HABANG MAY GUBAT, MAY KAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod
habang may gubat, may kahoy / habang may parang, may kugon
kaya bakit iisiping / pamilya mo'y magugutom
nariyan sa kalikasan / ang pang-ulam kahit kangkong
nariyan sa katubigan / ang mga plapla't galunggong
pangalagaan lang natin / ang alay ng kalikasan
at magsipag lamang tayong/ bungkalin ang pagtatamnan
sagot ang ating tiyaga / laban sa pagkagahaman
ng burgesya't elitistang / tayo na'y inaagawan
habang may gubat, may kahoy / ngunit huwag putling lahat
kung ano lang kailangan / ang inyong kuning marapat
upang ating kapwa tao'y / may makuha pa ring sapat
upang pamilya'y di gutom / at makakain ang lahat
kaya huwag gagayahin / iyang putragis na sakim
ang puno'y pinagpuputol / nang tubo rito'y masimsim
silang dahilan ng dusa't / lahat ng ating panimdim
sa kasakiman sa tubo / ang dinulot nila'y lagim
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento