Lunes, Mayo 30, 2016

Salamat sa ating guro

SALAMAT SA ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy sa pagtuturo ang ating guro
kahit sweldo'y kaybaba, nakapanlulumo
sa mga leksyon, pisara'y pinadudugo
nang estudyante'y di maetsapwera't dungo

silang ating guro'y pangalawang magulang
upang mga uwak ay di tayo malinlang
upang ang kalapati sa puso'y malinang
at huwag matulad sa pulitikong halang

nakasama natin ang ating guro noon
sa saya't unos, sumapit ma'y dapithapon
pilit tayong inilayo sa digma't lason
pagdatal ng sigwa’y agad tayong inahon

dahil sa ating guro, natutong magsulat
sinuri ang paligid, nagbuklat ng aklat
lipuna'y pinag-aralan, diwa'y namulat
sa ating guro'y taos-pusong pasalamat

Walang komento: