Lunes, Hunyo 30, 2014

Sa paggawa'y proteksyunismo

SA PAGGAWA'Y PROTEKSYONISMO
9 pantig bawat taludtod

repormahin ang mekanismo
sa pagtatakda nitong sweldo
isabatas ang "Living Wage Law!"
sa paggawa'y proteksyonismo

- gregbituinjr, 063014

Huwag paslangin ang mga puno

HUWAG PASLANGIN ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit papaslangin ang mga puno sa Makiling?
bakit punong walang sala'y kanilang papatayin?
mga punong tahanan ng ibon, na animo'y hardin
dugtong-buhay at salalayan ng sariwang hangin

tatlong-daang higit na puno'y mawawalang-buhay
na para sa ekoturismo'y tatanggaling tunay
patakaran bang ito'y wasto o talagang sablay?
na para sa ekoturismo, puno'y pinapatay!

bawat puno'y nilagyan ng numerong kulay pula
palatandaang yaon na ang kanilang sentensya
ang plano ng pamahalaan sa daigdig nila
higit limang kilometrong lumapad ang kalsada

mga puno'y tahimik na kinitil isa-isa
puno ang biniktima, kaya tao'y nagprotesta
anang madla, "sagipin ang puno! sagipin sila!
huwag hayaang paslangin ang angking buhay nila!"

nagkaisa ang taumbayan sa Bundok Makiling
hindi nila hinayaang mga puno'y kitilin
ang puno'y may buhay, punong tila kapatid natin
dapat itong sagipin laban sa mga salarin!

* Salamat sa ulat at litrato ng kasamang Victor Vargas, at may balita sa http://www.rappler.com/move-ph/ispeak/60830-murder-makiling-trees

Titig ng buwitre

TITIG NG BUWITREni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mga matang mapagbintang, mapagbanta
sila ba ang papaslang sa angking diwa?
kahit na wala kang nagagawang sala
ang ugali nila'y pawang mapanira
mga matang nanunubok, nagbabanta
tulad ng angkin ng buwitre't kuhila
nais nilang sagpangin ang angking diwa
aayaw gumitna, nais kumaliwa
paano titigil ang walang magawa?
mapagkanulo ang mata ng kuhila
buto'y maiitim, mukha’y tila suka
buwitre ba silang mga isinumpa?
napakahahaba ng kanilang dila
laging hinahasa ang kanilang tuka
na sa pagtuklaw ay laging nakahanda
tila kulang na lang, sagpangin ang madla
sa bawat kilos mo, tuka nila'y handa
mag-ingat ka kahit sila ang maysala
nangyari sa iyo'y sila ang maylikha
isang piyon ka lang na kanilang gawa
piyon ka lang ng tulad nilang kuhila
isa ka lang piyon, sila'y tuwang-tuwa

* piyon - isang piyesa sa ahedres, sa ingles ay "pawn"

Sabado, Hunyo 28, 2014

Mike Tyson at Luis Suarez, nangagat ng katunggali

MIKE TYSON AT LUIS SUAREZ,
NANGAGAT NG KATUNGGALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

boksingerong sikat, football player na sikat
naasar at sa kalaban nila'y nangagat
tainga ng boksingerong Hollyfield, nawarat
at si Chiellini, kinagat sa balikat

ngipin sa ngipin, may kasabihan nga noon
ganito pa rin ba sa modernong panahon?
bihirang atleta'y sa ganito nagumon
ngunit bakit nangagat ang dalawang iyon?

marahil nga'y sa laro nagulumihanan
isip ba'y inulap o asar sa salpukan?
kung kagatan na ngayon ang mga labanan
aba'y tiyak nang kampyon ang dalawang iyan

gayunman, hindi ganito ang tamang laro
tiradang pikon ng atletang mabibigo
kung sakaling panalo'y tuluyang maglaho
dapat isport lang, tanggapin ang pagkagupo

*  On June 28, 1997, Mike Tyson bites Evander Holyfield's ear in the third round of their heavyweight rematch.
* On June 24, 2014, Giorgio Chiellini, 29, who plays for Italian champions Juventus, was bitten on the shoulder by Suarez about 10 minutes before the end of Uruguay's 1-0 win over Italy in Natal.

Huwebes, Hunyo 26, 2014

Tutulong daw sa kalabaw ang agilang pilantod

TUTULONG DAW SA KALABAW ANG AGILANG PILANTOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* Ito'y isang makabagong pabula sa anyong patula. Ang pabula ay anyo ng kwentong pampanitikan na ang mga tauhan ay hayop.

bukid ng mahinahong kalabaw, anang balita
ay hangad daw na sakupin ng osong dambuhala
ang agila naman sa kalabaw ay namanata
siya'y tutulong sa pagtataboy sa osong gala
ngunit sa likod nito, ang agila'y natutuwa

sasakupin daw ng oso ang bukid ng kalabaw
habang sa likod ng kalabaw, nagyabang ang langaw
agila'y magkakapugad sa bukiring mapanglaw
kung maitataboy yaong dambuhalang halimaw
banta ng oso'y tila nakatarak na balaraw

sa oso'y lalaban ang kalabaw pag nagkagurlis
kahit kayang indahin ang mga tamang dumaplis
ipinagmayabang ng agila ang angking bagwis
kaya kalabaw daw sa banta'y di dapat magtiis
lalabanan nilang sabay sinumang magmalabis

malakas man yaong bagwis, ang agila'y pilantod
pagkat sa isang labanan, nabalian ng tuhod
pag di lumilipad sa gubat siya'y tila'y tuod
sa kalabaw at oso'y lagi na lang nakatanghod
di malaman kung kailan sa laban na'y susugod

teritoryo ng oso'y isang malawak na isla
agila'y himpapawid naman ang sinakop niya
sa maliit na bukid ang kalabaw nakatira
bukid na pinag-aagawan ng oso't agila
ngunit kalabaw ay lahing di papayagan sila

kalabaw sa bukid na iyon ay lahing bayani
bukid nilang pinagtanggol laban sa pang-aapi
pinalayas nila’y mga nanakop na buwitre
ngunit agilang nanakop din ngayon ang katabi
tutulong daw sa kalabaw habang ngingisi-ngisi

Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Nang nagmahal ang bawang, nagsaya ang mga aswang

NANG NAGMAHAL ANG BAWANG,
NAGSAYA ANG MGA ASWANG

ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nang nagmahal ang bawang, nagsaya ang mga aswang
nakita ito nang bawang sa palengke'y nagkulang
presyo’y di lang nagtriple, tubong-tubo na sa bawang
aba'y mangangalakal pala iyang mga aswang

sa negosyanteng aswang, upang lumaki ang tubo
tone-toneladang bawang daw yaong itinago
naisipan nilang sipsipin ang sa masa'y dugo
sa lumolobong tubo, aswang silang langong-lango

negosyanteng aswang, produktong bawang ang nakita
alam nilang ang bawang ay kailangan ng masa
kaunting bawang, mahal na presyo, laki ng kita
nag-epektong domino, pati bigas nagmahal na

akala namin noon, takot sa bawang ang aswang
ngunit aswang pala silang nangalakal ng bawang
para sa tubo, kanilang bituka'y naging halang
munting kita ng dukha’y kanila pang sinasagpang

Ad Astra Per Aspera

AD ASTRA PER ASPERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kakamtin natin ang pinapangarap
sa pamamagitan ng pagsisikap
upang marating yaong alapaap
kabiguan ma't siphayo'y malasap

madawag na gubat man ang tahakin
sakripisyo't hirap ang lalandasin
tiyaga't sipag pa rin ang gagawin
na pagmumulan ng ating kakanin

patuloy pa ring magpapakatao
habang kapwa'y di inaagrabyado
pangarap ay makakamtang totoo
nang may dangal, sa kapwa'y taas-noo

dapat ay laging magsikap tuwina
diwang sa pagkatao’y laging dala
kasabihang "ad astra per aspera"
sa pagsisikap kakamtin ang nasa

* Ad astra per aspera is a Latin phrase which means any of the following: "Through hardships to the stars", "A rough road leads to the stars", "to the stars by hard ways". - from wikipedia

Martes, Hunyo 24, 2014

Seeds to a new dawn

SEEDS TO A NEW DAWN
by Gregorio V. Bituin Jr.
13 syllables per line

in the struggle for justice, in this battlefield
working class must win this war with our growing guild
to make it happen, workers should be the one to wield
that new, better system we are determined to build

as we are raging by poverty, we felt the need
to make a better world, and now we're sowing the seed
of revolt against the system of envy and greed
a proletarian revolt that the workers should lead

as we try to win this battle wisely but frugal
the enemy class are making our world lethal
destroying our planet for profit, capital
if we don't care, this planet's wound would become fatal

we must do something, although we are fighting alone
against those elites with their richness, power, and throne
but their class should be toppled, like cobwebs to be blown
then, a new beginning we'll make towards a new dawn

Dukha laban sa pag-aaring pribado

DUKHA LABAN SA PAG-AARING PRIBADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
4 pantig bawat taludtod

ang pagpawi
sa pribadong
pag-aari
siguradong
ating mithi
tarantadong
naghahari
alburutong
mga pari
ang totoong
laging sanhi
ng gumulong
salinlahi
kung pribadong
pag-aari
siguradong
mapapawi
sila yaong
masasawi
dukha tayong
magwawagi

Kilo-kilometro man ang nilalakad kong lagi

KILO-KILOMETRO MAN ANG NILALAKAD KONG LAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasanay na akong araw-araw na lang maglakad
pudpod na ang tsinelas, ang lakad ko na'y makupad
pagkat sa ginhawa't karangyaan, tulad ko'y hubad
ang karukhaan ko, sa aking kapwa'y nalalantad

lagi ko mang nilalakad ay kilo-kilometro
mabuti na kaysa di magbayad sa pagsakay ko
sa patutunguhan ay makararating din ako
kahit patang-pata, basta't walang inagrabyado

kinagiliwan ko na ang maglakad ng malayo
huwag lang mandaya sa kapwa sa aking pagtungo
sa isang pook ng taas-noo't di nakatungo
naglalakad ng may dangal kahit nasisiphayo

dapat listo sa paglalakad upang di mabangga
bagamat sa isip, patuloy pa rin ang pagkatha
may danas at nakikitang maaaring maakda
masaya, malungkot, lunggati, uyam, luha't tuwa

kilo-kilometro man ang nilalakad kong lagi
ito'y ayos lamang, pagod naman ay mapapawi
nakasanayan na, init ng araw ma'y mahapdi
ngunit may kwento, sanaysay at tulang nahahabi

Lunes, Hunyo 23, 2014

Di sila namatay na bigo

DI SILA NAMATAY NA BIGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"They never fail who die in a great cause." Lord Byron

di bigo ang sinumang nag-alay ng buhay
para sa uri, buong buhay ang inalay
bundok ang bigat ng kanilang pagkamatay
sa puso ng mga kasama'y lumalatay
mga nagmamahal ay sakbibi ng lumbay

inilaban ang karapatan ng marami
para sa uri'y di sila nag-atubili
umaraw, umulan, bumaha o kumati
marubdob na hangad nila'y makapagsilbi
sa uri, bayan. at kapwa, sila'y bayani

tangan ang dakilang misyon at adhikain
at nasa puso'y prinsipyadong simulain
nang sa lipunan ay walang inaalipin
nang bulok na sistema'y tuluyang baguhin
at isang lipunang makatao ang kamtin

sila'y bayani't di nangamatay na bigo
pagkat may magtutuloy ng kanilang turo
silang prinsipyo't adhika'y di itinago
nilaan ang oras, talino, pawis, dugo
upang sa sistemang bulok, tayo'y mahango

Linggo, Hunyo 22, 2014

Ang sugat ng puso ko'y kaylalim

ANG SUGAT NG PUSO KO'Y KAYLALIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang sugat ng puso ko'y kaylalim
tila binalot ako ng lagim
tila ako'y naroon sa dilim
ng aking sangkaterbang panimdim

kaylalim ng sugat ng puso ko
sugat sa damdaming inukit mo
sa puso'y nanahan ka na rito
ngunit bakit nilayuan ako

simula nang ikaw ay lumayo
sugat-sugat na ang iwing puso
kaylalim, patuloy sa pagdugo
ngunit pagsinta ko'y di naglaho

saan ka man naroroon, sinta
laging nasa puso't isip kita
kung sugat ko ma'y maghihilom pa
di ko alam, ako'y umaasa

Biyernes, Hunyo 20, 2014

Anti-pork barrel nga, pro-kontraktwalisasyon naman!

ANTI-PORK BARREL NGA, PRO-KONTRAKTWALISASYON NAMAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"tanggalin na ang pork barrel" ang kanilang hiyawan
akala mo sila'y tunay na makamamamayan
na iniisip lagi'y ang kapakanan ng bayan
anti-pork barrel nga, pro-kontraktwalisasyon naman!

kontraktwalisasyon ay iskemang anti-obrero
tinatanggal nito ang sa obrero'y benepisyo
sa kontraktwalisasyon, obrero'y laging dehado
pagkat wala silang kasiguruhan sa trabaho

pag natapos ang kontrata, obrero’y maghahanap
saan magtatrabaho upang tupdin ang pangarap
minsan lang may trabaho, bukas ay di mahagilap
buhay nila'y di tiyak, nalalambungan ng ulap

nililimitahan pa nitong kontraktwalisasyon
na karapatang obrero'y ipagtanggol ng unyon
binaba ang kalidad ng benepisyo't proteksyon
at pinapatay ng kontraktwalisasyon ang unyon

silang mga anti-pork barrel, pusong makamasa
ngunit pagdating sa manggagawa, nasaan sila?
elitistang anti-pork barrel, ating kakampi ba?
kung sila'y anti-manggagawa, pro-kapitalista?

aba'y iba kasi ang uri nilang pinagmulan
bagamat seryoso silang makatulong sa bayan
hinggil sa obrero'y dapat silang paliwanagan
na di sapat mapalitan lang ang nanunungkulan

dapat matanto nilang ang pag-aaring pribado
ng mga gamit sa produksyon ang sanhi ng gulo
na ito'y pawiin, itatag ang lipunang bago
sistemang para sa lahat, lipunang makatao

Tatlong batas ng mosyon ni Newton

TATLONG BATAS NG MOSYON NI NEWTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mananatiling nakatigil ang anumang bagay
hangga't walang anumang pwersang dito'y magpagalaw
tulad ng kilos ng mga sanga, dahon at palay
na sa hampas ng hangin ay animo'y nagsasayaw

matinding pwersa'y dapat magpatinag sa mabigat
kasama na ang bagal at bilis sa anumang agwat
kaysa nararapat sa magaan ay magpatinag
magkaagwat man, iba ang pwersang dapat ilapat

sa bawat galaw, ito'y may salungat at pantay ding
galaw ng bagay, anumang bagay ito sa atin
tulad ng paglipad ng agila sa papawirin
na pinapaspas yaong hanging itulak-kabigin

naroon ang hangin sa bawat paghampas ng alon
ang pwersa'y masang pinalaki ng akselerasyon
naghahari'y nanggagalaiti sa rebolusyon
pag-unlad itong tatlong batas ng mosyon ni Newton

Huwebes, Hunyo 19, 2014

Basta't gawin natin ang mabuti

BASTA'T GAWIN NATIN ANG MABUTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaaway silang naniniwala sa sabi-sabi
mga mapangwasak silang ang kapara'y buwitre
mapanira sa kapwa, sakim, at makasarili
masaya silang ang iba'y kanilang binibigti

sila'y mga buwitreng walang katiting na bait
silang nabubuhay sa yabang, katakawan, inggit
sarili nilang ginhawa ang laging ginigiit
habang karapatan ng iba yaong ginigipit

huwag tayong tumulad sa kanilang pang-aapi
basta't gawin nating lagi kung ano ang mabuti
dukha man, may dangal tayong maipagmamalaki
pakikipagkapwa't pagpapakatao'y maigi

mula sa sariling pawis ang ating kakainin
mula sa sariling kayod bawat ating dadamtin
mula sa sariling sikap anumang palad natin
mula sa sariling sipag ang anumang kakamtin

tayo'y may dangal, sikaping may bait sa sarili
di nang-aagrabyado ng kapwa't di nang-aapi
nagpapakatao, masaya sa buhay, may silbi
nasa gawa't isip sa lahat ay makabubuti

Miyerkules, Hunyo 18, 2014

Pagsintang ginipit



PAGSINTANG GINIPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

diwatang sinasamba, ako'y nilalait
dahil isa lang akong aktibistang yagit
totoo naman, ako'y laging nasa gipit
sapat ba iyon upang siya'y magmalupit?
marahil nga, pagkat pinangarap ko'y langit
diyosang ang pangalan ay lagi kong sambit

ako'y dukha, walang anumang pag-aari
may pag-aari man ay mayroong kahati
walang sambuo, kundi kala-kalahati
iba'y hiram, iba'y bigay, kundi man hingi
ngunit nagsisipag ako't nagpupunyagi
bakasakaling pagsinta'y maipagwagi

dapat kayang ang iwing pagtingin sa kanya
na aking sinisinta'y ibaling sa iba?
ngunit ganoon kaya'y aking makakaya?
siya lamang ang nasa isip ko tuwina
siya lamang ang sa puso ko'y nakatira
siya, tanging siya lamang ang sinisinta

diwatang sinasamba'y di ko pinipilit
gaano man katapat ang pusong lumapit
sawing kapalaran ba'y aking masasapit?
o kapalaran kong siya'y aking madagit?
kung may pag-asa, pagsinta ko'y igigiit
kung wala, lalayo ako't di na hihirit

Ang buhay ko'y sa kilusan na nakalaan

ANG BUHAY KO'Y SA KILUSAN NA NAKALAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang iwing buhay ko'y sa kilusan na nakalaan
nasa kamay na nila ang buhay ko't kamatayan
pagkat ako'y aktibistang pagbabago'y adhika
nasa diwa'y paglilingkod sa uring manggagawa
tanging prinsipyong niyakap ang pinalalaganap
saanma't kailan upang matupad ang pangarap
na lipunang walang anumang pagsasamantala
ng tao sa tao't wala nang elit at burgesya
kilusan ang kapiling sa maghapon at magdamag
at sa pakikibaka'y nananatiling matatag
patuloy na sinusunod ang disiplinang bakal
ng kilusan bilang akda ng buhay na may dangal
sadyang dito na ako sa kilusan mamamatay
pagkat dito na nakalaan ang iwi kong buhay

Martes, Hunyo 17, 2014

Ikulong lahat ng maysala!


IKULONG LAHAT NG MAYSALA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"beyond reasonable doubt" upang maikulong
ang mga trapong sa pagnanakaw nalulong
di lang sina Sexy, Tanda't Poging kuratong
pati liberal at oposisyong nandambong

ikulong lahat, senador o kongresista
na sa kabang bayan ay kawatang talaga
walang dapat santuhin kung maysala sila
dapat mamugot ang palakol ng hustisya

kaiba ito kapag isang kilong tuyo
ang ninakaw ng dukhang ramdam na'y siphayo
bugbog, kulong agad, dangal pa'y dinuduro
walang "beyond reasonable doubt" sa damuho

di dapat sa tsismis, bulungan o masmidya
na pagkatao nila'y agad ginigisa
suspek lamang kung walang anumang pruweba
di gaya sa dukhang di patas ang hustisya

sila'y dalhin sa tamang proseso ng batas
na dapat din sa dukhang kinulong ng paspas
batas sa dukha't mayaman, dapat pahehas
sa "beyond reasonable doubt" dapat ay patas

lahat ng pagkakataon ay bigyan sila
upang makapagtanggol, makapagdepensa
di gaya sa dukhang di patas ang hustisya
wala silang kawala kung may ebidensya

kaya sinumang napatunayang kawatan
pag "beyond reasonable doubt" na ang saligan
dapat kulong, dukha, mayaman o trapo man
ang hustisya'y dapat walang kinikilingan

Lunes, Hunyo 16, 2014

Anang dukha: "Kakainin na lang, ninakaw nyo pa!"

 
ANANG DUKHA: "KAKAININ NA LANG, NINAKAW NYO PA!"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

galit na ang mga maralita, galit na galit
dahil lipunang ito sa kanila'y anong lupit
dukha'y may pangarap ngunit sistema'y mapagkait
kakainin nila'y ninakaw pa ng trapo't elit

ang mga maralita ba'y wala nang karapatan
sa libreng edukasyon, maayos na kalusugan
sa pabahay na bilyon-bilyong pondo'y nakalaan
pati sa pagkaing sapat at buhay na maalwan

anang dukha: "kakainin na lang, ninakaw nyo pa!"
senador at kongresista ang tinutukoy nila
at kawatan sa gobyernong naging bingi't bulag na
pagkat pondong laan sa bayan ay ninanakaw pa

anong hustisya mayroon para sa maralita
at mga kawatang elitista'y nagpapasasa
kaban ng bayan ang dinuhagi ng mga linta
mga senador at kongresista'y nagpapasasa

galit na ang mga maralita, galit na galit
bulok na sistema'y totoong nakapagngangalit
mga kawatan sa kaban ng bayan ay nang-umit
iyang pork barrel na laan sa bayan ay kinupit

anang dukha: "kakainin na lang, ninakaw nyo pa!"
panaghoy nila sa bayan ay tunay na hustisya
isang hustisyang babago sa bulok na sistema
bubuo sa lipunang walang pagsasamantala

* ang litrato'y mula sa facebook ni Anthony Barnedo, sec. gen. ng KPML-NCRR

Linggo, Hunyo 15, 2014

Kapara ko'y binhing sa putik ibinaon

KAPARA KO'Y BINHING SA PUTIK IBINAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kapara ko'y binhing sa putik ibinaon
na hanap ay liwanag sa pagkatilapon
ako'y nakikibaka sa bawat maghapon
at mamumunga ito sa takdang panahon

naiwasan ko ang ahas na makamandag
tuloy ang pagkilos sa maghapo't magdamag
sa akin pa'y hinarap ay kaygandang dilag
prinsipyo ko'y tinanganan, di napalaspag

binhi akong sa putik biglang nagkabuhay
sumuloy ang ugat sa katawang nahimlay
tinubuan ng dahon, sanga't gintong uhay
dagta ko'y pasalubong sa bukangliwayway

tulad ko ma'y binhing napalibing sa putik
daan-daanan man ng sangkaterbang hantik
nabuhay ako't lumagong may bungang hitik
habang hustisya't katwiran ang nasa't hibik

Sabado, Hunyo 14, 2014

Kanya-kanyang palusot

KANYA-KANYANG PALUSOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

alitan nilang mga pulitiko'y hitik
nagbabatuhan ng kinulapol na putik
bariles lamang ba iyon ng mga biik
na sa dangal nila'y yumurak at nagbatik

kanya-kanyang baho ang ginugunam-gunam
sala-salabid ang sa kapwa'y pang-uuyam
makalusot sa kontrobersya'y inaasam
nang gumaan ang nagsikip na pakiramdam

"wala akong sala" ang kani-kanyang sambit
"di ko alam iyan" kahit maraming sabit
"sa kaban ng bayan ay di kami nang-umit"
"sa pork barrel na iyan, di kami nangupit"

mata ng taumbayan ay nakakapaso
tila nais nilang sila na'y maglaho
paano gagaling ang pusong nagdurugo
kung nasisira'y pagkatao nila't puso

"masama ang pork" anang mga kongresista
at senador na nadawit sa kontrobersya
kanya-kanyang palusot sa mata ng masa
nagbabakasakaling makaligtas sila

Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Sumali sa protesta laban sa korapsyon!

SUMALI SA PROTESTA LABAN SA KORAPSYON!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaytagal na palang loko ang ilang lingkod-bayan
na animo sa taumbayan ay naninilbihan
iyun pala pinopokusan na’y kaban ng bayan
sistema’y inanak silang pulitikong kawatan

katiwalian ay talamak na, animo'y sakit
maraming nahawa sa sistemang sadyang kaylupit
sa kaban ng bayan, mga pulitiko'y nangupit
animo'y buwitre ang mga trapong mapang-umit

kung niloloko na tayo ng mga pulitiko
pulos katiwalian doon at kurakot dito
di ba tayo kikilos, papayag na lang ba tayo?
o sila'y patatalsikin na sa kanilang pwesto?

kaharap natin ang panibagong krisis at hamon
upang mahal nating bayang ito'y ating ibangon
kaya sali na sa protesta laban sa korapsyon
ito'y prinsipyadong pagkilos, di paglilimayon

lahat ng sangkot sa katiwalian ay hulihin
kahit pulitiko silang pulos mga bigatin
lahat ng may kasalanan ay agad na litisin
napatunayang nagkasala sa piitan dalhin

ngunit tandaang di sapat na mapatalsik lamang
ang mga pulitikong sangkot sa katiwalian
huwag rin tayong magkasyang sila'y maikulong lang
higit sa lahat, sistemang bulok ay mapalitan

Tatlong tula laban sa inhustisya sa manggagawa

 
TATLONG TULA LABAN SA INHUSTISYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i

pagkakaisa ng manggagawa'y kailangan na
upang baguhin itong bansa't bulok na sistema
huwag hayaang maghari ang pagsasamantala
wakasan na ang kabulukan ng trapo't burgesya

ii

manggagawa'y lagi nang pinagsasamantalahan
batayang karapatan nila'y nilalapastangan
ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan
ah, dapat nang patalsikin iyang mga gahaman!
hustisya sa lahat ng obrerong pinahirapan!

iii

anong dapat gawin sa mga may bitukang halang?
na karapatan ng mga obrero'y hinaharang
walang prinsipyo silang sinasamba'y pera lamang
mga halang silang dapat sa apoy dinadarang!

Sabado, Hunyo 7, 2014

Si Ka Romy, sosyalista, internasyunalista

SI KA ROMY, SOSYALISTA, INTERNASYUNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

isinilang siya sa Araw ng Kababaihan
at siya'y nawala sa Araw ng Kapaligiran
dalawang araw yaong kilalang pandaigdigan
si Ka Romy, pandaigdig din ang prinsipyong tangan

tila maging internasyunalista'y itinakda
mula nang maging isang karaniwang manggagawa
sosyalistang akda’y binasa, nagpakabihasa
hanggang siya’y kumilos din sa iba't ibang bansa

panahon ng batas-militar, siya'y nabilanggo
pinahirapan, tinortyur, dinanas ay madugo
lumaya, patuloy na kumilos, mata'y lumabo
sosyalismo'y pinalaganap sa maraming dako

Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago
ay kasamang nagtatag at siyang unang pangulo
naniniwala siyang ang internasyunalismo
ang tumpak upang pagbuklurin ang uring obrero

di nag-lie low, sosyalismo'y talagang tinanganan
sa Malaysia'y nakulong din, matatag nanindigan
pamilya'y inaruga, pagkaama'y nagampanan
maysakit man, uring manggagawa'y nasa isipan

sistemang bulok ay ayaw na niyang manatili
pangarap niyang sana manggagawa'y magpunyagi
nang lumaya sa sistemang sadyang mapang-aglahi
wala na siya, ngunit tuloy ang laban ng uri

Ka Romy, taas-kamaong pagpupugay, paalam
sa aming puso't isipan ay di ka mapaparam
tulad mo, sosyalismo'y lagi naming tatanganan
nang pangarap nating lipuna'y maging kaganapan

Huwebes, Hunyo 5, 2014

Halina't daigdig ay alagaan natin!


HALINA'T DAIGDIG AY ALAGAAN NATIN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pandaigdigang araw ng kapaligiran
ikalima ng Hunyo ang araw na iyan
araw na tayo'y pinaaalalahanan
paligid natin ay linisin, alagaan

sa dagat lulutang-lutang ang mga plastik
sa ilog, mga basura'y kahindik-hindik
hinayaang basura'y sa atin ang balik
sa basurang sinunog ay mapapahibik

ang maruming usok ay masakit sa baga
sa maruming kanal naglulungga ang daga
sa maruming lugar, langaw ay laksa-laksa
sa maruming paligid, tayo ang kawawa

sa ganitong lugar, magkakasakit tayo
tila tinamaan ng sanlibong delubyo
tila laksang langaw, inatake ang tao
bakit pinapayagang nangyayari ito?

puno'y pinutol, kinalbo ang kagubatan
tinapunan ng basura ang karagatan
nagbabago ang klima ng sandaigdigan
paano haharapin ang problemang iyan?

nukleyar, insinerador, maruming hangin
coal plant, minahan, dam, kayrami ng usapin
simula ngayon, anong dapat nating gawin?
halina't daigdig ay alagaan natin!

Miyerkules, Hunyo 4, 2014

Utos ng hari, kayang mabali

UTOS NG HARI, KAYANG MABALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

anang kalipi:
"utos ng hari
di mababali"
tunay o hindi?

ngunt maari
itong mabali
kung naduhagi
ang pagkahari

pagkat salapi
nila'y binawi
ng mga pari
na di kalipi

kung mahahati
ang kanyang lahi
pawang pighati
ang bawat hikbi

namumutawi
sa mga labi
dapat mabawi
ang pagkalugi

utos ng hari
kayang mabali
lalo na't lipi
nila ang sawi

kung pagkahari
ay di mabawi
wala nang hari
ang buong lipi

Tahanang puno o hawla?

TAHANANG PUNO O HAWLA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"God loved the birds and invented trees. Man loved the birds and invented cages. (Mahal ni Bathala ang mga ibon kaya lumikha ng mga puno. Mahal ng tao ang mga ibon kaya lumikha ng mga hawla.)". ~ Jacques Deval, Afin de vivre bel et bien

makahulugan yaong tinuran ni Jacques Deval
na kung ating lilimiin ay magandang mausal:
upang ipakitang ibon ay sadyang minamahal
ang tahanan nilang puno'y nilikha ng Maykapal

kaylaki ng kaibhan nito sa nilikha ng tao
upang ipakitang ibon ay mahal na totoo
ang nilikha'y hawla't ibon ay pinatira rito
pinapakain dito't inaalagaang todo

tao'y siyang mayhawak ng kapalaran ng ibon
puspusang inalagaan nang di ito magutom
kay Bathala, ang ibon ay bahalang maglimayon
at bahalang maghanap ng pagkaing malalamon

sadyang iba ang pag-ibig ng tao't ni Bathala
sino ang sa ibon ang tunay na nag-aalaga
sa isa, ang puno'y tahanang malaya't payapa
isa nama’y palamuti ang ibong walang laya

Lunes, Hunyo 2, 2014

Mahirap manahimik na lang sa isang tabi

MAHIRAP MANAHIMIK NA LANG SA ISANG TABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahirap manahimik na lang kung may kaguluhan
at iisipin mong wala ka namang pakialam
pagkat di mo iyon gulo kundi sa pamayanan
bahala na ang iba hanggang sa ito'y maparam

ngunit mahirap manahimik lang sa isang tabi
pagkat nangyayari'y tunay, di mo lang guniguni
pulitika'y negosyo, pulitiko'y walang silbi
kaysama ng mga balita sa araw at gabi

bilang pagpapakatao, wala ka bang gagawin?
iisipin mo lang bang lagi'y iyong kakainin?
paano iyang kapwa mong nabubuhay sa dilim?
wala na bang bukangliwayway, pulos takipsilim?

maiging manahimik sa tabi kung magsusulat
at hayaang sa sulatin mo ang tao'y mamulat
kung mananahimik lang habang iba'y nagsasalat
budhi na ang magpapakilos kundi'y manunumbat