Huwebes, Mayo 19, 2016

Sa panahon ng mga numero

SA PANAHON NG MGA NUMERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa tuwing sasapit ang panahong nakababagot
ng mga numero, tila pumaroon sa laot
ang mga paa ko't diwang sana'y di malulunod
bagkus may bangkang ang mga bisig ko ang gagaod

minsan kapag numero na ang kaharap sa mesa
sandaling magpahinga, hilig ma'y matematika
sa sinisid na laot ay pumaibabaw muna
at damhin yaring puso kung anong idinidikta

disintunado itong numerong di matingkala
paulit-ulit kasi't animo'y di humuhupa
masaya mang nagninilay, binabagot ang diwa
makipagtalik sa numero'y di nakatutuwa

araw-gabi ko nang kaniig ang mga numero
para pagnilayan paano ba kami natalo
saan may dagdag-bawas, mga naglilo ba'y sino
ah, numero, bahagi ka nga ng buhay na ito

Walang komento: