Linggo, Disyembre 25, 2016

Malungkot ang Pasko ng pamilyang tinokbang

MALUNGKOT ANG PASKO NG PAMILYANG TINOKBANG

biktima sila ng anong lupit na karanasan
sapagkat pamilya'y dinaluhong ng karahasan
mahal sa buhay ay wala sa prosesong pinaslang
kinatok sa bahay, imbitasyon ay naging tambang
operasyong tokhang ay naging tokbang: "tok, tok, bang! bang!"

ngayong Pasko, wala na ang mahal nila sa buhay
malungkot ang kapaskuhan sa kinagisnang bahay
ganun-ganon lang, mahal nila'y basta lang pinatay
walang managot, collateral damage daw ang bangkay
sa digmaang parang ipis kung tirisin ang buhay

at ngayong Pasko, halina't magnilay-nilay tayo
paano bang buhay ay kanilang irerespeto?
igalang pa kaya itong karapatang pantao?
sa sunod na Pasko ba'y asahan pa ring ganito?
mga biktima ba'y may hustisya pang matatamo?

kung tugon nila sa problema'y shortcut, pamamaslang
kung solusyon nila'y pananakot at pananambang
di matalino ang pinuno, isa siyang hunghang
problema'y di kayang malutas, kaya shortcut na lang
kung ganyan ang lider mo, kaluluwa niya'y halang

- tula't litrato ni gregbituinjr.,/122516

Paskung-pasko, kayraming pulubi

PASKONG-PASKO, KAYRAMING PULUBI

naglakad-lakad ako ngayong Kapaskuhan
na dapat dama kahit munting kasiyahan
ngunit kayrami pa ring pulubi sa daan
para bagang ang Pasko'y walang pakialam

gula-gulanit pa rin ang damit ng bata
marusing pa rin ang suot na tila basa
para bagang Pasko'y dinaanan ng sigwa
Paskung-Pasko'y marami pa rin ang kawawa

maglakad-lakad ka ri't maging piping saksi
kahit na kapaskuhan, kayraming pulubi
kagutuman sa bayan ay sadyang kayrami
bakit ganito ang bayan, tanong sa sarili

ang sistemang ito'y mapangyurak sa tao
na serbisyo'y negosyo sa kapitalismo
naglipana ang pulubi kahit na Pasko
kaya dapat palitan ang lipunang ito

Pasko'y isang araw ba ng pananahimik?
at matapos ito'y muling manghihimagsik?!
pangarap na pagbabago'y ating ihasik
hanggang lipunang komunal ay maibalik


- gregbituinjr.,/122516

Nasa pagkakaisa ng manggagawa ang pag-asa

nasa pagkakaisa nitong manggagawa
yaring pag-asa ng buong sangkatauhan
paniwalang ito'y tagos sa puso't diwa
upang kamtin ang pagbabago ng lipunan

panahon man ngayon ng hinagpis at sigwa
dahil sa kabuktutan ng lilong puhunan
ang Pasko'y araw na dapat ding ikatuwa
pagkat may isang araw na dusa'y naibsan

lipunang kapitalista'y kasumpa-sumpa
na yumurak sa dangal nati't katauhan
kaya dapat kamtin ang lipunang malaya
sa salpukan ng makauring tunggalian

uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
magbigkis muli't patuloy tayong lumaban
ipanalo natin ang lipunang adhika
ito'y muling panata ngayong kapaskuhan

- gregbituinjr./122516

(nasa larawan ang anyo ng Christmas Card na ipinamamahagi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino)


Huwag kang makikipag-away ngayong Pasko

huwag kang makikipag-away ngayong Pasko
lalo na't ang katunggali mo'y walang modo
dahil baka magkasakitan lamang kayo
magpasensya ka't wala pang sakit ng ulo

ngayong Pasko'y huwag kang makikipag-alit
at baka isa sa inyo'y makapanakit
unawain mo na lang, huwag magagalit
at baka pa makapatay ang iyong ngitngit

ngayong Pasko'y pagpasensyahan na lang sila
baka kaya nang-away, kayraming problema
baka ang pasko nila'y tuyo't walang pera
di na nila alam kung paano sumaya

ngayong Pasko'y panahon ng pagbibigayan
kahit na ang buong taon ay kahirapan
isang araw man ay damhin ang kasiyahan
kahit isang araw lang, walang kaalitan

- gregbituinjr./122516

Huwebes, Disyembre 22, 2016

Paano bang tumula kung loob ko'y pulos galit

paano bang tumula kung loob ko'y pulos galit
makatula pa kaya kung pulos poot ang dibdib
paano ba ilalarawan ang sanlaksang lupit
na halos magpasabog na sa pusong sinibasib
ng paglinlang, pagpaslang, sa inosente'y pagligpit

paano itula ang mga nagkalat na bangkay
lalo't malalaman mong yaong biktima'y hinalay
di lamang katawan kundi pagkatao'y niluray
di na iginagalang ang karapatang mabuhay
ang pinaggagawa nila'y pumatay nang pumatay

paano itula ang nararanasang pagyurak
sa dignidad ng tao't mga dukha'y hinahamak
di na nag-isip, basta sundin ang pangulong utak
sa ngalan daw ng seguridad, kalsada'y tinigmak
ng dugo, animo'y naglaway sa dugo ang parak

paano bang tumula kung dibdib ko'y pulos poot
dahil di malutas ang mga krimen at sigalot
pagpaslang lang ang kayang gawin ng ngayon ay salot
sa mga pagpaslang, paano na sila lulusot
sa nangyayari'y mayroon ka bang maisasagot

- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 21, 2016

Pagdurog sa durugista

PAGDUROG SA DURUGISTA

Philippine President Rodrigo Duterte: "My campaign against drugs will not stop until the end of my term... until the last pusher and the last drug lord (is killed)." 

ramdam ng mamamayan ang takot
sa panahong ligalig ang dulot
dahil sa polisiyang nakasaklot
sa kalsada'y lagim ang bumalot

napakarami nang napapaslang
na kabataan, na mamamayan
dahil nais ng pamahalaan
durugista'y mawalang tuluyan

pangulo mismo ang nagdidikta
hanggang sa kanyang huling hininga
paslangin lahat ng durugista
para sa kaligtasan ng masa?

ngunit ano ang tamang proseso?
sugurin sa pinugaran nito?
pagbabarilin ang mga ito?
ang ganyan ba ang prosesong wasto?

balang araw, hustisya'y hihingin
gobyerno'y kanilang sisingilin
katarungan sana'y maihain
sa pamilya ng gawang rimarim

- gregbituinjr.

Sabado, Disyembre 17, 2016

Kabilugan ng buwang

KABILUGAN NG BUWANG

saksi ang bayan sa kayraming nagsipagtimbuwang
laksang sugapa ang inasinta't pinagpapaslang
at pinapula sa dugo ang dukha't lupang tigang
kayraming tokhang ang naging tokbang, toktoktok, bangbang!

sa utak ng pinuno'y lagi raw umuukilkil
ang "ginintuang" layunin at katagang "Kill! Kill! Kill!"
proseso't karapatang pantao'y sadyang sinikil
parang pumapatay lang ng ipis ang mga sutil

iyon daw ang panahon ng kabilugan ng buwang
binilog ng pinuno ang ulo ng mga hibang
masa'y nilinlang at naging tagapanood lamang
kahit pagpaslang sa araw at gabi'y walang patlang

dapat alpasan ng bayan ang hipnosis na ito
nang mabigyang pansin ang bawat buhay, bawat tao

- gregbituinjr.

Biyernes, Disyembre 16, 2016

Pagkalugmok

PAGKALUGMOK

Umaalingasaw ang paligid
Nag-amoy dugo ang lansangan
Pinapaslang ka na'y di batid
Kayhapdi ng hanging amihan

Paano kung walang proseso
Tinanggalan ng karapatan
Ang biniktima'y kapatid mo
O di kaya'y malayong pinsan

Laksa'y naging tagapanood
May pakiramdam ba ang bayan?
Kayraming sa dugo nalunod
Nakiramdam lang ba ang bayan?

Sa droga'y kayraming nalulong
Sa pagpaslang daming naburyong

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 15, 2016

Ang saksi

ANG SAKSI

lalambi-lambitin ang unggoy sa punong mababaw
habang sa kanyang paligid ay umaalingasaw
saksi siya sa laksang binulagta ng halimaw
na animo'y hari sa mga nagpipiyestang bangaw

nabababad sa dugo ang lupa't buong paligid
dama niyang iyon ay galing sa magkakapatid
habang luha ng sumisintang ina'y nangingilid
bakit ang mga anak ang puntirya'y di nito batid

kamao'y kuyom, pinagmamasdan ang mga anak
nahan na ang proseso't sa dugo sila'y natigmak
sa paligid animo'y kayraming humahalakhak
sikat na ang araw, tuyo na ang mga pinitak

doon sa pinagbitinan, nakabitaw ang unggoy
ang nagluluksang ina'y napatingala't nanaghoy

- gregbituinjr.

#NoToSalvagings #StopTheKillings
#EJKnotOK #RespectTheRightToLife

Miyerkules, Disyembre 14, 2016

At muling nanalasa ang mga bakulaw

AT MULING NANALASA ANG MGA BAKULAW

at muling nanalasa ang mga bakulaw
naghasik ng hilakbot sa bayang mapanglaw
unipormado ang lagim na humahataw
upang lumpuhin ang sindikato ng bangaw

nag-umulol sa galit ang mga kilabot
pagkat sa tropang iyon sila'y pawang sangkot
di nila batid kung paano mahihilot
ang pagkabali ng pakpak ng ibong pugot

sinuong nila ang samutsaring panganib
upang singilin ang may salang anong tigib
hinagilap kung saang sumuot na liblib
at pinasok ang iba't ibang lungga't yungib

di man natagpuan ang hanap na hustisya
nag-aabang pa ring lumabas ang konsensya

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 13, 2016

Huwag isabatas ang parusang bitay

isyung death penalty ngayon ay muling bumubukol
taumbayan muli'y ginulantang, ito ba'y ukol
sa pagbabalik ng parusang bitay tumututol
sa mga inosente kaya'y sinong magtatanggol

baka marami riyang inosenteng akusado
di kayang kumuha ng magaling na abogado
isinakdal sa krimeng ang gumawa'y ibang tao
isinakdal ay dukha gayong mga tambay sa kanto

karaniwan, isang dukha'y pinaaaming pilit
sa gawa-gawang krimen pilit na pinipilipit
hanggang di makayanan ang tortyur sa krimeng giit
hanggang inako ang krimen ng iba't ipiniit

maraming inosenteng itinuring na kriminal
gayong matinong tao'y itinuring na pusakal
kung maraming ganitong dahil dukha'y isinakdal
walang pera kaya't sa hustisya'y natitigagal

panakot nga ba sa krimen ang parusang mamatay
ano't pilit ibinabalik ng mga "mahusay"
natanggal na natin noon pa ang parusang bitay
dahil makataong hustisya ang dapat ibigay

mahusay na sistema ng hustisya'y kailangan
upang masawata iyang mga krimen sa bayan
upang mapigil ang mga krimen sa mamamayan
upang maging matiwasay yaong puso't isipan

- gregbituinjr.


(binasa sa tapat ng Kongreso ng Pilipinas, kasabay ng mobilisasyon ng mga human rights defenders na nananawagang huwag ibalik ang parusang bitay, Disyembre 13, 2016)

Huwebes, Disyembre 8, 2016

Pag marami raw pulubi

pag nakakita raw kayo ng pulubi sa daan
masasabi nyong sadyang bigo ang pamahalaan
na tuparin ang tungkulin nito sa mamamayan
upang buhay at dangal nito'y mapangalagaan

samutsari ang dahilan kung bakit may pulubi
dahil sa hirap at sa problema'y natuturete
walang pagkakataong sa bayan ay magkasilbi
di lang lipunan kundi sinisisi ang sarili

kaya pa kayang magbago pa ang kanilang buhay
na tila sa mundong ito'y naglalakad na bangkay
nangangarap pa rin ng gising, umaasang tunay
o kamatayan na lang ang kanilang hinihintay

pag marami raw pulubi, gobyernong ito'y bigo
dahil walang magawa nang buhay nila'y mahango

- gregbituinjr.

Lunes, Disyembre 5, 2016

Kung tayo'y lalaban

KUNG TAYO'Y LALABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"If we have to fight let us fight like men, not like dogs or rats." ~ Lean Alejandro

hinahamak na ng diktadura ang sambayanan
ang tao'y di na tao, laging pinagkakaitan
diktadurang ang idinudulot ay kamatayan
dapat ganitong sistema'y ibagsak nang tuluyan

maging mapanuri habang nagtatanong ng bakit
habang ang pamamaraan ng mga malulupit
ay di natin tutularan, di dapat ginagamit
silang ang karapatan nati'y ipinagkakait

kung makikibaka tayo, makibakang may dangal
huwag tutularan ang gaya nilang mga hangal
sa paglaban pagpapakatao ang ipairal
lumaban bilang tao, di tulad nilang animal

dukha'y katuwang, makibaka ng may dignidad
sistema'y baguhin, isama lahat sa pag-unlad

Biyernes, Disyembre 2, 2016

Protesta laban sa paglibing sa diktador

gigil sa pagpoprotesta ang mga kabataan
laban sa lumalapastangan sa katotohanan
pagkat alam nila kung anong nasa kasaysayan
na pilit binubura ng nasa kapangyarihan

pati na nakikibaka para sa kalikasan
ay kasama nilang nagpoprotesta sa lansangan
noon, paglikha ng saplad ng Chico'y nilabanan
pati na plantang nukleyar ay sadyang inayawan

nalibing ang diktador na hilakbot ang nilalang
sa puso ng bayang karapata'y sinalanggapang
sa panahon niya'y kayraming nawala't napaslang
buhay ng mga iskolar ng bayan ay sinayang

bagong lipunan ay naging lipunang luhaan
pilit binabago ang pagsulat ng kasaysayan
tatakpan ito ng pabango't kasinungalingan
na balang araw ay aalingasaw ring tuluyan

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 1, 2016

Hukayin! Hukayin

HUKAYIN! HUKAYIN!

"Hukayin! Hukayin!" ang sigaw ng grupong BlockMarcos
nang sa Libingan ng mga Bayani'y idinaos
ang paglilibing sa diktador na mapambusabos
"Hukayin! Hukayin!" kahit na sila pa'y mapaos

animo'y kawatan ang nagpalibing sa kawatan
ninakaw na libing, inilihim sa taumbayan
"Hukayin! Hukayin!" sigaw ng bayan sa Libingan
"Di bayani ang diktador!" na nang-api sa bayan

tandaan natin ang mga pangalan: Liliosa
Lorena, Lisa, Boyet, Hermon, at laksang biktima
ng batas-militar ni Marcos na dulot ay dusa
sila ang tunay na bayani sa puso ng masa

di nararapat sa Libingan ng mga Bayani
ang diktador na nanalasa sa dilim ng gabi
"Hukayin! " tinig ng kabataa'y nakaririndi
"Hukayin!" sigaw ng masang sa diktadurya'y saksi

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 30, 2016

Gaya ni Gat Andres, at di ni Makoy, ang bayani

GAYA NI GAT ANDRES, AT DI NI MAKOY, ANG BAYANI

gaya ni Gat Andres, at di ni Makoy, ang bayani
katotohanang dapat pagnilayan ng mabuti
si Gat Andres yaong bayani para sa marami
di tulad ni Makoy na “pagkabayani’y” marumi

Gat Andres Bonifacio’y namuno sa Katipunan
nakibaka tungo sa pangarap na kalayaan
mula sa kuko ng dayuhan, pangil ng gahaman
upang kamtin ang inaasam na bagong lipunan

mabuhay ka, Gat Andres, sa iyong dakilang araw
bantayog mo sa mga bayan-bayan ay dinalaw
di gaya ng diktador na bayang ito'y pumusyaw
sa puslit na paglilibing, masa'y muling pinukaw

anang bayan, di bayani ang diktador, No Hero
anila, si Makoy ang diktador numero uno
may bangkay si Marcos, di makita ang sa Supremo
ngunit bayani'y si Gat Andres, ang unang pangulo

- gregbituinjr., 30 Nobyembre 2016


Linggo, Nobyembre 27, 2016

Pagpupugay kay Kumandante Fidel Castro

PAGPUPUGAY KAY KUMANDANTE FIDEL

Tunay kang inspirasyon sa pagbabago, Ka Fidel
Lalo’t nilabanan ang diktaduryang manunupil
Pinabagsak ang pamumuno ng Batistang sutil
Bagong sistema'y tinatag laban sa paniniil

Ipinagtagumpay nyo ang rebolusyong Cubano
Kasama si Doktor Che Guevara'y ipinanalo
Pasistang rehimeng Batista'y tuluyang tumakbo
At isinabansa nyo ang industriya't komersyo

Bakas ng rehimeng Batista'y tuluyang nilansag
Sadyang pagyakap sa sosyalismo'y ipinahayag
Sari-saring lathalaing sosyalista'y nilimbag
Sa embargo man ng Amerika'y naging matatag

Apatnapu't siyam na taong pinamahalaan
Ang sosyalistang Cuba ng buong puso't isipan
Nakaligtas sa samutsaring anyo ng pananambang
Matalinong di napaslang ng mga salanggapang

Kayraming dinulot ng tagumpay ng rebolusyon
Kahit inembargo'y hinarap ang anumang hamon
Sariling sikap ng bayan, pinaunlad ang nasyon
Lalo ang sistemang kalusugan at edukasyon

O, Ka Fidel, idolo ka’t mabuting halimbawa
Sosyalistang lider na humarap sa maraming sigwa
Tunay kang inspirasyon ng mga bansang dinukha
Ng imperyalismong sa daigdig ay nanagasa

Prinsipyo't halimbawa mo'y aral na sumisilay
Sa mga kilusang nakikibaka pa ring tunay
Isa kang dakilang lider-sosyalistang kayhusay
Kumandante Fidel, taas-kamaong pagpupugay!

- gregbituinjr.

* Comandante Fidel Castro (Agosto 13, 1926 - Nobyembre 25, 2016)

Sabado, Nobyembre 26, 2016

Ka Roger, Lider-Maralita

KA ROGER, LIDER-MARALITA

batikang lider-maralita
idolo ng maraming dukha
  taktisyan sa mga labanan
  kayraming napanalong laban
nilabanan ang demolisyon
dukha'y dala sa relokasyon
  patuloy siyang nakibaka
  alang-alang sa laksang masa
sa mga dukha'y tagapayo
laksang aral ay mahahango
  lider ng maralitang lungsod
  mahirap man, di napaluhod
ng sinupamang nasa poder
sinagupa sinumang pader
  ganyan si Ka Roger, magiting
  isang muog kung iisipin
prinsipyo'y di basta matibag
sa labana'y laging matatag
  limang dekadang nakibaka
  maralita'y laging kasama
lider, taktisyan, matalino
sosyalista at prinsipyado
  Ka Roger, sa iyong paghimlay
  taas-kamaong pagpupugay

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Hamon sa dokumentasyon

HAMON SA DOKUMENTASYON

kinakaharap nati'y bukas na maalapaap
sa bagong rehimen may mga maling nagaganap
labis-labis ang patayan, biktima'y mahihirap
tila karapatang pantao'y isa lang pangarap

mga kapatid, narito tayo sa pagsasanay
upang sumabak sa panawagang hustisyang tunay
kayraming tinotortyur, tinotokhang, pinapatay
pangyayaring puno ng pasakit, dahas at lumbay

paano natin haharapin ang ganito, kapatid
maraming kasong sa kamay ng batas nalilingid
paano ba natin ito sa madla'y mapabatid
upang ang kawalang hustisya'y tuluyang mapatid?

- gregbituinjr.,11-25-16
nilikha at binasa sa ikatlong araw ng Study Session and Workshop on Human Rights, Torture and Extra-Judicial Killings, na inisponsor ng Balay at iDefend


Huwebes, Nobyembre 24, 2016

Balantukan

BALANTUKAN

sa tortyur ay sadyang manginginig ang laman
pisikal, mental, dama ng kaibuturan
maging ito'y munting kirot ng kalingkingan
sadyang madarama ng buo mong katawan

ayaw mang aminin, pamilya'y lumuluha
tila kinulata ang pagkatao't diwa
para bang isang sasakyan tayo'y binangga
nang dahil sa tortyur, ang tao'y kinawawa

bakit ba nangyayari ang mga ganito
lipunan ba'y hindi lipunang makatao
hirap at gutom ba'y salik o elemento
upang sa gayon masadlak ang isang tao

tortyur ay di makataong pamamaraan
tao'y di lang masusugatan o peklat man
nag-iiwan ito ng latay sa isipan
dapat sistemang ito'y mawalang tuluyan

- gregbituinjr.,11-24-16
nilikha at binasa sa harap ng mga dumalo sa ikalawang araw ng Study Session and Workshop on Human Rights, Torture and Extra-Judicial Killings, na inisponsor ng Balay at iDefend

Miyerkules, Nobyembre 23, 2016

Katarungan sa limampu't walo

KATARUNGAN SA LIMAMPU'T WALO
(sa ikapitong anibersaryo ng Maguindanao massacre, Nobyembre 23, 2016)

nang dahil sa angkin nilang kapangyarihan
karibal sa pulitika ang tinambangan
ginahasa pa ang mga kababaihan
pati mga dyornalista'y pinagpapaslang
mistulang dagat ng dugo ang lupang tigang

biktima'y tatlumpu't dalawang dyornalista
at pamilya ng kalaban sa pulitika
may mga sibilyan ding sadyang nadamay pa
inubos ngang lahat ang mga pinuntirya
doon sa Maguindanao, walang itinira

buga ng baril yaong ipinasalubong
hanggang laksang dugo sa lupa'y dumaluyong
pinagsasagpang sila ng lilo't ulupong
sa mga maysala'y di sapat iyang kulong
totoong hustisya'y dapat nilang masumpong


- gregbituinjr.

Tula alay sa FIND

SA ANIBERSARYO NG FIND
(alay sa ika-31 anibersaryo ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance, Nobyembre 23, 2016)

tanging handog sa inyo ng abang makata
ay pawang tula lamang na sariling katha
pakikipagkaisa sa puso nyo't diwa
laban sa inhustisyang sa inyo'y ginawa

mga mata ma'y nakatitig sa kawalan
ang diwa'y binubutingting ng kaigtingan
ng kaganapang di mawari sa isipan
lalo't mahal nyo'y di pa rin natatagpuan

makata ma'y nakatingala sa bituin
upang mga kataga'y pagtagni-tagniin
para sa inyo, tula'y agad kakathain
bilang ambag sa layunin nyo’t simulain

bilin sa atin ni Rizal doon sa Fili
huwag kalilimutan, di man tayo saksi,
ang mga nangabulid sa dilim ng gabi
lalo't buhay nila'y inalay sa mabuti


- gregbituinjr.

Sa ika-31 anibersaryo ng FIND

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG FIND, NOBYEMBRE 23, 2016
(alay na soneto sa Families of Victims of Involuntary Disappearance o FIND)

di ko alam kung taas-kamaong pagbati
o kamaong kuyom na pagdadalamhati
ang isasalubong ko sa inyong pighati
kundi munting paggunitang may halong hikbi

sabi nyo nga, "Buti pa si Marcos, may bangkay!"
sa Libingan ng Bayani, siya'y nahimlay
nakaragdag ito sa poot ninyo't lumbay
habang di makita ang mahal nyo sa buhay

dama po namin ang inyong pagkasiphayo
at iwing puso'y narito ri't nagdurugo
kailan makikita ang mga naglaho
asam na hustisya nawa'y makamtang buo

nawa'y makita na ang nawawalang mahal
at katarungan nawa sa inyo'y dumatal


- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 22, 2016

Pagninilay ng isang Voltes V fan

PAGNINILAY NG ISANG VOLTES V FAN

kapara ng Voltes V sa imperyo ni Prince Zardos
pinatalsik na ng bayan ang diktaduryang Marcos
tuluyang ibinagsak ang imperyong Boazania
gaya ng pagbagsak ng mapanlilong diktadurya

ngayon ang diktador ay itinuring na bayani
parang kinilalang bayani ang lilong prinsipe
sadyang nakapanginginig ng laman ang nangyari
tila pinaghirapan ng baya’y nawalang silbi

klasiko ang panawagan ng Voltes V: "Let's volt in!"
na para sa diktadurya'y "Let's revolt" daw kung dinggin
tinanggal ni Marcos ang Voltes V sa telebisyon
dahil siya lang ang hari, bawal ang rebolusyon

sa Libingan ng Bayani, diktador na'y nalibing
ibinaon nang lihim, mga Marcos ay nagpiging
ang nangyaring ito'y pagyurak sa bayang magiting
kaya ang panawagan ng bayan, ito'y hukayin

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 19, 2016

Ako'y Block Marcos

Ako'y agad nang nakiisa sa grupong Block Marcos
Kasaysayan ang nagbadyang agad kaming kumilos
Organisahin ang hanay, ito na'y pagtutuos
Yaring bayan ay nagbangon sa nangyaring pag-ulos

Bakit ba sa Libingan ng Bayani inilibing
Libingang ito'y di para sa diktador ang turing
O, bayan, sa pagsasamantala, tayo'y gumising
Commitment sa labang ito'y dapat na mapaigting
Kabakahin anumang sa karapata'y sasaling

Marcos ay nailibing sa Libingan ng Bayani
At nagprotesta ang kabataan, masang kayrami
Rinig mo ang hikbi at hiyaw nilang anong tindi
Concerned citizens din ay sadyang nanggagalaiti
Oo, "Hukayin! Hukayin!" ang kanilang sinabi
Sapagkat ang diktador nga'y hindi naman bayani!

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 15, 2016

Sangre Danaya, inspirasyon ng makata

Sangre Danaya, sa Encantadia nagmula
sa tuwina'y pangarap ng abang makata
ang musa'y isang napakagandang diwata
inspirasyon ng pusong tigib ang paghanga
si Danaya'y kaytindi sa pakikidigma
magaling sa arnis, mataktika ang diwa
iba na pag puso ng makata'y tinudla
sadyang iibig sa sinasambang diwata
kung daratal ka sa mundo ng mga tao
narito akong tiyak kakampi sa iyo
nawa'y huwag lang ipagkait ang ngiti mo
na sa abang puso'y nagpasayang totoo
salamat, minamahal kong Sangre Danaya
sa daigdig ko't panitik, ikaw ay musa

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 14, 2016

sa isang dilag

bisyo mong pagsinta'y dakila
ito man ay tadtad ng luha
nawa kamtin mo'y pawang tuwa
pagsubok ma'y dumaang pawa

bisyo ko naman ay tumula
kahit pa dumaan ang sigwa
huwag lamang sanang mawala
itong dignidad at adhika

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 12, 2016

Kamao'y kuyom sa lilim ng alapaap

panahon iyon na ang langit ay maulap
kamao'y kuyom sa lilim ng alapaap
marami nang nangawala sa isang kisap
nagdaa'y deka-dekada't di pa mahanap

ang The Great Lean Run ay isang paggunita
sa araw ng pagkayukayok, tila sumpa
kayrami nilang biktimang napariwara
dahil sa diktaduryang namuno'y kuhila

noon, diktadurya'y panahon ng hilahil
habang nahaharap sa bagong panunupil
sa karapatang pantaong ayaw papigil
ngayon ay ramdam pa rin ang panahong sikil

at muling sinariwa sa The Great Lean Run
na pag dumatal ang sigwa tayo'y lumaban

- gregbituinjr.


(ang tulang ito'y bahagi ng isang planong pamphlet o zine ng mga tula hinggil sa The Great Lean Run 2016 bilang handog-pasasalamat sa mga nag-isponsor sa makata sa makasaysayang aktibidad na ito)

Huwebes, Nobyembre 10, 2016

ang maya

lilipad-lipad ang maya
sadyang kahali-halina
palay ba ang hanap niya?
baka mumong tira-tira?
o bulate ang puntirya?

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 9, 2016

huwag ilibing sa LNMB ang diktador

sa Libingan ng mga Bayani'y huwag ipilit
na ilibing doon ang diktador na anong lupit
pagkat siya'y pinatalsik na nitong bayang gipit
pati ang kasaysayan pa'y nais nilang iligpit

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 8, 2016

Sa muling panahon ng hilahil

narito muli ang panahon ng hilahil
bayani na raw ang diktador na nanupil
ng karapatan at sa bayan ay naniil
bakit bayani na ang diktador na sutil
nagngingitngit ang bayan, sa korte'y nagapi
pinatalsik nila noon, ngayo'y nagwagi
isang paglupig sa kasaysayan ng lahi
kalunos-lunos, ang bayan na'y nalugami
subalit balang araw ay maniningil din
ang kasaysayang pilit nilang buburahin
tila baya'y patiwarik na ibinitin
nabigo't nayurakan ang dangal na angkin
nasa ligalig, nagbabaga ang panahon
di madalumat bakit gayon ang desisyon
ng Korteng dapat kakampi ng bayan ngayon
ah, sadyang panahon na ng muling pagbangon
- gregbituinjr., 110816

Linggo, Nobyembre 6, 2016

Pagninilay sa "Pray for Eight" Concert

PAGNINILAY SA "PRAY FOR EIGHT" CONCERT

dinggin nawa ng walo o higit pang mahistrado
ang tinig ng bayan at pintig nitong aming pulso
na kasaysayan ay kaakibat ng pagkatao
at ugat ng lahing dapat buo, di binabago

patuloy na humihikbi ang maraming pamilya
ng mga nawala sa panahon ng diktadurya
hanggang ngayon, kay-ilap ng ninanasang hustisya
nawa, katarungang asam na'y mapasakanila

pagpapasiyahan nila kung wasto bang ilibing
sa Libingan ng Bayani ang diktador ng lagim
sugat pang di hilom ay huwag budburan ng asin
kasaysayan pag nayurakan ay di malilihim

kami'y umaasang maging patas ang inampalan
at di yuyurak sa pagkatao't dangal ng bayan
O, hukom, maalam ding maningil ang kasaysayan
mga pasiya nyo nawa'y maging makatarungan

- tula't litrato ni gregbituinjr.

(ang tulang ito’y kinatha sa monumento ni LapuLapu sa Rizal Park, Luneta, Maynila, Nobyembre 6, 2016)

(nakatakdang magbotohan ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa Nobyembre 8, 2016)

Biyernes, Nobyembre 4, 2016

Daludalo

kung daludalo ang tawag sa anay na may pakpak
sa anay ng lipunan kaya'y anong itatawag?
anay na dalo ng dalo sa mga pulong bayan
subalit trapo palang sadyang di maaasahan

- gregbituinjr.


Miyerkules, Nobyembre 2, 2016

Pagpupugay sa mga totoong bayani

PAGPUPUGAY SA MGA TOTOONG BAYANI
(Binasa sa Bantayog ng mga Bayani, sa aktibidad ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance, Nobyembre 2, 2016)

pagpupugay sa mga totoong bayani
na sa ating bayan ay tunay na nagsilbi
nang dahil sa prinsipyo'y walang pangingimi
na ipagtanggol ang masa mula sa imbi

ngunit marami sa kanila'y nangawala
di malaman, sila ba'y nabaon sa lupa
nahan na sila, aming puso'y lumuluha
hustisya ang hiyaw ng pusong nagbabaga

ngayon, nais pang baguhin ang kasaysayan
diktador ay nais ilibing sa Libingan
ng mga Bayani, huwag nating payagan
pagkat ito'y pagyurak sa dangal ng bayan

patuloy tayong magkaisa, makibaka
nang kamtin ng bayan ang asam na hustisya

- tula't litrato ni gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 1, 2016

Pagninilay sa sementeryo

PAGNINILAY SA SEMENTERYO
(sinulat sa Loyola Cemetery sa Marikina, habang ginugunita ang Author's Day, Nobyembre 1, 2016)

umaga'y naroong nagtungo na sa sementeryo
dumalaw sa puntod ng isang rebolusyonaryo
ilang taon na, kasama'y pinaslang ng Pebrero
subalit patuloy na nakibaka ang obrero

habang iginagala ang paningin sa paligid
may isang lawing lilipad-lipad sa himpapawid
na animo'y isinisigaw ang di nalilingid
hustisya! hustisya sa aming kasama't kapatid!

kayraming namatay, pinaslang, nabaon sa lupa
habang tiwali't pusakal pa ri'y nagsisigala
sa pamahalaan ay laksa ang tuta't kuhila
at sugapa'y patuloy pa ring nagsisibulagta

sa sementeryo'y nagsisipuntahan kapag undas
habang pook na yao'y ulila kapag taglagas
alaala ng nakalipas ay di lumilipas
katawan man ng namatay doon ay naaagnas

- tula't litrato ni gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 27, 2016

Ang bandilang asul

ANG BANDILANG ASUL
(alay sa ika-23 anibersaryo ng Sanlakas,
Oktubre 29, 2016)

tulad ng simbolo ng watawat ng bayan
ang puti sa tatsulok ay kabusilakan
ang dilaw nama’y tanda ng kahinahunan
pula’y sagisag ng bayani’t kagitingan
asul ay tanda ng tiwala't katapatan

tiwala't tapat sa tinanganang prinsipyo
upang ihasik ang binhi ng pagbabago
kumilos para sa karapatang pantao
laban sa kaapihan at kapitalismo
at pangalagaan ang dignidad ng tao

habang nagwawagayway ang bandilang asul
nais nila’y payapang mundo mula’t sapul
subalit bulok na sistema’y nang-uulol
sa bayan habang puhuna’y pasipol-sipol
asam nilang lipunan sana nga’y sumibol

naroon, tangan ang bandila ng Sanlakas
iwinawagayway, tandang asam ang bukas
na maayos pati patakaran at batas
at mapawi yaong tiwali't talipandas
upang kamtin ang isang lipunang parehas

Martes, Oktubre 25, 2016

Pagninilay sa kasalukuyang kalagayan

PAGNINILAY SA KASALUKUYANG KALAGAYAN

I

"sundin mo ako, anak, huwag kang magpapagabi
pagkat ayokong humandusay ka riyan sa tabi
layuan mo ang mga adik, wala silang silbi
lumayo ka sa mga adik kung ayaw magsisi"

"adik kasi iyan, eh, period, walang karapatan
layuan mo sila't baka madamay ka pa riyan
mag-ingat baka dugo nila tayo'y matalsikan
ang tulad nila'y nakaharap na kay Kamatayan"

II

kaylungkot ngang malaman ng katotohanang ito
tila walang paggalang sa karapatang pantao
ngunit dapat ingatan ng ama ang anak nito
lalo na't adik ay di matino't asal-demonyo

ngunit ang tamang proseso'y huwag kalilimutan
di porke adik ay mga pusakal agad iyan
i-rehab sila lalo na't iyon ang kailangan
mga tao rin sila't di ipis, may karapatan

III

iyang pag-aadik ba nila'y panlaban sa gutom
upang hapdi ng sikmura'y di maramdaman niyon
wala bang pangarap, pinili ang buhay na gayon
o nais ay mabilisang pera kaya nagumon

bakit may mga adik, dahil ba may kahirapan
o idinadahilan lang natin ang karukhaan
dahil di natin tarok bakit bulok ang lipunan
kung bakit may laksang dukha't may mayamang iilan

IV

tunay namang dapat nang mawala ang mga adik
ngunit di sa paraang dibdib nila'y dinidikdik
ramdam na nilang hirap sa mundo'y kahindik-hindik
ang dugo pa nila'y sisirit, sa lupa tatalsik

wala na bang pagkakataong itama ang buhay
adik ba'y wala nang karapatang pantaong taglay
palipad-hangin na lang ba ang karapatang tunay
o sila'y tao ring may kwento't may kwenta ang buhay

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 18, 2016

Nananaghoy ang tikbalang sa kanto

nananaghoy ang tikbalang sa kanto
tila baga siya'y nagdidiliryo
sa magandang birhen nagsusumamo
kahit na siya'y amoy sigarilyo

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 17, 2016

Buhay ng tao'y igalang

BUHAY NG TAO'Y IGALANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

tinukso ng mapanlinlang
sa shabu raw malilibang
ngunit utak ay nabuwang
gawa'y krimen at nanlamang
kaya nang mag-oplan tokhang
kayrami nang natimbuwang

ipis sila kung turingan
gayong kapwa tao naman
tila ba pamahalaan
animo'y nabubulunan
sa usaping karapatan
prosesong pagdaraanan
kalagayan ng lipunan
at bakit may kahirapan

ako’y napatiim-bagang
laksang buhay na'y inutang
proseso'y di na nalinang
karapatan pa'y hinarang
maisisigaw na lamang:
buhay ng tao'y igalang!

Maligayang kaarawan sa isang dilag

MALIGAYANG KAARAWAN SA ISANG DILAG
para kay Ruby na isang kasama sa pakikibaka, kaarawan niya noong Oktubre 14

maligayang kaarawan sa iyo
matimyas kong pagbating taas-noo
kung ilarawan kita'y masasabi
kumbaga sa dyamante'y isang ruby
sapagkat patuloy kang kumikilos
laban sa sistemang mapambusabos
magpatuloy ka sa pakikibaka
marami kaming sa iyo'y kasama
hanggang kamtin ang tagumpay ng mithi
puno man ng sakripisyo'y may ngiti
rebolusyon ma'y puno ng pasakit
nawa'y di ka naman nagkakasakit
kalusugan mo'y iyong pag-ingatan
sa muli, maligayang kaarawan

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 16, 2016

Ang dalawang oplan

OPLAN TOKHANG

kinakatok sa bahay
maririnig ang ingay
gumulo, may pinatay
kinabukasan, lamay


OPLAN TOKBANG

noong una'y oplan tokhang
ngunit naging oplan tokbang
ang nangyari: tok! tok! bang! bang!
kakatok at may pinaslang


- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 15, 2016

Ang haring palamura ay haring palamara

laging nagmumura ang hari
mayroon kaya siyang budhi
nakatutuwa ba sa lahi
ang pagtutungayaw ng hari

takot ding mamuna ng masa
hari’y matalas ang espada
at baka pagulungin niya
ang ulo nila sa kalsada

tatahimik na lang sa takot
disiplina man ay baluktot
sa dibdib ng masa'y pangadyot
sa puso nila’y may hilakbot

ngunit burgesya’y natutuwa
sa pagmumura ng kuhila
nadamay pa'y inang kawawa
sa mapanyurak na salita

pagmumura ba'y matitigil
subalit sino ang pipigil
gayong lagi nang nanggigigil
ang palamurang haring sutil

- gregbituinjr.

Ang utos daw ng hari

ang utos daw ng hari
ay di dapat mabali
salawikaing susi
sa adhikaing mithi

iyo bang nasusuri
sa pagkaapi'y sanhi?
iyo bang mapupuri
ang masunuring lahi?

kung nagkabali-bali
mismong utak ng hari
susundin ba ang mali
basta utos ng hari?

walang dapat maghari
sa mundong inaglahi
ihasik, ipagwagi
ang mabubuting binhi

burgesya, hari’t pari’y
di dapat manatili
lipunang walang uri'y
dapat nang ipagwagi

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 13, 2016

Ang salot sa pagawaan

ANG SALOT SA PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Tulang binasa sa rali ng grupong MASO (Manggagawang Sosyalista) sa harap ng Senado, Oktubre 13, 2016

Salot sa manggagawa iyang kontraktwalisasyon
Kayraming biniktimang obrero sa ating nasyon
Sinisibasib pati na makataong kondisyon
Sa pabrika’t karapatan nila ang nilalamon

Katawan at isip ng manggagawa’y pinipiga
Kinakatas ang labis na halaga ng paggawa
Kontraktwal upang benepisyo’y di nila mapala
Salot ang kontraktwalisasyong dikta ng kuhila

Pag ipinagtanggol ang karapatang dinelubyo
Ng kontraktwalisasyong salot sa mga obrero
Nakaabang agad ang hukbo ng walang trabaho
Na handang pumalit kahit na mababa ang sweldo

Kaya manggagawa, organisahin na ang uri
Upang kontraktwalisasyon ay di na manatili
Sagwil ito sa pag-usbong ng ating minimithi
Na isang lipunang walang pribadong pag-aari

Kontraktwalisasyon ay dapat alising tuluyan
Gawing krimen pagkat mapanira ng karapatan
Ng obrerong nilikha’y ekonomya ng lipunan
Kasiguruhan sa trabaho’y dapat ipaglaban

Lunes, Oktubre 10, 2016

Sa tilamsik ng dila

sa tilamsik ng dila
humuhuni ang diwa
tila ba isinumpa
dinaanan ng sigwa

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 9, 2016

Pahimakas kay Ka Ronnie Luna

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG RONNIE LUNA
Disyembre 1, 1958 - Oktubre 5, 2016
Vice President, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)

pagpupugay, kasamang Ronnie, sa ambag mo't gawa
matatag mong isinulong ang sosyalistang diwa
kasamang inorganisa ang uring manggagawa
inspirasyon sa pakikibaka ng maralita

tumigil man sa pagtibok ang naiwang katawan
ngunit di ang mga adhikaing iyong iniwan
tigib ng aral pakikibaka mo't karanasan
nag-ambag upang baguhin ang bulok na lipunan

salamat sa panahong inambag ng walang humpay
salamat sa prinsipyong tunay mong isinabuhay
salamat sa sama-samang pakikibakang tunay
salamat sa buhay mong sa manggagawa inalay

inorganisang walang humpay ang mga obrero
para sa inaadhikang lipunang sosyalismo
kasama, simbigat ng bundok ang pagkamatay mo
kaysa kapitalistang singgaan ng balahibo

- tula’t litrato ni gregbituinjr.


Sabado, Oktubre 8, 2016

Tayo'y dahon

TAYO'Y DAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

tayo'y mga dahon lamang, ayon sa awit ng Asin
sa puno'y nahihiwalay at nililipad ng hangin
hanggang sa maging abuhin ang luntiang buhay natin
at malanta na sa lupang sa atin din ay aangkin
tuluyang maging pataba sa lupang dapat linangin
makatulong sa paglinang ng punong palalaguin

Biyernes, Oktubre 7, 2016

Tanaga ang pagtula

tanaga ang pagtula
linya'y apatang lubha
pitong pantig, may tugma
sansaknong at sandiwa

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 5, 2016

Danas ng uhaw na lupa

DANAS NG UHAW NA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

danas na nahalukay sa bawat kong panaginip
maigi’t yaong dinahas sa panganib nasagip
mga aral nito'y dapat tandaan at malirip
na dapat lang maisabit sa dingding niring isip

kung ang paglilingkod natin ay tunay na masidhi
pawiin nang tuluyan ang pribadong pag-aari
upang mapawi na ang pagkakahati sa uri
pag-aari'y di sagrado’t dapat ipamahagi

nagsulat ang bulate sa sikmurang kumakalam
paanong lipunang buktot ay tuluyang maparam
trapo'y ipakakain ba sa limatik at guyam
paglutas ba nito'y aabutin ng siyam-siyam

nasasabik din sa hustisya ang uhaw na lupa
makararaos lang kung tiwali’y gawing pataba

Martes, Oktubre 4, 2016

Pahimakas kay Kasamang Bong

CAMILO "BONG" PACAY
July 16, 1968 - October 1, 2016

SALAMAT, KASAMANG BONG

nakaraan na'y dalawang dekada
sa Tondo kami unang nagkasama
nang ang Sanlakas ay tumakbong una
at si Edcel sa pagkasenador pa

kasamang magaling, sadyang batikan
diyalektiko kung mag-isip iyan
sinusuri ang pulitika't bayan
nais baguhin, bulok na lipunan

pag-oorganisa'y kayhusay sadya
pinagkakaisa ang maralita
lalo na yaong uring manggagawa
para kamtin ang sosyalistang diwa

sa pakikibaka'y di ka matibag
ang paninindigan mo'y di natinag
sa prinsipyo mo'y tunay kang matatag
salamat, Ka Bong, sa iyong inambag

- gregbituinjr.


KAY KA BONG, ISANG PAGPUPUGAY

inspirasyon ka sa maraming kasama
upang baguhin ang bulok na sistema
inalalayan sila't inorganisa
dahil sa iyo'y naging matatag sila

tatlong dekadang patuloy na kumilos
nagkasakit ngunit matatag na lubos
sinuong ang mga panganib at unos
sa mga kasama nga'y mahusay na Bos

kasamang Bong, tunay kang organisador
sa dukha't obrero'y naging edukador
laging pinahahalagahan ang balor
ng mga kasama't di ka kunsintidor

sa problema'y nanatili kang matibay
nang dahil sa sakit, maagang humimlay
sa mga kasama'y inspirasyong tunay
salamat, Ka Bong, mabuhay ka! mabuhay!

- tula ni kasamang greg

Lunes, Oktubre 3, 2016

Kayod ng kayod ay walang pera

KAYOD NG KAYOD AY WALANG PERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagtatrabaho tayo para magkapera
bakit ganuon, lagi pa ring walang pera
ipon ng ipon, kayraming gastusin pala
laksa ang mga bayaring pinoproblema

lalo nang mauso itong boluntarismo
nababoy ang lakas-paggawa ng obrero
di binabayaran dahil daw boluntaryo
kahit gaano pa kabigat ang trabaho

tila masahol pa sa kontraktwalisasyon
marami ngang kontraktwal, bayad ay minimum
nakararaos din, mayroong nalalamon
boluntaryo'y alawans lang, madalas gutom

di bale bang alipin, basta kumakain?
buti may trabaho tayo, di gugutumin?
hindi, dapat bulok na sistema'y baguhin!
pagbabago ng lipunan ang ating gawin!

Linggo, Oktubre 2, 2016

Maligayang kaarawan, Mahatma Gandhi

MALIGAYANG KAARAWAN, MAHATMA GANDHI


"Be the change you wish to see in this world!" - Mahatma Gandhi

"change is coming", parating na ang pagbabago
anong pagbabagong inaasahang ito
kabutihan ba ng kalagayan ng tao?
di lang mayaman, kundi pati dukha rito?

bilin nga ni Gandhi, "Be the change you wish to see
in this world", pagbabagong pita, nagsisilbi
sa lahat, di sa hari, pari, uri, imbi
tunay na pagbabagong di ta magsisisi

sa pakikibakang walang dahas sumandig
tinanganan ang prinsipyo’t di nagpalupig
aral mo'y aming sinadiwa't sinatinig
upang mag-ambag din ng buti sa daigdig

aming ninanamnan ang bawat mong tinuran
na makadadalisay sa kasalukuyan
pagbati po ng maligayang kaarawan
at kadakilaan mo'y di malilimutan

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 1, 2016

Nalulumbay man ang bituin

NALULUMBAY MAN ANG BITUIN

Talastas kong nalulumbay man ang bituin
Ay patuloy itong nagpapalipad-hangin
Adhikang pangarap ba'y paano bubuuin
Ng tulad kong sa putika'y alilang kanin.

Nagsipagbugahan ng apoy sa karimlan
Pusa'y dumating, mga daga'y nagtakbuhan
Tangay ang tuyong ulam sa hapag-kainan
Habang sa isang sulok may nagyayakapan.

Nagdedeliryo pagkat kayraming balakid
Nais nang sumigaw subalit nauumid
Pilit na hinahatak ang kayhabang lubid
Bakasakaling hinahanap ay mabatid.

Lumulusong man sa putikan kahit lugmok
Taas-noong haharapin anumang dagok
Sa sikap ay mahuhuli ri't matutumbok
Yaong nasang mabatid ngunit di malunok.

- ni gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 30, 2016

Hustisya sa mga obrerong pinaslang

HUSTISYA SA MGA OBRERONG PINASLANG

mga lider-manggagawa ang ngayo'y tinutudla
nakapopoot ang maaga nilang pagkawala
buhay nila'y kinalawit ng sinumang kuhila
mga rampador kaya'y masasaya sa ginawa?

hustisya, hustisya sa mga obrerong pinaslang!
sila ba'y mga nadamay lamang sa oplan tukhang?
bakit biniktima ng mga kaluluwang halang?
sinong uusigin? bakit buhay nila'y inutang?

ito na ba'y hibo ng nagbabantang diktadurya?
sinimulan sa droga'y iba nang pinupuntirya?
nakababahala baka sunod na'y aktibista
sapagkat prinsipyado't pasimuno ng protesta

tamang walisin ang droga, ngunit hindi ang tao
sinuman sa madla'y idaan sa tamang proseso
bawat karapatang pantao'y dapat irespeto
katarungan sa mga biktima't lider-obrero!

- gregbituinjr./093016

* rampador - salitang pabalbal sa mga nagsa-salvage (o pumapaslang)

* inihandang tula para sa rali ng grupong iDefend sa kanto ng Kalayaan Ave. at Elliptical Road, tapat ng PNB at QC Memorial Circle, Setyembre 30, 2016, sa pagtatapos ng Peace Month o Buwan ng Kapayapaan 

Maraming salamat, Ka Max De Mesa

MARAMING SALAMAT, KA MAX DE MESA

maraming salamat po, O, Ka Max de Mesa
kasama ng marami sa pakikibaka
sa karapatang pantao nga'y moog ka na
isa kang dakilang inspirasyon sa masa

sa marami sa amin ay di nalilingid
na ipinaglaban mo kung anong matuwid
karapatang pantao'y iyong pinabatid
sa madla’t hinarap ang kayraming balakid

salamat sa prinsipyo mong isinabuhay
salamat sa mga karapatang binaybay
salamat sa bawat pakikibakang tunay
salamat sa buhay mong sa bayan inalay

sadyang napakakulay ng buhay mong buo
sa iyo'y maraming aral kaming nahango
kami rito'y nagpupugay ng taospuso
O, Ka Max de Mesa, maraming salamat po

- gregbituinjr./093016

* pakimakas - eulogy


Huwebes, Setyembre 29, 2016

Nagdugo ang puso ng bayan

NAGDUGO ANG PUSO NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nagpapatuloy ang bangayan
nitong mga trapong haragan
laway nila'y nagtilamsikan
sa hamog ng katiwalian
nagdugo ang puso ng bayan

bayan pa kaya'y magtitiis
sa kanilang pagbubungisngis
pulos pait, wala nang tamis
ang dama nitong nagpapawis
dusa'y kailan mapapalis

Miyerkules, Setyembre 28, 2016

Sino kayang uusig

sino kayang uusig
sa mga nanligalig
sa dalitang sangkahig
santuka sa kamalig
- gregbituinjr.

Ang ilong mo'y uusok

ang galit mo'y puputok
ang ilong mo'y uusok
lalo't iyong naarok
na namumuno'y bugok
naghahari sa tuktok
ng sistemang bulok
laging may nakatutok
at pinabubulusok

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 27, 2016

Sa ika-31 anibersaryo ng BALAY

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG BALAY

Sa ikatatlumpu't isang / anibersaryo ng BALAY
Ang inihahatid ko po'y / taospusong pagpupugay
Nais ko pong ibahagi / ang munti kong pagninilay
Sa anibersaryong tigib / ng pagkakaisa't tibay

Mga nabilanggo'y inyong / tinulungan mula noon
Mula sa mga piitan / tungong rehabilitasyon
Hanggang sila'y makalaya, / tinulungang makaahon
Pati biktima ng digma'y / ginabayang makabangon

Mga biktima ng tortyur / ay hindi pinabayaan
Mga kinulong, sinaktan, / sinakmal ng karahasan
Masugid na tinaguyod / ang pantaong karapatan
Pati na pagkakaroon / ng makataong lipunan

Kapara ninyo'y bayaning / ang hangad ay pagbabago
Matinik man ang landasin, / dala'y dakilang prinsipyo
Kapayapaan, paglaya, / pakikipagkapwa-tao
Pag-unlad ng kakayahan, / O, Balay! Mabuhay kayo!

Hangga't bulok ang sistema / tuloy ang pakikibaka
Sa pagbubukangliwayway / tanaw pa rin ang pag-asa
Huwag kayong patitinag / sa mararahas na pwersa
Panghawakan ang prinsipyo't / lakas ng pagkakaisa

- gregbituinjr./092716

Lunes, Setyembre 26, 2016

Bawat inaning palay ay butil ng buhay

bawat inaning palay ay butil ng buhay
kaya dapat itong pangalagaang tunay
yaong mga nagtatanim ng gintong palay
ay laging alalahanin pag dumidighay

ang magsasakang lumilikha ng pagkain
ay bakit mahirap, minsan walang makain
dapat sila ang yumaman at dakilain
ngunit sila pa ang dukha sa bansa natin

pagkat di naman sila ang nagmamay-ari
ng lupang sinasaka, kundi ibang uri
pagkat ang lintik na pribadong pag-aari
ang kasangkapan ng mga mapang-aglahi

bayani silang mga nagsaka sa lupa
pagpugayan pagkat tunay silang dakila

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 25, 2016

Boyet Mijares, 16

BOYET MIJARES, 16

ang nawawalang ama'y hinahanap ng pamilya
at kay Boyet, ama niya'y laging naaalala
ah, nasaan na kaya ang butihin niyang ama
bakit wala? nangibang-bayan ba? saan nagpunta?

amang si Primitivo, manunulat, palaisip
ang nagsulat ng aklat na "Conjugal Dictatorship"
hinggil sa mag-asawang Marcos, istoryang nahagip
ngunit pagkawala ng ama'y di niya malirip

labing-anim na taon lang siya noon, bagito
nang nakatanggap ng isang tawag sa telepono
kanyang ama'y buhay pa raw, sa kanya'y sabi nito
kung nais makita'y makipagkita siya rito

subalit di na nakauwi si Boyet sa bahay
ilang araw pa'y natagpuan siyang walang buhay
tinortyur, itinapon,malamig na siyang bangkay
talagang katawan niya't pagkatao'y niluray

bansa'y nasa batas-militar nang panahong iyon
nang si Boyet Mijares ay kinuha, hinandulong
nakapanginginig ng laman ang nagyaring yaon
hustisya'y nahan? hustisya para sa batang iyon!

- gregbituinjr.

datos mula sa http://www.rappler.com/views/imho/106827-martial-law-stories-hear

Archimedes Trajano, 21

ARCHIMEDES TRAJANO, 21

noong batas-militar, masamâ palang magtanong
lalo na't sa anak ng diktador sa open forum
sinong nagkamali: ang nagtanong o ang tinanong?
upang matinding karahasan ang agad itugon

nagtanong ang kabataang Archimedes Trajano
bakit daw si Imee ang pambansang tagapangulo
ng Kabataang Barangay, pinamunuan ito
nairita si Imee, tanong man niya'y balido

mga tao ni Imee'y dinaluhong siyang bigla
binitbit palabas, binugbog siya't natulala
anong rahas na itinapon siya sa bintana
nagtanong lamang ay kamatayan ang itinudla

ang gayong panahon ay di na dapat maibalik
kung saan kawalanghiyaan ang inihahasik
karapatang pantao sa puso'y dapat ititik
at sa kawalang hustisya'y di dapat tumahimik

- gregbituinjr.

mula sa http://www.rappler.com/views/imho/106827-martial-law-stories-hear
https://tl.wikipedia.org/wiki/Archimedes_Trajano

Sabado, Setyembre 24, 2016

Dadalawang dipa lamang

DADALAWANG DIPA LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

dadalawang dipa lamang
ang mundo kong parisukat
subalit kulang sa timbang
pagkat daigdig ko'y salat

Miyerkules, Setyembre 21, 2016

Tapang at pananakit

TAPANG AT PANANAKIT

libu-libong buhay ang tinuring na walang kwenta
sadya nilang ipinakita ang tapang sa masa
pananakit at pagpaslang, kayrami nang binira
at nawalan ng minamahal ang laksang pamilya

bakit biglang nag-iba ang tapang at malasakit
naging tapang at pananakit, ah, napakalupit
sa malasakit, mala-mala lang ba'y ikinabit
subalit ibang pakahulugan ang ipinuslit

budhi ba ng manonokhang ay nasusundot-sundot
o baka wala na silang budhing madadalirot
adhikain lang ba nilang kriminal ay matakot
o sila'y mga kriminal ding dulot ay hilakbot

walang proseso, walang proseso, ano pang hakbang
walang proseso, itigil na iyang panonokhang
walang proseso, ipinapakita lang ay tapang
sila ba'y diyos na buhay ng iba'y pinapaslang

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 20, 2016

Ang manonokbang

ANG MANONOKBANG

tila manok lang ang kanilang pinapaslang
ganyang ang gawain ng mga manonokbang
may gilit sa leeg ang manok na hinarang
katawan ay parang pinulbos ng tikbalang

kaya huwag kang pagala-gala sa gabi
baka mapagkamalan ka't agad magsisi
sa manonokbang, hahandusay ka sa tabi
ang masakit, walang sinumang nakasaksi

manonokbang ay kapara ng manananggal
tila banal sa araw, sa gabi'y pusakal
animo'y dagang naglalaway sa imburnal
at sa gabi'y papaslang ng sugapang hangal

manonokbang ay tunay ngang salot sa manok
hilig nilang kaninumang pinto'y totoktok
at mga tingga'y agad nilang ipuputok
mag-ingat kayo't sira ang kanilang tuktok

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 19, 2016

Buhay na nilagot ng punglo

BUHAY NA NILAGOT NG PUNGLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(sa alaala ni Ka Lean Alejandro)

sinakbibi ng lungkot at galit ang sambayanan
nang pinuti ang buhay ng isang lider ng bayan
tila baga nagsaklob ang langit at kalupaan
sadyang dinurog ang puso't katauhan ng bayan

buhay niyang malaya'y bakit punglo ang lumagot
sa kanyang sakripisyo'y bakit dugo ang bumalot
nangarap siya't sa pakikibaka'y pumalaot
upang kamtin ng bayan ang paglaya, di bangungot

ah, di dapat nagwakas na lamang sa isang iglap
ang buhay ni Lean na punung-puno ng pangarap
subalit dapat ituloy ang misyon niyang ganap
at upang ito'y matamo, tayo'y dapat magsikap

ituloy ang laban ni Ka Lean, ituloy natin
kahit baku-bako man ang landas na tatahakin
lipunang pantay-pantay ay atin ding pangarapin
sa sama-samang pagkilos, tagumpay ay kakamtin

Kaydaling sabihin, kayhirap gawin

KAYDALING SABIHIN, KAYHIRAP GAWIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaydaling sabihin ng mga bagay sa isipan
at kaydaling makinig sa payo ng kaibigan
subalit puso'y di natin basta nauutusan
ni anumang nasa utak ay basta gawin na lang
kahit na sa sarili'y may matinding kumbinsihan

Lunes, Setyembre 12, 2016

Anila'y kabuhayan, hindi karahasan

anila'y kabuhayan, hindi karahasan
demolisyon sa kanila'y di kasagutan
laban nila'y nakapanginginig ng laman
kaya ako'y nakiisa agad sa laban

pagkat hindi naman krimen ang pagtitinda
at marangal na naghahanapbuhay sila
sa pamahalaan nga ba sila'y problema
o problema'y mismong pamahalaan nila

magbenta ba sa bangketa'y gawang kriminal
gayong naghahanapbuhay silang marangal
pinuhunan nila'y di pinulot sa kanal
kundi ang munting kita ang kinakapital

isusukli ba sa kanila'y dusa't luha
gayong nabubuhay sa sariling paggawa
marangal ang gawain kahit sila'y dukha
nagtitiis sa lipunang kasumpa-sumpa

- tula't litrato ni gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 11, 2016

Ako'y kaisa sa laban ng mga manininda

ako'y kaisa sa laban ng mga manininda
upang ipagtanggol ang kabuhayan sa bangketa
alam mo ba kung bakit ako'y kanilang kaisa?
dahil naghahanapbuhay silang marangal, di ba?

pakikibaka nila'y tunay na nakaaantig
dama mong sa pamilya'y punumpuno ng pag-ibig
anong mahihita mo kung sa kalaban pumanig
wala kundi isa ka rin sa mga mapanlupig

kabuhayan nila'y tama lamang na ipaglaban
upang pamilya'y hindi dumanas ng kagutuman
hindi sila nagnakaw, bagkus nagtitinda naman
kaya tama lang kabuhayan nila'y depensahan

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 10, 2016

Soneto sa mga vendor ng Philcoa

SONETO SA MGA VENDOR NG PHILCOA

saksi ako sa pagyurak sa inyong karapatan
tinanggalan nila kayo ng inyong kabuhayan

bakit ba inalisan kayo ng ikabubuhay
marangal naman ang pagtitinda upang mabuhay

ang bituka ninyong dukha ay ano bang kaibhan
sa bituka ng mga elitistang mayayaman

nakasisikip nga ba kayo sa bangketa't lansangan
gayong pwesto nyo'y ilalim ng tulay, di daanan

o sadyang kaybaba lang ng tingin nila sa dukha
marumi sa kanilang mata at dapat mawala

subalit may karapatan kayo, O, manininda
karapatan nyong mabuhay, lumaban, makibaka

ipagtanggol ang inyong dangal at ikabubuhay
di nyo karapatang magutom, basta lang mamatay

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 9, 2016

Biktima ng kumpetisyon ng kapitalista

BINIKTIMA NG KUMPETISYON NG KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Sa kumpetisyon nitong kapitalistang kuhila
Pababaan sila ng presyo ng lakas-paggawa
Tila mga makina ang turing sa manggagawa
Basta lakas-paggawa nitong obrero’y mapiga

Ganyan nga, ganyan ang nangyayari sa kumpetisyon
Ng mga nagtataguyod ng kontraktwalisasyon
Na karapatan ng obrero’y tuluyang nilamon
Ng kapitalistang sa laksa-laksang tubo gumon

Kawawang manggagawa, inapi ng ibang uri
Habang uri nila’y di maorganisa sa mithi
Na itayo yaong lipunang walang naghahari
At di na umiiral ang pribadong pag-aari

Sinasagpang ng kapitalista ang isa’t isa
Habang yaong mga obrero animo’y makina
Tao ang manggagawa, taong di dapat madusta
Ng sinumang tao, kahit ito'y kapitalista

Mangyari sana’y pandaigdigang kooperasyon
Ng uring manggagawa sa lahat ng lupa’t nasyon
Kung kinakailangan, maglunsad ng rebolusyon
Upang wakasan ang kapitalistang kumpetisyon