anumang hamon
At maging ligtas sa unos at daluyong ng alon
Kaalamang taglay sapitin man ang dapithapon

Mabuhay ang mga gurong tulad ni Mam Emmalyn
Natuto tayong alagaan ang sarili natin
Natuto sa buhay upang pamilya'y makakain
Natutong magpakatao't ayaw magpaalipin

Ating guro'y hinanda tayo sa kinabukasan
Nang makaya ang problemang puspos ng kahirapan
Tumanda man, aral nila'y di na malilimutan
Magagamit hanggang mahugisan ang bagong lipunan

Linggo, Mayo 29, 2016

Sa kaarawan ni Klasmeyt Fides

 SA KAARAWAN NI KLASMEYT FIDES

sadyang ang panahon ay talagang kaybilis
animo'y isang anghel na humahagibis
kaarawan mo na naman, O, Klasmeyt Fides
pagbati sa kaarawan mo'y di maalis

nawa'y lalagi kang manatiling malusog
di nagkakasakit, maraming umiirog
kamtin nawa ang pangarap, di man matayog
pagbati'y tanggapin nawa't tangi kong handog

maraming salamat, tulad mo'y inspirasyon
sa maraming nagsisikap din hanggang ngayon
matamis mong ngiti man ay kanilang baon
kayang salubungin ang malakas mang alon

malampasan mo nawa anumang buhawi
at mga unos na dala'y luha't pighati
taun-taon man, Klasmeyt, kita'y binabati
matatag ka't nawa'y kamtin mo bawat mithi

- GREGBITUINJR., 29 May 2016

Sungkitin man natin ang bituin sa kalangitan

SUNGKITIN MAN NATIN ANG BITUIN SA KALANGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sungkitin man natin ang bituin sa kalangitan
upang sakaling sa madla'y tiyak tayong kalugdan
haraya'y naglalaro't hanggang panagimpan lamang
ano bang reyalidad sa kinagisnang lipunan

kayraming api, santambak ang mapagsamantala
sangkatutak sa lipunan ang kawalang-hustisya
pusakal ay lumalaya basta't makagpagpyansa
pati ba naman hustisya'y may katapat na pera

pagpalain nawa ni Bathala ang magigiting
habang mga minumutyang dilag ay naglalambing
mahalaga, puso'y masaya kahit walang piging
may pag-asa anuman ang sa atin ay dumating

pagkat kakayanin natin lumakas man ang unos
basta't masa'y kumakain, walang nambubusabos
na di gaya ngayong ang buhay ay kalunos-lunos
at masisipag na manggagawa pa'y kinakapos

Sabado, Mayo 28, 2016

Ilantad si Sombath Samphone

ILANTAD SI SOMBATH SAMPHONE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

awardee siya ng Gawad Ramon Magsaysay
ngunit sa kanyang pamilya siya'y nawalay
nang dinukot ng animo'y bakal na kamay
ebidensyang CCTV'y magpapatibay
dapat ilantad si Sombath na sana'y buhay
at kung hindi man, nahan na ang kanyang bangkay

sa bansang Laos, siya kaya'y nakakulong
o patay na't tayo'y baon na sa linggatong
sinong saksing maaaring makapagsuplong
lalo't karapatan na ang dinadaluyong
desaparesido siyang naglaho ngayon
ating isigaw: ilantad si Sombath Samphone!

Palayain si Zunar, dibuhistang pulitikal

PALAYAIN SI ZUNAR, DIBUHISTANG PULITIKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kritiko siyang ang paraan ay pagdidibuho
dibuhistang pulitikal na may siyam na kaso
sa ilalim ng batas ng sedisyon ng gobyerno
batas na di na angkop sa karapatang pantao

batas na yao'y pinaglumaan na ng panahon
luma pagkat karapatang pantao'y nilalamon
animo'y nilalantakan ng sangkaterbang dragon
di na niluluwa't tila sa sarap nilululon

nagdibuho man siya sa pahinang editoryal
ng mga puna sa pamamalakad pulitikal
di ba't magpahayag ay karapatan nating banal
kaya bakit ikukulong na animo'y pusakal

palayain si Zunar doon sa bansang Malaysia
at ibang bilanggong pulitikal, palayain na

* ayon sa Amnesty International, si Zulkiflee Anwar "Zunar" Ulhaque, isang political cartoonist sa Malaysia, ay nakapiit ngayon dahil sa siyam na kasong batay sa 1948 Sedition Act

Kamay na bakal

KAMAY NA BAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malaking problema kung mismong nasa pamunuan
ay di nauunawa ang pantaong karapatan
apaty dito, patay doon, bugso ng kamatayan
para naman daw maging payapa ang taumbayan

tama bang namumuno sa pambibistay masanay
para raw sa kapayapaan, uutas ng buhay
di na daraan sa proseso, may dugo ang kamay
ganito bang paraan ang wasto, kita'y magnilay

kung iiral ay ganyan, saan na tayo patungo
mananahimik na lang ba't di na tayo kikibo
di ba't di wasto kung tao'y basta pinapaglaho
di ba't di kapayapaan kung ligalig ang puso

kung basta na lang mamamaslang ang kamay na bakal
siya'y pusakal ding higit pa sa laksang pusakal

Biyernes, Mayo 27, 2016

Hustisya sa Ating Guro nawa'y kamtin

HUSTISYA SA ATING GURO NAWA'Y KAMTIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nakaplano, nakahanda na ang programa
babasahin na lang, di pa mabasa-basa
tila baga binibitin ang pagproklama
upang upuan nila'y ibigay sa iba

ano bang nangyari't tinamaan ng lintik
bakit nag-uurong-sulong itong Comelec
sinong madyikero rito't nagmadyik-madyik
upang mangyari na yaong kahindik-hindik

patuloy kitang magmasid at makialam
may taga-Comelec kayang may pakiramdam
sana, at sana'y katotohanan ang alam
at sa madla, katotohana'y ipaalam

hustisya nama'y makamit ng Ating Guro
halina't magkaisa't huwag pagugupo

* nilikha at binasa ang tulang ito sa harap ng COMELEC habang nagsasagawa ng programa ang grupong ATING GURO, Mayo 27, 2016

Yaong di maalam gumalang sa babae

yaong di maalam gumalang sa babae
ay parang kulangot diyan sa tabi-tabi
nakadidiri silang dapat lang iwaksi
sa bayan mga tulad nila'y walang silbi

babae yaong inang sa atin nagsilang
babaeng pinagmulan ng sangkatauhan
huwag silang ituring na libangan lamang
kundi marapat lang mahalin at igalang

- gregbituinjr.

Huwebes, Mayo 26, 2016

Sa sinapupunan ni Ina

SA SINAPUPUNAN NI INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon, siyam na buwan tayong napatira
sa sinapupunan ng mahal nating ina
wala pang malay subalit nakadarama
may pintig subalit di pa nakakakita

ngunit nang lumabas na sa sangmaliwanag
laking katuwaan ang ipinahahayag
ng unang uha na kay ina'y nagpapitlag
at sa labis na saya, luha'y nangalaglag

naroon sa duyan ang malusog na sanggol
inuugoy habang ina'y pasipol-sipol
mahal man ang gatas ang ina'y gumugugol
dadapong lamok nais ng inang malipol

lambing ng inang bata'y lumaking malusog
kahit na sa paglaki'y di na maging bantog
ina'y ganyan, nangangalaga, umiirog
sa anak nang magandang bukas ang ihandog

Miyerkules, Mayo 25, 2016

Para kanino ang party list?

PARA KANINO ANG PARY LIST?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

party list ay para sa mga manggagawa
at di para sa may-ari ng pagawaan

party list ay para sa mga mangingisda
at di para sa may-ari ng pangisdaan

party list ay para sa mga magsasaka
at di para sa may-ari ng kabukiran

party list ay para sa guro’t kabataan
at di para sa may-ari ng paaralan

party list ay para sa mga mga vendor
at di para sa may-ari ng malaking mall

party list ay ginamit na ng mga trapo
upang sila'y makaupo rin sa Kongreso

party list ay tinuring na tila negosyo
na tatalbusan ng tubo ng mga tuso

party list ay para sa mga marginalized
di para sa may-ari ng mga kumpanya

ibalik ang party list sa konseptong tunay
at huwag ilagay sa mandarayang kamay

tinig ng marginalized ay nawalang todo
dapat ibalik ito sa kamay ng tao

Garapalan sa halalan

GARAPALAN SA HALALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaytindi ng bilihan ng boto, kaytindi, oo
animo'y Buy One Take One ang kahulugan ng boto
talagang garapalan, makatindig-balahibo
dahil sa gutom, pinalakol ang sariling ulo
ibinenta ang boto, ibinenta ang prinsipyo
ibinenta ang kinabukasan ng bayang ito

partylist para sa marginalized o sagigilid
subalit pinasok na rin ng mayayamang ganid
sa kapangyarihan upang sa Kongreso'y may silid
di sila kinatawan ng mga dukhang kapatid
sa simulain ng manggagawa sila'y balakid
sistema'y pinaiikot lang nilang parang ikid

ang partylist nga'y binaboy na ng mga garapal
nakitang pera-pera lang para trapo'y mahalal
yaon namang nagbebenta ng boto'y mga hangal
napatangay na sa salapi ang prinsipyong banal

Martes, Mayo 24, 2016

Sa isang digmaan

SA ISANG DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa isang digmaan, taktika'y pinag-iisipan
di dapat padalus-dalos sa pasiya't galawan
di dapat sinasalubong agad si Kamatayan
buong estratehiya'y pagninilayang mataman

iisa lang itong buhay, bakit sugod ng sugod?
sa digmaan, mga kasama ba'y di napapagod?
mga layunin ba'y sa digmaan tinataguyod?
o mas pag-usapan ang kapayapaang malugod?

Kapangyarihan ng trapo'y dapat gumuho

mayayamang nominadong sanay sa luho
ginamit ang partylist upang makaupo
sa Kongreso ng mayayamang nagtatagpo
tila ba negosyong tatalbusan ng tubo
partylist ay binaboy nila't pinalabo

ang di sagigilid ay di dapat maupo
kapangyarihan ng trapo'y dapat gumuho
tusong elitista'y kailangang maglaho
kung ang nais natin ay gobyernong matino
elitista’t trapo sa Kongreso'y igupo

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 23, 2016

Ang panalo ng Ating Guro'y ipagtanggol natin

ANG PANALO NG ATING GURO'Y IPAGTANGGOL NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang panalo ng Ating Guro'y ipagtanggol natin
huwag nating hayaang panalong ito’y agawin
nasa kahulihan man, Ating Guro’y paupuin
dapat nang iproklama't huwag na sanang ibitin

kaya huwag magpabaya, magsama-sama tayo
panalo ng Ating Guro'y ilaban nating husto
at huwag rin tayong magpalamang sa mga tuso
ang Ating Guro'y paupuin na po sa Kongreso

kinatawan ng marginalized itong Ating Guro
kaya sa labang ito’y huwag na huwag susuko
magpatuloy kahit na makaramdam pa ng hapo
ang hindi marginalized ang hindi dapat maupo

panahon na upang itong Ating Guro'y magsilbi
doon sa Kongreso at sa masang nakararami
- kuha sa tapat ng tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Mayo 23, 2016

Linggo, Mayo 22, 2016

Ilitaw ang mga nangawala

ILITAW ANG MGA NANGAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr,
15 pantig bawat taludtod

kaytagal nang panahong minamahal ay nawala
mahabang panahong ang dibdib ay puno ng luha
nahan kaya sila, anong kanilang ginagawa
sila kaya'y napiit o nabaon na sa lupa

ilitaw na! ilitaw ang mga mahal sa buhay!
kung sakaling patay na'y ilitaw man lang ang bangkay!
upang ligalig paano ma'y pumayapang tunay
sana'y ilitaw na yaong mahal naming nawalay!

- kuha sa UP Sunken Garden, Mayo 22, 2016, sa pagsisimula ng International Week of the Disappeared

Walang ideolohiya yaong busabos

walang ideolohiya yaong busabos
lalo na't nabubuhay ng kalunos-lunos
sa karukhaang kaytagal nang nakagapos
subalit batid kung paano makaraos
sa araw-araw kahit lagi silang kapos

kabulukan ng sistema'y kanilang talos
bakit sa sariling bayan sila’y hikahos
naiisip, kailan ito matatapos
dapat nilang magkapitbisig, magsikilos
upang kalagayang ito'y mabagong lubos

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 21, 2016

Patuloy ang pagkilos ng masa

PATULOY ANG PAGKILOS NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy na kikilos ang masa, magpoprotesta
di pa matatapos ang mga rali sa kalsada
mga bagong upo'y subukan kung para sa masa
o kinatawan pa rin ba ng bulok na sistema

huwag tayong basta maidlip, baka makalingat
at magbalik muli ang lagim na di madalumat
noong diktaduryang ang karapata'y nagkalamat
patuloy tayong magmasid, magsuri at mag-ingat

Paghandaan ang La Niña

PAGHANDAAN ANG LA NIÑA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

halina't maghanda, di lang para magprotesta
kundi anong gagawin pagsapit ng La Niña
patuloy bang magugutom yaong magsasaka
habang nagsasaya sa bigas itong burgesya
ang masa ba'y pauulanang muli ng bala
habang walang bigas sa mesa ng dukhang masa

Gubat na kongkreto

nawawala ang pagpapakatao
pag naitayo'y gubat na kongkreto
nasa puso'y laging tubo't negosyo
wala nang paki sa dukha't obrero

sasagasaan pati mga lumad
dahil sa istruktura ng pag-unlad
di pangkalahatan ang nalalantad
kundi sarili'y bumundat ang hangad

- gregbituinjr.

Naninipsip ng dugo ng obrero't dukha

sinumang nang-iinsulto sa manggagawa
kung hindi bampira’y baka talagang linta
naninipsip ng dugo ng obrero't dukha
sa ganyang tao, madla'y walang mapapala
kundi pawang dusa sa kamay ng kuhila

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 20, 2016

Mananatiling hungkag iyang kaunlaran

mananatiling hungkag iyang kaunlaran
hangga't may mga dukha sa ating lipunan
hangga't may pulubing palaboy sa lansangan
hangga't manggagawa'y lubog sa kahirapan
hangga't etsapuwera itong mamamayan
hangga't ang ilan ay naghahari-harian
at nagpapasasa lang sa yaman ng bayan
ay elitista't kapitalistang gahaman

- gregbituinjr.

Walang magawa sa buhay na kalunos-lunos

pag may pulubing sa lansangan ay namamalimos
tiyak gubyernong namamahala'y mapambusabos
pag walang magawa sa buhay na kalunos-lunos
ang ganitong gobyerno'y dapat palitan nang lubos

- gregbituinjr.

Tulad siya ng isang ligaw na diwata

TULAD SIYA NG ISANG LIGAW NA DIWATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tulad siya ng isang ligaw na diwata
na roon sa kalunsuran nagpagunita
ng pagsintang pawang ibinuhos ay luha
ng dating kalapating sadyang minumutya

aking niligawan ang ligaw na diwata
pagkat naakit sa ngiti't kay-among mukha
ngunit kay-ilap niya't puso ko'y namutla
tila hiniwa't sakit ay aking ininda

may sumpa bang dala ang ligaw na diwata
kaya panliligaw ko'y kanyang sinusumpa
kaligayahan ba sa kanya'y mapapala
ah, mababatid lang kung patuloy sa sadya

di ako susuko sa ligaw na diwata
bakasakaling kamtin ang ligaya't tuwa

Huwebes, Mayo 19, 2016

Ako'y balisa pag wala ka sa paningin

AKO'Y BALISA PAG WALA KA SA PANINGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako'y balisa pag wala ka sa paningin
nais kong araw at gabi kita'y kapiling
ikaw na kay Bathala'y lagi kong dalangin
na lubusan kang ingatan para sa akin
pagkat iyong pagsinta'y anong sarap damhin

Sa panahon ng mga numero

SA PANAHON NG MGA NUMERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa tuwing sasapit ang panahong nakababagot
ng mga numero, tila pumaroon sa laot
ang mga paa ko't diwang sana'y di malulunod
bagkus may bangkang ang mga bisig ko ang gagaod

minsan kapag numero na ang kaharap sa mesa
sandaling magpahinga, hilig ma'y matematika
sa sinisid na laot ay pumaibabaw muna
at damhin yaring puso kung anong idinidikta

disintunado itong numerong di matingkala
paulit-ulit kasi't animo'y di humuhupa
masaya mang nagninilay, binabagot ang diwa
makipagtalik sa numero'y di nakatutuwa

araw-gabi ko nang kaniig ang mga numero
para pagnilayan paano ba kami natalo
saan may dagdag-bawas, mga naglilo ba'y sino
ah, numero, bahagi ka nga ng buhay na ito

Miyerkules, Mayo 18, 2016

Kwento ng makatang palabarik

KWENTO NG MAKATANG PALABARIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

1
ang makata ng Balik-Balik
aba'y lagi nang bumabarik
lango na't mata'y tumitirik
tila tinamaan ng lintik

2
ang makata'y lubog sa utang
habang diwa'y lulutang-lutang
pinupulutan nila'y katang,
hipon at tulingan sa dulang

3
ang makata'y biglang naghandog
ng tula at nagkukumahog
sa mutyang puspos ng alindog
na, oh, nais niyang mapupog

4
ang makata animo'y bangag
buhay daw niya'y bakit hungkag
dalaga nama'y napapitlag
nang kanyang halikan ang dilag

5
ang makata na'y pulang-pula
pagkat nasampal ng dalaga
kaytindi ng napala niya
sa bigla-biglang arangkada

6
makata'y biglang nakaidlip
dalaga'y nasa panaginip
sa puso niya'y halukipkip
na may ligayang nasisilip

7
at ang makata'y nagising na
dagling hinanap ang dalaga
at nang mapasagot ang sinta
sa kasalan agad niyaya

8
makata'y di muna bumarik
pagkat sa sinisinta'y sabik
anong tamis ng bawat halik
habang ang mata'y tumitirik

Kung baliw man ang makatang ito

KUNG BALIW MAN ANG MAKATANG ITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung makatang tulad nami’y baliw ang turing
sadyang nababaliw kami sa iibigin
baliw sa dalagang nais hagkan, maangkin
tulad ba ng pulutang kaysarap papakin
nakabubusog pag pag-ibig ang sambitin
puso’y di na gutom sa tulang kakathain

kung baliw man kaming makatang umiibig
ito'y dahil sa dilag kami'y nananalig
na sa puso niya'y pagsinta ang manaig
upang siya'y mapiit ko sa aking bisig
kung luha man sa puso ko'y kanyang idilig
masakit man, tatanggapin kong nakatindig

Martes, Mayo 17, 2016

Pangangailangan

Pananaw ng pobreng masa'y pumukaw sa kawalan
At nasa diwa ang adhika't pangangailangan
Nagpupunyagi ma'y dama pa rin ang kasalatan
Gawa ng gawa upang iwasan ang kagutuman
At nakikibaka upang mabago ang lipunan

Nagsisikap upang kamtin ang asam na ginhawa
Ginto ang layuning nais kamtin ng maralita
Adhikang kumilos upang sa lipunan lumaya
Igigiit ang layunin kaya dapat maghanda
Lipos man ng hirap, sakripisyo, dusa at luha

Apuyan ng poot lahat ng pagsasamantala
Nang magningas ang puso sa pagsisilbi sa masa
Gisingin ang diwa upang bayan ay magkaisa
Ating pag-ibayuhin ang adhikang sosyalista
Nang kamtin ang pagbabago ng bulok na sistema

- gregbituinjr

Nais kong sinta'y kapiling sa aking pagkamatay

NAIS KONG SINTA'Y KAPILING SA AKING PAGKAMATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong sinta'y kapiling sa aking pagkamatay
sa oras na iyon, dama ko ang ligayang tunay
kahit na ang iwi kong buhay ay tigib ng lumbay
payapa na yaring puso't mahinahong hihimlay
pagkat sinta'y nakapiling sa huli kong sandali
siyang tanging pithaya't ligaya kong muli't muli

Para lang akong piping bungo sa kawalan

PARA LANG AKONG PIPING BUNGO SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

para lang akong piping bungo sa kawalan
animo'y anino lang sa nililigawan
kaharap na'y wala pang lumabas sa bibig
tila sa lalamunan ko'y may nakabikig
paano kung ang makata'y walang masabi
sapat ba ang mga tula't mayroong silbi
makata'y di dapat mapanisan ng laway
o ang minumutya'y tuluyan nang mawalay
nais kong tumagay, magpakalangu-lango
bakit makata'y ganito't walang mahango
isinilang ba upang mabuhay sa lungkot
kaya sa nililiyag ay laging bantulot
ang makata'y palaboy sa mundo ng salat
balantukan man sa pag-asa'y di maawat

Lunes, Mayo 16, 2016

Kung ano ang ibinira

KUNG ANO ANG IBINIRA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

kung ano ang ibinira
ay siya ring idiripa
may katapat na parusa
ang salang likha sa masa

ang bawat sala'y may ganti
biktima mo man ay pipi
dukha'y nanggagalaiti
sa ginawang pang-aapi

anila'y mata sa mata
ngipin sa ngipin, sabi pa
pag kapatid ang nambira
may kapatawaran pa ba

di mamutawi ang ngiti
habang dama ang pighati
pag isa na'y namumuhi
baka maghiganting sidhi

Linggo, Mayo 15, 2016

Habang may gubat, may kahoy

HABANG MAY GUBAT, MAY KAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

habang may gubat, may kahoy / habang may parang, may kugon
kaya bakit iisiping / pamilya mo'y magugutom
nariyan sa kalikasan / ang pang-ulam kahit kangkong
nariyan sa katubigan / ang mga plapla't galunggong

pangalagaan lang natin / ang alay ng kalikasan
at magsipag lamang tayong/ bungkalin ang pagtatamnan
sagot ang ating tiyaga / laban sa pagkagahaman
ng burgesya't elitistang / tayo na'y inaagawan

habang may gubat, may kahoy / ngunit huwag putling lahat
kung ano lang kailangan / ang inyong kuning marapat
upang ating kapwa tao'y / may makuha pa ring sapat
upang pamilya'y di gutom / at makakain ang lahat

kaya huwag gagayahin / iyang putragis na sakim
ang puno'y pinagpuputol / nang tubo rito'y masimsim
silang dahilan ng dusa't / lahat ng ating panimdim
sa kasakiman sa tubo / ang dinulot nila'y lagim

Sabado, Mayo 14, 2016

Kung ikaw ay may ibinitin

KUNG IKAW AY MAY IBINITIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kung ikaw ay may ibinitin
mayroon kang titingalain
pag-isipan bawat gagawin
mag-ingat sa bawat sabihin
laot ay iyong dalumatin

kung may galit ka, tumahimik
baka maging isa kang lintik
sa kapwa'y huwag kang umasik
ganti'y sa iyo rin babalik
maigi kung iyon ay halik

Huwebes, Mayo 12, 2016

Pagsagpang sa halimaw

PAGSAGPANG SA HALIMAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano ba sasagpangin ang burgesyang halimaw
na yumuyurak sa ating dangal, at di magalaw
dukha, bata't babae ang kanilang tinutuklaw
nananamantala sa obrerong kayod-kalabaw

paano ba sasagpangin ang mapagsamantala
silang dahilan upang masa'y maghirap, magdusa
paano sasagpangin ang bampirang elitista
silang sumisipsip sa pawis at dugo ng masa

ang mga mapagsamantala'y dapat lang sagpangin
upang ang madlang pinahihirapa’y makakain
kagutumang dulot ng sistema'y malulutas din
kung kapitbisig ang dukha sa bawat suliranin

sagpangin ang mapagsamantala't mapang-aglahi
sa tunggalian ng uri'y dapat silang magapi
magsikilos na’t ibagsak ang tuso’t naghahari
at itayo na ang lipunang nais ipagwagi

Miyerkules, Mayo 11, 2016

Baluktot pa rin ang daang matuwid

BALUKTOT PA RIN ANG DAANG MATUWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

baluktot pa rin ang daang matuwid
sapagkat tadtad pa rin ng balakid
kayrami pa rin ng pinunong manhid
buhay ng masa’y nagkapatid-patid
habang iba'y sa dilim nangabulid

paano ba natin maitatama
daang matuwid ba'y ipagluluksa
bakit naghihirap pa rin ang dukha
at binabarat ang lakas-paggawa
dapat na bang maghimagsik ng madla

paparating na raw ang pagbabago
totoo na ba ito sa obrero
karapatan na ba'y irerespeto
bulok na sistema ba'y magbabago
kahit nariyan ang kapitalismo

ipagluksa natin anumang mali
pagkakaisa ng masa ang susi
upang bulok na’y tuluyang mapawi
tapusin na iyang mga tunggali
at pawiin na ang lahat ng uri

Martes, Mayo 10, 2016

Ang biyuda bilang pinuno ng bayan

ANG BIYUDA BILANG PINUNO NG BAYAN

maraming biyudang magigiting sa kasaysayan
ang nagpakitang galing bilang pinuno ng bayan
nariyan ang Ilokanang si Gabriela Silang
si Oriang na Lakambini naman ng Katipunan
Gregoria Montoya, isang bayani sa labanan
sa Tulay ng Calero sa bayan ng Dalahican
artistang Carmen Rosales na asawa'y pinaslang
ng Hapon noong Ikalwang Daigdigang Digmaan
Cory Aquino, asawa ni Ninoy na pinaslang
naman sa tarmak, duguan doon sa paliparan
biyudang nakadilaw na diktador ang kalaban
ngayon, Leni Robredo, isang biyudang palaban
na anak ng diktador ang tinalo sa halalan
na hahawak sa ikalawang pwestong panguluhan
halina't tulungan siyang mabuting magampanan
ang papel niya bilang ina't pinuno ng bayan

- gregbituinjr./05102016

Lunes, Mayo 9, 2016

Ang pana

humahaginit yaong pana patungo sa puso
bagong pag-ibig ang pinupuntirya ng palaso
para sa magandang dilag na tigib ng siphayo
upang dalhin sa daigdig na puno ng pagsuyo

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 8, 2016

Malungkot na ang ulilang bulwagan

MALUNGKOT NA ANG ULILANG BULWAGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

malungkot na ang ulilang bulwagan
matapos ang mga talumpatian
at tanging alikabok ng lansangan
ang mga naroroong nangaiwan

hibik niring dukha'y di na dininig
ng mga nagsalitang kapitbisig
ni puso sa dalita'y di pumintig
sa bulwagang luha yaong dumilig

nagsalsal ng santambak na pangako
ang mga pulitikong kapit-tuko
katulad nila ang linta't hunyango
na kumakain ng sariling dugo

nawa'y wala nang mga talumpati
kung aanihin lang nito'y pighati

Huwebes, Mayo 5, 2016

Huwag magtapon kung saan-saan

HUWAG MAGTAPON KUNG SAAN-SAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag magtapon kung saan-saan
lalo na't mayroong basurahan
ito'y dapat nating panindigan
kung nais ay malinis na bayan

bulok at di nabubulok
paghiwalayin, tayo'y tumututok
huwag magsunog, masusulasok
dapat malinis kahit sa bundok

magtulungan tayo't magpursigi
lahat, bata, babae't lalaki
disiplinahin pati sarili
upang sa bayan tayo'y may silbi

Tula sa basura

TULA SA BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

mga plastik na trapo
walang lamang botelya
mga basag na baso
nadurog na plorera

ang kalat ay kayrami
tinapon ang madumi
pagkat wala raw silbi
tulad ng pobreng api

kayraming mga kalat
bulok na prutas, balat
tila ba di masukat
kung ilang kilo lahat

sa lungsod na'y nauso
ang tadtad na basura
kalat doon at dito
ang ginawa ng masa

lugar nati'y linisin
sapagkat ito'y atin
upang di ka bumahin
sa kagagawan mo rin

Miyerkules, Mayo 4, 2016

Bawat plano'y pinag-uusapang mataman

BAWAT PLANO'Y PINAG-UUSAPANG MATAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawat plano'y pinag-uusapang mataman
upang maging matagumpay ang kalabasan
di maaring bara-bara ang kahantungan
pakaiwasang mabulid sa kasawian

gaya rin ng tagumpay sa pakikidigma
di maaring sa pagkilos ay maantala
dapat may kaalaman sa taas at baba
dapat mga plano'y pinag-isipang pawa

di dapat isang beses lang sa isang buwan
kung diligan ang iyong tanim na halaman
dapat bawat pintig nito'y iyong pakinggan
upang magandang ani ang iyong makamtan

pag-usapang mainam ang ilaya'y hulo
nang sa pakikidigma'y di agad susuko

Martes, Mayo 3, 2016

Pag ako'y nakikibaka, sasama ka ba?

Pag ako'y nakikibaka, sasama ka ba?
Ibig kong makapaglingkod pa rin sa masa
Ang magsilbi'y tungkulin naming aktibista

Mamahalin mo pa ba ako kahit gipit
O lalayuan akong ika'y nagngangalit
Nais kitang kasama anumang masapit

Tanging pinanghahawakan ko'y integridad
Aktibista akong akibat ay dignidad
Lumalangoy man sa parang o komunidad

Babalikan kita kung matapos ang digma
At mamahalin ka sa pagitan ng sigwa
Na para sa bukas ang ating ginagawa

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 2, 2016

Magkaiba man ng daigdig

MAGKAIBA MAN NG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

magkaiba man ang ating daigdig
nagkakasama dahil sa pag-ibig

magkabila man tayo ng ibayo
may dangal tayong dapat irespeto

magkasalunga man yaring kalinangan
sa bawat sakuna'y nagtutulungan

magkaiba man ng kulay ng balat
iisa ang karapatan ng lahat

magkaiba man kita ng kultura
alipin din ng bulok na sistema

subalit pag magkaiba ng uri
sanhi nito'y pribadong pag-aari

uri sa lipunan dapat mapawi
upang magwakas ang mga tunggali

Linggo, Mayo 1, 2016

Itatatag ng manggagawa

ITATATAG NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

itatatag ng manggagawa ang isang lipunang
walang mapagsamantala't walang mga gahaman
ito'y isang pangarap na dapat pagsumikapan
upang maging ganap para sa bukas nating asam

itatatag ng manggagawa ang isang gobyerno
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito'y isang pangarap na animo'y paraiso
nagtatamasa ng ginhawa ang lahat sa mundo

Bawat martir ng kilusang paggawa

BAWAT MARTIR NG KILUSANG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bawat martir ng kilusang paggawa
ay tunay na bayaning pinagpala
natatangi sila't kanilang diwa
sa kilusang ito'y nagpasimula
kahit burgesya’y labis ang paghanga
sa pagkakaisa ng manggagawa
dinanas nila'y mga halimbawa
kung paano ilaban ang adhika
kung paanong puno ng dusa't luha
ang pakikibaka laban sa sigwa
aral nila'y dapat ginugunita
ng mga aktibista't manggagawa
ipanalo ang lipunang malaya
para sa kinabukasan ng madla

Kung biktima ng kontraktwalisasyon

KUNG BIKTIMA NG KONTRAKTWALISASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano bubuhayin ang pamilya ngayon
kung biktima tayo ng kontraktwalisasyon
patuloy pa ang sistemang globalisasyon
kung saan pamahalaan ay nagugumon
mababanaag kaya ang bagong panahon
matapos iraos ang nagdaang eleksyon