ANTI-PORK BARREL NGA, PRO-KONTRAKTWALISASYON NAMAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"tanggalin na ang pork barrel" ang kanilang hiyawan
akala mo sila'y tunay na makamamamayan
na iniisip lagi'y ang kapakanan ng bayan
anti-pork barrel nga, pro-kontraktwalisasyon naman!
kontraktwalisasyon ay iskemang anti-obrero
tinatanggal nito ang sa obrero'y benepisyo
sa kontraktwalisasyon, obrero'y laging dehado
pagkat wala silang kasiguruhan sa trabaho
pag natapos ang kontrata, obrero’y maghahanap
saan magtatrabaho upang tupdin ang pangarap
minsan lang may trabaho, bukas ay di mahagilap
buhay nila'y di tiyak, nalalambungan ng ulap
nililimitahan pa nitong kontraktwalisasyon
na karapatang obrero'y ipagtanggol ng unyon
binaba ang kalidad ng benepisyo't proteksyon
at pinapatay ng kontraktwalisasyon ang unyon
silang mga anti-pork barrel, pusong makamasa
ngunit pagdating sa manggagawa, nasaan sila?
elitistang anti-pork barrel, ating kakampi ba?
kung sila'y anti-manggagawa, pro-kapitalista?
aba'y iba kasi ang uri nilang pinagmulan
bagamat seryoso silang makatulong sa bayan
hinggil sa obrero'y dapat silang paliwanagan
na di sapat mapalitan lang ang nanunungkulan
dapat matanto nilang ang pag-aaring pribado
ng mga gamit sa produksyon ang sanhi ng gulo
na ito'y pawiin, itatag ang lipunang bago
sistemang para sa lahat, lipunang makatao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento