Sabado, Hunyo 7, 2014

Si Ka Romy, sosyalista, internasyunalista

SI KA ROMY, SOSYALISTA, INTERNASYUNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

isinilang siya sa Araw ng Kababaihan
at siya'y nawala sa Araw ng Kapaligiran
dalawang araw yaong kilalang pandaigdigan
si Ka Romy, pandaigdig din ang prinsipyong tangan

tila maging internasyunalista'y itinakda
mula nang maging isang karaniwang manggagawa
sosyalistang akda’y binasa, nagpakabihasa
hanggang siya’y kumilos din sa iba't ibang bansa

panahon ng batas-militar, siya'y nabilanggo
pinahirapan, tinortyur, dinanas ay madugo
lumaya, patuloy na kumilos, mata'y lumabo
sosyalismo'y pinalaganap sa maraming dako

Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago
ay kasamang nagtatag at siyang unang pangulo
naniniwala siyang ang internasyunalismo
ang tumpak upang pagbuklurin ang uring obrero

di nag-lie low, sosyalismo'y talagang tinanganan
sa Malaysia'y nakulong din, matatag nanindigan
pamilya'y inaruga, pagkaama'y nagampanan
maysakit man, uring manggagawa'y nasa isipan

sistemang bulok ay ayaw na niyang manatili
pangarap niyang sana manggagawa'y magpunyagi
nang lumaya sa sistemang sadyang mapang-aglahi
wala na siya, ngunit tuloy ang laban ng uri

Ka Romy, taas-kamaong pagpupugay, paalam
sa aming puso't isipan ay di ka mapaparam
tulad mo, sosyalismo'y lagi naming tatanganan
nang pangarap nating lipuna'y maging kaganapan

Walang komento: