Miyerkules, Mayo 11, 2016

Baluktot pa rin ang daang matuwid

BALUKTOT PA RIN ANG DAANG MATUWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

baluktot pa rin ang daang matuwid
sapagkat tadtad pa rin ng balakid
kayrami pa rin ng pinunong manhid
buhay ng masa’y nagkapatid-patid
habang iba'y sa dilim nangabulid

paano ba natin maitatama
daang matuwid ba'y ipagluluksa
bakit naghihirap pa rin ang dukha
at binabarat ang lakas-paggawa
dapat na bang maghimagsik ng madla

paparating na raw ang pagbabago
totoo na ba ito sa obrero
karapatan na ba'y irerespeto
bulok na sistema ba'y magbabago
kahit nariyan ang kapitalismo

ipagluksa natin anumang mali
pagkakaisa ng masa ang susi
upang bulok na’y tuluyang mapawi
tapusin na iyang mga tunggali
at pawiin na ang lahat ng uri

Walang komento: